"Maghapon
ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo!
Tumigil ka nga sa pag-aaral, ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka
ba?" litanya ng tatay niya na kagagaling lamang sa trabaho.
Hindi
siya umimik. Nakatingin lamang siya sa kanyang ama. Kasalukuyang hawak niya ang
soldering iron at lead. Kabisado na niya ang mga linyang iyon. Ilang buwan na
rin naman niyang napapakinggan ang mga salitang iyon. Wala na nga siyang
marinig na papuri mula sa kanyang ama. Ni hindi man lang siya tanungin kung
para saan ang ginagawa niya o kung bakit ayaw niyang magtrabaho o mag-aral.
Pinangmasdan
ni Mang Berto sa loob ng kanyang kuwarto. "Ginawa mo nang laboratory itong
kuwarto. Baliw ka ba? Andami mong abubot dito. Paano kung magkasunog dito? Ano
ka ba, Martin, dise-nuwebe ka na!? Gamitin mo namang 'yang tuktok mo!"
Idinuro pa ng ama ang hintuturo sa kanyang sintido, bago tuluyang lumabas sa
kanyang kuwarto. Ibinagsak pa niya ang pinto, dahilan upang mahulog ang
naka-frame na sertipiko at medalya.
Nabasag
ang salamin ng frame ng certificate of recognition ni Martin. Maingat niyang
dinampot ang medalya at sertipiko. Naiwan ang mga bubog sa sahig.
Pinagmasdan
niya ang mga karangalang natanggap niya, noong nagtapos siya sa mataas na
paaralan. Siya ang "Scientist of the Year" noon sa batch niya.
Naalala
niya ang araw na tinanggap niya ang pinakamataas na award na nakamit niya mula
nang mag-aral siya.
"Congratulations,
Martin!" bati sa kanya ni Ginoong Salagumbay, pagkababa nila sa entablado.
"Salamat
din mo, Sir! Salamat sa pagiging mahusay na trainer at teacher sa akin."
"Mahusay
ka. May talento. Ipagpatuloy mo lang 'yan. Alam kong kaya mong marating ang
lugar na naisin mo..." Tinapik pa siya ng guro sa balikat. "...kahit
sa Mars." Isang matamis na ngiti ang iginawad ni Mr. Salagumbay kay Martin
bago sila naghiwalay.
Muli
niyang isinabit sa pako ang frame na walang nang salamin at ang medalya.
Nakahanay doon ang isa pang frame. Kinuha niya ito.
Muli
siyang pinanghinaan ng loob. Tila binabayo ang kanyang puso. Pakiwari niya'y
palapit na nang palapit ang kanyang kamatayan. Isang buwan na lang kasi ay
bibiyahe na siya patungong Mars.
Hindi
niya maintindihan ang sarili niya. Nung una'y isang tagumpay ang turing niya sa
kontratang pinirmahan niya sa isang pribadong kompanya. Para kasi sa kanya
tinupad nila ang pangarap niyang maka-landing sa Mars. Subalit, pagkatapos ng
dalawang linggo, nahintatakutan siya. Sasayangin niya ang kanyang buhay para
lamang sa isang pangarap.
"We
are giving you one month to decide. This contract will be void, if you change
your mind." Narinig niya sa kanyang isip ang mga katagang iyon mula sa CEO
ng CVC, Inc.. "Let's meet again, one week before your travel to Mars for
the signing of check, worth one million dollars. Good luck!"
Nang
pahirin niya ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi, saka lamang niya
napansing nasugatan pala ang daliri niya. Humapdi ito nang maghalo ang dugo at
luha niya.
Tumungo
siya sa lababo at naghugas. Naggagayat ng sibuyas ang kanyang ina.
"Maghapon
ka sa kuwarto mo, 'nak. Di ka nagmeryenda," malambing na bati sa kanya ng
ina.
"Hindi
na po. Busog pa po ako..."
"Ano
'yang nangyari sa daliri mo?" Napansin pa rin ng ina, kahit maluha-luha
ito sa sibuyas.
"Wala
po."
"Hay,
naku, Martin! Halika ka nga dito. Masyado kang malihim at tahimik nitong mga
nakaraang araw. May problema ka ba?'' Lumapit na ang ina sa anak. "O, may
sugat ka, e. Anong nangyari?"
"Nahiwa
po ng papel... Huwag na po kayong mag-alala. Okay lang po ako." Binawi
niya ang daliri mula sa kamay ng ina.
"Umupo
ka nga muna dito, anak." Inurong ni Aling Martha ang upuang kahoy para kay
Martin. "Matagal-tagal na ring hindi tayo nagkukuwentuhan, 'nak."
