Kabanata 4: Si Jack Tagak
"Kokak!
Kokak!" masuka-sukang iyak ni Bella Palaka. Hindi niya malunok kanina pa
ang kinain niyang langaw.
Nakita ni Jack Tagak
ang pagulong-gulong na si Bella Palaka, mula sa sanga ng nag-iisang puno sa
parang.
"Ano'ng
nangyayari sa iyo, Bella Palaka?" nangangambang tanong ng kaibigang tagak.
Nahihirapan mang
magsalita, pinilit sumagot ni Bella Palaka. "May... may ... naka...
barang... langaw sa... sa lala... munan ko." Halos sakalin na niya ang
kaniyang leeg. "Tu... tu... lungan mo ako!"
Agad na kumilos si Jack
Tagak. Ipinabuka niya ang bibig ni Bella Palaka at kinuhit niya ng kaniyang
tuka ang langaw.
Sabay na
nagpasalamat sina Bella Palaka at Gela Langaw kay Jack Tagak. Masama rin ang
tingin nila sa isa't isa.
"O, tama na!
Awat na. Magkakasama tayo rito. Ikaw, Bella Palaka, wala ka nang sinisino.
Lahat na lang, dinadale mo. Lahat na lang ng insekto sa parang na ito at naging
biktima at gustong biktimahin ng dila mo," sermon ni Jack Tagak kay Bella Palaka.
Nagbaba ng tingin si
Bella Palaka at agad niyang itinago ang kaniyang mahabang dila.
"Ikaw naman, Gela
Langaw, tumigil ka na sa kalalapit mo kay Call Kalabaw. Iyan marahil ang
ikinainis sa 'yo ni Bella Palaka. Huwag mo siyang gamitin para sa iyong
sariling interes," sermon ni Jack Tagak sa langaw.
Nagbaba rin ng
tingin si Gela Langaw, saka lang niya iwinagwag ang kaniyang nabasang mga
pakpak.
"Tama ka, Jack Tagak.
Madaldal ako. Masiba ako. Lahat ng insekto ay tinitira ko, kisihudang kaibigan
ko pa siya. Pero, dahil sa masamang ugali ni Gela Langaw, kaya ko siya
sinubukang lunukin. Patawad... Hindi na mauulit," ani Bella Palaka.
"Tama ka rin, Jack
Tagak. Naging palalo ako. Akala ko, matutulungan ako ng reyna sa pangarap kong
umangat, hindi pala. Kaya, lahat ng mga sikreto ng mga kasamahan natin ay
ikinuwento ko na kay Calla Kalabaw. Akala ko nga, kaibigan na ang turing niya
sa akin, hindi pala," malungkot na saad ni Gela Langaw. "Patawad...
Susubukan kong hindi na maulit."
"Kaibigan ko
kayong pareho. Mahalaga kayo sa akin. At mahalaga sa ating lahat ang parang.
Tulungan ninyo akong manaig ang pagkakaibigan, kaayusan, at kapayapaan dito sa
parang. Kinuha niya si Gela Langaw at ipinatong sa ulo ni Bella Palaka.
"Matuto tayo sa mga pagkakamaling nagawa natin sa ating mga kasama."
"Sige"
sabay na sagot nina Bella Palaka at Gela Langaw.
Lumipad si Gela Langaw
at umikot-ikot kina Bella Palaka at Jack Tagak. "Simula ngayon, hindi na
ako magiging mapagmataas at mapanggamit." Pagkatapos, dumapo na siya sa
ulo ni Jack Tagak.
Lumukso-lukso si Bella
Palaka. Inikutan niya si Jack Tagak. "Simula rin ngayon, mamimili na ako
ng insektong lalapain. Iingatan ko na ang paggamit ng aking dila."
Pumalakpak sa tuwa
si Jack Tagak. "Mabuti kung ganoon. Sana mas marami pa tayong mahikayat na
magbago. Alam kong pangarap din ninyong manumbalik ang dating kagandahan,
kasagagan, at katahimikan sa parang na ito."
"Oo
naman!" sabay na sagot nina Bella Palaka at Gela Langaw.
"Magaling!"
Pumalakpak uli si Jack Tagak at saka masayang nagpaalam sa dalawa.
"Kokak!
Kokak!" tawag ni Bella Palaka.
Lumipad pabalik si
Jack Tagak. "Ano 'yon?"
"Sino na ngayon
ang pinuno sa ating parang, ngayong patay na si Calla Kalabaw?" maang na
tanong ni Bella Palaka.
"Patay? Si Calla
Kalabaw, patay? Sino ang nagsabi?" Tiningnan ni Jack Tagak isa-isa sina Gela
Langaw at Bella Palaka.
Nagtinginan naman
ang dalawa. Napaurong pa si Bella Palaka. Napalipad naman si Gela Langaw patungo
sa dulo ng pinakamataas na damo.
"Hindi ako.
Kokak!"
"Zzz. Hindi rin
ako."
