Followers

Thursday, May 18, 2017

Ang Parusa kay Stefano



            “Okay, class, pumila nang tahimik sa labas,” ani Mrs. San Juan pagkatapos manalangin ang kanyang klase. “Masanting, maiwan ka. Mag-uusap tayo.”
            “Lagot ka, Stefano,” pambubuska ng kaklase. “Tsismoso ka kasi.”
            Pinandilatan ng guro ang nambuska. “Isa ka pa, Bartolome! Hindi mo naman alam ang dahilan ng aming pag-uusap.”
           “Sorry po, Ma’am.”
           Nang makaalis na ang mga estudyante ni Mrs. San Juan, hinarap na niya si Stefano. “Totoo bang kuwento sa aking ng mga kaklase mong babae?”
           Mula sa pagkayuko, tumitig si Stefano sa kanyang guro. “Opo. Sorry po, Ma’am. Hindi nap o mauulit.”
            “Paano ba akong makakasigurong hindi na mauulit ang ginawa mong pagkakalat ng maling istorya?”
           Muling yumuko si Stefano. “Papaluin po ako ni Papa kapag pinatawag niyo po siya.”
           “Kaya nga… Kaya lang… hindi talaga maganda ang iyong ginawa. Alam mo bang pinatawag ako ng principal dahil nakarating sa kanya ang sumbong mo sa Mama mo na hindi ako nagtuturo? Hindi ba’t madalas tulog ka lamang sa klase ko. Ngayon, paano mo mababawi ang maling kuwento mo?”
            “Hindi ko po alam. Sorry po. Hindi na po mauulit. Parusahan niyo na lang po ako. Huwag niyo na pong kausapin si Papa.”
            “Okay. Pero, may dalawa akong kondisyon.”
           Tumingin si Stefano sa kanyang guro. Kumikislap na ang mga mata niya. Nangangatal na rin ang mga labi. “A-ano po ang mga ‘yon?”
           Una, ipapaliwanag mo sa Mama mo na nagkamali ka ng kuwento. Bawiin mo. Tapos, bawiin niya ang reklamo niya sa principal…”
            “Opo. Gagawin ko po. Ano po ang pangalawa?” Medyo umaliwalas na ang mukha ni Stefano.
            “Ang pangalawa, susulat ka ng kuwento. Hindi hilig mo naman ang magbulid ng buhangin? Bagay sa ‘yo ang parusang iyan.”
            Hindi kaagad nakapagsalita si Stefano. “Po? Paano po ‘yon? Puwede po bang iba na lang?”
            “Ipapatawag ko ang Papa mo o gagawin mo ang dalawang kasunduan?”
             Matagal na nag-isip si Stefano. Nakapagligpit na nga si Mrs. San Juan ng kanyang mga gamit sa mesa. “Gagawin ko po ang dalawang kasunduan.”
            “Good. See you on Monday! Bye!”
            “Thank you po. Bye. Alumpihit na lumabas si Stefano. Mayamaya, bumalik siya. “Ma’am, ano-ano po ang sangkap sa pagsulat ng kuwento?”
            Napangiti si Mrs. San Juan. Pagkuwa’y iniisa-isa niya ang mga iyon.
            Inulit naman ni Stefano ang mga sinabi ng kanyang guro. “Salamat po!” Saka mabilis na tumakbo. 
            Napangiti si Mrs. San Juan. Hindi naman kasi siya kinausap ng principal. Nais niya lang na magbago si Stefano sa pagiging tsismoso nito. Pero, agad siyang nalungkot. Kilala niya kasi ito sa pagiging tamad.
            Kinalunesan, nag-tsek ng attendance si Ma’m San Juan. “Masanting, Stefano?”
            “Absent po, Ma’am,” sabi ni Bartolome.
            “Ha? Bakit daw? Natakot ba sa kasunduan namin?”
            “Hindi po.” Tumayo si Bartolome upang ibigay guro ang nakarolyong papel. “Dumugo raw po ang utak niya para maisulat niya ito.”
            Pinilit ni Mrs. San Juan na hindi matawa sa tinuran ni Bartolome. “Siya ba ang sumulat nito?”
            “Siya po.”
            “Paano mo nasabi?”
            “No read, no write po ang mga magalang niya,” seryosong sagot ni Bartolome, na pinaniwalaan naman ng guro dahil napatunayan niya niyon noong nakaraang HPTA meeting.

            Tahimik na binasa ni Mr. San Juan ang akda ni Stefano at bago pa tumulo ang luha niya, nagpaalam siyang pupunta sa principal’s office. Ngunit, hindi siya tumuloy doon. Umiyak siya sa restroom. Nabagbag siya sa sinulat na kuwento ni Stefano. Niyon din ay nagbago na ang tingin niya sa kanyang pinakatamad na mag-aaral. Sa halip, pumalit ang paghanga at pang-unawa. 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...