Followers

Sunday, April 26, 2026

Elias Maticas 10

 Elias Maticas 10

 

Alas-otso na nang gabi nakarating sina Elias at ang kaniyang ama sa bahay nina Tio Gadoy at Tia Mameng upang gamutin si Nolito.

 

Sa tarangkahan pa lamang ng bakuran ng pamilya, narinig na ng mag-ama ang sigawan ng mag-asawa.

 

“Nolito!” paulit-ulit na tawagan ng dalawa.

 

“Papay, bilisan natin,” utos niya sa kaniyang ama, saka agad na pumasok sa bakuran.

“Tia Mameng! Tio Gadoy!” malakas na tawag ni Elias habang tumatakbo palapit sa may pintuan.

 

“Elias, dali, si Nolito.” Agad siyang pinagbuksan ni Tio Gadoy ng pintuan. Binati siya nito, gayundin ang kaniyang ama.

 

“Ano pong nangyayari?” tanong niya. Naabutan nilang nakatayo si Nolito, gamit ang mga kamay nito sa paglakad habang nakataas ang mga paa.

 

Galit na napatingin si Nolito kay Elias. Nanlilisik ang mga mata nito. Idagdag pa ang nangingitim nitong ilalim ng mga mata.

 

“Kung sino ka mang nasa katawan ni Nolito, layuan mo siya!” utos ni Nolito.

 

Tila isang mabangis na hayop na sumunggab si Nolito kay Elias.

 

Mabilis na napigilan ni Tia Mameng ang paglapit ni Nolito. Nahawakan ng ina ang mga paa ni Nolito.

 

Mabilis namang nahugot ni Elias ang buntot-pagi, na ibinigay sa kaniya ni Lolo Leo. “Hayaan niyo po siyang lumapit sa akin, Tia Mameng.”

 

“Huwag! Huwag mong sasaktan si Nolito,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Tia Mameng.

 

“Ano ka ba, Mameng!? Hindi na si Nolito `yan,” sawata ni Tio Gadoy sa asawa. “Hayaan natin si Elias. Alam niya ang gagawin.”

 

Nagpatuloy naman sa pagpitlag si Nolito mula sa pagkakahawak ng ina. Pakiwari ni Elias, nais siya nitong lapain.

 

“Pero masasaktan ang anak natin.”

 

“Layuan mo si Nolito!” Inihampas ni Elias sa sahig na lupa ang buntot-pagi.

 

“Huwag, Elias,” sawata naman ni Papay Oliver.

 

“Oo nga, Elias. Baka may ibang paraan pa,” sabi ni Tia Mameng. Patuloy nitong nilalabanan ang paghuhulagpos ni Nolito.

 

Ibinaba ni Elias ang sukbit na pasiking, saka mabilisang inilabas ang mga laman niyo. “Papay at Tio Gadoy, pakitulungan niyo si Tia Mameng na maihiga si Nolito sa katre,” utos niya sa mga nakatatanda sa kaniya.

 

Agad namang tumalima ang tatlo habang inilalabas at inilalapag ni Elias sa lamesa ang mga kakailanganin niya sa pagtatawas, gaya ng pinggang losa, kandila, posporo, lana, ballpen, at bond paper.

 

Nagpupumiglas at tila mananakmal si Nolito habang binubuhat siya ng tatlo mula sa papag na kawayan. 

 

“Kailan po ipinanganak si Nolito?” tanong niya sa mga magulang nito. Naisulat na niya sa gitna ang buong pangalan ni Nolito.

 

“April 26, 2021,” tugon ng ina.

 

Mabilis na isinulat ni Elias sa ilalim ng pangalan ni Nolito ang birthday nito.

 

“Mamay, Papay,” iyak ni Nolito. Tila nag-iba naman ang hitsura nito. Bumalik sa dati nitong anyo.

 

“Nolito? Anong masakit sa `yo?” nag-aalalang tanong ng ina.

 

Binitiwan na nina Papay Oliver at Tio Gadoy si Oliver.

 

Umiyak lang si Nolito habang parang pinipilit ang sikmura.

 

“Elias, tulungan mo si Nolito. Pakiusap,” mangiyak-ngiyak na si Tia Mameng.

