Elias Maticas 8
Naging
usap-usapan sa buong barangay ng Mapulot, lalo na sa Sitio Burabod ang tungkol
sa kakayahan ni Elias na kausapin ang kurakpao sa Kabubudlan. Marami ang
naniniwalang siya na ang susunod na parabulong sa kanilang lugar, gaya ni Lolo
Leo.
“Pero nang
nakausap ko si Tio Oliver, hindi siya pabor sa panggagamot ni Lolo Leo, lalo na
ni Elias,” kuwento ni Kapitan Mirong.
“Totoo `yan, kaya
hanggang ngayon, hindi pa rin gumagaling ang anak ni Tia Mameng – si Nolito,”
sabi naman ni Tio Butsokoy, isa sa mga barangay tanod.
“Hindi pa pala
nila dinala sa bayan?” tanong naman ng isang tanod.
“Hindi pa. Wala
naman daw lagnat, saka panay lang ang iyak. Natatakot.”
“Ang sabi nga ni
Tia Mameng, bumalik na raw si Lolo Leo sa Juban, at tinanggihan naman daw sila
ni Elias,” dagdag pa ng kapitan. “Grabe naman kasi itong si Tio Oliver. Hindi
man lang sumuporta. Siya pa ang ayaw maniwala sa kakayahan ng ama at anak.”
“Kapitan Mirong!
Kapitan Mirong!” humahangos na dumating si Tio Lando.
“O, bakit?
Ano’ng nangyari?” tanong ng kapitan.
“N-nagdagsaan sa center ang mga maysakit. Hindi na kaya
ng mga health workers natin.”
“Ha? Bakit?
Anong sakit nila?” Aligaga na rin ang kapitan habang hinahagilap ang mga susi.
“Tara na, puntahan natin.”
Samantala, sa
bahay nina Elias, katatapos lamang niyang tapalan ng pinainitang dahon ng
tuba-tuba at dinidikdik na luya ang likod at balakang ng ama. Katatapos lamang
nilang magtalo. Hindi niya sinunod ang utos nitong bilhan niya ito ng pain reliever.
“Papay,
magluluto na po muna ako. Parating na siguro sina Mamay at Natasha,” paalam
niya sa ama.
Hindi pa
nakasasagot ang ama, nagulantang sila sa tawag at ingay ng kanilang mga
kapitbahay. Tinatawag ng mga ito ang pangalan ni Elias.
“Papay, andaming
tao sa labas,” sabi niya pagkatapos sumilip sa bintana.
“Hayaan mo sila.
Huwag kang lumabas.”
Pinakinggan
nilang mag-ama ang mga sinisigaw ng mga tao.
“Nag-iiyakan na
ang iba, Papay,” pag-aalala niya.
“Bakit? Doktor
ka ba? Kaya mo bang mapagaling ang mga sakit nila?”
“Hindi po, pero
naniniwala sila sa kakayahan ko.” Hinintay niya ang reaksiyon ng kaniyang ama,
pero wala siyang nakita. Nilapitan na lamang niya ito. “Papay, payagan mo na po
ako.”
Hindi pa rin
kumibo ang kaniyang ama. Nakatingin lang ito sa anahaw na bubong ng kanilang
bahay.
“Pasensiya na
po, Papay, pero kailangan ko silang gamutin. Kailangan kong ipagpatuloy ang
misyon ni Lolo Leo.” Pagkasabi niyon, mabilis niyang tinalikuran ang ama upang
kunin ang mga gamit sa panggagamot na iniwan ng kaniyang lolo. Pagkatapos,
walang lingon-likod sa lumabas ng bahay.
“Elias! Elias!”
salubong sa kaniya ng mga tao.
“Magandang
hapon po sa inyo! Pasensiya na kung ngayon lang ako lumabas,” sabi niya.
“Gamutin mo ang
anak ko, Elias!”
“Gamutin mo
ako, Elias!”
“Gamutin mo
sila, Elias!”
Ang mga iyan ang paulit-ulit na sigaw ng mga
tao pagkatapos niyang humarap sa mga ito.
Pinakalma naman
niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagtaas ng dalawang kamay. Tinutulungan siya
ni Kapitan Mirong sa pagpapatahimik sa mga tao habang nakatingin sa kaniya ang
mga kaibigang sina Jasper at Matt— na animo’y nagsusumamo rin.
“Maraming salamat
po sa inyong lahat!” simula ni Elias nang tumatahimik na ang mga tao.
Saka naman dumating ang kaniyang ina at kapatid.
“Elias, bakit
umabot pa sa ganito?” tanong ng ina.
“Ayaw kasi ni
Papay,” pakli niya.
“Sige na…
Pakinggan mo ang puso mo. Sundin mo ang Lolo Leo mo. Ako na ang bahala sa papay
mo.” Iniwan na siya nito.
Naiwan din si
Natasha. “Manoy,” kalabit nito sa kaniya. “Tutulungan naman kita.” Nginitian
siya nito.
Pagkatapos
gumanti ng ngiti, muli siyang humarap sa mga tao. Latag na noon ang dilim, pero
kasingliwanag ng buwan ang pangarap niya para sa Barangay Mapulot.
Muli niyang
narinig ang pagtangis at pakiusap ng mga tao. Dahil sa mga iyon, lalong lumakas
ang loob niyang sundan ang yapak ni Lolo Leo.
“Elias!”
Natigilan ang
lahat sa tawag at paglabas ni Papay Oliver.
Napalingon
siya, pero agad ring napaurong. Magkahalong takot at gulat ang naramdaman niya
nang makita ang ama na naglalakad palapit sa kaniya.
“Sige na, Elias,
gamutin mo na sila,” sabi ng kaniyang ama. Hindi pa siya nakakapagsalita,
nakalapit na ito sa kaniya. Inakbayan siya nito, at humarap sa mga tao.
“Pinagaling ako ni Elias!” sigaw nito. “Kaya sigurado akong kaya rin niya
kayong pagalingin.”
Nagpalakpakan
at nagbunyi ang mga tao. Nag-iyakan din ang iba dahil sa pasasalamat.
“Salamat,
Papay!” Yumakap siya sa tagiliran ng ama.
“Ako ang dapat
magpasalamat sa `yo, Elias.”
“Elias Maticas,
ang batang parabulong!” sigaw ng isa, na sinundan ng isa pa, na sinundan pa ng
karamihan hanggang sa naging chant.
No comments:
Post a Comment