Si Baltog
Noong unang
panahon, may isang maginoo at makisig na binata—si Baltog. Anak siya ng datu sa
tribu ng Botaera
“Anak, pagod at gutom na ang mga kawal
natin. Ayaw na nilang makipagdigma laban sa mga hayop na sumisira sa ating
pananim, at kumikitil sa mga alaga nating hayop,” salaysay ng ama. “Namamatay
na ang mga tao dahil sa gutom. Hindi na sasapat pa ang
ating imbak para sa susunod na anihan. Paunti nang paunti ang mga alaga
nating hayop araw-araw.”
“Ama, hikayatin
natin silang lumaban,” ani Baltog.
“Ginawa ko na
iyan, Baltog, subalit mas nais nilang magkaroon ng payapa at masaganang buhay.
Kaya ang iba’y umalis na rito sa Botaera upang mandarayuhan sa ibang lugar. Kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon, mauubos ang ating
angkan dahil sa gutom.”
“Ano ang
nais mong gawin ko, Ama?” tanong ni Baltog.
Tumingin si Handiong kay Baltog, saka
ipinatong ang kamay sa balikat ng anak. “Humanap ka ng isang pamayanan kung
saan makapapamuhay tayo nang panatag, payapa, at masagana.”
Hindi kaagad
nakasagot si Baltog. Iginala muna niya ang paningin sa paligid. Nakita niya ang
mga tao sa kalunos-lunos na kalagayan. Naawa siya sa mga nasasakupan, lalo na
sa mga bata, na nagugutom at nanghihina.
“Anak, bata ka
pa, malakas at matapang, kaya iniaatang ko sa iyong balikat ang tungkuling ito.
Labis ang tiwala kong magagawa mo ito para sa akin, sa
ating pamilya, at sa ating mga mamamayan.”
“Ngayon din, Ama, ay maglalayag
ako upang isakatuparan ang iyong hiling,” buong tapang na pangako ni
Baltog.
Ibinigay ng datu
ang basbas kay Baltog bago siya ng naglayag nang gabing iyon. Punong-puno naman ng pag-asa ang mamamayan sa kaniyang
tagumpay.
Sakay ng isang
maliit na bangka, naglayag si Baltog patungong Kabikulan. Ibinatay niya ang
kaniyang desisyon sa mga narinig niyang kuwento tungkol sa lugar na iyon. Naisip niyang humahanap doon ng isang bakanteng lupain
upang tirhan at pagyamanin habambuhay.
Sa paglalayag ni Baltog sa malawak na karagatan, sinalubong siya ng
malakas na hangin. Sinagupa rin siya ng malalaking alon, na naging
dahilan upang masira ang kaniyang bangka. Kinailangan niyang lumangoy upang
iligtas ang sarili. Muntikan na siyang malunod dahil sa pagod, layo, at galit
ng kalikasan. Subalit sinikap niyang makarating sa dalampasigan para sa misyon.
Maliwanag na nang matagumpay niyang
nalampasan ang hampas ng mga alon. Wala siyang sinayang na sandali. Agad niyang sinimulan ang paggagalugad sa niyang
Kabikulan. Umabot siya sa lupain ng Aslon at
Inalon, na sumasakop sa kapatagan. Nakapaligid ang mga lupaing ito sa mga
bundok ng Asog, Masaragam, Isarog, at Lignion. At sa wakas, natagpuan niya ang
Ibalon.
“Isa itong paraiso para sa aking pamilya at sa mga mamamayan.” Sinuri niya ang
lupa. “Mataba at maganda itong pagtamnan ng mga halamang-ugat, palay, at mga
gulay. Mainam din mag-alaga ng mga hayop dito. Para
itong lupain ng mga gatas at pulot. Nais ko ang lupaing ito!” sabi ni
Baltog sa sarili.
Lingid sa
kaalaman ni Bantog, na sa paligid ng Ibalon ay nananahan ang ilang buwayang may
pakpak, mga baboy ramong kasinglaki ng elepante, at isang sawa, na may ulo ng
isang babae.
“Lapastangang
nilalang, sino ka?” pasigaw na tanong ng babaeng ahas.
“Ako si Baltog. Galing ako sa isang lupain sa Samar. Narito
ako upang maghanap ng matitirhan para sa aking mamamayan.”
“Hindi maaari!
Amin ang lugar na ito.”
‘’Bakit hindi?
Sino ka ba upang pagbawalan ako?” Nakaakma na ang kaniyang espada.
“Ako si Oriol.
Ako ang reyna sa lugar na ito. Lumayas ka, kundi mapapahamak ka lamang.”
Mabilis itong gumapang patungo sa kaniya.
Sa kagustuhan
niyang manirahan sa Ibalon, hindi siya nagpatinag sa pag-atake ni Oriol. Gamit ang kaniyang espada at lakas, nasugatan niya ang
katawan ng ahas, kaya gumapang ito palayo.
Walang ano-ano’y
dumating ang tatlong lumilipad na buwaya. Mabilis niyang natusok sa tiyan ang
isa, kaya bumagsak ito. Isinunod niya ang isa. Natagpas naman niya ang isang
pakpak ng buwaya, na ikinasawi nito.
Hindi pa
nagtatagal, dumaluyong patungo kay Baltog ang mga baboy ramo. Maingat at
mabilis niyang nasakyan ang isa. Mula roon, natagpas niya ang leeg ng ilang
baboy ramo na sumusugod sa kaniya. Pagkatapos, ibinaon niya ang kaniyang espada
sa batok ng baboy ramong sinakyan niya, bago siya bumaba para harapin ang
natitirang isa.
Nang napatay
niya ang kahuli-hulihang baboy ramo, hinarap niya ang sugatang ahas. “Ngayon,
sabihin mo sa akin na hindi ako puwedeng manirahan sa lugar na ito.”
Sa takot ng babaeng
ahas, tumakas ito, at humanap ng ibang matitirahan.
Bumalik si
Baltog sa kanilang pamayanan upang ibalita sa ama ang tungkol sa Ibalon. Wala
silang inaksayang oras.
Nilisan ni
Baltog, ang kaniyang ama, at ang lahat ng mga mamamayan ang Samar, at naglayag
patungong Ibalon, na kanilang bagong pamayanan.
Doon, tinuruan
ng mag-ama ang mga mamamayan ng ilang kasanayan upang magkaroon ng kabuhayan.
Hindi lumaon, gumanda ang kanilang pamumuhay. Tinamnan nila ang mga lupain at
nagkaroon ng masaganang ani. Simula noon, naging alaala na lamang nila ang
gutom sa nakaraan.
Ngunit, isang gabi,
sinalakay ni Tandayag ang taniman ng gabi. Si Tandayag ay isang dambuhalang
baboy ramong nanggaling sa bundok ng Lingyon. Kinain at sinira nito ang
kanilang mga pananim.
Hinanap ni Baltog si
Tandayag. Dahil sa tapang at lakas niya, tinalo niya dambuhalang baboy ramo.
Isinabit niya ang dalawang panga nito sa puno ng talisay sa harap ng kaniyang
bahay sa Tondol.
Nang napadaan ang
ilang mangangaso mula sa Asog at Panicuason, nakita nila ang mga panga ni
Tandayag. Dahil simbolo iyon ng katapangan, kinilala si Baltog bilang datu.
Maayos at matalino niyang pinamunuan ang Ibalon.
No comments:
Post a Comment