Bumalik na rin sa kinauupuan ang ina, ngunit tinigilan na ang ginagawa.
"Galit ka ba sa amin ng tatay mo?"
"Wala
po akong karapatang magalit sa inyo, Ma..."
"Pasensiya
ka na sa Papa mo. Alam mo naman... kayod-kalabaw siya para lang mapag-aral niya
ang mga kapatid mo at mapakain niya tayo. Kung anuman ang naririnig mo sa kanya."
"Ma...
kagustuhan ko naman pong tumigil sa pag-aaral. Pasensiya na po kayo kung hindi
po ako makatulong sa pinansiyal." Gusto niyang ituloy ang pagluha niya sa
mga sandaling iyon, kaya kinuha niya ang chopping board, kutsilyo at sibuyas sa
harap ng kanyang ina at sinimualn niyang hiwain. Ilang segundo lang,
maluha-luha na siya. "Ma, kung sakali mang mawala ako sa mundong ito...
huwag po kayong mag-alala, may iiwanan ako para sa inyo, nina Papa, at ng mga
kapatid ko."
"Martin!
Ano bang pinagsasabi mo?!'' Tumindig agad ang ina niya upang yakapin siya.
"Anak naman... huwag mong sasabihin 'yan. Hindi iyan ang solusyon sa
kahirapan ng buhay."
"Mauunawaan
mo rin ako, Ma..."
"Hindi!
Hindi kita mauunawaan. Ayoko! Ayokong gumaganyan ka, anak..."
Hindi
na kumibo si Martin. Nagsidatingan na rin kasi ang mga kapatid niya mula sa
paaralan. Tahimik siyang pumasok sa kanyang kuwarto-laboratoryo.
Nang
gabing iyon, hindi siya pinatulog ng isiping nalalapit na ang kanyang araw ng
pagtanggap ng malaking pera, kapalit ang buhay niya. Paulit-ulit niyang
naririnig ang mga huling pangungusap ng kanyang ama.
"Maghapon
ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo!
Tumigil ka nga sa pag-aaral, ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka
ba?"
Nakakabingi.
Nakakasama sa loob. Nakakalungkot...
Alas-dos
ng madaling araw, bumalikwas si Martin sa higaan. Desidido na siya.
Nagbukas
siya ng ilaw. Ang spotlight ay itinutok niya sa isang suit na kahalintulad sa
suot ng isang robot. Sinipat-sipat niya ito. Marami pa itong kulang. Marami pa
siyang dapat idagdag. At iyon ang gusto niyang gawin sa mga nalalabing pitong
araw.Sa pagbalik niya upang tanggapin ang tseke, nais niyang ipanukala sa CEO
ng CVC, Inc, na dadalhin niya sa Mars ang suit na binubuo niya.
Walang
inaksayang panahon si Martin. Halos hindi na siya matulog at magpahinga. Hindi
na rin siya nagpapapasok ng kapamilya sa kanyang kuwarto. Iniiwasan niya na rin
ang pakikiapg-usap, kahit sa kanyang ina.
Sa
ikaanim na araw, nabuo niya ang suit. Lalong kumabog ang dibdib niya. Mataas
man ang tiwala niya sa sarili niyang kakayahan, hindi niya rin maigagarantiya
ang kakayahan ng kanyang imbensyon na iligtas siya sa posibleng kamatayan sa
planetang Mars dahil isang beses niya lang puwede itong isuot. Ito ay nakalaan
para sa biyahe niya pabalik sa mundo. Kung anuman ang kahihinatnan nito,
tinanggap na niya. Ang mahalaga sa kanya, maibigay niya sa kanyang pamilya ang
karangyaan... ang kayamanang minsan lang dumating sa buhay ng tao.
Nagpapasalamat siya sa CVC dahil may pag-aaral silang ginawa sa Mars. Dahil
dito, matutupad niya ang kanyang pangarap at maiiwanan pa ng pera ang kanyang
pamilya. Para sa kanya, isa na itong tagumpay. Tama si Ginoong Salagumbay, kaya
nga niyang makarating kahit saan niya naisin, kahit sa Mars.
Pumayag
ang CEO ng CVC, Inc., na dalhin niya ang kanyang imbensyon. Ang mahalaga raw ay
maidala niya sa Mars ang isang mekanismo upang doon ay itanim. Pagkatapos,
tahimik na tinanggap ni Martin ang tsekeng nagkakahalaga ng isang milyong
dolyar na nakapangalan sa kanyang ama.
"Thank
you!"
"It's
a one-million-dollar travel, Martin. Remember, no quitting. See you next
week."
