Followers

Sunday, December 3, 2023

Pagsulat ng Kolum


Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat?

 

Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasin, at iba pang publikasyon, kasama ang online. Naglalaman ito ng mga komentaryo o opinyon ng kolumnista o manunulat nito.

 

Kadalasan, ang kolum ay mayroon nang kilalang heading at byline ng manunulat o editor, na nagbibigay ng ulat o komento ukol sa isang paksa. At ito ay maaaring isulat ng isang tao o isang grupo na gumagamit ng katawagan.

 

Ang kolum ay ang pinakapersonal sa lahat ng pagsulat sa pahayagan. Personal itong nanghihikayat ng mga mambabasa at may makapangyarihang impluwensya at kapaki-pakinabang na kontribusyon sa pagpapalaganap ng balita at opinyon.

 

Ang kolum ay isinusulat upang magpabatid, manghikayat, o mang-aliw ng mga mambabasa. Mataas ang interes ng kolumnista sa mga mambabasa para mag-udyok na makipagtalakayan ang publiko tungkol sa paksa.

 

 

Sa pagsusulat ng kolum, mahalagang magkaroon ng malinaw na pananaw o posisyon sa isang isyu. Dapat itong suportado ng mga katibayan, datos, at argumento upang maging makatotohanan at kapani-paniwala ang sinasabi ng manunulat.

 

Tandaan na ang pagsulat ng kolum ay isang paraan ng pagpapahayag ng malayang kaisipan at pagbibigay ng boses sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. May malaking ambag ang kolum sa pagpapalaganap ng impormasyong may kredibilidad.

 

Ang pangunahing layunin ng pagsulat ng kolum ay upang magpabatid, magbigay-kahulugan, at magbigay-paliwanag sa balita. Kailangang ipaliwanag ng kolumnista ang kahalagahan at bunga nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng background ng isang pangyayari, pagtukoy kung ang isang tiyak na kaganapan ay isang hiwalay o bahagi na kaso, pagtuturo kung paano makaaapekto o hindi ang pangyayari sa mga mambabasa, pagsasama-sama at pagsusuri ng mga komento ng mga mambabasa mula sa iba't ibang antas ng lipunan.

 

Ang pagsulat ng kolum ay maaaring magkaroon ng iba't ibang estilo at tono, depende sa layunin ng manunulat at sa uri ng publikasyon kung saan ito ilalathala. Maaaring maging malikhain, mapanuri, mapangahas, o mapanuring-kritikal ang pagkakasulat ng kolum, depende sa layunin ng manunulat at sa kanyang pananaw sa isang partikular na isyu.

 

Ang kolum ay isinusulat upang aliwin ang mga mambabasa, kaya maaaring gumamit ito ng mga pahayag na hindi masyadong pormal at seryoso, habang hindi naman nalalayo sa totoo nitong layunin.

 

Ang isang mahusay na kolumnista ay may kasanayan at kaalaman sa wastong paggamit ng wika. Dapat siyang magtaglay na orihinalidad, masining na ideya, at malawak na imahinasyon. Ang kaniyang kakayahang magsulat o estilo sa pagsulat ay dapat malakas at nakakangkop sa pagbabago. Nararapat lang din na siya ay mapagmasid at malinaw at lohikal kung mag-isip. Kailangang may malawak siyang kaalaman sa mga bagay-bagay at pangyayari sa paligid. Malawak din dapat ang kaniyang sakop ng mapagkukunan ng mga impormasyon. Dapat ding magtaglay siya ng sense of humor.

 

Ang kolumnista ay nagbibigay-kaalaman sa mga mambabasa ng mga impormasyong maaaring hindi nila alam. Bumubuo siya ng pampublikong opinyon sa pamamagitan ng paggamit ng lohika, katatawanan, at emosyon sa paglalahad ng isyu.

 

Bilang tagapagpaliwanag, pinaiiksi ng kolumnista ang mga pangunahing balita sa mas malinaw, lohikal, at epektibong pangungusap upang bigyang-diin ang ubod ng kuwento upang makabuo ng opinyon.

