Abril 1, 2026
Past 8 na ako nagising. Ang sarap sa pakiramdam ng may
kompletong oras ng tulog. Bago mag-9 na ako bumaba para magbabad ng mga labahin
ko, at mag-almusal na rin. May naipritong itlog na si Emily, pero nag-init pa
ako ng Bicol Express na bigay sa akin ni Ms. Krizzy kahapon. Solb na ang
almusal ko.
Habang nakababad ang mga labahin ko, nagbawas ako ng kalat
sa kuwarto. Inuna ko munang tanggalin ang mga natsekan at mga nairekord na
papel ng mga estudyante. Ibinaba ko para maisako at maipakilo. Pagkatapos nito,
namalengke na ako. Gusto kong magluto.
Bago ako nagluto, nagsulat muna ako. Ipinagpatuloy ko ang
kabanata ng nobelang sinimulan ko kagabi. Naisingit ko naman ang pagtawag at
pagkausap kay Mama. Sabi ni Lizbeth, tawagan ko raw kasi gusto na namang sumama
kina Gie at Jano sa pag-uwi sa Bulan. Hindi na raw sasama pabalik. Ayaw niyang
umalis si Mama sa puder nila.
Pinanghahawakan ni Mama ang plano kong itira sila ni
Zildjian sa Batangas. Pero sinabi kong hindi pa iyon sigurado dahil bukod sa hindi
ko alam kung gusto iyon ni Zildjian o ni Mary Jane, wala pa akong budget para
makapagpagawa roon ng bahay. Sabi ko nga sa kaniya, hinuhulugan ko pa iyon.
Naunawaan naman niya. At hindi na siya nagbanggit ng tungkol sa plano niyang
umuwi ng Bulan. Hindi ko naman iyon sasang-ayunan dahil wala namang mag-aalaga
sa kaniya. Kami ang pamilya niya, kaya sa amin siya dapat magpaalaga. Ang
problema lang naman niya ay hindi siya makatulog doon dahil sa sobrang ingay sa
paligid. Pero kung iisipin, napakahaba ng oras niya para matulog ng walong oras
sa isang araw. Kung ikukumpara sa kakayahan kong bumuo ng walong oras na tulog,
kapag school days, walang-wala ako. Akala lang niya, hindi siya makatulog, pero
kung susumahin, sawang-sawa na siya sa pagtulog dahil wala naman siyang
ginagawa. Kung hindi siya totally blind, hindi niya maiisip ang mga bagay na
iyan. Maaaring sanhi iyan ng tinatawag na self-pity.
Alas-dos na ako natapos maglaba. Okey lang naman kasi simula
na ngayong araw ang uninterrupted vacation. Gayunpaman, kaninang umaga, naglaan
ako ng ialng minute para sa ARAL tagging. Mabilis ko lang namang nagawa.
Mga 3 pm, umiidlip ako. Hindi man mahimbing ang tulog ko, at
least, nakapagpahinga ako. Bihira ko itong magawa kapag may pasok o klase.
Past 4, nagmeryenda ako. Pagkatapos, ipinagpatuloy ko ang
pagsusulat. Mga 7:00 na ako nakapag-post sa Inkitt ng isang chapter kasi inayos
ko pa ang study area ko. Hindi na ako nakatalikod sa sala kapag nakaharap sa
desktop. Mas gusto ko ngayon ang ayos ng aking study table.
Abril 2, 2026
Alas-8 ulit ako nagising. Kundi lang bumusina nang
napakalakas ang dump truck, hindi ako magigising. Akala ko, babangon na ang
donya para magtapon ng basura, hindi pala. Akala ko rin, umalis siya, hindi rin
pala. Kung kailan ako nakapaghanda na ng almusal, saka bumangon ang mag-ina ko.
Okey lang naman dahil bakasyon ko, at gusto ko naman talagang kumain ng mga
lutong bahay.
Pagkatapos na pagkatapos kong mag-almusal, inayos ko ang mga
bookshelves ko sa study area. Santaon na rin ang lumipas nang huli akong
nag-put up nito, kaya maalikabok na. Nang magawa ko, mas gumandang tingnan.
Ipinagsama-sama ko sa isang shelf ang mga aklat-pambata. Hiniwalay ko rin sa
bawat level ang mga aklat ng Filipino authors at foreign authors. Na-highlight
din sa shelves ang mga rock at shell collections ko, gayundin ang iba ko pang
pang-display. Mas masarap na ngayon mag-stay sa study area ko. Pangarap ko
talagang magkaroon ng sariling study room at library. Kahit paano ay unti-unti
ko nang natutupad. Habang pinupunasan ko nga ang mga aklat, napagtanto kong
malaki-laki na rin pala ang nagastos ko sa pagbili ng mga libro. Napasalamatan
ko ang Diyos.
Mga 11:30 na ako natapos, kasama ang pagdidilig ng mga
halaman. Isinunod ko naman ang paghahanda ng pananghalian. Nagprito lang ako ng
tokwa. Nagpabili na lang ako kay Ion ng ginataang gulay, saka hinog na manga.
May mga tira pa namang ulam sa almusal. Gumawa na lang ako ng sawsawang
toyo-kalamansi-at-sibuyas. Solb na ang lunch!
Pagkatapos kumain at bago ako umidlip, nag-encode muna ako
ng journal ko noong June 2009. Nakadalawang araw rin ako bago ako huminto.
Hindi naman ako nakatulog nang maayos kasi tinabihan na
naman ako ni Herming. Hindi lang basta tumabi, gumitna pa siya. Hinayaan ko na
lang kasi bihira naman siyang maglambing dahil palagi akong nasa school.
Bago mag-5, pagkatapos kong magmeryenda ng kape at nilagang
kamote, umalis ako para i-withdraw ang LA, na pumasok sa ATM kahapon. Naglakad
lang ako patungo sa municipal hall. Doon kasi may Landbank ATM.
Pagbalik ko, namili na rin ako ng pang-ulam ngayong gabi at
pang-almusal bukas. Bumili rin ako ng melon at ponkan.
Nagluto agad ako pagdating ko, kaya wala pang 7:30,
nakapag-dinner na kami.
Pagkatapos ng dinner, nagsulat at nag-illustrate muna ako
bago ako natulog.
Abril 3, 2026
Mas maaga akong nagising ngayon kaysa kahapon. After 30
minutes, bumangon na ako para magluto ng almusal. Pritong tuyo at itlog ang
ulam namin ngayon.
Pagkatapos kong kumain, nilinis ko ang aquarium, kung saan
nakalagak ang betta fish ko. Inis-isan lko iyon upang mawala ang molds at
luminaw ang salamin. Hindi pa ako satisfied, pero parang wala nang ililinaw pa.
Nagasgas na nga ang glass dahil gumamit ako ng kutsilyo sa pag-iis-is.
Alas-diyes, lumabas ako para mamalengke. Akala ko, walang
nagtinda. Sarado ang suki kong grocery store at talipapa. Mabuti, nakahanap ako
sa malayo. Nakabili ako ng isda, mga rekado, malagkit, niyog, at asukal.
Inihanda ko naman ang lulutuin ko pagdating. At saka pa
lamang ako nag-on ng desktop. Habang nakaasin ang isda, nag-eencode ako ng
journal ko noong June 2009.
Nag-siesta ulit ako pagkatapos mag-lunch at maligo. Hindi
man ulit ako nakahimbing, pero naipahinga ko ang aking katawan at isipan.
Past 2:30, nagluto ako ng biko. Ang sarap! Puwede na akong
magnegosyo. Ang mahal nga lang ng niyog, grabe! Fifty-five pesos. Sa Polot,
pinupulot lang namin ang niyog. At napakamura ng benta. Nagsimula dati sa piso
hanggang naranasan ko ang limang piso. Sobrang mahal na ngayon. Huling bili sa
talipapa, P35 lang. Haist! Ang buhay nga naman.
Ang suwerte ng maybahay ko ngayon. Halos wala siyang ginawa
maghapon. Sige lang. Ang mahalaga, malakas ako, walang sakit, at may bakasyon.
Abril 4, 2006
Nang nagising ako bandang 7, nabasa ko ang chat ni Flor.
Nasaan na raw ako. Nandoon na raw ang mga anak ko. Nagulat ako. Ipo-postpone ko
sana ngayon ang pagpunta ko roon. Kako, “Ang aga naman. Kagigising ko pa lang.”
Agad akong nagkape at sumubo ng tatlong hiwa ng biko, saka naligo. Bago mag-8,
nakaalis na ako sa bahay. Nilinaw naman ni Flor na ang ibig sabihin niya ay
nasa “bahay ng mga anak ko.” Kaya hindi na ako nagmadali.
Walang operation ang LRT ngayon Kaya natagalan ako sa
biyahe. Past 12 na ako nakarating kina Flor. Naligaw pa ako.
Katulad ng dati, nonchalant ang pagbati sa akin ng mga anak
ko. Nasanay na ako. Saka nagmana lang sila sa akin.
Agad naman kaming hinainan ni Flor ng lunch. Kumain na raw
ang mga anak ko, pero pinasalo ko pa rin sila. Tahimik muna kaming kumain.
Pagkatapos, tinabihan ko na si Zildjian. Kinausap ko na kung ano ang course na
kukunin niya sa kolehiyo. Nagulat at natuwa ako sa sinabi niya. Tourism. Sa
ICCT Colleges-Cogeo siya mag-aaral. Hindi ko akalaing iyon ang kukunin niya.
Wala sa personality niya ang tourism, pero dahil iyon ang napili niya,
susuportahan ko siya.
Ipinaalam ko rin Kay Flor ang napili niya. Agad kong nasabing
tulungan niya ako kasi hindi ko na kaya ang budget. Kako, sampung buwan lang
siya magbibigay. Kapag nakatapos na si Hanna, ako na Kay Zildjian. Saka na
iisipin kapag nagpang-abot naman sina Ion at Zj. Pumayag naman siya, pero
titingnan niya ang sitwasyon kasi may panahong mahina raw ang gawa. Katulad
ngayon—twice a week na lang ang pasok nila.
Past 2, umidlip kami. Past 3, nagsalang si Flor ng karaoke.
Kumanta ako ng MLTR medley. Pinakanta rin namin si Zildjian. Mukhang magandang
ang bosses niya, hindi nga lang masyadong malakas. Hindi naman namin napakanta
si Hanna. At hindi na ulit namin napakanta si Zj.
Past 5, nagyaya na akong umuwi. Hinatid ko muna sa kanilang
bahay ang magkapatid. Nilakad lang namin kasi malapit lang naman. Habang nasa
daan, Tina nong ko si Zildjian Kung gusto niyang makita ang lupang ipapamana ko
sa kaniya sa San Juan, Batangas. Nagsabi ko ito kanina, kaya mukhang interesado
siya. Aniya, “Kailan po puwede?” Sabi ko naman, ako muna ang pupunta ulit—nang
commute. Una ko kasing punta roon ay may sasakyan. Kailangan ko munang puntahan
ulit. Sabi ko na lang, bago magpasukan, maisasama ko na siya roon. Sana maging
inspirasyon niya iyon sa kaniyang pag-aaral.
