Followers

Tuesday, December 19, 2023

Pagsulat ng Lathalaing Pang-agham

 

Paano nga ba isinusulat ang Lathalaing Pang-agham? Gusto mo ba ng sample?

 

Walang problema. Talakayin at unawain muna natin ang kahulugan ng lathalain.

 

Ang lathalain ay isang uri ng teksto na naglalayong magbigay ng kaukulan o mas malalim na pagtalakay sa mga impormasyon at mga pangyayari. Ito ay isinusulat para magpahiwatig at maglahad ng isang impormasyon. Kadalasang sumasagot ito sa katanungang nagsisimula sa tanong na ‘Ano?’

 

Ang lathalain ay maaaring magpayo, magbigay ng aral, magturo, mang-aliw o maglahad ng katotohanan. Ito ay maaaring batay sa karanasan, pagmamasid, pananaliksik, pag-aaral o pakikipanayam.

 

 

Samakatuwid, ang lathalaing pang-agham o science feature ay nakatuon sa magkahalong human interest at agham. Isinusulat ito para magkaroon ng interes ang madla sa mga paksang pang-agham. Kailangan nito ay masusing pag-aaral sa paksa at matiyagang pananaliksik. Maaari itong sumentro sa mga paksa, gaya ng mobile games, junk food, viruses, at iba pa. Dapat na maging malikhain ang manunulat nito upang maipahayag niya ang paksa nang kapana-panabik, nakakaaliw, at siksik sa kaalaman. Ito ay gumagamit din ng introduksiyon, katawan, at konklusiyon, gaya ng pagsulat ng lathalain o sanaysay.

 

Ang science feature ay may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng kaalaman sa agham para sa pangkalahatang publiko.

 

Ito ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga komplikadong pang-agham na konsepto patungo sa mas nakararaming mambabasa. Ginagawa nitong nakakaengganyo ang agham.

 

Sa pamamagitan ng pagsulat nito, naipakikilala sa madla ang malawak na sakop ng agham. Nakapagbibigay ito ng inspirasyon upang maging mausisa ang mga mambabasa.

 

Nakatutulong ito upang turuan at ipaalam sa publiko ang mga pagsulong ng agham, gayundin ang mga bagong tuklas at imbensiyon.

 

Sa pagsulat ng science feature, mahalaga ang pagpili ng paksa.

Piliin ang paksang nakapupukaw ng interes sa mga mambabasa.

Maghanap ng mga paksang may kaugnayan sa mga mambabasa, napapanahon, at may potensiyal na mang-akit ng kuryosidad.

Isaalang-alang ang kasalukuyang pananaliksik sa agham, mga umuusbong na teknolohiya, o kontrobersyal na mga debate sa agham.

 

Nararapat lang na kasinglawak ng agham ang kaalaman ng manunulat ng science feature.

 

Bago ang pagsusulat, isagawa ang masusing pananaliksik sa napiling paksa. Maaaring makakalap ng mga impormasyon mula sa mga  scientific journals, science papers and researches, at mga panayam sa mga eksperto sa larangan. At siguraduhing tumpak, napapanahon, at suportado ng katibayan ang mga impormasyong nakalap. Huwag ding kalimutang banggitin ang mga tao o sangguniang pinagkunan ng mga impormasyon.

 

Pagkatapos mangalap ng mga impormasyon, maaari nang simulan ang pagbabalangkas.

 

Ang isang mahusay na nakabalangkas na lathalain ay epektibong nakapupukaw ng atensiyon ng mga mambabasa. Mas malinaw ring naihahatid ang impormasyon sa kanila.

 

Paano ba magiging interesting at engaging ang lathalaing pang-agham?

 

Simple lang. Gumamit ng simple at maiikling pahayag. Iwasan ang mga jargon at teknikal na mga salita. At gawin itong relatable sa mga mambabasa.

 

Paano naman balangkasin ang lathalaing pang-agham?

 

Simple lang din. Ang lathalain ay binubuo lang ng tatlong bahagi—introduksiyon, katawan, at konklusiyon.

 

Una, magsimula sa isang nakahihikayat na pagpapakilala. Sikaping makakonekta ang mga mambabasa upang ipagpatuloy nila ang pagbabasa. Sa bahaging ito, naibibigay na ang buod ng paksang tatalakayin. Kung may ideya na ang mga mambabasa sa nilalaman ng lathalain, malaki ang posibilidad na ituloy nila ang pagbabasa.