"Hindi lahat ng
nakikita ay dapat ninyong paniwalaan," nakahalukipkip na turan ni Jack Tagak.
Isa-isa niyang tinapunan ng matalim na tingin ang langaw at palaka.
Nagkalakad-lakad pa siya, kaya napaurong lalo si Bela Palaka at nagagap nito
ang kaniyang bibig.
Napalipat naman ng
damo si Gela Langaw.
"Buhay pa si Calla
Kalabaw. Siya pa rin ang pinuno ng parang!" Lumipad palayo si Jack Tagak.
"Ililigtas ko pa ang mga linta." Naiwang nakatingin sa kaniya sina Gela
Langaw at Bella Palaka.
Nang mawala sa
paningin nila si Jack Tagak, lumapit si Gela Langaw kay Bella Palaka.
"Alam ko at
nakita ko, pinagpiyestahan ninyong mga langaw ang katawan ni Calla Kalabaw,"
nahihintatakutang sabi ni Bella Palaka.
"Oo nga. May
bitbit akong gamot noon nang makita ko ang mga kalahi ko nang bigla mo na lang
akong kainin," kuwento ni Gela Langaw.
"Pagkatapos
niyon, hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari," sabay na wika ng
dalawa. Imbes na matawa, naiyak sila.
Kumabog ang dibdib
ni Bella Palaka. Naisip niyang baka ipatawag siya nito dahil hindi siya
tumulong para makaligtas siya sa mga langaw.
Nangamba naman si Gela
Langaw. Naisip niyang baka sisihin siya nito dahil mga kalahi niya ang pumapak
sa kaniyang mga sugat.
"Kokak!"
paalam ni Bella Palaka. "Uuwi muna ako sa amin.
"Zzz. Hahanapin
ko rin ang pamilya ko. Kailangan ko silang makausap."
Tawa nang tawa si Jack
Tagak sa kaniyang narinig at nakita. Mabuti na lamang, naikubli niya ang sarili
sa ibabaw ng sanga. "Sana may natutuhan sila sa mga naganap," bulong
niya.
Ilang sandali lang
ang lumipas, naalala niya ang mga linta. Kailangan niyang mahanap ang mga
batang humuli sa mga kasamahan niyang mahilig manipsip ng dugo. Kahit ganoon
sila, naniniwala siyang may pakinabang sila sa parang, kaya hindi na siya
nag-aksaya ng panahon.
Sa pinakamalapit na
nayon siya tumungo. Agad din niyang naispatan ang mga nagtatawanang bata sa
kalye. Inikutan niya ang mga ito at nang makumpirma niyang pinaglalaruan niya
ang mga linta, dinaluyong niya ang mga ito.
"Takbo! May
malaking ibon," sigaw ng maitim na bata.
Mabilis na
nagpulasan ang mga bata sa iba't ibang direksiyon.
Kumakawagkawag si Linda
Linta sa kinalulunurang bula.
Tinuka ni Jack Tagak
si Linda Linta at inilagay niya sa kaniyang paa. "Kumapit ka."
Pagkuwa'y tinuka-tuka rin niya ang dalawa pang linta.
"Wala na sila.
Kasalanan ko ang lahat," maiyak-iyak na sabi ni Linda Linta.
"Huwag mo nang
sisihin ang sarili ko. Matuto ka na lang sa ginawa mo," sabi Jack Tagak.
"Ang parang nga
talaga pala ang tahanan naming mga linta. Hindi ako dapat naging mapangahas.
Hindi pala nakabubuti ang pagkakaroon ng mataas na pangarap." Tuluyan nang
ngumuyngoy si Linda Linta.
Nalungkot man,
natuwa pa rin Jack Tagak dahil sa mga narinig kay Linda Linta. Umaasa siyang
tuluyan na itong magbabago.
Tinuka niya ang mga
kapatid ni Linda Linta. "Iuuwi ko na kayo sa parang."
"Maraming
salamat, Jack Tagak! Mabuti ka palang kaibigan."
Nang mailapag ni Jack
Tagak ang mga linta sa kanilang tahanan, agad niyang hinanap sina Daniel Daga,
Susie Suso, at Susan Uwang upang ikuwento ang mga nangyari at ang kaniyang
kabayanihan. Alam niyang may mga ideya na ang mga ito, lalo na si Daniel Daga,
pero ikatutuwa ng mga ito ang tungkol kay Linda Linta.
Mas pumaimbulog siya
upang makita niya ang kabuuan ng parang. Tanaw na tanaw niya, mula sa himpapawid
ang nag-iisang puno roon. Hindi niya nakita si Daniel Daga.
Bumaba siya ng lipad
at dumapo sa lungga ni Susan Uwang. Wala roon ang kaibigan.
Naisip niyang
tumungo sa may lubluban ni Calla Kalabaw, baka bumisita roon si Susie Suso.
"Susie
Suso!" huni ni Jack Tagak. Subalit, walang sagot mula sa matabang suso.