Past 10 na ako nakarating sa bahay. Nagkape na lang ako kasi
wala nang ulam. Akala raw ng aking may bahay ay hindi ako uuwi. Kaya pala
andaming hugasin sa lababo. At may sinayang na naman silang kanin sa rice
cooker. Isang order pa iyon sa karinderya, pero tinubigan lang nila.
Sinabihan ko si Ion. Kako, “Parurusahan kayo ng Diyos.
Nag-aaksaya kayo ng kanin. Tinubigan niyo pa. Kahit pusa, hindi ito kakainin.”
Dagdag ko pa, “Kung ayaw inyong kainin, huwag inyong isaing.” Gusto ko pa
sanang sabihin “Porket de-sako ako kung bumili ako ng bigas, grab kayo
makawaldas.” Rhyming ‘yon.
Gusto ko sanangn away in si Emily, Kaya Lang naalala
ko—hindi ko pala siya masyadong kinikibo. Bahala na si Ion ang magsabi. Sa
halip, sinala ko ang kanina sa rice cooker, saka nilagay ko sa storage
container, saka nilagay ko sa ref. Puwede pa nga iyon gawing fried rice.
Nakakapanghinayang kasi. Ang mahal ng kanin sa Pasay. Ang sampung piso, hindi
PA nga ako matinga. Pero sa bahay na ito, inaaksaya lang. Tsk-tsk. Kaya hindi
pinagpapala ang asawa ko kasi sa ugali niya. Hindi nagpapahalaga ang
pinagpapaguran ko.
Kinalma ko na lang ang sarili ko, tutal nasa ref na ang
kanin, na maaksaya sana. At mabuti na lang, nakita ko si Herming at ang beta
fish ko. At may naiuwi akong halaman mula kay Flor. Aglaonema at Peace lily.
Malaki man ang nagastos ko sa biyaheng iyon, worth it naman. Unang-una na ang
makita ko at makausap ko ang mga anak ko.
Past 12 na ako nakatulog.
Abril 5, 2026
Alas-5:40 ako nag-set ng alarm, pero nang namulat ako,
almost 6 na. Nagtaka ako kung bakit hindi ko narinig o hindi tumunog. Iyon
pala, nai-set ko pala ng Monday. Linggo pa lang pala ngayon. Aguy! Mabuti na
lang, nagising ako bago mag-six. Ayaw ko pa naman nang nahuhuli ako sa call time.
Past 7, nasa PITX na ako. Tumambay muna ako roon bago ako
bumiyahe patungo sa sementeryo. Wala pang nine, nandoon na ako. May mga
magulang at mga bata nang naghihintay roon, pero wala pa sina Ma’am Nhanie.
Okey lang naman. At least, ako ang nauna. Ipinapakita lang nito na interesado
ako sa ginagawa ko.
Almost 9:30 na dumating sina Ma’am Nhanie at ang asawa niya.
Late namang dumating si Ma’am Tess at Ma’am Anne, gayundin ang mga volunteers
ng JCI, lalong-lalo na ang kanilang president—na pauwi na kami nang dumating.
Dahil sa paghihintay sa kanila, pinagkuwento muna ako ni
Ma’am Nhanie. Wala akong dalang storybook, pero dahil may nakalagay na PPT ng
“Hindi Ako Mahal ni Mama” sa tablet ko, iyon ang ikinuwento ko sa kanila.
Masyadong bata ang mga audience ko kasi sila ang isasabak sa Project Lingap –
literacy and numeracy program—kaya parang hindi ako natuwa sa performance ko.
Gayunpaman, may mga older kids na nakinig. Sa palagay ko, natuto naman silang
unawain kung bakit tinuturuan ng mga nanay ang mga anak ng mga gawaing bahay.
At dahil wala pa rin ang hinihintay namin, nagpalaro pa ako.
Pinasulat ko ang bawat grupo ng mga salitang may ‘mama’ sa unahan, gitna, o
hulihan—kung meron man. Nagawa naman nila.
Isinunod na ang pre-assessment para sa mga batang Grade 1 to
3, na nahihirapan pang magbasa, magsulat, at magbilang. Kabilang ako sa mga
volunteers na nag-assess. Grabe. Nakakaawa ang mga batang hindi pa gaanong
makabasa, kahit ang alpabeto. Iilan-ilan pa lang ang nababasa nila.
May malaking epekto talaga ang uri ng pamilya, tahanan,
kapaligiran, hanapbuhay, at ekonomiya sa pagkatuto ng mga bata.
Almost 12 na kami natapos at nakaalis sa sementeryo. At gaya
ng dati, inilibre kami ng lunch ng mag-asawang Bontoyan. Dapat sa MOA kami
kakain, pero dahil may lakad pa si Ma’am Tess, doon na lamang kami sa
Chowking-Rotanda kakain. Okey lang naman para hindi na kami lumayo.
Maganda ang naging kuwentuhan namin doon bago, habang, at
pagkatapos kumain. Kahit lima lang kami, masaya naman. Kahit paano ay nakakikilala
pa namin lalo ang isa’t isa. May mga plano at upcoming events/engagements pa si
Ma’am Nhanie, na dapat kung suportahan. Naniniwala ako sa kaniya. Simula pa
noong nakasama ako sa publishing ng mga storybooks, malayo na ang narating, at
malayo pa ang mararating ko.
At pag-uwi ko nga, bandang 4 pm, nabasa ko ang email
(kahapon pa) ng BookMarked Books. Kung gusto ko raw, artist na nila ang gumawa
ng book cover. Puwede rin naman daw na ipagawa ko sa kakilala ko.
Katunayan ito na may parating pang biyaya at oportunidad sa
akin. Hindi ko pa nga, ini-email ang Kawangis Publishing. Sana rin ay i-email
na nila ako para mailathala ko na ang “Hindi Ako Mahal ni Mama.”
Nag-reply ako sa email ng BookMarked Books. Kako, ang artist
na lamang nila ang gumawa. Nag-clip ako ng picture ni Elias at naglagay ako ng
notes kung ano ang mga suot niya at edad. Nilagay ko rin ang mga characters na
nakasama sa book cover. Sana makuha nila ang gusto kong illustration at cover.
Nalulungkot lang ako kasi naka-ban ako sa FB. Nag-post ako
ng pictures sa event kanina. Naka-Only Me naman. Gusto ko lang makita, gamit
ang tablet ko bago ko i-post nang naka-public. Dahil nakakita sila ng batang
lalaking walang saplot, iyon ang naging dahilan. Aguy! Three days akong hindi
makakapag-post, comment, at message. Matagal iyon.
Kahit ganito ang nangyari, sinikap ko na lang na maging
productive bago ako matulog. Nagsulat ako ng isang chapter ng nobela, saka
nagpatuloy sa digital illustration.
Abril 6, 2026
Wala pang 7, gising na ako, pero hindi muna ako bumaba.
Siguro mga past 8 na nang bumaba ako para maghanda ng almusal. As usual, tulog
pa ang donya at senyorito. Naisip ko, kaya halos isang buwan na ang ubo nila ay
dahil sa lifestyle nila. Ni hindi sila maarawan tuwing umaga. Takot na takot
pagpawisan. Napapabuntong-hininga na lang ako sa kanila.
Pagkatapos kong mag-almusal—saka naman bumaba ang
donya—nagdilig ako ng mga halaman. Isinunod ko ang paglilinis sa hagdanan.
Tinanggal ko muna ang mga koleksiyon ko nang mga bato, saka winalisan at
pinunasan ng basing trapo. Pagkatapos, hinugasan ko naman sa labas ang mga
bato, saka pinatuyo.
Ilang minuto ang lumipas, pagkatapos kong magpahinga,
lumabas naman ako para mamalengke. Pagdating, hindi muna ako nagluto. Inihanda
ko lang muna ang mga lulutuin. Nagsaing na lang muna ako, saka nag-encode ng
journal ko noong June 2009.
Umidlip lang muna ako bago nagluto ng biko. Past 4 na ako
natapos, at nakapagmeryenda.
Bago ako umalis para mag-withdraw ng clothing allowance,
inayos ko muna ang mga batong nilinis ko. Medyo nabawasan na sa hagdan ang
display ko. Kahit paano, nakakaabala ang iba. Minsan nga, natatapakan.
Almost seven na ako nakauwi sa bahay. Matagal din pala akong
naglakad. Past 5:30 pa ako umalis.
Bago ako natulog, nagsulat muna ako ang nobela—o karugtong
ng nobela. Hindi ko masyadong natapos kasi kinailangan kong balikan ang mga
nakaraang chapter para.
Abril 7, 2026
Ako pa rin ang naghanda ng almusal. Pero naglaga lang ako ng
itlog. May biko pa naman.
Pagkatapos kumain, sinimulan ko na agad ang paglilinis sa
kuwarto ko. Ibinaba ko muna ang iba sa sala para makakilos ako nang maayos.
Hindi na muna ako lumabas para mamalengke. Si Zillion na
lang ang inutusan kong bumili ng kalabasa. Ginataan ko iyon, gamit ang tirang
gata kahapon sa biko. Masarap iyong kapartner ng pritong isda.
Past 11:30, nakapagluto na ako. Kumain agad ako dahil
na-miss ko ang ginataang gulay. Ginataang gulay lang araw-araw, masaya na ako.
Nag-siesta ako pagkatapos maligo. Mga alas-singko na ulit
ako naglinis. Hindi kaya ng isang araw dahil sobrang init sa kuwarto.
Mga 8:30, huminto na ako sa paglilinis. Bukas, kaunti na
lang ang lilinisin ko. Kahit paano, na-achieve ko na ang gusto kong linis at
ayos ng kuwarto ko. Hindi na muna ako gagamit ng brass bed. Kinalas at itinago
ko muna iyon sa likod ng mga naka-hanger kong damit. Hindi naman halata.
Itinago ko rin sa likod ng shelf ang mga nakalagay dati sa ilalim ng kama, gaya
ng mga maleta, tent, at iba pa. Hindi rin halata ang mga iyon. Kaya ang
sumatotal, lumuwag at umaliwalas ang kuwarto ko.
Si Zillion ulit ang pinabili ko ng ulam para sa dinner.
Aguy! Siomai na pink at green ang binili niya, saka cup noodles. Paborito niya
ang ganoong ulam. Okey na rin kasi gabi naman. Kaunti lang naman akong kumain
tuwing gabi.
