Followers

Wednesday, February 1, 2017

Ang Aking Journal -- Pebrero 2017

Pebrero 1, 2017 Hindi natuloy ang pagdating ng district supervisor, na titingin sana ng mga reading corner. Sayang! Hindi niya nakita ang amin. Alam kong matutuwa siya sa kanyang makikita. Past 3, nagkita-kita kami nina Mama at Taiwan sa Buendia. Agad din kaming bumiyahe papuntang Tanza. Hindi naman kami nahirapan bumiyahe. Nag-van kami at nag-special ng tricycle. Pagkatapos naming magmeryenda, tinuruan ko si Mama sa pagkilos niya sa kabahayan. Lahat ng parte ng bahay, maliban sa second floor, ay itinuro at ipinahipo ko sa kanya. Alam kong makakaya niyang mag-isa bukas at sa mga susunod pang mga araw. Bukas, third periodic test na ng mga bata. Pebrero 2, 2017 Unang araw ngayon ng 3rd periodic test. Himala. Hindi na-delay. Almost complete ang 8 test questionnaires. One is to one pa ang ratio ng test papers at pupils. Kaya lang, gaya nang dati, hindi namin pinasagutan doon. Sa papel sila nagsagot. Dapat nga sana ay sa test bubbles. Wala kaming Grade Six. Naubusan. Lagi naman, e. Pati nga report card, hanggang ngayon ay wala pa. Agad akong umuwi. Wala pabg alas-dos ay nag-time out na ako. Inaalala ko si Mama. Natuwa naman ako nang makita kong nasa mabuti siyang kalagayan. Hindi raw siya nakatulog. Namahay siya. Iniisip niya rin kasi ang bahay sa Antipolo. Kaya naman, maglinis pa raw siya. Hindi talaga siya sanay nang nakahiga lang. Haist! Pebrero 3, 2017 Maaga pa rin akong dumating sa school kahit medyo natagalan ako sa pagluto at paghanda ng mga iiwanan kong pagkain ni Mama. Ang sarap sa pakiramdam na pinagsisilbihan ko ang aking ina. Nakaka-inspired. Last day ng periodic test. Natapos namin. Kaya lang, kailangan pang ilipat ang mga sagot sa standardized answer sheet. Doble trabaho. Delayed na naman kasi ang dating. Okay lang naman. Patay-oras nga lang. Past 4 ako nakauwi. Nag-grocery kasi ako ng mga ititinda sa recess bukas sa NAT review. Nakatulog na si Mama. Tapos na siyang mamahay. Kaya lang, tinanong niya ako kung kailan siya uuwi. Grabe! Nainip na siya kaagad. Iniisip niya kasi ang mga gamit niya. Nalaman noya pa na nandoon sina Flor. Lalo tuloy siyang nagnais na makauwi. Gusto kong dito siya hangang maoperahan siya at tuluyang makakita. Hindi ako kampante na nandoon siya sa Bautista. Ako naman kasi ang madalas mag-isip at mag-alala. Isa pa, magiging malimit na ang pagdalaw ko sa kanya doon. Pebrero 4, 2017 Na-late ako. Hindi ko kasi narinig ang alarm. Tapos, nag-prepare pa ako ng almusal at pananghalian ni Mama. Ayos lang naman. Hindi gaanong matagal na naghintay ang mga estudyante ko. Mabuti may naka-chat ako habang nasa biyahe ako, kaya naghintay sila at nag-behave. May pinaglista ako. Maayos naman ang review namin. Nag-enjoy din ako sa pakikipagkulitan. At siyempre, hindi nawala ang pangaral at pag-iinspire. Gusto kong matataas ang makuha nilang score sa NAT. May mga magulang ding dumating dahil ipinatawag ko. Lume-level up kasi ang mga problema nila. Hindi na lang basta nagpapasaway. May nagmamasturbate, nagmamarijuana, nagyoyosi, at nagdadala pa ng patalim. Past two, pinuntahan ko ang bahay ng estudyante kong hindi na pumapasok. Nakausap ko ang tatay at napag-alaman kong broken family sila. Nakausap ko rin ang bata at hinikayat na pumasok kahit once a week para maka-graduate. Naaawa lang ako sa kanya dahil dapat ay nasa high school na siya. Lalo lang siyang mahuli kapag ibinagsak ko pa. Pagkatapos nito, nagpadala ko kay Sir Gerard ng