 

Sunod, sundan ito ng malilinaw at lohikal na daloy ng mga impormasyon. Talakayin ang paksa mula sa mga komplikadong konsepto hanggang sa pinakamaliliit nitong detalye. Ang layunin ng katawan ng lathalain ay mailatag ang lahat ng mga nakalap na impormasyon na magbibigay-linaw sa piniling paksa. Malaya ang manunulat sa paglalahad ng mga impormasyon at detalye. Mas nakakaaliw, mas tatabo ng mambabasa ang lathalain.

 

At sa huli, isara ang lathalain sa pinakamaikling pangungusap. Layunin ng bahaging ito na magbigay ng konklusyon ukol sa mga impormasyon sa pamamagitan ng pagbubuod.  

 

Tandaan, ang lathalaing pang-agham ay binubuo ng tatlong bahagi—introduksiyon, katawan, at konklusiyon.

 

Paano ba sisimulan ang isang lathalaing pang-agham?

 

Maraming paraan para magkaroon ng nakapupukaw na introduksiyon.

 

Una na riyan ang pagtatanong. Isang tanong lang ay maaari nang maging introduksiyon.

 

Mga Halimbawa:

 

Alam ba ninyo na ang laway ay mahalagang likido sa bibig ng tao?

--Labis na Paglalaway: Sanhi, Sintomas, Epekto, at Lunas

 

Kilala mo ba ang mga unang siyentipikong Pilipino? Sino-Sino sila?   

--Mga Pinoy: Astig na Siyentipiko.

 

Alam mo bang ang labis na pagse-selfie ay isang sakit pangkaisipan? –Selfie pa More!

 

May mannerism ka ba? –Ano;ng Mannerism Mo?

 

 

Pangalawa. Maaaring magsalaysay sa pamamagitan ng paggamit ng mga pangungusap na pasalaysay (declarative sentences).

 

Halimbawa:

 

Ang mga linta ay may tatlumpu't dalawang utak. Ang mga octopus ay may siyam na utak. Samantalang ang mga tao, isa ang utak.—Usapang Utak.

 

Mahalaga ang Science sa mundo dahil dito natin nalalaman ang mga pinagmulan at katangian ng mga bagay sa mundo. Ito nga ay isa sa mga major subjects sa elementary at secondary level. Ibig sabihin, ito ay nararapat nating aralin o pag-aralan.—Hindi Mula sa “Nothing’ ang Mundo.

 

 

Pangatlo. Maglagay ng nakakagulat na pahayag.

 

Halimbawa:

 

Anak ng pugita! Matagal na pala tayong nasakop ng mga aliens. Nasa karagatan lamang sila.—Mga Alien sa Karagatan.

 

 

Pang-apat. Gumamit ng quotation (kasabihan). Para tayong makata nito. O maaari din namang direktang sinabi (direct quotation) ng siyentipiko o taong kilala sa larangan ng agham.

 

Halimbawa:

“An apple a day keeps the doctor away.”

 

 

Panglima. Gumamit ng anekdota (anecdote). Ito ay maikling salaysay na may aral sa buhay.

 

Halimbawa:

 

Malayo ang nilakad ni Sheila dahil wala siyang masakyan. Tumatagaktak ang pawis niya sa katawan. Wala siyang mabibilhan ng mineral water. Nagsisi siya dahil hindi siya nagbaon ng tubig. Sa di-kalayuan, nadaanan niya ang water station. Bumili siya ng 250 ml. na bote ng tubig at agad na uminom.—Ang Tubig ay Buhay.

 

Pang-anim. Gumamit ng survey. Madalas ito ay patanong. Layunin nitong mangalap ng impormasyon mula sa target audience. Sa lathalain, mainam itong gamitin upang makapagbigay ng pahiwatig tungkol sa paksang tatalakayin. Isinasali rin nito ang mga mambabasa sa talakayan.

 

Halimbawa:

 

Ano ang ginagawa ninyo sa mga e-waste? Tinatapon? Iniipon o tinatago? Binabaon sa lupa? Sinusunog?

