Followers

Friday, October 28, 2022

Hermiiiiing!

 Pagkagising ni Herming, uminat-inat siya kagaya ng balerina. Saka siya tumalon mula sa mesa kagaya ng sirkero sa perya.


Humilahid siya sa paa ng tapag-alaga. Pagkatapos, nakatanggap siya ng dampi ng kamay at marahang himas sa kaniyang ulo. Para siyang batang may nagawang mabuti.

Napalundag sa tuwa si Herming nang marinig ang tunog ng ibinubuhos na pagkain, na parang maliliit na isda. Napangiti pa siya sa repleksiyon ng sarili sa bagong buhos na tubig. Parang nakakita siya ng anghel sa langit.

Kumaway si Herming sa tapag-alaga. Saka nagtatalon-talon sa tuwa, na animo'y nanalo sa loterya.

Parang inspektor na sinilip ni Herming sa bintana ang tagapag-alaga. Inalam niya kung ito'y nakalayo na.

Nilundag-lundag nang kay bilis ni Herming ang labindalawang hakbang na hagdan. Para siyang pulis na may puganteng tinutugis.

Tinalon niya ang kurtina sa sala. Para siyang lineman sa liksi at kisig, kaya umabot siya sa gitna. At mula roon, lumukso siya at nagpatihulog. Para siyang gymnast, dahil mga paa ang unang lumapat.

Parang siya si Wolverine si Herming. Kinalmot-kalmot niya ang sofa. Nagkahimulmol naman ang telang sapin nito.

Nagtungo si Herming sa banyo at nakita ang tissue. Hinila niya iyon nang hinila. Hindi nagtagal, nagkalat ang pira-pirasong papel.

Naamoy ni Herming ang basura sa trash can. Dinukwang niya iyon at naghanap ng mapaglalaruan. Inilabas niyang lahat ang basura. At nakita niya ang plastic bag.

Pumasok si Herming sa plastic bag at nagpagulong-gulong sa sahig. Natumba ang burnay. Nawala sa ayos ang floor mat.

Namataan ni Herming ang butiki. Nabuhay ang tigre niyang ugali. Tahimik siyang nag-abang ng pagkakataon.

Tumulay si Herming sa mesa upang siya ay makatalon patungo sa kabinet. Doon, tinalon niya ang butiki, na parang siya si Spiderman. Agad namang nakalayo ang butiki, pero bumagsak siya kasabay ng plorera.

Nagulat at natakot si Herming, kaya tumungo siya sa bintana. Inilusot niya ang katawan sa maliit na uwang upang makalabas siya.

Tuwang-tuwa si Herning sa hardin. Nagpatago-tago siya sa ilalim ng mga hilera ng halaman. Hindi niya namalayan ang mga naapakan niyang mga pananim. Natumba ang mga ito at naluray.

Narinig ni Herming ang twit-twit ng ibon. Dagli siyang naging magnanakaw. Dahan-dahan at maingat siyang nagtago. Tinantiya niya kung kakayanin niya itong sakmalin.

Mabilis na nakalipad ang munting ibon bago pa nakalukso si Herming sa dinapuang sanga nito. Sa halip, napabaras siya sa sanga at nagpaikot-ikot na parang elesi.

Nang siya'y mahilo, nagpatihulog na lang siya. Bumagsak siya sa mga tuyong dahon na nakasako. Nagkalat ang mga iyon pagkatapos niyang makalabas.

Maya-maya, nakita ni Herming ang palaka sa lupa sa paso. Naghuhukay ito roon, na parang gustong magpahinga.

"Meow! Meow!" galit na sunggab ni Herming sa palaka. Saka niya binungkal ang lupa. Nagliparan iyon sa ere, kasabay ang palaka. Sumunod ang halamang nakatanim.

Parang leon, na hinanap ni Herming ang palaka. Sa kasamaang-palad, hindi niya iyon natagpuan. Sa halip, mga lumot at putik sa mga kamay at paa ang napala.Nanlilimahid pa ang mga puting balahibo niya.

Sa nakauwang na bintana, pumasok si Herming. Lumundag siya sa sahig na puting-puti. At naglakad na parang reyna. Maruruming bakas ay sinusundan siya sa kaniyang paglalakad.

Parang may hinahanap si Herming. Paroon. Parito. Paroon. Parito. Hindi niya tuloy napansin ang buong sala ay nanggigitata na.

Sa pagod, nakatulog si Herming sa ibabaw ng sofa. Nanaginip pa yata at naghihilik pa siya.

"HermiiĆ­iiing, ano'ng ginawa mo sa bahay?!"

Parang nakuryente si Herming nang marinig ang sigaw ng tagapag-alaga. Agad siyang nagtago sa ilalim ng center table.

"Mapapalo kitang pusa ka!" sigaw uli ng tagapag-alaga, sabay palo ng tsinelas sa sahig.

Plak! Plak! Plak!

Sa takot, kumaripas ng takbo si Herming. Hindi niya nabilang kung ilang hakbang ang hagdang kaniyang inakyat.

Nataranta si Herming sa kuwarto. Hindi malaman kung saan siya magtatago. Sa ilalim ba ng kama? O sa likod ng kurtina?

"Herming! Hermiiing..." tawag ng tagapag-alaga.

"Meow! Meow!" malambing na sagot ni Herming. Mula sa likod ng pinto, lumabas siya na parang payaso. Tumayo siya sa harap ng tagapag-alaga. Saka siya humingi ng pasensiya.

"Kahit makulit ka, Herming, lab na lab pa rin kita."

Nang marinig iyon, agad siyang humilahid sa paa ng tapag-alaga, gaya ng dati niyang ginagawa.

Maya-maya pa, kinarga na si Herming ng tagapag-alaga.

"Meow! Meow!" Pangako niya, hindi na magiging makulit na pusa.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...