Naalimpungatan si Elias sa mga pamilyar na boses, kaya napabangon na siya. Sumungaw siya sa maliit na bintana, at nakita niya ang kaniyang kaibigang si Matt. Nakabalot ito sa kumot habang kalong-kalong ng ama nito.
“Ilang araw
na po siyang giniginaw,” sabi ni Tia Carmela, ang ina ni Matt habang kausap si
Lolo Leo. “Hindi naman po siya mainit, pero alam kong nilalagnat siya.”
Hinipo ni Lolo
Leo ang noo at leeg ni Matt, na noon ay lalong nanginig ang katawan. “Saan ka
ba nagsusuot, bata ka?”
“Ewan ko ba
sa batang ito-- masyadong matigas ang ulo. Palagi naming sinasabi sa kanya na may
mga tawong lipod, kaya dapat nag-iingat palagi, at huwag gala nang gala,”
paliwanag ni Tio Augusto, ang ama ni Matt. “Hayan si Elias… Palagi silang
magkakasama.” Itinuro pa siya nito.
Ikinagitla
iyon ni Elias, pero ngumiti at kumamot lang siya sa ulo. Kasunod ang pagsampa sa
bintana ni Diego—ang alaga niyang itim na pusa.
Napatingin
sa kaniya sina Lolo Leo at Tia Carmela.
“O, Elias,
gising ka na pala. Baba na’t santigwaran natin si Matt,” sabi ng lolo.
Kinarga
niya si Diego, saka pumanaog. “Matt, magpagaling ka na. Maliligo pa tayo sa
ilog,” sabi niya.
Umingit
lang si Matt at tiningnan lang siya nito.
Kusang
bumaba si Diego, saka pumuwesto ito sa bakanteng upuang kawayan.
Pagkatapos
magmumog ni Matt, kinuha na niya ang platong lusa, kandila, posporo, at lana na
gagamitin ni Lolo Leo sa santigwar.
“Salamat,
Elias!” sabi ni Lolo Leo. Pagkatapos, sinindihan na nito ang kandila.
Kinalong ni
Elias si Diego upang tahimik na magmasid sa gagawin ni Lolo Leo.
Pagkatapos
mag-antanda ni Lolo Leo, tila naglagay naman ito ng krus sa noo ni Matt. Saka
umusal ito ng dasal. “In nomine Filii, Patris, et Spiritus, da mihi
facultatem cognoscendi causam morbi eius. Amen.”
Kabisado na
iyon ni Elias, kaya kahit sa isip niya ay nasusundan niya iyon.
Inihanda
naman ni Lolo Leo ang plato. Nilagyan niya ito ng lana, na mula sa langis ng
niyog, na nilgyan ng mga iba’t ibang uri ng dahon at ugat ng puno at halaman. Kumuhit
siya ng langis na nasa plato, at gumawa roon ng simbolo ng krus. Ang una ay
isang malaking krus. Pagkatapos ay apat na maliliit na krus.
Kabisado na
iyon ni Elias. Alam na alam na niya kung paano iyon gagawin, kahit nakapikit pa
siya.
Pumikit nga
si Elias, at tahimik na inusal niya ang kasunod na dasal, kasabay ng pag-usal
ni Lolo Leo. “Deus omnipotens, demonstra mihi in hac lamina rem, animal,
locum, vel personam quae morbum filii tui causavit.” Alam niyang
idinadarang na nito ang plato sa sindi ng kandila.
Nang
dumilat siya, tapos na rin ng kaniyang lolo ang pagdadarang. Agad siyang
lumapit sa may likuran nito upang masipat ang pigurang nabuo sa plato.
“Nagambala
mo ang ungmanan, na naninirahan sa malaking punong may kakaibang hugis,” sabi
ni Lolo Leo.
“Iyan nga!”
bulalas ni Elias nang magtugma ang kanilang interpretasyon. Natakpan niya ang
kaniyang bibig pagkasabi nito.
“Dyosmiyo!
Saan `yan, Elias?” tanong ni Tia Carmela.
Tiningnan muna
ni Elias ang kaniyang lolo bilang paghingi ng permisong magsalita.
“Saan ito,
Elias?” tanong nito.
“Sa may Kadauangan
po.”
“Anong
ginawa niyo roon, Elias?” tanong uli ng nanay ni Matt.