 

Pampito. Gumamit ng kahulugan (definition) ng salita. Bibigyan ng kahulugan ang pang-agham na terminong gagamitin sa akda

 

Halimbawa:

 

Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksiyong dulot ng bakterya, na tinatawag na Leptospira interrogans. Ito ay maaaring makaapekto sa mga tao at hayop. Ang sakit na ito ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng mga ihi at dumi ng mga dagang tagapagdala ng mikrobyong ito. Kaya naman, tinatawag din itong rat fever. Subalit, may ibang uri ng mga hayop na maaari ding maging tagapagdala ng sakit na leptospirosis.

 

 

Marami pang paraan upang magkaroon ng kaakit-akit na introduksiyon. Maaaring mag-discover at mag-explore. Tandaan lamang ang layunin ng panimula—maipakilala ang paksa at mahikayat ang mambabasa na ituloy ang pagbabasa.

 

 

Paano naman susulatin ang katawan ng lathalaing pang-agham?

 

Madali lang! Ilahad lang ang mga nakalap na impormasyon. Tiyaking konektado ang mga ito sa paksa. Maaaring magkaroon ng tatlo o higit pang talata sa katawan. Panatilihin lang na ang mga talata ay konektado sa isa’t isa.

 

Huwag matakot maglahad ng mga informative at entertaining words dahil isa ito sa mga layunin ng lathalain—na gawing magaan at pangmasa ang pang-agham na paksa. Ang labis na pagiging pormal at seryoso ay magdudulot ng pagkabagot ng mga mambabasa. Samantalang ang pagpapatawa ay magkokonekta sa paksa at

mambabasa.

 

Narito ang halimbawa:

 

Ayon sa American Psychiarist Association (APA), selfitis ang tawag sa nakakabahalang sakit na ito. Ang taong may selfitis ay labis na nahuhumaling sa pagse-selfie at kasunod nito ang pag-post ng pictures sa social media, gaya ng Facebook. Kadalasan, ang taong may selfitis ay sapilitan ang pagnanais na magselfie. Tila masakit sa pakiramdam niya ang hindi siya makapag-selfie nang isang beses o higit pa sa isang araw upang pataasin o magkaroon siya ng pagpapahalaga sa sarili, minsan ay upang maipahayag ang sarili.

 

Hindi lang ito kinumpirma ng APA, inuri pa nila ang selfitis sa tatlo: borderline selfitis, acute selfitis at chronic selfitis.

 

Ang taong may borderline selfitis ay tatlo o mahigit na beses na nagse-selfie sa isang araw, pero hindi niya ito ipo-post sa social media.

 

Ang taong may acute selfitis ay tatlo o mahigit na beses ding mag-selfie sa isang araw at ipino-post pa niya sa social media.

 

Ang taong may chronic selfitis naman ay nagse-selfie maya-maya at nakakapag-post ng pictures sa social media na hindi bababa sa anim (6). Halos lahat ng oras at kilos niya ay may selfie.

 

 

Paano naman susulatin ang konklusiyon ng lathalaing pang-agham?

 

Ang konklusiyon ay ang kabuuan ng mga sinabi mo sa unahan. Isang talata na may isang pangungusap ay puwede na.

 

 

Ang lahat ng maaaring gamitin sa introduksiyon ay maaari ding gawin sa konklusiyon. Ang tanging kaibahan lang ay nagpapaalam na at wawakasan na ang pagbibigay ng impormasyon. Sikaping matuwa ang mga mambabasa at mag-abang ng mga susunod pang lathalain.

 

Narito ang mga halimbawa:

 

Ikaw, anong sakit mo? Selfie pa more! –Selfie pa More!

 

Ang tag-ulan ay biyaya kung walang mikrobyong may dalang sumpa.

–Mikrobyong may Sumpa

 

Ang bad breath ay nakakasira sa relasyon, samahan, at pagkakaibigan. Kahit gaano ka kahalaga sa iyong kaibigan, pamilya o partner, ang halitosis ay isa pa ring nakakauyam na hangin. –Nakakauyam na Hangin

 

Ngayong alam na natin ang mga impormasyong ito, pag-isipan nating maigi kung paano iingatan ang ating utak upang maging kapaki-pakinabang ito sa ating sarili at sa iba. Kung mautak man tayo o matalino, hindi na iyon mahalaga. Ang importante kung paano natin pagaganahin ang ating nag-iisang utak, dahil hindi tayo linta o octopus.  –Usapang Utak

 

 

Madali lang sumulat ng lathalaing pang-agham, kaya sulat na!

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...