Nalungkot siya, pero
hindi siya nawalan ng pag-asa dahil alam niyang makikita niya ang mga kaibigan.
Dahil sa pagod,
naisipan na lamang niyang maglakad. Mas mainam pa iyon upang makasalubong pa
niya ang ibang hayop at insekto sa parang. Gusto niyang mas mapalapit pa sa mga
ito upang makatulong sa kaniyang adhikaing paglapitin ang mga puso ng bawat isa
at kilalanin si Cala Kalabaw bilang pinuno ng parang.
Ilang hakbang pa
lang ang kaniyang layo, natanaw niya ang kakaibang mga mata. Hindi iyon mata ni
Calla Kalabaw. Lalo hindi iyon ang mga mata ng kaibigang daga.
Natatakot man,
malakas ang loob niyang inihakbang ang mga paa upang tingnan ang mga mata.
"Huli ka!"
Narinig niyang sabi ng may-ari ng mga mata.
Pagkuwa'y naramdaman
ni Jack Tagak ang sakit mula sa kaniyang paa. Nang lingunin niya ito, saka
namang lumabas ang may-ari ng mata. Lalaking tao iyon, na may hawak na tali.
Nagpumiglas si Jack Tagak
kahit lalong sumisikip ang tali at pakiramdam niya ay malalagot na ang paa
niya. "Pakawalan mo ako!" Gumapang pa siya, habang hinihila ng lalaki
ang tali.
"Nahuli na rin
kita!" Humahalakhak pa ang lalaki habang hinihila niya ang pisi.
Wala namang nagawa
ang pagpagaspas ni Tagak. Nagkalagas-lagas lang ang mga balahibo niya. Balewala
na rin ang pagtawag niya sa pangalan ng mga kaibigan.
"Pulutan o
aalagaan?" sabi ng lalaki, habang hawak na niya si Jack Tagak.
Hindi na iyon
narinig ng tagak dahil halos mabingi na siya sa pagod at sakit.
"Paalam na,
Parang..." ani Jack Tagak bago nagdilim ang kaniyang paligid.
Hawak ng lalaki ang
mga paa ni Jack Tagak. Laylay ang mga pakpak nito.
"Patay na
agad?" anang lalaki. Itinaas pa ang ibon. "Ayos lang. Pulutan ka na
lang."
Habang palayo ng
lalaki, nakasunod na sa kaniya si Susan Uwang. Mabigat man ang katawan dahil sa
katabaan, nagawa niyang makadapo sa likod ng lalaki.
Si Susie Suso naman
ay muntik nang maapakan ng lalaki. "Si Jack Tagak iyon, a!" Dahil sa
nahihirapan siyang gumapang, sumigaw na lang siya nang sumigaw. Tinawag niya si
Daniel Daga.
Samantala,
nagkakawag na ang lalaki dahil nakapasok na si Susan Uwang sa damit ng lalaki.
Nabitawan niya ang tagak, na wala pa ring malay.
Nagsusunigaw si Susan
Uwang habang pagulong-gulong sa damuhan ang lalaki dahil sa kahahanap sa
kumakagat sa kaniyang likod.
"Daniel Daga,
ikaw ba 'yan?!" Natuwa si Susan Uwang nang maamoy ang kaibigang daga.
"Oo, Susan Uwang.
Si Susie Suso ang nagsabi sa akin," anang daga.
"Iligtas natin
si Jack Tagak."
"Oo. Ako ang
bahala. Kagatin mo lang siya nang kagatin."
Patuloy ang
pagkawag-kawag ng lalaki, habang nginatngat ni Daniel Daga ang tali sa paa ni Jack
Tagak.
"Hayop
ka!" Nahawakan ng lalaki si Susan Uwang at ibinagsak siya nito sa lupa.
"Huwag!"
Nakita ni Daniel Daga na aapakan ng lalaki si Susan Uwang, kaya mabilis niyang
tinalunan ang binti nito.
Napasigaw sa sakit
ang lalaki. Nakalipad naman si Susan Uwang palayo.
Nang muling
dadambahan ni Daniel Daga ang lalaki, saka namang bumalik ang malay ni Jack
Tagak.
Mabilis na dinakma ng
lalaki si Jack Tagak, ngunit nakaiwas siya. Nagmumura ito.
Sinamantala ni Daniel
Daga na nakadapa ang lalaki. Kinagat-kagat uli niya ang binti nito. "Lipad
na, Jack Tagak!" utos pa niya sa kaibigan.
Hindi lumipad si Jack
Tagak, bagkus lumapit siya sa lalaki at pinagtutuka ang mga daliri.
Nagpumilit bumangon
ang lalaki at nagsisigaw na tumakbo palayo sa parang.
"Salamat sa
inyo, mga kaibigan!"
"Walang
anuman," sabay-sabay na sagot nina Susan Uwang at Daniel Daga.
"Salamat din sa
'yo, Susie Suso!" sabi ni Jack Tagak sa parating na suso.
Nagkatawanan silang
magkakaibigan.
No comments:
Post a Comment