P1000. Pampa-checkup niya raw. Hindi ko alam kung utang o ano. Basta ang sabi niya ay "Good am Sir Froi. Sir Froi puwedeng pa-emergency. Medyo mapapalaban sa check-up mamaya. Any amount, malaking bagay. Sorry talaga delayed lang ang sideline ko na modules." Hindi ko siya mapahindian dahil sakit na ang pinag-uusapan. Napahindian ko na siya dati. Bumawi lang ako. Pero, sana last na niya iyon. Marami na akong naitulong sa kanya. Hindi niya ako masasabihan ng madamot. Maaga akong pumunta sa CUP. Umidlip ako doon at nag-sound trip, habang naghihintay ng time. After class, past six iyon, agad akong umuwi. Inaalala ko si Mama. Past 8 na ako nakarating dahil sa traffic. Patulog na si Mama. Kumain na raw siya. Nalungkot ako nang sabihin niya sa akin na uuwi na siya bukas. Hindi raw siya makatulog dahil nasa isip niya ang bahay doon. Pebrero 5, 2017 Maaga akong nagising dahil maaga ring bumangon si Mama. Inisip kong baka gusto na niyang mag-almusal. Kaya, nag-hot cake ako, bago naglaba. First Sunday namin ito ni Mama together. Mabuti nagbago ang isip niya nang sinabi kong andoon pa sa bahay niya si Popoy. Nakampante siya. Ayaw niya kasi na may kukuha o mangingialam ng mga gamit niya doon. Imbes na makaidlip ako sa hapon, nabigo ako dahil napuno ng galit ang puso ko. Nag-away na naman kami ni Emily. Ibang klase kasi siya. Hindi niya iniisip ang mga sinasabi niya. Lalo niyang pinatindi ang galit ko sa kanya. Hindi pa nga tuluyang naghihilom ang sugat, na gawa niya, dinagdagan pa niya. Nailabas ko tuloy lahat ng mga nasa isip at puso ko. Pagkatapos, hindi ko na siya ni-rereply-an. At, hindi ko na uli siya papansin. Gusto ko kasing magbago siya. Akala niya, siya ang biktima. Pati ibang tao ay nadadamay at dinadamay niya. Pebrero 6, 2017 Wala pa ring maayos na klase. May mga estudyante pa nga akong hindi pa nakompleto ang test. Pinag-shade ko lang ang mga bata ng kanilang sagot. Nag-check din kami sa Filipino. Natuwa ako sa resulta niyon. Forty-six (46) ang highest score. Matigas pa rin si Emily. Hindi niya pa ibinababa ang kanyang sarili. Mas lalo namang akong magmamatigas. Alam kong nasa tama ako. Inilabas ko lang ang sama ng loob ko. Alam ko ring nasaktan ko siya. Iyon ay dahil sa napuno na ako. Kahit wala siya sa buhay ko, magiging masaya ako. Aanhin ko naman ang asawa kong madalas naman kaming mag-aaway. Hindi bale na. May mga estudyante pa naman ako, mga anak, mga pamangkin, mga kapatid, at nanay. Sisikapin kong maging mas mabuti sa kanila upang mas lalo akong pagpalain ng Diyos. Pebrero 7, 2017 Kahit marami akong niluto para sa almusal at pananghalian ni Mama, maaga pa rin akong nakarating sa school. Nakaidlip pa nga ako ng ilang minuto. Masasabi kong nakasanayan ko na ang alas-kuwatrong gising. Para ito sa mahal kong ina. Kahit kailan ay hindi ako mapapagod para sa kanya. Nawa ay laging akong bigyan ng kalakasan at kalusugan ng Panginoon. Since tapos na ang test, nagturo na ako sa klase. Kaya lang, hindi kami nagpalitan. Kaya naman, sinolo ko ang klase ko. Nagturo. Nagdisiplina. Nakipagkulitan din ako sa mga estudyante ko. Itinuloy ko rin ang video presentation na ipapalabas ko sa closing program namin. Kahapon ko pa iyon sinimulan. Excited na nga silang makita. Pakiramdam naming lahat ay maiiyak kami sa aming mapapanuod. Maaga akong nakauwi. Kahit nagmalengke pa ako. Excited akong mag-gardening. Unti-unti ko na kasi naisasagawa ang mga plano ko noon sa aking bahay. Ang sarap mag-landscape. Nakakabata. Kanina, nagpadala ng mensahe si Emily. Inaalo na niya ako. Huwag na raw kaming mag-away dahil hinihika na naman si Zillion. