Elias Maticas 9
“Elias Maticas,
ang batang parabulong!” Nagpatuloy ang mga tao sa pagbigkas ng chant. Pakiwari ng mga maysakit ay
naibsan ang kanilang dinaramdam. Pakiramdam naman ng iba ay magiging ligtas
ulit sila sa masasamang nilalang sa kanilang paligid.
“Maraming
salamat sa tiwala ninyo sa akin.” Halos hindi narinig ng lahat ang sinabi ni
Elias.
“Sandali!
Sandali, mga kasama,” sawata ni Kapitan Mirong sa mga tao, pagkatapos pumagitna
at magtaas ng kamay. “Pakinggan muna natin si Elias.”
Agad namang
tumahimik ang lahat, saka matamang na nag-abang sa sasabihin ng batang
parabulong.
“Elias,” sabi
ni Kapitan Mirong. Inalalayan siya nito patungo sa gitna.
“Maraming
salamat po. Kapitan Mirong! Maraming salamat sa pagtitiwala ninyo sa akin. Kay
Natasha, kay Mamay, kay Papay, kay Lolo Leo, at sa Diyos, maraming salamat.”
Pilit niyang itinatago ang nangingilid na luha ng kasiyahan. “Gagamutin ko
kayong lahat sa abot ng aking kakayahan at kaalaman. Wala man rito ngayon si
Lolo Leo, pero marami-rami na rin naman siyang naituro sa akin.”
Nagpalakpakan
ang mga taong umaasa sa pangggamot ni Elias. Halos lahat ay bumigkas ng mga
salita ng pasasalamat.
Pagkatapos
niyon, humingi siya ng kaunting panahon upang makapaghapunan muna bago
magsimulang manggamot. Pumayag naman ang mga ito.
“Tama si
Elias,” sang-ayon ng kapitan. “Hindi biro ang gagawin niya kaya kailangang
lamnan ang kaniyang sikmura, bago kayo harapin. Ipinapayo kong magsiuwian muna
tayong lahat, at hintayin natin siya sa ating mga tahanan.”
“Huwag kayong
mag-aalala, mga kababaryo.” Lumapit na si Papay Oliver kay Elias, saka
inakbayan ang anak. “Sasamahan ko si Elias, papunta sa mga bahay ng mga
gagamutin niya.”
Napangiti ang
mga mata ng mag-ama nang magtama ang mga iyon. Lalo namang nagkaroon ng pag-asa
ang kanilang mga kababaryo.
“Ako ang unahin
mong gamutin, Elias,” sabi ni Tia Empang. Ipinakita pa nito ang mga nagtutubig
na sugat sa mga braso.
“Ang anak ko
munang si Mitoy. Kaklase mo naman si Elias,” sabi naman ni Tio Romulo.
“Hindi! Si
Tonying muna ang unahin mo. Maawa ka sa anak ko,” mangiyak-ngiyak na pakiusap
ni Tia Erlinda.
Tiningan ni
Elias isa-isa sina Kapitan Mirong, Mamay Marilou, at Papay Oliver. Walang
lumabas na salita sa mga bibig ng mga ito.
Tumikhim muna
siya habang hinahagilap ang mga tamang salita. “Pasensiya na, uunahin ko si
Nolito.”
Nagkaroon ng
mahinang bulong-bulungan. May sumang-ayon. Mayroon ding nagprotesta.
“Igalang natin
ang pasiya ni Elias,” pahayag ni Kapitan Mirong. “Narinig niyo naman… Gagamutin
niyang lahat ang maysakit.”
Sinubukan pang
umalma ng iba, pero pinagalitan na sila ni Kapitan Mirong. Pinapasok na rin
nito si Elias.
“Maraming
salamat, Tio Oliver at Tia Marilou sa pagpayag ninyong ipagpatuloy ni Elias ang
panggamot,” sabi ng kapitan nang papasok na si Elias sa kanilang bahay— kasunod
si Natasha.