Abril 8, 2026
Past 8:00 na aako nagising dahil para akong namahay kagabi.
Nag-iba lang ng ayos ang kuwarto ko, pakiramdam ko ay nasa ibang bahay pa ako.
Bukod roon, mainit at makati ang pakiramdam ko kay pabaling-baling ako.
Although may mga panaginip naman ako, pero para akong hindi nakatulog.
Hindi muna ako bumangon. Nag-cellphone lang ako. Sinubukan
ko ang donya kung babangon nang maaga at maghahanda ng almusal.
Almost 9:30 na ako bumaba. Akala ko talaga, ginisa niya ang
corned beef na binili ni Ion kagabi, hindi pala. Wala akong makaulam kasi ang
nag-iisang itlog sa ref ay prinito nila, at iyon ang pinaghatian nila. Mga
oplok! Hindi man lang nagsabi itong si Ion na may binili siyang corned beef
kagabi. Ito namang ina, hindi man lang tumingin sa cabinet.
Hayun! Tahimik kong ginisa ang corned beed at nag-almusal
pagkaluto. Hindi na ako kumibo bago, habang, at pagkatapos kumain. Mas mahalaga
sa akin na matapos ko ang paglilinis sa kuwarto ko.
Before 11, tapos na akong maglinis. Nagpahinga lang ako nang
saglit, saka ako lumabas para mamalengke. Siyempre, ako pa rin ang naghanda ng
lunch. Si Ion ang nagsaing.
Mga 1:30 hanggang 4, nag-siesta ako. Hindi naman ako
masyadong nahimbing, lalo na nang tumabi sa akin si Herming. Hinayaan ko sanang
mahiga, pero ang likot. Nakakalmot niya ako, kaya pinaalis ko.
Mga 6, lumabas ako para bumili ng mga sangkap sa lulutuin
kong tokwa sisig. Balak ko ring bumili ng betta fish para sa isa kong aquarium
na nasa kuwarto ko. Pagdating sa bilihan, itinanong ko ang presyo. One-twenty
raw ang pinakamura. Grabe! Akala ko pa naman, makakabili ako ng mura doon kasi
marami naman silang tinda. Aguy! Kaya pala mukhang hindi sila mabenta. Hindi
nga ako bumili.
Bago mag-seven, nakauwi na ako. Agad naman akong nagluto. Matagal-tagal
na rin nang huli akong nagluto ng tokwa sisig. Paborito namin ito.
Pagkatapos kumain, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng
nobela. Wala pang 9:30, natapos ko na ang ika-164 na chapter. Medyo maikli lang
ito—wala pang 1,000 words, kasi POV ito ng supporting character. Okey na rin
para makaragdag sa story development.
Abril 9, 2026
Sa wakas, nakatikim din ako ng luto ng aking maybahay.
Nakapag-almusal din ako nang wala akong ginawa.
Pagkatapos ko ngang kumain, sinimulan ko na agad ang paglilinis
sa garden. Inuna ko munang linisan ang nabasag na aquarium na binigay sa akin
ni Sir Hermie. Plano kong iakyat iyon upang paglagay ng dinosaur collection ko.
Gagawin kong palang diorama.
Plano ko ring ilipat ang garden table set sa may sulok o sa
gilid ng pader—sa may gate. Doon nakalagay ang mga tuyong dahon, sanga, at iba
pang nabubulok na basura para maging compost. Tinanggal ko iyon, at inilipat sa
labas. Nakakuha ako ng isang sakong compost sa ilalim niyon.
Past 11:30, huminto na muna ako dahil mainit na, saka pagod
na ako. Marami na rin akong nagawa. Past 4, pagkatapos kong mag-siesta at
magmeryenda, bumalik ako sa garden. Inilipat ko na ang garden table set.
Hanggang 5:30 lang ako sa labas kasi bukod sa malamok na, pagod na ako at hindi
ko na makita ang mga bagay-bagay. Bukas, isasaayos at babawasan ko naman ang
mga halaman.
Gabi, habang nagsasaing, nagawa ko na ang dinosaur diorama.
Nakakaaliw tingnan!
Bago ako umakyat, nag-encode muna ako ng journal ko noong
June 15 at 16, 2009. Grabe! Iyon pala ang unang dalawang araw ko bilang private
school teacher sa Taguig. Naalala ko tuloy kung gaano kahirap magsimula.
Na-shock talaga ako sa mga ugali ng elementary (Grade 4), na hawak ko. Mayroon
ngang hindi pa makabasa. Nagkunwari pang masakit ang tiyan. Haist! Dahil doon,
natuto ako. Hindi man ako ang best teacher, pero nag-develop ako bilang
epektibong guro.
Abril 10, 2026
Maaga akong bumangon dahil marami akong gagawin sa garden.
Siyempre, ako ulit ang naghanda ng almusal. Pagkatapos kong mag-almusal,
nagsimula agad akong gumawa sa garden.
Andami kong nagawa bago ako nagpahinga. Mga past 10,
nagpahinga ako. Pero hindi pa nagtatagal, bumalik ako sa paggawa. Hindi ako
mapakali. Mga past 11 na talaga ako tumigil. Si Ion na ang inutusan kong bumili
ng mga lutong ulam.
Bago at pagkatapos maligo, nahiga ako. Gusto ko sanang
umidlip, pero maingay sila. Gayunpaman, nailapat ko sa kutson ang masakit kong
likod.
Past 5 na ako nagmeryenda. At mga six-thirty, nasa garden pa
ako. Nagpaplano pa ng mga gagawin. Marami pa akong gagawin, pero marami na rin
ang natapos. Kailangan ko pang magpintura ng dalawang plant racks/shelves.
Matindi ang kalawang ng isa. Katakot-takot na pag-i-steel brush ang gagawin ko
bago magpintura. Gayunpaman, maganda na ang isang bahagi—ang may garden table
set.
Mga 7, naghanda ako ng learning materials at storybook para
sa unang Sabado ng Project Lingap (Year 5) bukas. Ako ang naka-assign sa
storytelling at numeracy. Basic addition ang topic ko sa Math. Kaya naghanda
ako ng dalawang sets ng number cuttings from 1 to 10. At naghanda rin ako ng
PPT para may palaro ako gaya noon sa Project NUMERO.
Abril 11, 2026
Bigla akong nanibago nang gumising ako bandang 5:30 ng
umaga. Hindi pa naman mahimbing ang tulog ko dahil sa init. Kaya mabigat ang
katawan ko nang bumangon at bumaba ako. Kung hindi lang talaga mahalaga ang
event na pupuntahan ko, hindi ako babangon nang maaga. Pero dahil
nakapag-commit na ako kay Ma’am Nhanie, na ako ang mag-storytelling at
magtuturo ng basic addition, sinikap kong makarating sa venue. As usual, ako
ang nauna kaysa sa VP ng JCI Perlas Pasay. Wala pa rin si Ma’am Joann, pero
dumating din siya ilang minuto ang lumipas pagdating ng VP.
Unang beses kong magiging facilitator ng Project LINGAP.
Fifth year na nito. Madali lang naman ang ginawa ko. Tutal, nasanay na ako sa
storytelling, gayundin sa Project NUMERO noon, madali na lang ito sa akin. Kaya
lang, kailangan paghiwa-hiwalayin ang magkakaibang grade level. Hindi pa kayang
makipagsabayan ng mga Kinder sa Grade 3. Natural, hindi nila mauunawaan ang
turo ko sa Math, lalo na, hindi naman ako sanay magturo ng Kinder o primary
grades. Iba ang atake ko. Tulad kanina, hindi nila na-enjoy ang Math game ko.
Kahit nga ang mga kuya at ate, late na nila nagustuhan.
Sa literacy naman ni Ma’am Joann, masyadong magagaling na
ang iba nang ituro niya ang letters M, S, A, I, O, gayundin ang sounds ng mga
ito. Pang-Kinde, kaya sisiw na ang mga ito sa mga Grade 2 at 3 na naroon.
Maaaring nabagot lang sila.
Gayunpaman, naging matagumpay ang unang linggo ng LINGAP,
kahit kami lang ni Ma’am Joann ang mula sa 21st, at ang VP lang ng
JCI ang naroon. May kasama siyang dalawang bagets na galing naman sa BINHI.
Mga past 12, habang kumakain ang mga bata, umalis na kami ni
Ma’am Joann. Sinamahan ko siyang kunin sa ahente ng mga resibo ng memorial
plan. Malapit iyon sa kakainan namin ng lunch at sa center, kung saan dapat
namin ginanap kanina ang LINGAP. Inalam lang namin ang lugar at kung paano
puntahan para sa susunod na Sabado ay hindi na kami magtatanong pa.
Pagkatapos naming mag-lunch, umuwi na kami. Past 3:30 na ako
nakarating sa bahay. Agad akong naglatag at nahiga para matulog. Pero dahil
naglalaba si Zillion, naingayan ako. Hindi ako nakatulog nang mahimbing. Ayos
lang.
Mga 5 pm pagkatapos magmeryenda, lumabas na ako para
ipagpatuloy sa garden ang paglilinis. Inabutan ako ng alas-7 doon. Worth it
dahil unti-unti ko nang naaayos. Andaming mababawas sa mga halaman at paso.
Kailangang pakawalan para lumuwag at mabawasan ang mga lamok.
Abril 12, 2026
Nang nagising ako bandang 8, hindi muna ako bumangon.
Sinubukan ko ang mag-ina ko kung mauunang bumangon sa akin. Narinig ko naman
sila pagkatapos ng 30 minutes. Kaya pagbaba ko, naghahanda na sila ng almusal.
Dumiretso ako sa garden para maglinis. Hindi muna ako
nagkape, since hindi pa luto ang almusal. Mga 9:30 na ako nakakain. Pagkatapos
kumain, bumalik ako sa paglilinis.
Bandang 10:30, namalengke ako. Gusto kong kumain ng lutong
ulam, lalo na ng pritong isda at ginataang gulay. Bumili rin ako ng melon.
Ipinagawa kong juice iyon kay Ion. Ang sarap ng kain ko!
Nag-siesta ako after lunch hanggang past 3. Nagluto naman
ako ng ginataang balinghoy para sa aming meryenda bago ako nagsimulang maglinis
sa garden. Almost done na. kailangan ko na lang i-maintain at unti-unting
i-organize ulit ang mga potted plants. At siyempre, may nakaplano pa akong
gagawin—ang pagpipintura sa tatlong plant racks/shelves. Kahit dalawa lang muna
kasi kapipintura ko lang last year ng isa.
Mga 7 pm na ako pumasok para namang magsaing. Ayaw
magsikilos ng mag-ina ko. Tambak na rin ang hugasan. Kahit gusto kong magluto
ng tortang puso ng saging, hindi ko na nagawa dahil sa pagod. Tutal may tira pa
namang gulay. Magbubukas na lang ako ng tuna flakes in oil.
