Followers
Tuesday, December 22, 2020
Pulis ang Daddy Ko
Walang gustong makipaglaro sa akin. Pulis daw kasi ang daddy ko.
"Mommy, sana hindi na lang naging pulis si Daddy," minsang sabi ko sa aking ina.
Nagulat siya sa sinabi ko. "Bakit mo naman nasabi iyan, Jona?"
"Kasalanan po kasi ni Daddy kaya walang gustong makipaglaro sa akin."
Natawa naman si Mommy sa sagot ko. "Pulis nga ang daddy mo. Sabihin mo iyan sa kanila. Ang tunay na pulis ay ang katulad ng daddy mo."
Napaisip ako sa sinabi ng mommy ko. Kaya, kinabukasan, lumapit ako kina Karla, Mila, Jong, at Jon-jon.
"Puwede ba akong sumali sa laro ninyo?" tanong ko sa kanila.
"Ayaw naming kalaro ka!" mabilis na sagot ni Karla.
"Bakit? Dahil ba pulis ang daddy ko?" Nginitian ko sila isa-isa habang nagtitinginan sila.
"Oo!" sagot ni Karla.
"Pulis nga ang daddy ko. Siya ay isang tunay na pulis," sagot ko.
"Halina kayo. Dali!" yaya ni Karla kina Mila, Jong, at Jon-jon.
Nagmamadaling umalis ang lima. Nagpaiwan si Mila.
"Pasensiya ka na, Jona... Gusto ko naman talagang makipaglaro sa 'yo, pero sabi nina Mama at Papa, iwasan daw kita kasi anak ka ng pulis,'' mabilis na sabi ni Mila. Pagkatapos, mabilis din itong sumunod sa mga kaibigan.
Sa halip na malungkot ako, natuwa ako dahil sa sinabi sa akin ni Mila. Masaya akong umuwi sa bahay. Ibinalita ko kay Mommy ang nangyari.
"Mahal na mahal ka namin ng daddy mo. Iyon lang ay sapat na para maging masaya ka. Pero, mahalaga pa rin ang mga kaibigan," sabi ni Mommy. "Hayaan mo, darating ang araw na makikipaglaro rin sila sa iyo. Ipakita mo sa kanila na ikaw ay anak ng mabuting pulis."
"Opo, Mommy!" Niyakap pa ako ng aking ina.
Linggo ng umaga, magkakasama kaming pamilya sa pagsisimba. Sabi ni Daddy, huwag daw naming kalilimutang maglaan ng oras para sa Diyos.
Nang araw na iyong, ipinagdasal ko, na sana tanggapin na ako nina Karla, Mila, Jong, at Jon-jon. Sana rin ay patuloy na gabayan ng Diyos ang daddy ko sa kaniyang trabaho.
Masayang-masaya ako pagkatapos ng misa dahil kakain na naman kami nina Daddy at Mommy sa paborito kong fast food chain.
"Namamalimos po," salubong sa amin ng matandang lalaki.
"Daddy, Mommy, sa bahay na lang po tayo kumain. Ibigay na lang po natin kay Lolo ang pambili natin ng pagkain sa fast food chain," sabi ko sa kanila.
Agad na nagbigay si Daddy sa matanda.
"Salamat sa inyo!" sagot ng lolo.
"Tatay, mag-iingat po kayo palagi," sabi pa niya.
Lalo akong humanga sa daddy kong pulis. Hindi lang siya mabuting ama at asawa, matulungin pa siya sa kapwa.
Tuwang-tuwa ako nang natuloy pa rin kaming kumain sa fast food chain. Sabi ni Daddy, para raw iyon sa pagiging mabuting anak ko at pagiging matulungin sa kapwa.
Masayang-masaya talaga ako tuwing kasama ko ang mga magulang ko. Halos isang araw sa isang linggo lang kaming nabubuo dahil nakadestino si Daddy sa malayo. Kaya tuwing uuwi siya, tuwang-tuwa ako.
Bago pa kami natapos sa aming pagkain, nagpaalam si Daddy sa amin. Mabilis siyang lumabas sa fast food chain.
Nahulaan ko na agad ang kaniyang gagawin.
"Pasensiya na kayo... Tinulungan ko ang ale. Hinablot ng lalaki ang bag nito, kaya hinabol ko," paliwanag ni Daddy.
Mangiyak-ngiyak sa pangamba at tuwa si Mommy. "Lagi mo na lang inuuna ang iba. Lagi mo na lang itinataya ang buhay mo para sa kapwa."
"Oo nga po, Daddy," sang-ayon ko.
"Tungkulin kong pagsilbihan at protektahan ang kababayan ko," tugon niya.
Lalo akong humanga sa daddy ko. Tama si Mommy na si Daddy ay isang tunay na pulis.
Nang makauwi kami sa aming lugar, binati ng aming kapitbahay si Daddy.
"Sarhento Lucas, congratulations!" sabi nila.
Panay ang ngiti at pasalamat ni Daddy. Noon ko lang nakita na sinaluduhan nila ang aking ama. Naisip ko nga, totoo kayang paggalang at paghanga ang kanilang ipinakita?
Kinabukasan, malungkot na naman kami ni Mommy nang magpaalam sa amin si Daddy. Ilang araw na naman siyang malalayo sa amin. Ilang araw ring malalagay ang buhay niya sa peligro.
Hindi pa nakakalayo si Daddy, nang dumating sina Karla, Kikay, Lotlot, Jong, Jon-jon, at Mila.
"Magandang umaga po!" bati ni Mila sa mommy ko. "Puwede po ba naming makalaro si Jona?"
Tiningnan ako ni Mommy. "Anak siya ng pulis," biro niya.
"Kaya nga po gusto namin siyang kalaro," tugon ni Mila.
"Sorry po... Sorry, Jona, kung hindi ka namin sinasali sa laro," sabi ni Karla.
"Napanood namin ang daddy mo," sabi Jon-Jon.
"Trending siya sa social media," sabi ni Jong.
"Oo. Ang galing ng tatay mo, Jona! Nahuli niya ang isnatser," sabi naman ni Jon-jon.
Napangiti si Jona dahil kay Jon-jon.
"Hindi pala kami dapat matakot sa 'yo at sa daddy mo... kasi mabubuti kayong tao," sabi ni Karla.
"Mommy, makikipaglaro po ako sa kanila," paalam ko sa aking ina.
"Sige na, Jona... Ito na ang araw na sinasabi ko sa 'yo," sagot ni Mommy.
"Opo, Mommy! Salamat po! Salamat din dahil pulis ang daddy ko," sabi ko.
"Tunay na pulis," pahabol ni Mommy.
Nayakap ko tuloy si Mommy bago ako sumama sa mga kalaro ko.
"Mga bata, mag-iingat kayo palagi, ha?" bilin ni Mommy.
"Opo! Pulis po ang daddy ng aming kalaro," sagot ni Mila.
Nagkatawanan kami habang patungo sa parke.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment