Elias Maticas 13
Nag-iba ng daan si Elias upang
umiwas sa mga tsismoso at tsismosa sa tindahan ni Manay Gloria. Kaya lang
nahirapan naman siyang itulak at imaneho ang kaniyang kareta dahil mabato at hindi
sementado ang daang iyon. Gayunpaman, kinailangan niyang magmadali dahil
mangangahoy at bibili pa siya ng isda.
Sa tindahan ni Tata Balana,
iwas na iwas si Elias dahil nakita niya ang nanay ng kinakapatid niyang si
Eloy, na nakatira sa kabilang pampang ng ilog.
“Oy, Elias,” nakangiting bati
ni Nana Pilang. “Kumusta? Balita ko, parabulong ka na ngayon.”
“Po? H-hindi po.” Mas lalo
niyang binilisan ang pagtulak sa kaniyang kareta. Kahit hingal na hingal na
siya.
“Punta ka sa bahay. May lagnat
kasi si Eloy,” pahabol na sigaw ni Nana Pilang.
Itinaas niya lang ang kaniyang
kamay, pero hindi nagsalita, ni lumingon.
Sa kanto ng Kalye Balo, bago
siya lumiko, lumabas si Tata Amiong sa tarangkahan ng bakuran ng bahay ng mga
kalaro niyang sina Binang, Mario, at Anding sa kanto. Muntikan nang makalas ang mga gulong ng
kaniyang kareta nang bigla siyang huminto dahil tinawag siya nito.
“Po?” Kinakabahan siya sa
sasabihin nito, pero, dahil kilala niya si Tata Amiong bilang tahimik at mabait
na tao, gusto niyang malaman ang sasabihin nito.
“Mapaturi na si Mario ngayon.
Ikaw, kailan ka magpapatuli?” nakangiti nitong tanong.
Magkahalong saya at kaba ang
naramdaman niya. Masaya siya dahil walang kinalaman sa panggagamot niya ang
sinabi nito. Pero kinabahan siyang bigla nang marinig ang salitang ‘tuli.’
Hindi naman siya naduduwag, hindi lang niya napansin ang panahon na darating na
pala siya sa puntong mararanasan niya iyon.
“Ngayon na po ba?”
“Oo, papunta na ako sa may
ilog, sa may niyugan ni Tata Vic. Papunta na rin doon si Mario at iba pang mga
bata.”
“Paalam po muna ako kay Papay.”
“Sus! Huwag na. Siyempre papayag
`yon. Huwag kang matakot. Mabilis lang naman. Dalawa o tatlong pukpok, tapos
na. Sa una lang masakit.”
Parang naramdaman niya ang
sakit na sinabi ni Tata Amiong. Napangiwi siya. “Wala pa po akong kalo-kalo.”
“Ako na ang bahala. Marami
akong inihanda. Pupunta ka na lang doon.”
Hindi siya umoo, hindi rin
humindi. Basta pinaandar niya lang ulit ang kaniyang kareta nang hindi
nagmamadali. Para siyang nanghina.
“Elias, hindi ka magpapatuli?”
tanong ni Tia Ofelia—ang nanay ni Jasper, habang ito ay nagwawalis sa bakuran.
“Si Jasper po ba?” ganting
tanong niya kasi hindi siya sigurado kung magpapatuli na siya o hindi pa.
“Hinahanap nga ni Mayong.
Akala ko nga, magkasama kayo.”
“Hindi po. Baka po kasama si
Matt.”
“Ah, baka nga. Pero kapag
nakita mo, ha, pakisabi pumunta na sa may ilog. Nandoon na yata si Tata Amiong.”
“Sige po.” Lumakas ang loob
niya dahil magpapatuli rin si Jasper. Nahiling pa nga niya na sana magpatuli
rin si Matt. At napangiti siya nang maalala ang sinabi sa kaniya ni Lolo Leo.
“Kapag tuli ka na, maraming pagbabago ang magaganap sa
katawan mo o sa sarili mo. Magbibinata ka na,” sabi ni Lolo Leo, kasunod ang
pagbulong nito sa kaniya, na ikatawa nila.
“Ano pa po ang magbabago sa akin?”
Tutubuan ka ng balbas, bigote, at buhok sa kilikili at
maselang bahagi. Lalalim ang boses mo. Mas mabilis kang tatangkad at lumaki ang
katawan.”
“Gusto ko po `yon!”
“Ayos `yan! Kaya kapag puwede ka nang tuliin, magpatuli ka
na. Tutulungan at tuturuan kitang maglinis at nagpagaling.”
“Talaga po?”
“Oo naman. Ikaw pa lang ang apo kong lalaki, na
matutulungan ko. Kung puwede nga lang, ako pa ang magtuli sa `yo, e.”