Tumango
lang siya at mabigat ang paa na lumabas sa opisina.
"Anak
naman..." Umiiyak na si Aling Martha. "Hindi namin hinangad na maging
milyonaryo. Simpleng buhay lang ang kailangan namin ng Papa mo." Hinawakan
niya ang kamay ng asawa. "Di ba, Berto... Sabihin mo sa anak mo, na mali
ang ginawa niya. Berto!" Niyugyog niya pa ang balikat ng nakayuko at
natahimik na asawa.
"Ma,
Pa... at sa inyong dalawa kong mga utol... patawad." Bumuhos na rin ang
mga luha ni Martin. "Papa..." Tiningnan siya ng ama. Luhaan na rin
ito. "...salamat sa lahat. Salamat sa inspirasyon..."
Lumapit
ang amang puspos ng luha at niyakap si Martin. "Patawad, anak. Hindi ko
sinasadya..."
Naging
emosyonal ang pamilya sa mga oras na iyon. Pinilit nilang lahat si Martin upang
magbago ng isip, ngunit nabigo lamang sila.
Sa
mga huling araw niyang natitira para makasama ang pamilya, pinilit niyang
maging masaya. Sa kabila ng kalungkutang nadarama ng mga kapatid at mga
magulang niya, sinikap niyang ipaunawa sa kanila ang sakripisyong gagawin niya
ay para sa kanila. Binigyan din niya ang pamilya ng pag-asang makakabalik siya
sa mundo dahil sa kanyang imbensiyon.
"Paano
kung hindi?" Muli na namang tumulo ang luha ng kanyang ina.
Hindi
muna siya kumibo. Ikinulong muna niya sa kanyang braso ang ina. "Masaya na
ako, Mama. Masaya na ako dahil matutupad na ang pangarap ko... At alam ko,
naniniwala akong makakabalik ako. Babalik ako..."
"Happy
trip, Martin," malungkot na bati ng CEO sa loob ng spacecraft na
maghahatid sa kanya patungong Mars. Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat,
habang nakatitig naman siya sa suit na nakatayo doon. "God bless
you." Then, nakipagkamay pa ito sa kanya. "I don't want to say this,
but I have to... Rest in peace."
Tumulo
ang mga luha ni Martin pagkalabas ng CEO. Kasunod niyon ang pagsimulang
magbawas ng segundo ang timer ng sasakyan niya. Two-hundred eighty-six seconds
na lang ay lilipad na siya.
Umusal
siya ng panalangin. "Panginoon, gabayan Mo ako. Salamat, salamat po!"
Tumunog
na ang alarm. Hudyat ito na pumaimbulog na ang spacecraft. Hindi niya ito
ramdam dahil ang nasa isip niya ay ang kanyang pagbabalik.
Ilang
araw siyang nasa kalawakan. Pero, ilang oras ang ginugol niya upang gawin ang
misyon sa Mars. Naitanim na niya doon ang mekanismo. Kung anuman iyon, hindi
niya alam.
Pagkatapos
ay nagmadali siyang isuot ang suit.
Isang
humaharurot na bagay ang bumulwak mula sa pinto ng spaceship ni Martin.
Tumuloy-tuloy ito patungong Earth.
"Andami
kong naging kasalanan kay Martin.'' Nakaakbay si Mang Berto sa asawa, habang
pareho silang nakatingin sa kalangitan. "Hindi ko man lang siya napatapos
ng pag-aaral, pero siya pa ang nagbigay sa atin ng kaginhawaan."
"Kung
mayaman lamang sana ako, hindi nangyari ito sa anak natin. Ang sakit sa loob,
Berto." Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Aling Martha. Tumigil na rin
siyang umasang bumalik ang anak mula sa Mars.
Mula
sa likuran ng mag-asawa, isang pulang robot ang tahimik na lumanding, ngunit
agad naman itong naramdaman ng dalawa dahil sa paggalaw ng lupa at pag-ihip ng
mainit na hangin. Paglingon nila'y bumungad sa kanila si Martin.
"Anak?!"
magkasabay na bulalas ng mag-asawa.
"O,
Diyos ko, maraming salamat po!" ani Aling Martha.
Lubos
ang pasasalamat ng dalawa sa pagbabalik ni Martin. Hindi maipaliwanag ang
kanilang damdamin.
Dahil
sa tagumpay ng biyahe ni Martin, kinilala siya ng Estados Unidos at Pilipinas
bilang "Inventor of the 21st Century". Pinag-aagawan rin ang kanyang
imbensyon, ngunit wala ni isa mang kompanya ang nakabili nito. Para sa kanya,
walang katumbas na halaga ang kanyang suit.