 

“Susubukan ko po, Tia Mameng.” Bakas sa mukha niya ang kaba. Nanginginig ang kaniyang kamay habang kinakaskas ang palito ng posporo. Nabali pa nga ang una, kaya sa ikalawang palito na siya nakapagsindi ng kandila.

 

“Araaay ko!” sigaw ni Nolito habang nahihirapan si Elias na patayuin ang kandila.

 

“Oo, malapit ka nang gumaling,” sabi ni Tia Mameng sa anak.

 

Tutulong na sana si Papay Oliver, pero napatayo na ni Elias ang kandila. Agad naman niyang nilagyan ng lana ang pinggang losa, saka ikinalat iyon.

 

Sinulyapan ni Elias si Nolito. Tahimik ito, saka animo’y hindi na nakararamdam ng sakit. Pagkatapos niyon, hinagilap niya sa pasiking ang librito, saka binuklat-buklat iyon. Nang mahanap ang dasal, binasa niya iyon nang tahimik. Hindi niya pa iyon kabisado, kaya kailangan niyang basahin muna. Nang medyo nakakabisado na niya ang mga bigkas, sinenyasan niyang tumahimik ang mga nakatatanda niyang kasama roon.

 

Si Papay Oliver lang ang tumango, bilang tanda ng pagsang-ayon.

 

“Deus omnipotens, ostende mihi quod turbat hominem quem curaturus sum. Deduc me ut videam omnia quae facit spiritus qui puerum hunc affligit,” usal ni Elias habang binabasa ang dasal sa librito. Inulit niya pa iyon nang dalawang beses bago siya umihip sa bond paper nang pakrus.

 

Pagkatapos niyon, ipinatong niya sa pinggan ang bond paper, kung saan nakasulat ang pangalan at kaarawan ni Nolito. Sinikap niyang mabasa ng lana ang malaking bahagi ng papel.

 

Nang may lana ang halos kabuuan ng bond paper, idinarang na iyon ni Elias sa apoy ng kandila. Mula sa kaliwa, pababa ang pagdarang niya.

 

“Aaaah!” sigaw ni Nolito. Hindi ito namilipit sa sakit, kundi parang binabatak ang mga kamay at paa.

 

“Gadoy!” sigaw ni Tia Mameng.

 

Mabilis namang nahawakan ni Tio Gadoy ang mga paa ng anak. Tumulong din si Papay Oliver.

 

Habang idinadarang ni Elias ang bond paper, napapahiyaw si Elias. Lalo namang humihigpit ang hawak ng tatlo.  

 

“Diyos ko, tulungan mo po si Nolito,” naturan ni Tia Mameng dahil sa pagkaawa sa anak.

 

Nang matapos ni Elias ang pagdadarang, tumigil na rin si Nolito sa pag-iyak.

 

“Tio Gadoy, tingnan niyo po ito,” ani Elias.

 

Agad na lumapit sa kaniya ang ama ni Nolito. Sumunod na rin ang kaniya ama.

 

“Ano’ng nakikita niyo?” usisa ni Tia Mameng, habang sinisipat ng dalawang tatay ang pigurang nabuo sa bond paper.

 

“Parang duwende,” tugon ni Tio Gadoy.

 

“Parang fairy. May pakpak. Payat at matutulis ang mga daliri,” sabi naman ni Papay Oliver.

 

“Ano `yan, Elias?” tanong uli ni Tia Mameng.

 

Iniharap ni Elias ang papel na may nabuong pigura. “Bugsok po, Tia Mameng. Bugsok ang nakikipaglaro kay Nolito.”

 

“Bugsok?” halos magkasabay na tanong ng mag-asawa.

 

“Itim na diwatang nakasalamuha ni Nolito sa Kabubudlan,” paliwanag niya. “Anak ng malign ang bugsok. Masamang espiritu ito. Nilagyan niya ng maliit na sanga ng kahoy ang tiyan ni Nolito, kaya ganoon na lamang ang sakit na nararamdaman niya.”

 

“Diyos ko!” mangiyak-ngiyaka na niyakap ni Tia Mameng si Nolito. “Elias, paano natin maaalis ang bagay na iyon sa katawan ni Nolito?”

 

“Hindi po ako siguradong matatanggal ko, pero susubukan ko,” tugon niya.