Nagtawanan muna ang maglolo, bago muling nagtanong si
Elias. “Gaano po kasakit ang tuli?”
Saglit na nag-isip si Lolo Leo. “Depende. Depende sa kapal
ng balat ng pututoy mo. At depende sa magtutuli. Kapag mabigat ang kamay niya,
masakit ang tuli. At kapag naman magaan, okey lang. Kayang-kaya mo ang sakit.
Huwag ka na lang tumingin. Tumingala ka sa langit at magdasal.”
“Si Tata Amiong din po ba ang nagtuli sa inyo?”
Lalong natawa si Lolo Leo. “Hindi siya. Oo, siya na lang
ang paraturi sa Sitio Burabod ngayon, pero noon, marami. Ang nagtuli sa akin ay
si Tata Pinyok. Magaan ang kamay niya kaya hindi ko halos ramdam ang sakit.
Dalawang pukpok lang, tapos na.”
“Sana magaan ang kamay ni Tata Amiong.”
“Sana. Pero kahit ano pa `yan, ang mahalaga, matuli ka para
hindi ka nila tuksuhin na puyos.”
Hindi siya kumibo.
“Saka para maraming chicks ang magkaka-crush sa `yo,”
nginitian at kinindatan pa siya ng kaniyang lolo.
Natawa siya sa alaalang iyon,
pero bigla siyang nalungkot dahil wala si Lolo Leo. Paano siya magpapatuli kung
wala ito? Walang tutulong at magtuturo sa kaniya.
“Elias, nakita mo ba si
Jasper?” tanong ni Tio Mayong nang nakasalubong niya ito. “Galing ako sa bahay
niyo.”
“Hindi po. Hindi ko rin po
nakita si Matt. Baka magkasama po sila.”
“Saan na naman kaya nagsusuot
ang dalawang iyon? Kapag nakita mo sila, Elias, pakisabi, umuwi na. Ipapatuli
ko na si Jasper.”
“Ah, sige po, Tio Mayong.”
“Ikaw ba, magpapatuli na?”
“Bahala na po.” Natawa siya sa
kaniyang sagot.
Pagdating niya sa bahay, agad
niyang isinali sa biso o tapayan ang tubig na inigib. Sigurado siyang pagbalik
niya mula sa pangangahoy ay malamig na ang tubig doon.
Itinali naman naman niya sa
kaniyang baywang ang takuban (taguban) ng kaniyang ama, saka isuksok doon ang
itak.
“Meow! Meow!” sabi ni Diego
nang palabas na siya.
“Sasama ka?”
Muling nag-meow pa ang alaga
niya, na noon ay nasa katre ni Lolo Leo.
“Huwag na, Diego, nagmamadali
ako. Abangan mo na lang dito ang paraisda.” Natawa siya sa kaniyang bilin sa
pusa, lalo na nang nakita niyang parang dumila si Diego. “Alis na ako. Diyan ka
lang. Bantayan mo ang asin, baka nakawin na naman ng kudo-kudo.”
“Meow!”
Bago lumabas sa bakuran si
Elias, tiningnan niya muna sa likod-bahay ang bao na may asin, na inialay niya
sa kudo-kudo. Natuwa siya dahil wala nang laman ang bao. Plano niyang maglagay
ulit ng asin doon pagbalik niya.
Pagkatapos niyon, dumiretso na
siya sa kaniyugan para mangahoy. Wala siyang sinayang na sandali. Nagpokus siya
sa pangangahoy, at isinantabi ang tungkol sa tuli. Nanghingi na siya ang sign sa Diyos kanina. Aniya, kapag
magpatuli sina Jasper at Matt, magpapatuli na rin siya.
Halos nasa pampang na siya
nang ilog nang tila narinig niya ang tawanan at ingay nina Jasper at Matt sa
kabilang pampang. Kaya dali-dali niyang hinanap ang dalawa.
Sa kawayanan niya nakita ang
mga ito. “Jasper! Matt!” pasigaw niyang tawag nang nasa pampang na siya. “Anong
ginagawa niyo?”
“Gumagawa ng sulpot,” sagot ni
Jasper.
“Halika! Gawa ka na rin,” aya
naman ni Matt.
“Hinahanap ka pala ng papay
mo, Jasper. Magpatuli ka na raw.”
“Ha?”
“Oo. Ikaw, Matt, magpapatuli
ka ba?” Nakita niyang natigilan at napatingin sa isa’t isa ang mga kaibigan
niya.
“Tara na!” aya ni Jasper kay
Matt. “Tara na, Elias.”
Napalunok ng laway si Elias.
Pero iyon na ang kasagutan sa hiningi niyang sign sa Diyos.
No comments:
Post a Comment