Mga 10, nag-off na ako ng ilaw sa kuwarto para makatulog na
nang maaga. Balak kong pumunta sa San Juna, Batangas bukas para bisitahin ang
lote ko roon, pero hindi pa nagpapaalam sa akin ang mag-ina ko. Nakikita at
nararamdaman kong bibiyahe sila bukas pa-Aklan. Nahihiya sigurong humingi ng
pera.
Abril 13, 2026
Kagabi pa lang, nagdesisyon akong hindi umalis. Naawa ako sa
mag-ina ko. Kung bibiyahe sila, kailangang nasa bahay ako. Bumangon ako bandang
7:30 para maghanda ng almusal. Bumaba naman sila habang kumakain ako. Nagsabi
na sa akin si Emily. Sasama nga si Ion. Gusto rin niyang magbakasyon sa Aklan.
Habang naghahanda sila sa pag-alis nag-gardening muna ako
saglit, saka bumili ng sangkap sa lulutuin kong tortang puso ng saging na may
longganisa. Gusto kong makakain muna sila bago bumiyahe.
Past 12, umalis na ang mag-ina ko. Bakit kaya naging
malungkot ako nang tahimik na ang bahay? Haist!
Lalo akong nalungkot ng nabasa ko ang chat ng sipal namin.
Nakita ko ring sinend niya ang reply ko sa parent na nagtatanong kung puwedeng
makuha ang card noong Lunes Santo.
Bukod sa lungkot, naiinis ako sa nag-chat sa akin. Hindi
siya ang parent ng kukuha ng card. Siya lang ang may contact sa akin kasi ang
parent ng estudyante ko, hindi pa ako na-message kahit kailan. Nasa mukha niya
talaga ang hindi makapagkakatiwalaan. Sabagay, masakit naman talaga ang sinabi
ko. Kako, “Bakasyon na po namin. Ayan tayo e. Titigas ng ulo. Paimportante.
Pakisabi, sa June na ako babalik sa school.”
Sinubukan ko lang naman. Last year, wala naman akong naging
problema. Karapatan ko namang magbakasyon. At kung nagmamadali silang
magkapag-enroll, nakakatawa. Kasi noong may pasok, hindi nga seryoso ang mga
anak nila sa pag-aaral. Lalo na itong nagreklamo--- ang tigas ng ulo ng mukha.
Ayaw gumawa. Haist! Kailan ba magkakaroon ng karapatan ang mga gurong kagaya
ko? Masama pa rin kahit para sa kabutihan nila iyon. Disiplina at pagpapahalaga
sa oras ang nais kong maiabot sa kanila kung bakit kailangang magkaroon ng
isang salita. Paulit-ulit kong sinabi sa mga estudyante na isang araw lang ang
bigayan ng card. At kapag hindi nila nakuha, sa June na nila ako makikita uli.
Siguro, ang nagreklamo sa principal ay ang totoong nanay—na
hindi ko pa nakita, kahit noong graduation—hindi man lang nagparamdam.
Puwede rin ang tita, este ang tito, na pupunta roon kapag
may HRPTA meeting, na hindi man lang nag-message sa akin sa FB. Kaya kapag
asynchronous ang klase, hindi ko mapadalhan ng activities.
Sa Friday, i-chachat ko sila—silang lahat na hindi kumuha ng
card. Pasalamat sila, kailangan kong kunin sa school ang MOVs at requirements
ko para sa pagpunta ko sa SDO dahil sa ECP.
Matagal nawala ang inis at lungkot ko. Kundi pa ako nakaisip
ng gagawin, hindi pa nabawasan nang kaunti. Ibinabad ko lang naman sa tubig ang
pinagpunit-punit na egg trays para sa plano kong paper mache. Pagkatapos,
nagbasa ako ng nobela sa Inkitt. At nang inantok ako, pinagbigyan ko. Paggising
ko, wala na.
Naglinis pa ako at nagdilig sa garden, bago ako nag-exrecise
at nanood ng balita sa sala. Pinagana ko pala ang TV at black box. Mabuti,
napagana ko, kaya nakapanood ako ng telebisyon habang nag-iilustrate digitally.
Past 10:30 pm, umakyat na ako para magpahinga. Maaga akong
aalis bukas—patungong San Juan, Batangas.
Abril 14, 2026
Kahit parang hindi naman ako nakatulog, bumangon pa rin ako
nang tumunog ang alarm bandang 3:30 am. Nagkape lang ako, saka nagbihis. Hindi
na ako naligo kasi naligo ako bago natulog bandang 11 pm.
Mga past 5, nasa PITX na ako. Nalaman ko sa ticket booth ng
Alps na 6 pm lang ang bus patungo sa San Juan, Batangas, kaya nagdesisyon akong
sumakay na lang ng bus patungong Lipa.
Past 9, nandoon na ako. Matagal lang mapuno ang dyip sa SM
City Lipa. At malayo rin pala mula roon ang San Juan, kaya P70 ang pamasahe.
Past 10 na ako nakarating sa bayan ng San Juan. Naglakad
lang ako mula roon hanggang sa Brgy. Balagbag, kung saan naroon ang lote ko.
Choice ko naman iyon. Gusto ko lang ma-familiarize ang lugar, at matantiya ang
layo niyon sa bayan.
Kahit mainit, ayos lang. Mahangin naman at may mga lilim sa
ibang bahagi ng daan. Isa pa, na-enjoy ko ang sight-seeing. Ang bad side lang,
naligaw ako. Nakarating ako sa Brgy. Talahiban II dahil may sangandaan. Mali
ang napasukan ko. Pero ayos lang, maganda naman ang mga tanawin. Na-explore ko
nang wala sa oras ang barangay na iyon. Para ngang nasa Bulan lang ako. Parang
pamilyar. Parang napuntahan ko na iyon.
Kung hindi ako naligaw, nakuha ko ng isang oras ang
paglalakad mula pagbaba ko ng dyip. Kaso naligaw nga ako, at huminto-hinto pa
ako para mag-picture at video. Nakakuha rin ako ng dalawang kakaibang bato.
Past 11:30 nang marating ko ang lote ko. Maganda pa rin
dahil walang masyadong matataas na damo. Bakod na lang talaga ang kulang. Natuwa
ako kasi pasok sa lote ko ang limang puno ng niyog. May bunga na ang iba. Sana
hindi abusuhin ng mga kapitbahay. Ang huli naming punta—Grade 6 teachers—may
mga bunga—marami. Ngayon dalawang maliit na lang. Haist! Hindi ko nagamit ang
dala kong itak. Niyog na kasi. Akala ko makakainom ako ng sabaw ng buko.
Okey lang naman. May next time pa. Bawi naman ako sa
manggang hinog na napulot ko roon sa manggahan sa katabing lote ko. Pinili ko
lang ang mga bahaging maayos pa. Parang nakakain ako ng isang buo.
Hindi naman ako nagtagal doon. Pagkatapos kong
magpiktyur-piktyur, mag-video-video, at kumain ng haluhalo roon, umuwi na ako.
Mga alas-dos iyon. Nag-special trip na ako sa tricycle. Sandaan ang singil sa
akin. Sabi ng naghahalo-halo, P80 lang daw. Tinaga pa ako. Haist! Sabagay,
hinatid naman niya ako sa Alps bus terminal.
Past 2:30 na umandar ang bus. Three hundred one pesos ang
pamasahe. Mas mahal ang pabalik. At walang diretsong PITX. Ayos lang kasi
malamig naman, kaya nakatulog ako sa biyahe.
Past 7 na ako nakauwi sa bahay. Agad akong naghanda ng
dinner kasi past 10 am pa ako huling kumain ng kanin. Brunch iyon. Kumain muna
ako bago ako napasubo sa lakaran.
Mga past 10, pagkatapos maligo, natulog na ako.
Abril 15, 2026
Alas-otso, bumangon na ako para maghanda ng almusal.
Masagana ang almusal ko ngayon. Bumawi lang ako kahapon kasi kakanin at lakatan
lang ang kinain ko bago sumakay sa bus patungong Lipa.
Pagkatapos kumain, gumawa ako ng Reel, gamit ang mga videos
ko kahapon. Umabot ng mahigit 4 minutes ang video. Nilagyan ko ng voiceover
para maunawaan ng viewers.
Narito ang ginamit kong voiceover:
Magandang araw! Samahan niyo ako sa isang mainit na araw ng
lakaran. Alas-kuwatro pa lang ng umaga, umalis na ako sa bahay para puntahan
ang maliit na loteng pinupundar ko.
Dapat, mula Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX
hanggang San Juan, Batangas na ang sakay ko, pero dahil alas-sais pa raw ng
gabi ang biyahe, nag-iba ako ng ruta. Kumuha ako ng ticket na patungong Lipa.
Doon, maaari na akong sumakay ng dyip patungo sa bayang aking pupuntahan.
Hindi naman ako nainip sa biyahe dahil bukod na umidlip ako,
wala pang traffic. Hindi ko na nga nakuhaan ng video ang pagbaba ko sa bus sa
Lipa, gayundin ang pagsakay at pagbaba ko sa dyip. Namalayan ko na lang, nasa
San Juan, Batangas na ako.
Guys, ito nga pala ang lumang munisipyo ng San Juan,
Batangas. Dito malapit ang bus terminal.
Ang makasaysayang eistrukturang ito ay bahagi ng kasaysayan
ng bayan, na dating kilala bilang "San Juan de Bocboc" at kalaunan ay
"San Juan de Bolboc" bago naging San Juan. Ang paglipat ng
"Lumang Bayan" o sentro ng bayan sa kasalukuyan nitong lokasyon ay
naaprubahan noong December 12, 1890.
Nadaanan ko ang maliit, pero aesthetic na restaurant na ito,
kaya nag-brunch muna ako dahil siguradong mapapasabak ako sa mainit na lakaran.
Heto na nga, guys! Nagsimula na akong maglakad. Enjoy naman
maglakad kahit tirik na ang araw. Mahangin naman, saka may mga malilim na
bahagi sa dinaraanan ko.
Guys, dito nga pala sana ako nakakuha ng lote, pero
nagkaroon ng changes. Mas malapit sana ito sa bayan. Pero mas malapit naman
itong nakuha ko sa mga beaches sa Laiya. Walang pagsisisi.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Na-enjoy ko ang mga tanawin.
Masasabi kong, paunlad na ang bayang ito, pero mas malawak pa rin ang mga
lupang agrikultural. Kaya ramdam kong nasda probinsiya pa rin ako, at wala sa
siyudad.
Nandito na ako sa bungad at landmark ng Brgy. Balagbag.
Papasok pa roon ang loteng hinahanap ko, kaya, tara, guys! Samahan ninyo ako
ulit maglakad.
