Lahat tayo ay gumamit ng lapis. Sino ba ang hindi?
Marahil ang hindi nakaranas mag-aral. Ngunit, halos lahat sa atin ay nagkalapis, nagtasa ng lapis, nagpalit ng lapis, kinagat ang lapis, nanakawan ng lapis, nakabali ng lapis, nagsulat at gumuhit gamit ang lapis at nag-aksaya ng lapis. At, lahat halos ng ating lapis ay may pambura. Lahat tayo ay nagkaroon ng pambura, nagbura, naubusan ng pambura, nanghiram sa katabi ng pambura. Lahat ay nagbura gamit ang daliri at laway. May nagnakaw pa nga ng pambura.
Anumang brand ng lapis ang ginamit natin ay hindi mahalaga. Ang mahalaga, gumamit tayo ng lapis. Huwag din nating kalimutang ayaw natin ang lapis na walang pambura.
------
Malaki ang utang na loob natin sa lapis.
Kung iisipin, dahil sa lapis, natuto tayong magbasa. Mas nauna tayong tinuruang humawak ng lapis kesa humawak at magbasa ng libro. Tama ba ako? Sino ba ang unang natutong magbasa kaysa magsulat? At sino ang hindi gumamit ng lapis?
Kung isa ka sa mga iyon..hindi normal ang kabataan mo. Hindi mo kasi naranasan at natikman ang buhay-lapis, sapagkat ang lapis ay inihahalintulad sa buhay. Samantalang ang pambura ay mayroon ding papel na ginagampanan bilang kaibigan ng lapis.
Samakatuwid, ang lapis ay isang napakahalagang instrumento sa pagkatuto hindi lang sa akademiko kundi sa tunay na buhay... kung bibigyan mo lang ng malalim na interpretasyon ang halaga ng lapis.
--------
Marami akong alaala sa lapis. Dahilan ito upang maging kolektor ako nito.
Nakakatawa, pero totoo. Nangungulekta ako ng mga lapis. Hindi ako tulad ng kolektor ng mga mamahaling bagay. Sa katunayan, wala akong ginagastos sa aking koleksiyon. Simple lang! Sa pagpulot ng bawat lapis na naiwan, o nahulog o tinapon ng bawat mag-aaral ay nakakaipon ako ng samu't saring uri ng lapis. May mahaba pa. May maiksi na. May pangalan ng may-ari. May magandang tasa. May pudpod at walang tasa. May pudpod na ngunit may pambura pa. May kinagat-kagat. May tinalupan. May putol o bakli. May pambabae. May pambata. May pang-arkitekto at pang-inhinyero. May mumurahin. May pang-mayaman. May itim. May pula. May mataba.
Iba't ibang uri na nga ang aking koleksyon..
Nakakatuwa! Para silang tao. Iba't iba ang katangian at ugali. Para silang mag-aaral, na may kanya-kanyang kuwento at pinagdaanan sa buhay. Ang sarap nilang pagmasdan, kilalanin, pag-aralan...at mahalin!
Totoo ngang ang bawat isa sa atin ay lapis na may kanya-kanyang halaga.
--------
Ang tao ay parang lapis. Ang buhay ng tao ay parang lapis.
Kung paano hinahawakan ng tao ang kanyang lapis ay gayundin niya pinahahalagahan ang buhay. Kung ang gumagamit ng lapis ay burara, siya ay walang pagpapahalaga sa magandang buhay o kinabukasan. Kabaligtaran naman ito ng taong maingat. Kung ang isang tao ay madalas magkamali sa buhay, tingnan mo ang kanyang lapis. Ito ay maiksi at may pudpod o halos wala ng pambura.
Gayunpaman, hindi mahalaga kung paano ginagamit ng tao ang kanyang lapis. Ang mahalaga ay kung anong aral ang natamo niya sa paggamit ng lapis. Tulad sa buhay, hindi naman tinitingnan ang yaman ng isang tao upang maging matagumpay sa edukasyon at pamumuhay. Ang mahalaga ay kung paano niya pinahalagahan ang buhay at kung gaano siya nagsikap upang makamit ang pangarap.
Ang lapis, gaano man kahaba, ay mapupudpod, minsan pa nga ay mababali. Kawangis ito ng buhay, na may katapusan. Kaya bago pa mapudpod ang ating lapis, sumulat o gumuhit na tayo ng magandang letra o pigura upang bago man lamang nito mapudpod ay nagawa natin ang ating nais, gaano man tayo kadalas nagkamali at nagbura.
--------
Mura lang ang lapis. Matagal mapudpod kaya hindi tayo bili nang bili. Kung maubos man agad, kagyat din naman tayong makakabili. Ngunit, sa pamilyang hikahos, mabigat ito sa bulsa. Para sa kanila, ito ay kasinghalaga ng kasuotan.
