Elias Maticas 11
“Kaya mo pa ba, Elias?” tanong
ni Papay Oliver pagkalabas nila sa bakuran nina Tio Gadoy at Tia Mameng.
Nakaakbay ito sa kaniya.
“Kaya pa po, Papay. Isunod na
natin si Manoy Tonying.”
“Ano ba ang nangyari sa
kanya?”
“Na-in love daw po sa boringkantada kaya madalas nawawala sa kalaliman
ng gabi.”
Hindi naitago ng ama ni Elias
ang pagtawa. “Kilala naman natin si Tonying. Madalas siyang mahuli at
pagsabihan ni Kapitan Mirong dahil sa pag-iinom nila ng alak magbabarkada.”
“Hindi po natin malalaman kung
hindi natin aalamin.” Iyan din ang madalas sabihin sa kaniya ni Lolo Leo.
Naalala pa nga ni Elias na
pinagdudahan niya noon ang nagpagamot kay Lolo Leo, na bisita ng kanilang
kababaryo—mula sa Maynila. Nakakita raw ito ng laqui, kaya nilagnat sa takot.
Nang tinawas ni Lolo Leo, nakita nila ang pigura ng laqui. Noon niya rin
nalaman ang tungkol sa laqui, na isang nakakatakot na nilalang na may buhok at
paa ng kambing, ngunit ang mukha ay parang pangit na tao. Hindi naman ito
kadalasang ngunit nagpapakita ito sa gabi at ginugulat ang mga tao sa
pamamagitan ng tinig.
“Okey, sige, pero last na si Tonying ngayong gabi. Bukas
naman ang iba.”
“Depende po, Papay.”
Pinahinto siya nito sa
paglakad. “Anong depende?”
“Depende po sa nangangailangan.
Sabi po ni Lolo Leo, hangga’t may nanghihingi ng tulong, huwag titigil sa
pagbulong. Beynte kuwatro oras daw po ang pagiging parabulong.”
“Ano? Kaya mo ba `yon? Ang
bata mo pa.” May inis na ang tono ni Papay Oliver. “Pumayag na nga akong maging
batang parabulong ka, pero hindi ibig sabihin ay ilaan mo ang lahat ng oras mo
sa pagbubulong. Sa pasukan, estudyante ka. Paano `yon?”
“Hindi ko po muna iniisip
`yon, Papay. Ang mahalaga, makatulong ako sa mga kababaryo natin.” Nagsimula
siyang muling maglakad.
Sinundan naman siya ng
kaniyang ama, saka muli siya nitong inakbayan habang tinatahak nila ang tahimik
at madilim na kalsada patungo sa bahay nina Tonying. “Kung pagtulong ang misyon
mo, sige, suportado kita, pero sana hindi maapektuhan ang iba pang bahagi ng
buhay mo, Elias, gaya ng pag-aaral at pagiging bata mo.”
“Opo, Papay.”
“Masarap maging bata, Elias.
Tandaan mo `yan.”
Hindi na siya kumibo, hindi
dahil tutol siya sa tinuran ng ama, kundi dahil tinimbang niya ang katuturan
niyon saka ang kaniyang misyon. Lihim na lamang siyang napabuntong-hininga.
Tatlumpung metro na lang ang
lapit nila sa bahay nina Tonying, natatanaw at naririnig na nila sina Tata
Mikoy at Nana Viray.
“Papay, ang lolo at lola ni
Manoy Tonying,” ani Elias.
“Oo nga. Halika, dalian
natin.”
Binati nila ang tulirong
mag-asawa.
“Diyos ko, mabuti naman at
dumating na kayo,” hinihingal na sabi ni Nana Viray.
“Si Tonying, nawawala na
naman,” alaalang-alalang sabi naman ni Tata Mikoy. “Pupuntahan sana namin
kayo.”
“Galing po kami kay Nolito,”
sagot ni Elias.
“Ah, ganoon ba? Si Tonying
kaya, paano mo magagagamot?” tanong ni Tata Mikoy.
Tiningnan muna niya ang
kaniyang ama. “Doon po tayo sa bahay ninyo. Tatawasin ko muna siya.”
“Anak, kaya ba `yon kahit wala
si Tonying?” tanong ng kaniyang ama.
“Opo, Papay.”
“Tiwala kami sa kakayahan mo,
Elias. Alam naming naturuan ka na ng lolo mo,” sabi naman ni Nana Viray.
Alinlangan siyang nagpakita ng
ngiti. Umaasa siyang maisasagawa niya ang kaniyang mga nalalaman. Nararamdaman
niya ang dobleng kabog ng dibdib niya.
Habang patungo sila sa tahanan
ng dalawang matanda, si Papay Oliver ang kumakausap sa dalawa. Tinanong ng
kaniyang ama kung umiinom pa rin ba si Tonying.
“Hindi na siguro,” sagot ng
lola.
“Nangako naman siya sa amin na
uunahin niya ang pag-aaral at pahahalagahan niya ang pinagpapaguran ng kaniyang
ina, na nasa Hong Kong,” sabi naman ng lolo.
“Nakita niyo po ba siyang
umalis ngayong gabi?”
Nagtinginan ang dalawang
matanda, na tila nagtatalo kung sino ang dapat sumagot sa tanong na iyon.
“Anong oras po siya umalis?”
tanong uli ni Papay Oliver.
“Hindi ko alam,” pakli ni Nana
Viray. “Ikaw, nakita mo?”
“Hindi rin,” tugon ni Tata
Mikoy.
“May girlfriend na po ba si Tonying?” tanong uli ni Papay Oliver.
“Iyan ang hindi namin alam.