 

Bilang isang tagahatol, ang kolumnista ay nagbibigay ng impormasyon sa mga bagay na hindi alam ng mga tao, ng mga bagay na hindi nila nakikita, at ng mga lihim na gawaing lingid sa publiko.

 

Ang paksa sa pagsulat ng kolum ay maaaring kunin mula sa mga balita, obserbasyon, panayam, natatanging proyekto, saliksik, imbestigasyon, at marami pang iba.

 

Walang iisang anyo ng pagsulat ang kolum. Malaya ang kolumnista na gumamit ng estilo sa pagsusulat. Maaari siyang gumamit ng estilo sa pagsulat ng sanaysay o ang anyo ng kuwento. May ilang kolumnista na animo’y nagtutula sa kaniyang kolum.

 

Ang kolum ay may mga uri ayon sa layunin nito. Una, editorial column. Ito ay anomang personal na kolum, na matatagpuan sa pahinang editoyal ng pahayagan. Ito ay kinikilala bilang isa sa pinakamataas na anyo ng malayang pamamahayag sa Pilipinas.

 

Pangalawa, readers column. Ito ay kolum kung saan nakalimbag ang mga ipinadalang suhestiyon, komento, at reaksiyon ng mga mambabasa. Kadalasan sa diyaryo, ito ang “Letters to the Editor” o “Dear Sir.”

 

Pangatlo, ang business column. Ito ay naglalaman ng mga katha tungkol sa kalakalan, ekonomiya, industriya, at trabaho.

 

Pang-apat, sports column. Ito ay kolum na tumatalakay sa mga atleta at palakasan.

 

Panglima, art column. Naglalaman ito ng mga artikulo tungkol sa iba’t ibang uri ng sining, gaya ng pagpipinta, arkitektura, bonsai, suiseki, flower arrangement, paper mache, ikebana, at iba pa.

 

Pang-anim, women’s column. Ito ang kolum para sa mga babae at tumatalakay tungkol sa mga paksang may kinalaman sa kabutihan, kagandahan, at kapakanan nila. Maaaring talakayin dito ang mga usong kasuotan at pampaganda, mga payong pang-nanay o pantahanan, at marami pang iba.

 

Pangwalo, entertainment column. Ito ay pumapaksa ng mga usaping pangmusika, pangteatro, pampelikula, at mga artista.

 

Pangsiyam, science column. Naglalaman ito ng mga artikulong pang-agham, gaya ng mga makabagong teknolohiya, mga bagong tuklas at imbensiyon, at mga pag-aaral at pananaliksik ng mga siyentipiko.

 

Pangsampu, personality column. Ipinakikilala nito ang mga personalidad, na may malaking ambag sa bansa o sa mundo. Inilalahad nito ang mga pangyayari bago, kasalukuyan, at pagkatapos ng kanilang tagumpay.

 

At, review column. Ito ay isang pagsusuri sa isang akda, aklat, pelikula, drama, serye, dula, musika, likhang-sining, at iba pa. Iniisa-isa rito ang malalakas at mahihinang puntos ng mga ito upang mairekomenda ng kolumnista sa mga mambabasa.

 

Ang kolum ay may mga uri ayon sa nilalaman. Una, opinion column. Ito ay maaaring maihalintulad sa editorial column, subalit ito ay nagtataglay ng personal at pagkakakilanlan ng may-akda. Ito ay naglalaman ng kaniyang puro at sariling ideya at opinyon.

 

Pangalawa, hodge-podge column. Dito sa kolum na ito matatagpuan ang mga pinagsama-samang teksto gaya ng tula, anunsiyo, pahayag, kasabihan, hugot, patawa, o mga kakatwa at interesanteng katanungan.

 

Pangatlo, essay column.  Ito ay nagbibigay ng impormasyon at kadalasang sumasagot sa mga tanong na "bakit" at "paano." Ito ay maaaring sumaklaw sa iba't ibang mga paksa at isinusulat ito na may tiyak na layunin at mambabasa.