Tumango at
ngumiti lang ang ama ni Elias.
“Salamat din po
sa pagtitiwala sa kakayahan at kaalaman ni Elias. Hayaan po ninyo, gagabayan
namin siya.” Ikinalawit ni Marilou ang braso sa braso ni Oliver.
“Asahan namin
iyan, Tia Marilou, Tio Oliver.” Bahagyang yumukod si Kapitan Mirong, saka
hinarap ang mga kababaryo. “Magsibalikan na muna tayo sa ating mga tahanan.
Sige na, asahan nating magagamot ni Elias ang lahat ng maysakit.”
Nagsitalima
naman ang lahat, kaya nagpaalam na rin si Kapitan Mirong sa mag-asawa.
Hinintay ng
mag-asawa na makaalis ang lahat ng kanilang mga kakabaryo bago sila pumasok sa
kanilang tahanan.
“O, Elias, ako
na ang magluluto. Ihanda mo na lang ang mga kakailanganin mo sa panggagamot,”
sabi ni Papay Oliver.
“Tama ang papay
mo,” sang-ayon ni Mamay Marilou. “Pagkakain natin, puntahan na natin si
Nolito.”
“Mamay, sama
ako,” pakiusap ni Natasha, na noon ay karga-karga si Diego.
Saglit na
nag-isip ang ina. “Sige, pero huwag kang maingay at magulo roon, ha?”
“Opo, Mamay!”
“Bakit gusto
mong sumama?”
Nakangiti
habang kumakamot sa ulo si Natasha, saka tiningnan ang kapatid. “Idol ko po kasi si Manoy Elias.”
Napatda at
napatingin si Elias. Natawa naman ang kanilang mga magulang.
“E, `di… gusto
mo ring maging parabulong?” tanong pa ng ina.
Parang lalong
kumati ang ulo ni Natasha. “P-parang ayaw ko po. Takot po ako sa mumu.”
Napahagalpak na
lamang ng tawa si Elias at kanilang mga magulang. “Gagawin na lang kitang
alalay.”
“Sige, sige,
Manoy, gusto ko `yon.”
“Sus, ikaw
talaga, Natasha, lahat na lang ng gusto ng manoy mo, gusto mo rin,” turan ng
kanilang. “Halika na nga rito, tulungan mo ako rito.”
Tatawa-tawang
lumapit si Natasha sa ina.
Ang sumunod na
nangyari ay naging tahimik na ang kanilang kabahayan ng pamilyang Maticas,
habang inihahanda ni Elias ang mga kagamitan sa panggamot, na iniwan ni Lolo
Leo. Nagpiprito naman ng daing na tilapya si Papay Oliver. Sina Natasha at
Mamay Marilou naman ay naghihimay ng talbos ng kamote.
Nang matapos
maghimay, inutusan ng ina si Natasha. “Lagyan mo ito ng tubig mula sa tapayan,
at lagyan mo ng kaunting asin.” Inaabot nito sa anak ang palanggang may mga
talbos.
Agad na
tumalima si Natasha, pero pagdating sa banggerahan, napasigaw ito. Nabitawan
nito ang palanggana at lagayan ng asin. “Mamaaay! Mamay, may nakita ako!”
Naglulukso-lukso pa ito habang nakaturo sa may tapayan.
“Ano ba `yon?”
tanong ni Papay Oliver
“Nasaan?”
tanong naman ni Mamay Marilou.
Samantala,
lumapit na lang si Elias kay Natasha, habang pinupulot naman ng kanilang ina
ang mga talbos at lagayan ng asin. “Ano ba ang nakita mo?” Niyakag niya ang
kapatid patungo sa upuan.
“Baka daga na
naman ang nakita niyan,” sabi ng kanilang ama.
“Hindi po daga
iyon, Papay.”
“Sigurado ka?”
“Opo.”
“E, `di ba,
takot na takot ka sa daga?”
“Basta po,
hindi daga `yon.”