Kung sanay kayo sa probinsiya, malapit lang ang lugar na
ito. Pero kung namulat kayo sa siyudad at hindi kayo sanay sa malayong lakara,
talagang malayo ito sa highway.
Kung hindi ako naligaw, nakuha ko ng isang oras ang
paglalakad mula pagbaba ko ng dyip. Nakarating ako sa Brgy. Talahiban II dahil
may sangandaan. Pero ayos lang, maganda naman ang mga tanawin. Na-explore ko
nang wala sa oras ang barangay na iyon. Para ngang nasa probinsiya lang ako.
Parang pamilyar. Parang napuntahan ko na iyon.
At mga 11:30 ng umaga, nandito na ako sa hinahanap kong
lote. Hindi ako puwedeng magkamali, kasi napuntahan ko na ito nang isang beses.
Worth it naman dahil, sa wakas, nabisita ko ang aking lote.
Sulit din dahil may mga punong mangga na magbibigay ng lilim at preskong hangin
sa akin habang nagpapahinga ako.
Natuwa ako dahil walang masyadong matataas na damo sa lote
ko. Bakod na lang talaga ang kulang. Natutuwa rin ako kasi pasok sa lote ko ang
limang puno ng niyog. May bunga na ang iba. Sana hindi abusuhin ng mga
kapitbahay. Ang huli naming punta, marami ang bunga. Ngayon, dalawang maliit na
lang. Sayang! Hindi ko nagamit ang dala kong itak. Niyog na kasi. Akala ko
makakainom ako ng sabaw ng buko. Okey lang naman. May next time pa.
Bumawi naman ako sa manggang hinog na napulot ko roon sa
manggahan sa katabing lote ko. Pinili ko lang ang mga bahaging maayos pa.
Parang nakakain ako ng isang buo.
Sa mga gustong magkaroon ng ganito kagandang lote, sa murang
halaga, at hulugan pa, PM is the key. Baka may maialok akong lote na aakma sa
pangarap at budget niyo. Ang loteng ito ay 300 square meter lang, pero nakuha
ko lang ng wala pang P300, 000. Simulan niyo na ang pag-invest. Patuloy na
nagmamahal ang lote.
Hindi naman ako nagtagal doon. Pagkatapos kong magpiktyur-piktyur,
mag-video-video, at kumain ng haluhalo roon, umuwi na ako. Mga alas-dos iyon.
Nag-special trip na ako sa tricycle. Sandaan ang singil sa akin. Sabi ng
naghahalo-halo, P80 lang daw. Tinaga pa ako. Haist! Sabagay, hinatid naman niya
ako sa Alps bus terminal.
Hanggang dito na lang, guys. Maraming salamat sa panonood!
__
Nang mai-upload ko na, saka lamang ako naglinis sa garden.
Pumasok din ako agad para gumawa naman ng uling, gamit ang mga pinunit-punit at
binabad na papel sa tubig.
Pagkatapos naman mag-lunch at habang nanonood ng Showtime,
pinagbigyan ko ang sarili ko. Umidlip ako. Alas-3 na ako bumangon para maglaga
ng kamoteng kahoy.
Habang naglalaga, ginamit ko ang aking mini grinder para
butasan ang mga driftwoods ko para mailagay o maisabit ko sa may garden bilang
dekorasyon.
Nag-digital illustrate naman ako bago ako naglinis sa garden
bandang 6 o’ clock. Mga alas-7 na ako pumasok para maghanda ng dinner.
Bago ako umakyat, nakapag-dinner na ako, nakapaghugas ng mga
pinagkainan, nakanood ng TV, nakapag-exercise, at nakaligo.
Abril 16, 2026
Nabalahaw ang tulog ko bandang 2 am nang marinig kong
bumagsak ang koleksiyon kong bato. Nakita ko si Herming sa ibabaw ng bookshelf.
Napalo ko tuloy siya. Mabuti na lang, hindi nabasag ang tiles dahil may sapin
at foam sa lapag. Wala ring nabagsakang gamit. Gayunpaman, inis na inis ako sa
pusa. Kakaiba ang ugali niya nitong mga nakaraang araw. Ang sarap palayasin sa
bahay.
Nahirapan akong matulog uli. At wala pang 8, gising na ako.
Nagkape lang ako, saka ako pumunta sa munisipyo para magbayad ng amilyar.
Nakontak ko na ang kaibigan ko roon. Nagpatulong ako para hindi na ako pumila
nang matagal.
Wala pang 9:30, nakabalik na ako sa bahay. Nakapamili na rin
ako ng lulutuin at prutas. Bago ako nagluto, nag-gardening muna ako. At habang
at pagkatapos magluto, nag-encode ako ng journal ko noong June 18 at 19, 2009,
saka nagsulat ako ng nobela. Kahit paano ay nadugtungan ko ang nasimulan ko
noong isang gabi.
Nag-siesta ako bago at pagkatapos maligo. Nakitabi sa akin
si Herming sa pagtulog. Bati na kami! Past 5 na ako nakapagmeryenda at
nakapaglinis sa garden. Alas-7 na uli ako pumasok. Nagpausok ako roon para
magsialisan ang mga lamok.
Bukas, pupunta ako sa SDO para sa comparative assessment ng
ECP. Sana mataas ang makuha kong rating.
Abril 17, 2026
Four-thirty nang tumunog ang alarm ko. Ang bigat ng katawan
ko nang bumangon ako. Parang gusto ko na lang matulog. Pero dahil mahalaga
naman ang pupuntahan ko, naghanda pa rin ako sa pag-alis. Nagluto ng almusal.
Naligo. Nagbihis, saka umalis. Mga past 5 am na iyon.
Dumaan muna ako sa school para ibigay sa magulang/guardian
ng estudyante ko ang card. Nireklamo niya ako sa SDO. Sinend niya ang
screenshot ng reply ko sa inutusan niyang magulang na kapitbahay na itanong sa
akin kung puwede makuha noong Lunes Santo ang card.
Galit na galit talaga ako sa pagiging iresponsable nila.
Sampung buwan akong naghintay na i-chat man lang ako para kumustahin ang anak
niya, pero wala. Nagawa niyang mag-chat sa SDO, pero sa akin, hindi. Nakagago!
Gayunpaman, ipapaubaya ko na lang sa Diyos ang lahat.
Pinakitaan at pinaramdaman ko pa rin sila ng kabutihan kanina, sa kabila ng
ginawa nila sa akin.
Past 8:30 na ako nakarating sa SDO. Naroon na si Ma’am Mel.
Marami nang naroon, pero hindi pa agad nag-start. Mga 9 am pa nagsimulang
magtawag. Isa-isa kaming tinawag—alphabetically—upang ipakita o sabihin ang
assessment sa papers na pinasa namin.
May kulang akong dokumento. Kailangan kong magpasa ng TOR
para mag-reflect ang grades ko. Hindi sapat ang CAR certificate. Binigyan ako
ng one week para i-settle iyon.
Twelve, binigyan kami ng lunch break. Ia-announce at
ipakikita na lang sa ang final rating namin, saka pipirma, pero nag-break pa.
Okey lang naman kasi gutom na gutom na talaga ako. Tapos na si Ma’am Mel.
Nakakuha siya ng 97.28.
Kumain muna kami sa Greenwich Libertad. Hindi naman ako
nagmamadali kasi nasa dulo pa ang pangalan ko, kaya nakipagkuwentuhan pa ako sa
kaniya. Mga 1 pm na ako nakabalik sa SDO. Mabuti na lang, nakabalik ako bago
ako natawag.
Nalungkot ako nang makita ko ang rating ko. Hindi ko kasi
na-perfect ang COI. Hindi sila nagandahan sa demo ko. Perfect score sina
Janelyn at Mel, ako 24.286 lang. Mababa rin ang performance rating ko, pero
accepted ko iyon.
Narito ang breakdown:
Education 10
Training 10
Performance 26.976
COIs
24.286
NCOIs 15
Total
96.262
Nadoble ang lungkot ko nang pagpunta ko sa CUP, at binigyan
ako ng form, nang nag-request ako ng TOR. Sabi ng clerk, ilagay ko raw ang mga
subjects at professors ko. Pambihira! Itong school lang yata ang ganito. Ibig
sabihin, wala silang record? Kaya nga ako nagre-request, e.
Hindi na muna ako kumibo, kahit sobrang bigat ng kalooban
ko. Naisip ko kasing naitabi ko pa ang mga certificates of matriculation ko.
Umuwi na lang muna ako. Babalik na lang ako sa Lunes.
Kahit ganoon, feeling disappointed pa rin ako sa mga
nangyari ngayong araw sa akin. Ang bigat sa kalooban. Matatanggap ko na ang
final rating ko, pero hindi ko kayang tanggapin na hindi ako agad makakakuha ng
TOR. Akala ko pa naman, madali lang—naka-ready na sa system nila. Ang bagal pa
rin ng sistema nila. Naalala ko tuloy noong 2019 na inireklamo ko ang
Registrar’s office dahil sa pangit nilang sistema. Balak kong gawin ulit iyon.
Past 4, nang dumating ako sa bahay, sobrang bigat ng
kalooban at katawan ko. Nahiga lang ako hanggang past 5, saka ako nagkape.
Kahit paano nabawasan ang kabiguan. Nakapag-gardening na ako bandang 6.
Seven pm, naghanda ako ng mga gagamitin ko bukas sa Project
Lingap Week 2, lalo na’t kinontak ako ni Ma’am Nhanie.
Abril 18, 2026
Five-thirty ako gumising. At past 6 na ako nakaalis sa
bahay. Sa may Umboy na ako nag-almusal.
Pagdating sa PITX, umidlip muna ako sa waiting area. Hindi
man ako nakatulog, pero, at least, hindi ako masyadong napaaga sa pagpunta sa
center, kung saan gaganapin ang Project Lingap Session 2.
Mga past 8:30, naroon na ako. Mabuti, nakasalubong ko si Sir
Edwin. First time ko roon kaya nahihiya pa ako. On the way pa lang si Ma’am
Joann, kaya medyo matagal din akong naghintay. Mabuti, dumating na ang mga
bata. At niyaya akong magkape ni Sir Edwin. Naabutan nga ako ni Ma’am Joann na
nagkakape.
Past 9:30 na kami nakapagsimula kasi kumain pa ng lugaw ang
mga bata. Ako ulit ang nag-storytelling. At pagkatapos niyon, nag-breakaway
session kami. Hiniwa-hiwalay namin ang mga bata ayon sa kanilang kakayahang
magbasa. Kinuha ko ang isang batang babaeng developing reader. Pinabasa ko sa
kaniya ang kuwento kong may illustration—ang ‘Hermiiiing!’
