Sina Passerine at
Siloy
Mahilig umawit ang magkaibigang
sina Passerine at Siloy. Pakanta-kanta sila habang naghahanap ng pagkain.
Si Passerine na isang maliit na
ibon at may makulay na balahibo. Itim ang ulo at balikat niya. Pula ang dibdib
niya. May asul at puti naman sa ilalim ng buntot at tiyan.
Si Siloy naman ay halos itim ang
buong katawan, maliban sa bahagyang puting marka sa kaniyang balakang o buntot.
Pero higit na mas malaki siya kaysa kay Passerine.
Magkaiba man ang kulay ng kanilang
mga balahibo, magkatulad naman sila ng misyon— ang pangalagaan ang mga kagubatan sa Cebu.
Si Passerine ang nagpaparami ng mga
halaman at puno. Siya ang mahusay sa polinasyon. Lumilipad siya papunta sa
bulaklak para kumain ng nektar o maliit na prutas. Habang kumakain, dinidikit
niya sa tuka, ulo, at balahibo ang mga pulbos ng bulaklak. Kapag lumipat siya
sa ibang bulaklak, naipapasa niya ang mga pulbos, na nagreresulta sa pagkabuo
ng bunga at buto ng halaman.
Si Siloy naman ang nangangalaga sa
paglago ng mga halaman at puno sa kagubatan. Mahusay siya sa pagkontrol ng
pesteng insekto. Ginagawa niyang pagkain ang mga ito. Mas marami siyang
makakain, mas malaki ang pag-asang lumaki, mamunga, at dumami ang mga halaman
at puno.
Isang araw, habang namamahinga at
umaawit ang magkaibigan, nakarinig sila ng malakas na pagsabog. Agad nilang
hinanap iyon upang alamin ang nangyari.
Sa di-kalayuan, nakita nila ang mga
dambuhalang makinarya. Winasak ng mga ito ang malaking bahagi ng kagubatan.
“Ano’ng gagawin natin, Siloy? Sinisira
nila ang tirahan nating mga hayop,” tanong ni Passerine.
“Wala na tayong magagawa. Mga
makinarya at tao ang kalaban natin,” tugon ni Siloy.
“May magagawa tayo. May boses
tayo.”
“Ano? Aawitan natin sila para
tumigil?” natatawang tanong ni Siloy.
“Hindi.” Naiinis na lumipad si
Passerine. “Sumunod ka sa akin.”
Tahimik na sumunod si Siloy kay
Passerine hanggang sa marating nila ang santuwaryo ng mga ibon.
“Mag-iingat kayo! Minimina nila ang
tahanan natin,” ilang beses na babala ni Passerine.
Nataranta ang mga kapuwa-ibon.
“Ano’ng gagawin natin?” tanong ng mga ito.
“Bumaba kayo sa kapatagan.
Ipagbigay-alam ninyo sa mga kinauukulan ang masamang gawain nila sa lugar
natin. Dali!” utos ni Passerine.
Agad na naunawaan at nagsitalima
ang iba-ibang uri ng ibon.
“Mag-iingat kayo,” pahabol ni
Siloy.
Napadapo sa sanga ng malaking puno
ng molave sina Passerine at Siloy.
“Magagawa kaya nila ang utos mo?”
tanong ni Siloy.
“Oo. May magagawa tayong lahat,”
sabi ni Passerine saka lumipad.
Tinipon ng magkaibigan ang mga hayop.
At sa pamamagitan ng kanilang pag-awit, naipahayag nila ang kanilang plano.
“Tumindig tayo, mga kaibigan.
Halina’t magkaisa’t iligtas ang ating kagubatan. Ipakita ang lakas ng boses ng
pagkakaisa. Sabay-sabay nating ipaalam sa mga tao ang tamang gawa!” sabay na
awit ng magkaibigan.
Nakiawit na rin ang iba pang mga
hayop bago kumilos ang mga ito.
Mabilis na nakarating sa minahan
ang ibang mga hayop. Isa-isa nilang sinalakay ang mga minero. Nanuklaw ang mga
ahas. Nanuwag ang mga usa. Nangagat ang mga bayawak. Nanuka ang mga ibon.
Ilang saglit pa ang lumipas,
nagtakbuhan palayo ang mga tao. Iniwan ng mga ito ang kani-kanilang makinarya.
“Tumindig tayo, mga kaibigan.
Halina’t magkaisa’t iligtas ang ating kagubatan. Ipakita ang lakas ng boses ng pagkakaisa.
Sabay-sabay nating ipaalam sa mga tao ang tamang gawa!” muling awit ng mga ibon
at hayop nang nagawa nilang palayasin sa gubat ang mga tao.