Followers
Saturday, June 18, 2022
Mahinahon
"Kuya, excuse me," sabi ng babaeng may kasamang batang lalaki sa tabi ng kalsada. Mahinahon ang boses nito.
"Bakit po?" tanong ni Lance kahit nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae.
"Puwede po bang makahingi ng pandagdag sa pamasahe? Malayo pa kasi ang uuwian namin."
Nagbigay si Lance ng beynte. Nagpasalamat ang babae. Nalungkot naman siya dahil maliit na halaga lamang ang inabot niya. Gayunpaman, naisip niyang makaiipon at makabubuo naman ang dalawa ng sapat na halaga mula sa iba't ibang taong nagdaraan.
Dumaan ang pandemya.
"Kuya, excuse me," sabi ng babaeng may kasamang binatilyo. Nasa madilim na bahagi sila ng kalye.
Nakaramdam ng kaba si Lance. Agad niyang nahulaan ang pakay ng babae, kaya nagmamadali siyang makalayo. May mga dala pa naman siyang mga regalo at premyo dahil galing siya sa dalawang magkasunod na Christmas party.
May pandemya pa rin. Lumipas lang ang mga buwan.
Lunes ng umaga, nagmamadali si Lance sa pagpasok sa opisina.
"Kuya, excuse me," sabi ng babae, na may kasamang batang babae sa labas ng integrated terminal. Mahinahon ang boses nito.
Nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae, kaya hindi niya pinansin ang mga ito.
Martes ng umaga, nagmamadali si Lance sa pagpasok sa opisina.
"Kuya, excuse me," sabi ng aleng may kasamang ale sa labas ng integrated terminal. Mahinahon ang boses nito.
Nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae, kaya tiningnan niya nang patagilid ang mga ito, saka siya dumiretso. Pabulong-bulong pa siya, na parang takureng nag-aalburuto.
Miyerkoles ng umaga, nagmamadali si Lance sa pagpasok sa opisina.
"Kuya, excuse me," sabi ng babaeng may kasamang batang lalaki sa labas ng integrated terminal. Mahinahon ang boses nito.
Nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae, kaya hindi niya pinansin ang mga ito. Tumigil naman siya at pumuwesto sa malayo, kung saan tanaw pa rin niya ang dalawa. At nakita niyang may hinihingian ulit ang mga ito.
Huwebes ng umaga, nagmamadali si Lance sa pagpasok sa opisina.
"Kuya, excuse me," sabi ng isa sa dalawang babae sa labas ng integrated terminal. Mahinahon ang boses nito.
Nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae, kaya paglampas niya nang kaunti, binigyan niya ang mga ito ng dirty fingers.
Bjyernes ng hapon, nagmamadali si Lance sa pag-uwi.
"Kuya, excuse me," sabi ng matabang ale, na may kasamang ale sa labas ng integrated terminal. Mahinahon ang boses nito.
Nahulaan na agad niya ang pakay ng pagtawag ng babae, kaya hinarap niya ang mga ito. "Hay, naku! Magtrabaho kayo!' sabi niya at agad na tinalikuran ang mga manloloko.
"May itatanong lang naman ako," pahabol na sagot ng matabang babae. Mahinahon pa rin ito.
Subscribe to:
Posts (Atom)
Tibok ng Puso (Dula)
Tibok ng Puso Mga Tauhan: *Lydia *Brad Tagpuan: * Sa isang pamantasan Eksena 1: Labas. Sa mapunong...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...