“Naghahanap
po kami ng gagamba, `tapos nakarating po kami roon.”
“Iyan nga
ang sinasabi ko sa inyo, e… Huwag kayong masyadong lalayo sa baryo natin. Maraming
elemento sa paligid natin ang hindi natin nakikita,” sabi naman ng ama ni Matt.
“Para po
kasing naligaw kami, kaya nakarating kami roon. At nang makita nga iyon ni
Matt, pinagtawanan pa niya kasi may… parang… parang pangit na mukha ng tao ang
nakadikit sa puno na iyon. Nakanganga na… ewan. `Tapos po… inihian po ni Matt.”
“Dyosmiyo
kang bata ka, Matt. Hindi ka man lang nagtabi-tabi po.” Lalong nahapis ang
mukha ng ina.
“Ano na po
ang gagawin natin ngayon, Lolo Leo?” nangangambang tanong ng ama ni Matt.
Bago
sumagot ang parasantiguar, bahagyang hinila palapit sa tabi nito si
Elias. “Sasamahan ka ni Elias sa lugar na iyon.”
“Po? Lolo
Leo, bakit po ako?” alma niya.
“Mahina na
ang mga tuhod ko, apo… Gustuhin ko man, hindi na kakayanin. Kaya mo ba akong
pasanin?” biro pa nito.
“Si Lolo
naman, e.” Napakamot siya sa ulo. “Ano pong gagawin doon?”
Nang
napangiti si Lolo Leo, sumilay ang matitibay na ngipin nito, na pinaiitim ng nganga
na lagi nitong nginunguya.
Isinagawa ni
Lolo Leo ang isa pang ritwal kay Matt, gamit ang mga dahon, lana, at kamangyan
habang nag-aalmusal si Elias ng nilagang kamote at kapeng bigas. Pinakuha rin
nito si Tio Augusto ng native na manok.
Pagdating
ni Tio Augusto, naihanda na rin ni Elias ang iba pa nilang dadalhin sa
Kadauangan.
“Hello po!”
masiglang bati ni Jasper sa lahat pagbungad nito.
“O, sasama
ka?” nakangiting tanong ni Elias.
“Siyempre.
Sayang hindi puwedeng sumama si Matt.”
“Pero
kasama naman natin ang papa niya.”
“Tama!”
Nakipag-hand shake pa si Elias kay Jasper.
Halata sa
mga mukha nina Lolo Leo, Tia Carmela, at Tio Augusto ang pagkamangha dahil iba at
mahaba ang handshake nila. Parang ritwal din.
“Ayos! Sige
na, lumarga na kayo,” untag ni Lolo Leo sa tatlo.
“Matt, gagaling
ka na,” aniya sa kaibigan, na noon ay nakangiti na at hindi na masyadong nanginginig.
“Oo nga!
Para makapaglaro na ulit tayo,” dagdag pa ni Jasper.
“Naku! Bawal
na kayong sumuot kung saan-saang kakahuyan at kabundukan, ha? Last na
`to. Kundi lang kailangan, hindi kayo babalik sa Kadauangan,” sabi naman ng ina
ni Matt.
Habang
palabas na sina Tio Augusto at Jasper, nag-meow si Diego, kaya napansin ito ni Elias.
“Ano? Sasama ka?”
“Meow!”
“Naku,
hindi puwede. Malayo `yon.”
“Sige na,
larga na.” Bahagyang hinila na siya ni Lolo Leo palabas.
Napakamot
sa ulo si Elias. Noon lamang niya naramdaman ang kabog sa dibdib niya. “Lolo,
kaya ko bang gawin iyon?”
“Oo naman.
Maaram ka na. Bilib ako sa kakayahan mo.” Tinapik-tapik pa ng lolo ang balikat
ng apo. “Kaya nga sinasanay na kita dahil ikaw ang susunod na parabulong dito
sa Sitio Burabod.
“Lolo
naman, e… Ang bata-bata ko pa po.”
“E, ano
naman? Wala sa edad ang panggagamot—kundi nasa kakayahan, nasa puso.” Itinuro
pa ni Lolo Leo ang kaliwang dibdib niya, kasunod ang pagngiti nito. Sumilay ang
maiitim na ngipin nito.
No comments:
Post a Comment