 

“Oo, Elias, nakikiusap ako. Tatanawin kong malaking utang na loob kapag nagamot mo ang anak namin,” sabi naman ng ama ni Nolito.

 

“Tio Gadoy, wala po kayong dapat tanawing utang na loob. Kaloob sa akin ng Diyos ang kakayahan at kaalamang ito. Siya po ang pasalamatan ninyo,” aniya.

 

Hindi na kumibo si Tio Gadoy, gayundin si Tia Mameng, habang tila nakatulog naman si Nolito.

 

Binuklat-buklat ulit ni Elias ang librito. Hinahanap niya ang dasal sa gagawin niya. Nang mahanap, binasa niya iyon nang tahimik at dalawang beses, saka lumapit kay Nolito.

 

“Papay, pakiabot po ng lana,” utos niya sa ama.

 

Mabilis na naiabot sa kaniya ng ama ang botelya ng lana.

 

Agad na nilagyan ni Elias ng lana ang tiyan ni Nolito. Hindi ito umingit man lang o nagising. Pagkatapos, binasa na niya ang nakasulat sa librito. “Deus, medicus omnium, doce me rectos gradus ut sanem eum qui ante me est. Transfunde in me manum tuam benedictam atque scientiam, ut eum liberes a morbo, qui a spiritu maligno causatur.”

 

Tahimik namang nakatingin at nakikinig lamang ang tatlo.

 

Muling binasa ni Elias ang dasal sa librito, pero marahan niyang kinakapa-kapa ang tiyan ni Nolito. Pagkatapos mabasa ang dasal, ipinahawak niya sa ama ang librito, saka muli iyong binasa habang parang ibinabaon ang kaniyang daliri sa tiyan ni Nolito.

 

Pigil ang hininga ng mag-asawa habang matamang pinagmamasdan ang paglubog ng mga daliri ni Elias sa tiyan ng anak.

 

Lalo namang lumakas at bumilis ang pagbabasa ni Elias sa dasal – sa ikatlong beses.

 

“Ay, Diyos ko, ano `yan?” bulalas ni Tia Mameng nang marahang hinihila ni Elias ang maliit na sanga ng kahoy.

 

Hindi naman nakapagsalita sina Papay Oliver at Tio Gadoy nang mapansing wala man lang lumabas na dugo pagkatapos mabunot ni Elias ang sangang iyon.

 

“Sanga ng bayabas. Ito ang inilagay ng bugsok para pahirapan si Nolito,” aniya.

 

“Diyos ko! Maraming salamat sa iyo, Elias!” sabi ni Tia Mameng.

 

“Salamat sa Diyos!” tugon niya. “Pakiusap, Tio Gadoy, itigil na ninyo ang pamumutol ng kahoy sa Kabubudlan.”

 

Gusto sanang umalma ni Tio Gadoy, pero si Tia Mameng na ang nagsalita. “Sabi ko nga sa kanya, itigil na ang pag-uuling. Maghanap na lang sya ng ibang trabaho.”

 

“Tama po iyon,” sang-ayon ni Elias.

 

“Salamat, Elias! Salamat sa Diyos!” sabi ni Tio Gadoy. “Hayaan mo, ititigil ko na ang pag-uuling.”

 

Tinapik-tapik ni Papay Oliver ang balikat ni Tio Gadoy. “Tutuloy na kami. Ingatan niyo palagi si Nolito.”

 

“Salamat, Padi!” ani Tio Gadoy.

 

Nagpasalamat si Tia Mameng kay Papay Oliver.

 

Habang tinulungan ng dalawang ama sa pagliligpit si Elias, hinarap niya si Tia Mameng. “Bago magdilim, magpausok po kayo ng kamangyan.”

 

“Sige, Elias. Maraming salamat uli. Ingat kayo sa pag-uwi.”

 

Labis ang ligayang nararamdaman ni Elias dahil sa matagumpay niyang panggagamot. Napangiti pa nga siya nang parang narinig niya ang sigaw ng mga kababaryo niya kanina sa bahay nila.

 

“Elias Maticas, ang batang parabulong!”

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Elias Maticas 10

  Elias Maticas 10   Alas-otso na nang gabi nakarating sina Elias at ang kaniyang ama sa bahay nina Tio Gadoy at Tia Mameng upang gamuti...