Ang bata pa niya para sa bagay na `yan.” Ang lolo ni Tonying ulit ang sumagot.
“Mabuti naman kung ganoon,”
nasabi na lang ni Papay Oliver, saka nanahimik na sila hanggang sa makarating
sila sa tahanan ng mag-asawa.
Tahimik namang inihanda ni
Elias ang mga kakailangan sa pagtatawas. Pagkatapos, ipinasulat niya kay Tata
Mikoy ang buong pangalan at birthday
ni Tonying sa kapirasong puting papel.
“Malalaman ba natin kung saan
dinadala ng boringkantada si Tonying dahil dito?” tanong ni Tata Mikoy habang
isinusulat ang impormasyong hinihingi niya.
“Titingnan po natin,” tugon ni
Elias habang naglalagay ng asin sa mangkok na losa. “Pahingi po ako ng tubig.”
“Sige, sandali.” Agad na
tumayo at nagtungo si Nana Viray sa banggerahan para kumuha ng tubig. Pagbalik
nito, naibigay na ni Papay Oliver ang papel, at nasindihan at napatayo na niya
ang kandila.
Pagkalagay ni Elias ng tubig
sa mangkok, hinagilap niya ang librito. Hinanap niya ang dasal na angkop para
sa sitwasyon ni Tonying. Medyo nahirapan siyang hanapin at alalahanin ang
itinuro sa kaniya ni Lolo Leo, pero nahanap niya rin.
Tumango-tango ang mag-asawa
nang sumenyas si Elias na magsisimula na siya.
Agad naman niyang binasa ang
nakasulat sa librito habang ipinapatak sa tubig sa mangkok ang luha ng kandila.
“Domine Iesu, qui omnia quae in mundo
fiunt cognoscis, ostende nobis locum ubi ille quem curaturi sumus adest.
Ostende nobis spiritum qui eum in suum mundum ducere vult.”
Nahirapan siyang basahin ang
dasal sa una, pero nang binasa niya iyon nang paulit-ulit habang hinihintay na
umikli ang kandila— sa ikli na hindi na niya iyon kayang hawakan dahil mapapaso
na siya— halos makabisado na niya iyon.
Lumapit na sina Nana Viray at
Tata Mikoy, gayundin si Papay Oliver, nang sinipat-sipat na ni Elias ang luha
ng kandila na lumutang sa tubig sa mangkok.
“Ano’ng nakikita mo?” tanong
ni Nana Viray.
“Boringkantada nga?” tanong
din ni Tata Mikoy.
Itinapat pa iyon ni Elias sa
liwanag ng bombilya. Paulit-ulit niyang inikot. Pinatalikod pa niya. “Wala po
akong nakitang imahe.”
“Ano? Paanong wala?” pasinghal
na tanong ni Tata Mikoy.
“Oo nga! Marunong ka ba
talaga?” sarkastikong tanong ni Nana Viray.
Nakita ni Elias na napalunok
ang kaniyang ama, bago yumuko.
“Bakit wala? Akin na nga!”
sabi uli ni Nana Viray, saka inagaw sa kaniya ang nanigas na luha ng kandila.
Tumulong si Tata Mikoy na
sumipat-sipat.
“May nakikita po ba kayo?”
tanong ni Papay Oliver habang nagliligpit naman si Elias.
“Meron, pero tanging
parabulong lang ang makakapagsabi,” tugon ni Tata Mikoy.
“E, hindi naman pala maaram
iyang anak mo, Oliver,” sabi pa ni Nana Viray. “Akala naman namin masusundan
natin sila sa Kabubudlan.”
“Baka wala nga talaga si
Tonying ngayon sa Kabubudlan,” ani Papay Oliver.
“Anong wala? Ilang araw na
naming napapansing para siyang napususn ng boringkantada,” halos galit na sabi
ni Tata Mikoy.
“May nakapagsabi sa amin na
may nakakita kay Tonying na patungo sa Kabubudlan sa ganitong oras,” sabi naman
ni Nana Viray.
Gusto nang umiyak ni Elias. “Sorry po. Wala po talaga akong nakita.” Nagsimula
na siyang magligpit.
“Sige na, sige na, umuwi na
kayo, Oliver,” sabi ni Tata Mikoy. “Salamat na lang sa inyo.” Itinapon na nito ang tubig sa banggerahan, saka ibinalik
kay Elias ang mangkok.
Hindi na kumibo ang kaniyang
ama. Agad niyang nilapitan ang anak, pagkatapos samsamin ang pasiking, saka
tinapik-tapik ang balikat niya. “Tara na.”
“Tuloy na po kami,” paalam ni
Elias kahit masama ang loob niya sa dalawang matanda dahil sa mga sinabi ng mga
ito.
Sa kalsada na nagsalita ang
mag-ama.
“Talaga bang wala kang nakita,
Elias?”
“Wala talaga, Papay. Baka tama
po kayo.” Hiyang-hiya siya sa kaniyang ama.
“Ayos lang `yon. Ganoon talaga.”
Inakbayan siya ng ama.
“Nahihiya po ako sa inyo, at nasaktan
po ako sa mga sinabi nila.”
“Ano ka ba? Huwag kang mahiya
sa akin. Ginawa mo ang kaya mo, pero, sabi mo nga, wala kang nakita, kaya ayos
lang `yon. Hayaan mo na sina Tata Mikoy at Nana Viray. Hindi lang sila marunong
tumanggap ng katotohanan.”
“Nakakahiya po sa kanila.”
“Tama na, Elias. Huwag mo
masyadong dibdibin `yon.” Muli siya nitong tinapik sa balikat. “Bukas,
kakausapin ko si Tonying.”