Pagkatapos ko siyang mabasa, nag-join na ang tatlo pang bata
para sa aming numeracy. Nagturo ako ng subtraction. Gumamit ako ng mga flash
cards at real objects, gaya ng candies. Iyon na rin ang prizes ko sa kanila.
Dahil 12 na, hindi na naituloy ng ibang bata ang pagsagot sa
written activity ko. Pinakain na sila ng lunch.
Bago pinauwi ang mga bata, dumating si Ma’am Nhanie.
Nag-groupie kami bago sila pinauwi. Saka nag-dine out kami sa katapat na resto.
Madalas kaming kumain doon. Noong Sabado, doon din kami kumain ni Ma’am Joann.
Past 2, saka lang kami natapos at umuwi. Sana matuloy ang
overnight swimming namin. Birthday treat daw ni Sir Edwin kay Ma’am Nhanie.
Pansol, Laguna ang plano. Sarap! Baka matuloy na rin ang team building na
suhestiyon ni Sir Edwin.
Past 4 na ako nakauwi sa bahay. Hindi ako masyadong pagod,
pero hindi agad ako nakapagkape. Almost 5:40 na yata iyon nang bumangon ako
para magmeryenda at mag-gardening.
Baka matulungan ako ni Ma’am Joann na ma-expedite ang
magkuha ko ng TOR sa CUP. Nag-chat siya kanina sa kakilala niya roon. Dati pala
siyang nag-work sa Registrar, kaya may kakilala siya roon, na maaaring
makatulong sa akin. Tinanong niya nga kung may clearance ako sa TOR. Mabuti,
binigyan ako kahapon.
Hindi ako kumain ng kanin ngayong gabi. Nag-shake lang ako
ng melon, saka kumain ng mamon, na worth P15. Solb na rin naman ako. Bukas na
ako kakain ng hard breakfast.
Abril 19, 2026
Maaga akong bumangon para maglaba. Siyempre, naghanda muna
ako ng almusal, saka kumain. Habang naghahanda, nakasalang na sa washing
machine ang mga damit ko.
Pagkatapos kong magsampay, naglinis naman ako sa kusina.
Nilinis ko ang ilalim ng lababo. Ilang taon na ring hindi nalinis iyon, kaya
mukhang nakahinga na nang maluwag.
Nagpahinga muna ako saglit bago ako namalengke. Nag-crave
ako sa paksiw na isda, kaya iyon ang binili at niluto ko. Nagdagdag na lang ako
ng ginataang puso ng saging, na nabili ko sa karinderya sa halagang P30.
Tinapos kong isulat ang isang chapter ng nobela ko bago ako
nananghalian. At pagkatapos kong maligo, nanood ako ng tv. Nang inantok ako,
umidlip ako.
Past 4:30, pagkatapos kong magmeryenda ng nilagang saging at
kape, nag-gardening ako. Tulad kahapon at noong mga nakaraang araw, nagpausok
ulit ako sa garden para maitaboy ko ang mga lamok. Effective naman kahit paano.
Kaya lang nangangamoy usok talaga ako.
Hindi na ako nagluto ng hapunan. Kinain ko na lang ang
tiring paksiw na isda at ginataang puso ng saging. Nakapag-exercise naman ako
kahit paano bago umakyat bandang 10 pm.
Abril 20, 2026
Past 7:30 nang nagising ako. Alas-8 naman nang bumaba ako
para maghanda ng almusal. Mabilis lang ako nakapagluto at nakakain, kaya
nasimulan ko agad after 30 minutes ang pagkaskas ng kalawang sa metal plant
rack/shelf sa garden. Hindi ko natapos kasi mainit na bandang 10 am. Nagpahinga
na ako para naman sa pagluluto ko ng lunch.
Habang nanonood ako ng tv at nagpapahinga—ala-una ng hapon,
nag-chat ang principal ko.
Aniya, “Good afternoon Sir. Yong nagmessage po kay Sir Quinn
student ninyo po pala yon. Dala ninyo po ba yong card nya ? Or naiwan po ninyo
sa room? Paano po kaya natin maibibigay yong card ng bata Sir? Ano po maaari nating gawin po Sir? Pwede po
ba palalamove po yong susi ng room ako
na po magbayad sa fee ? Or paano po Sir para ma release po natin card nya po..
Maraming salamat po.”
Sagot ko: “Nag-friend request na po sa akin ang Tito ng
estudyante ko. At noong Friday, dumaan po ako sa school. Nakuha na po nila. Ten
months din po kasing di sumusunod sa akin ang bata na makipagkita o
makipag-communicate sa akin ang kaniyang ina. Pati ang pagkuha ng card,
kapitbahay pa ang pina-chat sa akin. Nagtatanong nga ako sa sarili ko kung
bakit ayaw nilang makipag-communicate sa akin, pero kay Sir Quinn, kaya nila.
Sabi niya: “Ok po Sir Maraming salamat po.”
Nag-like ako.
Sabi pa niya: “Yes po sir nalungkot din po ako kasi narito
naman ako sa school sana sa akin po muna bago kay Sir Quinn”
Nag-send pa siya habang nagta-type ako ng message. “But
anyway nakuha na pala , Maraming salamat po
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Kailangan niyang
malaman ang damdamin ko. Sabi ko, “Matapang sila pero wala sa lugar. Madali
lang naman ang problema. Pinadaan pa nila sa kapitbahay. Nakaka-offend din po
kaya nakapagsalita na rin ako ng offensive.”
Sabi naman niya, “Ok po feed back ko po kay Sir Quinn na may
need po kayo sa parents kung bakit hold nyo po card nya kasi para maging maayos
po sana ang pagpapalaki sa bata kung magkatuwang na nag uusap ang guro at
magulang dahil gusto nating maging maayos po sila.”
Naisip ko, dapat lang. Nilaglag niya ako. Hindi man lang
niya naisip ang ipinatupad nilang uninterrupter vacation. Ni hindi niya ako
kinausap. At hindi niya inutusan ang reklamador na mag-chat nang personal sa
akin.
Sabi ko, “May problema po ang bata. Hindi siya performing.
Kung pwde nga lang, hindi ipasama sa graduation. Hindi po siya gumagawa”
Heto naman ang reply ko sa iasa niyang message: “Kaya lang
po, wala pong kalaban-laban ang guro. Palaging MALI at nahuhusgahan.”
Ito pa: “Minsan, nakakasawa na pong magmalasakit.|
Reply naman niya ito: “Huwag pong magsawa po Sir sa paghasik
ng kabutihan sa kapwa . Kung minsan hindi man nakikita ng kapwa natin ang
kabutihang ginawa natin ang Panginoon ay laging naka tingin po sa atin . Muli
Maraming salamat po.”
Pero hindi pa ako tapos. Nag-send ako ng screenshot ng chats
ko sa isang parent. Mababasa roon na dalawang beses akong nag-chat, pero walang
reply. Kung matalino siya, malalaman niyang hands-on ako sa
pakikipag-communicate sa parents, lalo na noong kuhaan ng card.
Kako. “Katulad po niyan... inisa-isa ko silang chinat Bukod
tangi silang hindi pumunta.”
Ni-highlight ko pa ang screenshot. Sabi ko, “Ito naman po
ang magulang na nagreklamo noon kina sir hermie at mam madz. Hanggang ngayon,
hindi pa niya kinukuha. chinat ko na nang dalawang beses, ni reply po wala.”
Nagkomento pa siya: “Nakakalungkot naman sana maki pag usap
sila nang maayos upang magabayan po natin.”
Ito naman ang last messages ko: “Kaya nga po, Ma'am, e.
Nakakasama lang po talaga ng loob. Nahusgahan na ako. Wala na akong katapatang
magpaliwanag at mapakinggan.”
“Thank you po! Have a nice day.”
Pakiramdam ko, nabigyan ko ng hustisya ang sarili ko. Nahusgahan
man ako at nabiktima ang unprofessional na magulang, alam kong nasa tama ako.
Karapatan kong magbakasyon.
Nawalan ng kuryente bandang 3 pm habang natutulog ako, kaya
nabalahaw ang pamamahinga ko. Sobrang init pala talaga kapag walang electric
fan. Past 4:30 na bumalik ang kuryente. Saka lang ako nakapagpainit ng tubig
para sa kape.
Mga 5 pm, ipinagpatuloy ko ang pagkaskas ng kalawang sa
garden. Nagdilig na rin ako pagkatapos niyon. Past 6 na ako pumasok, hindi para
magluto, kundi para magpahinga.
Mga past 10 naman ako inantok, kaya pinagbigyan ko na. Wala
namang dahilan para magpuyat pa.
Abril 21, 2026
Past 7 nang nagising ako. Ilang minuto ang
lumipas—pagkatapos kong magselpon—bumaba na ako. Agad akong naghanda ng
almusal.
Paglipas ng tatlumpung minuto, nagsisimula na akong
magpintura ng metal plant rack/shelf sa garden. Masyadong magbaho ang pintura,
kaya bandang 9 am, lumabas ako para bumili ng mantika, at ginataang langka,
saka mansanas at saging. Ito ay para makahinga rin ako at makagawa ng fruit
shake.
Past 10 ko na natapos ang pagpipintura. Habang nagpapahinga,
nanood ako ng telebisyon. Past 11 na ako nagprito ng isda.
Naglaan ako ng oras sa panonood ng noontime show at
pag-idlip. Past 3:30 na ako bumangon para maglaga ng saging na pangmeryenda.
Nag-chat pala sa akin si Ma’am Joann. Kinumusta niya ang TOR
ko. Sabi rin niya, hindi niya nakontak ang kaibigan niya roon sa CUP. Kaya
nag-reply ako na hindi na ako magpapasa ng TOR. Okey nang bawasan ako ng 10
points. May 86.262 pa rin naman ako.
Pagkatapos kong magmeryenda, nag-digital illustrate ako.
Hindi ko man natapos, pero nasa 75% na. Alas-5 na ako nakapaglinis sa garden.
Naibalik ko na sa dating puwesto ang plant rack.
Mas maaga akong umakyat ngayon. Mga past 9:30, nasa kuwarto
na ako. After 1 hour, nag-off na ako ng cell phone para makatulog na.
Abril 22, 2026
Alas-otso na ako nagising. Ang gaganda kasi ng panaginip
ko—parang totoo. Nakita ko ang mga pamilyar na tao sa buhay ko, gayundin ang
mga kakilala at kaibigan.
Wala pang 8:30, bumaba na ako para maghanda ng almusal.
Nagbukas lang ako ng tuna flakes in oil, nagprito ng itlog, nag-init ng kanin,
at nagkape. Solb na ang almusal! Hindi naman ako magtatrabaho ngayon sa garden
kasi plano kong magsulat ng nobela—karugtong ng Elias Maticas.
Lumabas pa rin ako sa garden pagkatapos mag-almusal.