“Sobrang takot
mo naman. Nasayang tuloy ang asin natin. Mabuti may kaunti pang natira sa
lalagyan,” sabi ng kanilang ina.
“Sorry po,
Mamay,” ani Natasha.
Napansin ni
Elias na nangangatog ang kapatid. “Okey lang `yon, Natasha,” bulong niya, sabay
tapik-tapik sa balikat nito.
“Manoy,
maniwala ka, may nakita ako.” Pabulong din ang pagkasabi ni Natasha habang
patingin-tingin sa kanilang mga magulang. “Kasinlaki ng itlog. May maliliit na
mata. May mga kamay at paa na parang mga tingting. Maputik siya. Kakulay ng
tapayan. At may mga nakasunod na lamok.”
Saglit na
pumikit si Elias. Nakita niya sa kaniyang hiraya ang tinutukoy ni Natasha. “Kudo-kudo,”
bulalas niya.
Napalingon sa
kanila ang kanilang mga ina at ama.
“Kudo-kudo po
ang nakita ni Natasha,” deklara niya.
“Naku! Totoo
nga ang kuwento ni Papay Leo tungkol sa kudo-kudo,” natatakot na sabi ni Mamay
Marilou.
“Paano
nagkaroon ng kudo-kudo rito?” medyo galit na tanong ni Papay Oliver.
Sinipat-sipat pa nito ang paligid ng tapayan, gayundin ang ilalim ng
banggerahan.
“Kumakain siya
ng asin, Papay,” tugon niya.
“Naku, kung
totoo man iyan, sige na, bigyan natin siya ng maraming asin bukas para hindi na
tayo gambalain.”
Walang
nagsalita sa kanilang apat hanggang sa mapansin ni Elias na nanginginig nang
husto si Natasha habang nakasiksik sa kaniya. “Mamay, Papay, si Natasha.”
Hinipo niya ang leeg at noo nito. “Mainit siya.”
Nataranta na
ang kanilang ina. “Diyos ko, anong nangyari sa kanya? Elias, gamutin mo ang
kapatid mo.”
Napakamot sa
ulo si Elias. “Pero, Mamay, nangako akong gagamutin ko muna si Nolito. Ikaw na
lang po. Punasan lang po siya ng basang bimpo.”
“Pero
pinaglaruan siya ng kudo-kudo, `di ba?”
“Sinaktan mo ba
ang kudo-kudo, Natasha?” tanong niya sa kapatid.
Umiling lang si
Natasha.
“Hindi naman
pala, Mamay, kaya lagnat-laki lang iyan.”
“O, sige na…
Ako na ang bahala sa kanya. Ikaw na lang Oliver ang sumama sa anak mo sa
panggagamot kay Nolito pagkakain,” sabi ni Mamay Marilou.” Kinarga ng nito si
Natasha patungo sa papag ni Lolo Leo. “Hindi ka muna aalalay kay Manoy Elias
mo, ha?”
Umingit lang si
Natasha. Kumuha naman si Elias ng bao sa may kalan, na ipinanggagatong nila,
saka maingat na dinampot ang mapakikinabangan pang asin.
“Ano’ng gagawin
mo riyan, Elias?” usisa ng kaniyang ama.
“Ibibigay ko po
sa kudo-kudo sa labas para hindi na siya pumasok sa bahay natin,” tugon niya.
Napatango-tango
na lamang ang kaniyang ama.
Pagkatapos,
mailagay sa bao ang malinis pang asin, nagsindi si Elias ng gasera. Sunod niyon
ay dinala niya iyon sa likod-bahay. “Kudo-kudo, para sa `yo ang asin na ito.
Pangako, lagi kong lalagyan itong bao ng asin para hindi ka na mahirapang
umakyat sa banggerahan. Sobrang natakot kasi sa `yo ang kapatid ko. Salamat!”
Pagkasabi nito, umalis na siya at umasang hindi na sila muling gagambalain ng
kudo-kudo.
No comments:
Post a Comment