 

Pang-apat, gossip column. Ito ay kadalasang isinusulat para sa mga mambabasang mahilig sa mga sikat na personalidad sa showbiz dahil naglalahad ito ng kuwento ng buhay ng kanilang mga iniidolo.

 

Panglima, dopesters column. Ito ay isang uri ng kolum na nakapokus sa pagbibigay ng hula, kapalaran, at prediksyon, na may seryosong layunin.

 

Sa pagsulat ng kolum, maaaring sundin ang mga sumusunod na payo.

 

Huwag manggaya ng estilo at teknik ng ibang kolumnista. Sumubok ng iba at gumawa ng sariling estilo.

 

Mangalap ng mga datos at impormasyon ukol sa paksang susulatin. Pag-aralan nang mabuti ang paksa at mga salitang gagamitn.

 

Panatilihin ang magandang prinsipyo sa pagsusulat. Maging patas at makatao kahit ang kolum ay isang opinyon.

 

At magkaroon ng pamagat na nakakaakit ng interes ng mga mambabasa.

 

 

 

Sa pagsulat ng kolum, narito ang ilang mga gabay na maaari mong sundin:

 

Piliin ang isang paksa o isyu. Pumili ng isang partikular na paksa o isyu na nais mong talakayin sa iyong kolum. Siguraduhing ito ay may kinalaman sa kasalukuyang mga pangyayari o mga isyung kinakaharap ng lipunan.

 

Magkaroon ng malinaw na posisyon. Mahalaga na magkaroon ka ng malinaw na posisyon o opinyon tungkol sa isyu na iyong tatalakayin. Ito ay magiging pundasyon ng iyong kolum at magbibigay ng direksyon sa iyong pagsusulat.

 

Suportahan ang iyong posisyon. Gamitin ang mga katibayan, datos, at argumento upang suportahan ang iyong posisyon o opinyon. Ito ay magpapalakas sa iyong pagsusulat at magbibigay ng kredibilidad sa iyong mga pahayag.

 

Maging malinaw at organisado. Iwasan ang pagkalito sa iyong mga mambabasa sa pamamagitan ng pagiging malinaw at organisado sa iyong pagsulat. Magkaroon ng maayos na pagkakasunod-sunod ng mga ideya at gumamit ng mga subheadings o mga punto para sa mas madaling pag-unawa.

 

Magbigay ng mga halimbawa. Magbigay ng mga halimbawa o karanasan na nagpapakita ng katotohanan o epekto ng isang isyu upang mas maipakita ang iyong posisyon o opinyon. Ito ay magbibigay ng kongkretong halimbawa at magpapalakas sa iyong argumento.

 

Maging maingat sa wika at estilo. Maging maingat sa iyong paggamit ng wika at estilo sa pagsulat ng kolum. Piliin ang mga salitang malinaw at wasto upang maipahayag nang maayos ang iyong mga ideya at mensahe.

 

Tandaan ang layunin ng kolum. Isaisip na ang layunin ng pagsulat ng kolum ay magbigay ng impormasyon, magpahayag ng opinyon, at mag-udyok sa mga mambabasa na mag-isip at magkaroon ng kamalayan sa mga isyung pinag-uusapan.

 

Subukang sumulat ng kolum. Talakayin ang kahirapan sa bansa.

 

Ano ang maaaring isulat ng manunulat?

 

Ang manunulat ay maaaring magbigay ng mga datos at impormasyon tungkol sa kahirapan, magbahagi ng personal na karanasan o obserbasyon, at magbigay ng mga solusyon o panukala upang malunasan ang suliraning ito.

 

Tandaang ang pagsulat ng kolum ay isang paraan upang maghatid ng mensahe at mag-udyok sa mga mambabasa na kumilos o magkaroon ng kamalayan sa isyung pinag-uusapan.

 

Sulat na!

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...