Nagwalis lang ako, saka nagbilad ng mga paper mache na uling na ginawa ko.
Past 9, nagsisimula na akong magsulat. Nahirapan na naman
akong alalahanin ang istorya at mga pangalan ng tauhan, kaya nag-scan reading
muna ako. Mga 10 na ako nakapagsulat.
Past 10:30, lumabas ako para bumili ng ulam. Hindi ako
nagluto. Bumili lang ako ng laing. May tira lang tuna flakes in oil, kaya may
ulam na ako sa tanghali.
Katulad kahapon, nanood ako ng noontime show habang
nagpapaantok. Kahit paano nakatulugan ko na ang palabas.
Pagkatapos naman magmeryenda at manood ng panghapong
teleserye sa GMA, gumawa na ako sa garden. Nagdilig ako ng mga halaman. Gumawa
ng uling na papel. Nagpausok, gamit ang mga tuyong dahon at mga scrap na kahoy
mula sa paleta. Naitaboy naman ang mga lamok kahit paano.
Past 6:30, nagsimula na akong magluto. Adobong manok ang
putahe ko ngayon. Nilagyan ko ng tirang nilagang saba.
Bago ako umakyat, sinubukan kong tapusin ang isang chapter
ng Elias Maticas na sinimulan ko kaninang umaga. Nabigo ako. Kung kailan
dumadaloy ang ideya, saka naman ako inantok nang husto. Pero nang nakahiga na
ako, nawalang bigla ang antok ko. Sa halip na magsulat pa, naglaro na lang ako
ng parang Tetris sa phone ko hanggang sa antukin ako bandang 12 mn.
Abril 23, 2026
Alas-sais pa lang gising na ako. Sinubukan kong matulog
muli, pero nabigo ako. Kaya nag-cell phone na lang muna ako hanggang 7 bago
bumaba para maghanda ng almusal.
Past 8, lumabas ako para bumili ng toothpaste at para
magpa-cash in. Past 8:30 na ako nakabalik. Agad akong nagbayad ng water at
electric bill. Grabe! Biglang tumaas ang konsumo sa tubig dahil sa pagkaiwan
kong bukas nang magdamag ang water hose. At ang kuryente, grabe rin! Nabasa ko
nga ang shared post ng Fb friend ko. Tumaas talaga ang singil. Paano ba namang
hindi sisingil, e, pinaghati-hatian ng mga consumers ang subsidy para sa mga
senior citizen na consumers. Sabi ng nagmurang vlogger sa kaniyang post: “ANG
KAKAPAL TALAGA NG PAG MUMUKHA NYO NAG COMMENT PA KAYO HA?
HOY Meralco PROGRAMA PALA YAN NG GOBYERNO PUTANGINA BAKIT
SAMIN NYO SINISINGIL HINDI SA KANILA???? NAG PAALAM BA KAYO SA TAONG BAYAN
HUMINGI BA KAYO NG APPROVAL NAMEN?? PUMAYAG BA KAME DYAN SA GUSTO NYONG PANG LILIBRE
PUTANGINA NYO HA??
GOVERNMENT ANG MAY PAKANA PWES SILA ANG SINGILIN NYO! NAG
BABAYAD NA KAMI NG TAX POTANGINA PATI YAN SAMIN PA DIN?? TARANTADO KAYO!” –
Malditang Ina
Caps lock. Intense.
Sana mabigyan ng katarungan ang mga consumer. Hindi na nakakatuwa
ang gobyerno.
Past 9, natapos ko nang sulatin ang Chapter 9 ng Elias
Maticas. Kung sakaling magtagumpay ang Book 1, maaari kong i-pitch sa
BookMarked Books ang Book 2 nito. Nasabihan ko na rin si Ma’am Joann na isulat
na niya ang kaniyang akda tungkol sa sigbin para maikonekta namin ang mga
characters. Pati siya ay nais kong makaranas ang publishing contract. Aniya,
sinisimulan na niya. Nananaliksik muna siya.
Bago mag-12, nakapagsulat na ako ng isang chapter ng nobela.
Naisingit ko pa nga ang crafting at carpentry. Gumawa ako ng maliit na house
figure mula sa mga paleta.
Nanood naman ako ng telebisyon pagkatapos kong mai-post sa
Inkitt ang isang chapter, na naisulat ko.
Hapon, naglaan ako ng oras sa pag-idlip. Kahit paano ay
nakatulog ako.
Past 4, gumawa ako ng ice cold coffee. Ang sarap! Para akong
bumili ng kape sa SB. Hehe. Naipares ko pa ang nilagang kamote, na natira
kahapon.
Pagkatapos magmeryenda, gumawa na ako sa garden. As usual,
nagdilig ako, nagpausok, at gumawa ng papel na uling. Mga past 7 na ako pumasok
para magpahinga at magsaing.
Hindi pala ako nagpahinga. Nag-exercise ako. Sinimulan ko
namang gawin ang mga routines na ibinigay sa akin ng dati kong estudyante.
Past 10:30, nasa kuwarto na ako. Nag-digital illustrate muna
ako bago nagpatay ng ilaw. Nabulahaw ang tulog ko nang marinig kong may
kumalabog sa ibaba. Naalala ko, pumasok na pala si Herming. Ilang araw din
siyang nagtampo sa akin, saka natakot pumasok. Pinalalabas ko siya, pero ayaw
niya. Nagsumiksik sa ilalim ng hagdanan.
Abril 24, 2026
Hindi agad ako kagabi nakatulog, hindi lang dahil kay
Herming, kundi dahil sa alinsangan. Siguro, mga ala-una na ako nakatulog. At
bandang alas-3 ng madaling araw, kumatok si Herming sa pintuan. Nakitulog siya
sa kutson ko. Lalo tuloy nabulahaw ang tulog ko. Plano ko pa namang mag-walking
ngayong araw. Nag-set nga ako ng alarm—alas-singko, pero pinatay ko, at natulog
ako hanggang 7 am.
Pagkatapos kong mag-almusal, agad akong gumawa ng learning
materials para bukas sa Project Lingap.
Multiplication ang isa sa mga ituturo ko, kaya gumawa ako ng flash
cards. Naghanda rin ako ng materials (number cuttings) para sa aking palaro.
Past 10:30, lumabas ako para bumili ng lutong ulam—Bicol
Express at laing. Bumili rin ako ng pakwan na akong isi-shake.
Maghapon kong ginawa ang learning materials. Past 5:30 na
ako natapos. Iyon din ang oras para sa aking usual routine sa garden. Pagpasok
ko—mga 7, saka lang ako nagligpit, nagsaing, at nag-exercise.
Abril 25, 2026
Five:thirty nang magising ako mula sa magdamag na
pagkapuyat. Para akong inaswang kagabi—hindi ako nakatulog. Sobrang init, kaya
pabaling-baling ako. Dalawang araw na akong kulang sa tulog.
Quarter to nine, nasa center na ako. Naabutan ko roon si Sir
Edwin, ang katiwala ng simbahan at center, at dalawang magulang na nagluluto.
Tumulong agad ako kay Sir Edwin sa pag-aayos ng mga lamesa
at upuan. Pagkatapos niyon, inabangan ko ang pagdating ni Ma’am Lynette.
Bago mag-10, dumating na siya. Magkasunuran halos sila ni
Ma’am Joann. Dahil napakain na namin ng almusal ang mga bata, agad namang
pinasimulan ang klase. Nanalangin mo nang pasayaw, saka ako na ang
nag-storytelling.
Ikinuwento ko ang “Si Pilandok at ang Itlog ng mga Pawikan.”
Naging masigla naman ang pagkukuwento ko, hindi dahil may prizes ulit ako para
sa mga sumasagot sa mga tanong ko, kundi dahil gusto nila ang kuwento. Pati nga
ang mga volunteers ay nakikinig din.
Nag-almusal kami ni Ma’am Lynette ng champorado at pandesal
habang nagtuturo si Ma’am Joann. Nakapagkuwentuhan din kami nang saglit.
Pagkatapos niyon, nagturo naman sa mga kuya at ate ng multiplication, habang
ang mga bunso (mostly Kinder at Grade 1) ay may writing activity. Naipalaro ko
rin ang inihanda kong materials kahapon. Enjoy na enjoy sila. Sabi nga ng
president ng JCI Perlas-Pasay, nagustuhan daw ng boyfie niya teaching style ko.
Pinasalamatan ko siya.
Past one na natapos ang klase dahil nagbigay pa ng gift bag
ang JCI. Nabigyan din kami ng 2 items.
Nag-lunch kami sa katapat na resto—sa Gerald’s. Dito kami
madalas kumain pagkatapos ng event. Kahit wala ang mag-asawang Sir Edwin at
Ma’am Nhanie, may pre-ordered food na para aming apat—ako, Ma’am Joann, Ma’am
Lynette, at Ma’am Riza. Umorder pa raw kami ng gusto namin. May date yata sila
ngayon dahil wedding anniversary nila.
Inabutan kami ng alas-tres doon, hindi lang dahil sa
masasarap na pagkain, kundi sa makabuluhang kuwentuhan.
Past 5:30 na ako nakauwi sa bahay. Pagkatapos kong uminom ng
malamig na tubig at kumain ng pakwan, nagdilig na ako ng mga halaman. At habang
nagpapausok, nagkakape ako.
Hindi muna ako nag-workout ngayong gabi. Past 9, nasa
kuwarto na ako. Nagsulat muna ako ng journal ko bago ako umakyat para matulog.
Ten: thirty na ako nag-off ng ilaw.
Abril 26, 2026
Nakabawi ako sa dalawang araw na puyat dahil past 8 na ako
nagising. At bago mag-8:30, bumaba na ako para maghanda ng almusal.
Pagkatapos kumain, humarap na ako sa desktop para magsulat.
Sumulat ako ng karugtong ng Elias Maticas. Nag-resaerch muna ako tungkol sa
bugsok, ang dark fairy ng mga Bikolano. Dumaloy naman ang ideya sa utak ko,
kaya nakapagsulat naman ako nang mahaba-haba. Kaya lang, kinailangan kong
lumabas para bumili ng uulamin. Isda at ginataang langka ang binili ko. Ako na
ang nagprito ng isda.
Dahil busog na busog ako, hindi ko na naipagpatuloy ang
pagsusulat. Nahiga ako, nanood ng tv, at nagpaantok sa cell phone.
Nakatulog naman ako kahit mainit. Past 4 na ako bumangon
para magmeryenda.
Past 5:30, lumabas naman ako sa garden para gawin ang
routine ko. Past 7 na ako pumasok para magsaing at mag-ehersisyo.
Habang nagsasaing, humarap naman ako sa laptop para
ipagpatuloy ang pagsusulat. Past 10 ko na natapos ang isang chapter ng Elias
Maticas.
