Followers

Wednesday, June 28, 2023

Makata O. Thoughts -- Ulan

 Pagmasdan at pakinggan mo ang ulan. Ito ay katulad ng pagsikat ng araw at bukang-liwayway o ito ay mas higit pa dahil sa musikang nabubuo nito.

Makata O. Thoughts -- Gala

Huwag mong hayaang kuwestiyunin ka ng kapwa mo kung bakit gastos ka nang gastos sa mga gala at kasiyahan. Unang-una, deserve mo naman iyan dahil iyan ay bunga ng iyong pinagpaguran.

Pangalawa, mas kailangan mo iyan kaysa sa mga gamot o doktor. 

Kaya, maging masaya upang makaiwas sa stress at sakit. Gumastos hanggang kaya, pero gumastos nang naayon sa kinikita.

Monday, June 26, 2023

Makata O. Thoughts -- Mapanghusga

 Kapag payat ka, pagkakamalan kang durugista.

Kapag mataba ka, sasabihan kang magdiyeta.

Kapag umiinom ka ng alak, alcoholic ka na agad.

Kapag maporma ka, sasabihan kang mayabang.

Kapag hindi ka naman pumorma, magtataka sila.

Kapag naglabas ka ng saloobin, nababastusan sila.

Kapag hindi ka naman nagsalita, ikaw raw ay nambabalewala.


Wala ka nang gagawin na hindi nila papansin.

Lahat ng gawin mo, kanilang mamasamain.

Katunayan ito na naninirahan tayo sa mundo, kung saan hindi nabubuhay ang nilalang na hindi marunong manghusga.

Masalimuot na ang buhay, kaya sana iangat natin ang isa't isa, sa halip na ibaba pa.

Saturday, June 24, 2023

Bato Serye --Ep.5

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. 


Pangungulekta ng mga bato ang isa sa aking mga pinagkakaabalahan. Sa ngayon, lie low muna ako sa ibang hobbies. Hindi na rin ako nakakapag-digital illustration ng mga kuwentong pambata ko dahil sa pagbabato. Ang siste kasi kapag weekdays, bato sa umaga, bato sa gabi. Kapag weekends naman, mula umaga hanggang gabi ang bato. Nanonood ako sa YT ng rock hunting at suiseki show. Kumukuha ako ng ideya, gaya kung ano-anong klase ng bato ang dapat kolektahin 


Malaki ang nagagawa nito sa aking mental health. Maaaring hindi ako mauunawaan ng iba, pero sa aking point of view, katulad din ito ng mga bisyo na kinahuhumalingan ng iba. Ang kaibahan lang ay nakabubuti ito sa kalusugan. 


Oo, magastos din ang libangang ito. Hindi naman kasi sa kalye o sa tabi-tabi lang napupulot ang magagandang bato. Pero, ang totoo, worth it. 


At sa pagdating ng panahon, ang mga batong ito ay maaaring maging pera. Kung paano... abangan.

Thursday, June 22, 2023

Bato Serye -- Ep.4

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. 


Sa sobrang kaadikan ko, madalas pati sa panaginip ko ay nagra-rock hunting ko. Kaya naman, para tuloy akong hindi natulog at parang pagod na pagod ako. Pero, paggising ko, masaya naman ako. Kay gaganda rin kasi ng mga batong nasa panaginip ko. 


Speaking of panaginip, kapag namumulot ako ng mga barya o pera sa panaginip ko, nangangahulugan iyon ng gastos o paglabas ng pera. At kapag nakadikit ang anumang bahagi ng katawan ko sa tae, nangangahulugan iyon ng income o pagpasok ng pera. Subok ko na ang mga ito. Maraming beses ko nang napatunayan. Ang hindi ko na lang naaral ay ang kahulugan ng pagpulot ko ng mga bato. Sana ito ay tungkol sa pagiging masaya at kuntento sa buhay. 


Update ko na lang kayo! Soon.

Wednesday, June 21, 2023

Bato Serye -- Ep.3

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. 