Oo! Kasinghalaga ng damit o sapatos. Hindi kinakailangang araw-araw ay bago. Tulad ko, bilang mag-aaral noon. Bihira lang ako magpabili ng lapis. Hindi ko naman tinitipid ang pagsulat, kundi iniingatan ko ang aking lapis. Hindi ko winawala. Hindi ko tinatasahan nang tinatasahan. Pinupulot ko rin ang mga itinapong maliit na lapis upang magamit ko sa oras ng pangangailangan. Ganyan ako magpahalaga ng lapis. Kaya nga marahil, ganito ko na lang din pinahalagahan ang maliliit na bagay, pati na rin ang mga taong akala ng iba na kawangis ng lapis na ibinabasura.
Palibhasa, namulat ako sa kahirapan ay nasanay akong magtipid at magtiyaga sa konting bagay na mayroon kami. Hindi ako naghangad ng mamahaling lapis, magnetic pencil case, mababangong eraser at iba't ibang hugis ng pantasa. Tama na sa akin ang iisang lapis na may tasa at nakakasulat.
Ang mahalaga sa akin ay may naisulat ako sa papel ng buhay. Aanhin ko naman ang maraming lapis kung hindi ko naman ipinapansulat? Aanhin ko ang mamahaling lapis kung ang kalidad naman ng aking sinulat ay kapresyo ng basahan?
Mura lang ang lapis, ngunit kapag nagamit ng tama at mabuti, ang marka nito sa ating buhay ay nagbibigay ng mahal at mahalagang bunga.
---------
Sabi sa quotation: "Pencils are made with erasers to give you a second chance. But eraser on pencils are made small to tell people that chances are limited."
Totoo naman, e. Hindi tayo maaaring magkamali na lang nang magkamali. Kailangan nating gumawa ng tama, hindi man perpekto, upang hindi tayo magsisisi sa bandang huli. Naiiwasan naman ang pagkakaroon ng mali sa pamamagitan ng pag-iingat at pag-iisip bago sumulat o kumilos. Sa ganitong paraan, mapapatagal natin ang buhay ng parehong lapis at pambura.
Gayunpaman, hindi sinasabi ng kasabihang ito na mapanatili nating mahaba ang ating pambura. Wala naman kasing perpektong tao. Gaano man kaingat ang isang tao ay magkakamali pa rin at gagamit ng pambura. Hindi naman mahalaga na nagkakamali tayo. Ang mahalaga ay alam nating magbura, dahil ang pagbura ay simbolo ng pagsisisi at pagbabago.
Kung ang bawat lapis at may pambura, limitado man o hindi, ang tao naman ay binigyan ng kakayahang mag-isip at baguhin ang dikta ng puso tungo sa ikakabuti ng mas nakakarami. Ang bawat isa ay may kakayahang kamtin ang magandang buhay.
Kaya nga huwag tayong matakot na magkamali. Mas matakot tayo kapag hindi tayo marunong magsulat ng magandang buhay o magbura ng mga kamalian.
---------
Namamana rin pala ang pagkahilig sa lapis.
Ang limang taong gulang kong anak, na nag-aaral sa Kinder, ay tila namana sa akin ang pagkahilig sa lapis. Isang gabi kasi, nakita ko ang laman ng bag niya. Andami niyang lapis na iba't iba ang tatak, haba at kulay. Hindi iyon ang mga lapis na binili ko sa kanya. Dalawa lamang kasi ang ipinadadala ko sa school.
Alam kong napupulot niya ang mga iyon, gaya ng ginagawa ko noong bata pa ako. Hindi na ako nagalit. Natuwa nga ako. Hindi naman siya nagkukulang sa lapis. Marami pa nga siyang reserba. Labis lang talaga ang pagpapahalaga niya sa bagay na ito. Sa murang isip niya, batid na niya ang halaga nito sa pag-aaral, samantalang ang ibang bata ay hindi man lang ito naiisip.
Hindi lang lapis ang nasa bag niya. Pati pala mga putol-putol na krayola ay iniipon niya. Kaya pala, pati mga karton ng sabon o ano pang pwedeng paglagyan ng lapis at pangkulay, ay hinihingi niya sa akin. Huwag ko daw itatapon. Doon niya pala iniipon.
Naawa lang ako, dahil sa sobrang dami nito ay baka makuba siya sa kadadala ng bag na puno ng mga lapis at crayons. Kaya, ang sabi ko'y iwanan na lamang niya ang iba. Natawa pa ako sa sagot niya. "Huwag na. Paano kung wala na akong maipansulat? O?" Hindi ako nakasagot. Alam ko na. Hindi matatawaran ang hilig niya sa lapis.
No wonder. Namamana nga ang pangungulekta ng lapis.
may karugtong..
No comments:
Post a Comment