Abril 27, 2026
Bumangon ako ng 5:30 para mag-walking. Noong isang araw ko
pa ito gustong gawin. Ngayon lang natuloy.
Wala pang six am, naglalakad na ako patungo sa may Anyana.
Hindi ako nagkape at nag-almusal kasi balak kong maghanap na lang ng makakainan
sa daraanan ko. Bahala na kung saan ako abutin ng gutom.
Kahit pala 6:30 pa lang ng umaga, masakit na sa balat ang
sikat ng araw. Andami na ring sasakyan, kaya latag na ang mausok na hangin.
Nakakakawa rin ang mga halaman, damo, at puno sa dinaraanan ko. Lanta at tuyot
na ang karamihan. Hindi masarap maglakad kapag brown ang paligid. Parang
napagod agad ako.
Sa Punta 1 ako nakakita ang kakainan. Sa may Tanza-Trece
Road Highway iyon. Nag-order lang ako ng regular pares kasi hindi ko pa
kabisado ang lasa ng pagkain doon. First time, kumbaga.
Masarap naman ang pares nila. Worth it sa P65 na bayad ko.
Pagkatapos kong kumain, sumakay na ako ng dyip patungong
Umboy. Hindi ko na kayang maglakad kasi mainit na, saka mabigat na ang tiyan
ko.
Antok na antok ako pagdating ko bandang 8 am, kaya umidlip
ako. Past 9 na ako bumangon para sana magsulat, pero naging reading at editing
kasi may mga bagay akong nakalimutan sa mga characters ng nobela. Nakapagsulat
din naman ako ng ilang talata.
At pagkatapos mag-lunch, sobrang antok ko rin. Naglatag ako
ng foam sa sala. Mabuti, nakatulog ako. Ang sarap sa pakiramdam! Nakabawi ako
sa puyat, kahit paano.
Paggising ko, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa at pag-eedit
habang nanonood ng teleserye.
Past 5:45 pagkatapos kong magmeryenda, nag-walking uli ako
patungo sa munisipyo. Double purpose na rin iyon. Nag-withdraw na rin ako ng
LA, saka bumili ng ulam, fruits, at cat litter pagbalik ko. Past 7 na ako
nakauwi.
Pagkatapos mag-dinner, nag-edit pa rin ako. Nag-exercise din
ako nang makapagpahinga na ako. At nang naligo ako para makapagpahinga at
makatulog na, nasira naman ang pihitan ang gripo sa banyo. Kinalawang na iyon,
sumirit ang tubig pagkatanggal. Na-stress ako. Mabuti, tapos na akong
magbanlaw.
Hindi ako mapakali nang mapaisara ko ang kuntador. Nakaakyat
na ako, pero iyon pa ang nasa isip ko. Gumawa ako ng paraan upang matanggal o
maikot ko ang kinalawang an tubo. Nanood ako ng mga videos sa YT. At nang
makakuha ako ng ideya. Hayun, successful! Akala ko, magpapaayos na naman ako sa
kapitbahay namin. P300 or P200 din iyon kung sakali. Sayang! Kaya ko namang
magkabit, since natanggal ko na ang dating tubo.
Pag-akyat ko, hindi pa rin ako antok, kaya itinuloy ko ang
editing. Past 12 na ako nag-off ng phone, saka natulog.
Abril 28, 2026
Past 7 nang nagising ako. Nagselpon muna ako saglit bago ako
bumaba para maghanda ng almusal.
Masagana ang almusal ko ngayon. May natira akong paksiw na
isda at pritong manok kagabi. Kaya nagprito na lang ako ng itlog. Sol bang
almusal!
Past 8, lumabas ako para bumili ng gripong ikakabit ko sa
banyo, saka paint brush, groceries, at pang-ulam. Sinigang na pork ribs at
liempo ang menu ko ngayon.
Inimbitahan ako ni Sir Hermie sa kanila. Mag-isang bote raw
kami. Birthday niya ngayon, kaya binatiko, pero sinabi kong hindi ako puwede
ngayon. Pupunta kasi si Felix. May problema yata siya sa pinapasukan niya. Ayaw
namang sabihin sa chat. Gusto pa personal niyang ikuwento. Nakapag-commit na
ako, kaya tinanggihan ko ang imbitasyon ni Hermie. Pero bandang 11, nag-chat
siya na hindi siya matutuloy kasi pina-process pa ang documents niya. Naawa ako
sa kaniya kasi hindi na naman niya matatapos ang pag-aaral niya. Health related
daw ang dahilan ng pagtanggal sa kaniya. Grabe naman. Magsisimula na naman
siya.
Nagsulat ako ng nobela habang hindi pa ako nagla-lunch.
Medyo mahaba rin ang naisulat kasi dumaloy ang ideya sa utak ko, pero nang
nakakain at nakaligo na ako, itinigil ko muna para manood ng noontime show,
magpaantok, at umidlip.
Quarter to 5, pagkatapos kong magmeryenda, tumawag si Sir
Hermie. Pinilit niya akong pumunta sa kanila. Akala raw niya, pupunta ako.
Sinabi ko naman ang dahilan ng pagtanggi ko kanina.
Six-thirty, naroon na siya sa Kalayaan. Doon niya ako
sinundo ng motor niya. Pagdating namin sa bahay nila, naroon na ang ninong
niya, na bisita niya rin last year.
Nag-order lang silang mag-asawa ng pagkain. Apat lang naman
kaming kakain. Kaya nga pagkatapos naming kumain, andami pang tira. Naging
pulutan lang namin ang iba.
Siyempre, nag-inuman at nagkantahan kami. Nag-iba na ng
brand ng beer si Sir Hermie. Ayaw na niya sa pulang kabayo. Mas masarap at
manamis-namis nga ang ipinalit niya. Hindi masyadong mabaho at mapait, lalo na
kapag malamig na malamig.
Alas-dos na kami natapos uminom at kumanta ni Sir Hermie.
Ang ninong niya, ala-una pa lang ay umuwi na. Taga-Taguig kasi siya.
Abril 29, 2026
Nakatulog naman ako kahit paano, kahit lasing, at kahit
mainit. Bumangon pa nga ako bandang 4 am para magbanyo.
Alas-7, bumaba na ako. Nasa baba na kasi ang mag-asawa.
Tinawagan na nga ako ni Sir Hermie para mag-almusal.
Hindi na ako nagtagal doon. Pagkatapos mag-almusal, nakisuyo
akong i-book ako sa JoyRide. One hundred eighty-six lang naman. Diretso na sa
SPV. Ayaw na rin kasi akong ihatid ni Sir Hermie. Ayaw ko na rin namang ihatid
pa niya ako kahit sa Kalayaan.
Past 8:30, nasa bahay na ako.
Maghapon akong nahiga lang. Medyo masakit ang ulo ko at
nahihilo ako, kaya itinulog ko na lang. Past 5 na ako nagising.
Nagdilig muna ako ng mga halaman, saka nagmeryenda, bago ako
lumabas para magpa-cash in. Nanghingi si Hanna ng pampa-bookbind ng thesis nila
at pambayad sa sa registrationsa pre-board exam niya. Nagulat ako kasi may
pre-board exam pala sa URS. Siguro parang review na rin ito kasi 3rd
year pa lang naman siya. Okey nga ang ganito.
Pagkatapos kong mag-workout at habang nanonood ng
telebisyon, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng nobela. Nine hundred words na,
pero may gusto pa akong idugtong, kaya lang ay antok na ako. Past 10 nasa
kuwarto na ako para magpahinga. Bukas ko na tatapusin ang chapter na iyon.
Abril 30, 2026
Past 6:30 nang nagising ako. Akala ko, past 7:30 na, hindi
pala. Wala na akong itutulog pa. At isa pa, maglalaba ako ngayon ng mga shorts
at ilang damit ko. Kaya after one hour, bumangon na ako> Siyempre, nagselpon
pa ako bago bumangon.
Past 8:30, nakapag-almusal na ako. Ibinabad ko na muna ang
mga labahan ko. Gusto kong makatipid sa kuryente, kaya hindi na ako gagamit ng
washing machine. Hindi na rin ako magda-dryer.
Itinuloy ko na ang pagsusulat ng Chapter 167. Natapos ko
iyon bandang 9 am. Gumawa naman ako ng papel na uling sa garden, saka nagbabad
ulit ng mga piniraso-pirasong papel.
Past 10, lumabas ako para bumili ng ulam. Hindi na muna ako
magluluto ngayon. Pagdating ko, sinubukan kong i-connect ang bluetooth
microphone sa tablet ko. Successful! Sinubukan kong mag-karaoke. Ayos naman.
Nakailang kanta rin ako bago ako huminto para mag-conceptualize naman ng bagong
kabanata ng Elias Maticas.
Hindi ako nakapagsulat ni isang salita pagkatapos kong
makahanap ng ilang kaalaman na isasama ko sa kabanata dahil kinailangan kong
gumawa ng ibang bagay, gaya ng paglilinis, paggawa ng uling na papel, at iba
pa. Inabutan na ako ng lunch time. At pagkatapos namang kumain, nag-siesta
ako—nanood ng tv at nagpaantok, habang hinihintay ang pagdating ni Felix.
Past 4 na siya dumating. Nabalahaw ang pagtulog ko dahil
panay ang chat niya kung paano at saan sasakay, na parang hindi siya rito
galling noong nakaraang linggo.
Alas-sais na ako nakapagbanlaw ng aking mga ibinabad dahil
saka lang humupa ang araw sa garden. Okey lang naman kasi mga shorts, panyo,
brief, medyas, at apat na damit lang naman ang mga iyon.
Past 7, si Felix ang pinagluto ko ng sinigang na baboy.
Pinagkuwento ko siya tungkol sa dahilan ng pagpauwi sa kaniya ng
school-foundation. Aniya, nagkakaroon siya ng panic attack. Hindi niya
dinetalye ang mga sitwasyon—marahil ay nahihiya. Kaya nanghihingi ang admin ng
certificate mula sa psychiatrist na fit to study/work siya. Hiniling ko na sana
makabalik siya sa school na iyon. Sayang na sayang ang sinimulan niya.
Dahil sa sama ng loob, nagyaya siyang mag-inom. Siya ang
bumili ng isang bote ng grande beer at pulutan. Parang first time niyang uminom
dahil hindi niya nga naubos ang panghuling baso, hindi na siya makaakyat sa
hagdan nang matutulog na. Inalalayan ko pa. At nang natutulog na siya, para
siyang umiiyak. Maya-maya, narinig kong inuuntog niya ang ulo niya sa semento—umalis
kasi siya sa kutson. Aguy! Natakot ako. Mabuti, narinig ko. Ganoon pala siya. May
nakita ngang something sa kaniyang pag-iisip kaya hinanapan siya ng
certification. Nakakaawa rin naman siya.
No comments:
Post a Comment