Lalong lumalim ang fascination ko sa mga bato nang minsang dumalo ako sa bonsai, ikebana, at suiseki show. Doon ko nalamang isa palang makabuluhang libangan ang suiseki. Since, mahilig ako sa arts, nakita ko ang natatanging artistry na inilalaan ng mga rock hound sa hobby na ito. 


Noon din ay inaral ko ang suiseki. Sumali ako sa mga FB groups na nagtataguyod nito. Nag-Google ako. Nag-Youtube. Kaya, heto... adik na. At kamakailan nga, inabangan ko ang biggest suiseki show in Asia na ginanap sa SM Mall of Asia noong June 10 hanggang June 12. 


Grabe! Nakakalula sa ganda ang mga naka-exhibit na bato. Hindi ka mababato sa pagmasid sa mga ito.

Tuesday, June 20, 2023

Bato Serye -- Ep.2

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. 


Naalala ko, noong pumupunta ako sa tailoring shop ng tito ko, palagi kong hinahawakan ang batong ginagamit niyang pandagan sa mga patterns at telang tatahiin niya. 


Amazed na amazed ako sa hugis, kulay, at tigas niyon. Oval-shaped iyon na itim na itim. Parang mas matigas pa sa bakal. Ang kintab na niyon, marahil ay dahil sa kakahawak. Ngayon ko lang na-realize na ang mga bato ay parang mga tao--habang pina-pamper at bina-value ay lalong gumaganda. Common lang naman ang batong iyon, pero dahil pinahalagahan at ginamit sa makabuluhang bagay, hindi na lang iyon puro aesthetic, kundi functional din. 


Dahil sa batong iyon, nagkaroon pa akong lalo ng interes sa mga bato. Sabi ko nga noon, someday magkakaroon din ako ng batong katulad niyon.

Monday, June 19, 2023

Bato Serye - Ep.1

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. 


Actually, noon pang kabataan ko nagsimula ang fascination ko sa mga bato. Siguro, malaking impluwensiya sa akin ang aking ina, na minsang nag-uwi ng batong hugis bakya. Galing siya noon sa ilog. Katatapos lang niyang maglaba.


Simula noon, nakahiligan ko nang tumingin-tingin ng mga figure stones. Palibhasa, malapit kami noon sa ilog, tuwing katatapos ang baha, naghahanap na ako. Hindi ko man inuuwi, pero aliw na aliw ako sa paghahanap. Parang ginto ang hinahanap ko, kaya tuwing nakakakita ako ng batong may kristal, ikinasisiya ko na iyon.


Noong first year high school ako, itinuro sa Science ang three types of rock. Hinding-hindi ko makakalimutan ang igneous, sedimentary, at metamorphic rock.


Nagkaroon din kami ng proyekto tungkol sa koleksiyon. Hayun, rock collection ang pinasa ko.


Monday, June 12, 2023

Makata O. Thoughts -- Kahinaan

Lahat tayo'y hindi perpekto--

may kahinaan, may kakulangan

Subalit, may taglay na lakas--

may angking talino at kakayahan

Kung ang kahinaan ay gagawing kalakasan

Tayong mahihina ay magiging isang makabuluhang nilalang.

Friday, June 9, 2023

Makata O. Thoughts -- Umuwi Kaagad

 Pagkatapos ng trabaho, umuwi ka kaagad. Huwag mong ubusin ang oras para sa kompanya o departamento. Hindi ikaw ang haligi nito. Kapag nagkasakit ka, ang malala--- kapag namatay ka sa trabaho, mabilis ka nilang mapapalitan. Tuloy pa rin ang operasyon! Kaya, umuwi ka sa pamilya nang maaga pagkatapos ng trabaho.

Sunday, June 4, 2023

Makata O. Thoughts -- Pagbabago

Hindi natin maiiwasan ang pagbabago, subalit maaari natin itong gamitin upang umunlad at maging mabuting nilalang.

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...