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko siya o hindi. Pero, alam ko naman na laging apektado ang anak namin kapag nag-aaway kami. Gayunpaman, hindi ko pa siya gustong batiin. Kulang pa ang effort niya. Nais kong malaman niya na hindi lahat ng panahon, babae ang nanunuyo. Paminsan-minsan, dapat babae naman, lalo na kapag kasalanan niya. Pebrero 8, 2017 Hindi pa rin kami nagpalitan, pero nagturo at nagpa-acitivity ako sa advisory class ko. Nagpa-check din ako ng mga papel nila sa periodic test. Dumating na ang books ko na 'Amalgamation' at 'Mga Kuwentong Pambata.' These are another achievements. Nakakatamad ang school year na ito. Ramdam naming grade six teachers. Gawa ito ng hindi magandang administration. Sa katunayan, nainis ang grade leader namin dahil imbes na masolusyunan ang problema sa report card, lalo pang magkaroon ng problema. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa kami nakakagawa ng card dahil matagal bago dumating ang order. At nang dumating noong last week, mali naman. Kanina ay parang ipinalalabas ng retired at OIC principal na kami pa ang nagkulang sa paalala sa kanila. Miscommunication daw. Litsugas! Personalan na ang laban. Pati nga ang pagpunta ng SP_BasyangProject ay naging isyu sa kanila. Mabuti naman. Ipinaramdam ko talaga na wala silang kuwentang mga pinuno. Hindi kasi sila marunong magbigay ng kaukulang papuri, motibasyon, at reward. Hindi naman talaga nakaka-inspire ang leadership nila. Idagdag pa ang garapal na korupsiyon. Ginawang dugyot ang paaralan. Hindi na nga ako halos mapakali kapag oras na ng uwian. Ni ayaw na ayaw kung namamalagi sa school. Mas mabuti pang makauwi ako nang maaga-- mag-asikaso kay Mama at mag-gardening. Pebrero 9, 2017 Wala pa rin kaming palitan ng klase, pero ayos lang. Nagturo pa rin ako sa klase ko. Nagsermon din. Binigyan ko pa nga sila ng project dahil nainis ko sa kanilang pagsasawalang-bahala sa leksiyon. Sa tingin, epektibo ang style ko. Takot kasi silang magkaproblema sa graduation. Dahil may NAT review ang mga bata with grade five teachers, kami namang grade six teachers ay naglinis sa designated area kung saan kami gagawa ng garden. Sinimulan naming tanggalin ang amoy panghi at tae ng pusa. Kahit paano ay bumango at nagkaroon ng hitsura, lalo na't nagsabit na kami ng mga hanging plants. Na-enjoy ko ang aming task. I really love gardening and landscaping. Sa Sabado, itutuloy namin iyon. Pebrero 10, 2017 Naging effective ang mga pagalit ko kahapon. Nagbigay ako ng assignment sa Hekasi at nakita ko kanina kung sino-sino ang mga nag-comply. Nakakatuwa. Natakot sila sa style ko. Sana tuloy-tuloy na. Ang sarap umuwi pagkatapos ng klase. May mga halaman kasi na naghihintay sa akin. Isama pa si Mama, na nag-aaabang sa aking pagdating. Excited na siyang umuwi sa Bautista. Pinayagan ko na siya. Pero, nag-chat kami ni Jano. Ayaw na muna siyang pauwiin dahil ayon sa kanya ay nakapagsalita si Tito Boy. Inaasa na lang daw namin siya sa kanila. Ayaw ko namang ganoon nga ang isipin nila. Bukas ng gabi, mag-uusap kami tungkol dito. Pebrero 11, 2017 Ang kulit ko kanina sa NAT review namin. Ang sarap kasing makipagtawanan at makipagbiruan sa mga bata. Gustong-gusto nila ang may tawanan dahil doon sila nai-inspire gumawa, kumilos, at magpursigeng matuto. Iniisip ko pa rin ang kanilang kapakanan, sa kabila ng pagpapahirap ko sa kanila minsan sa assignment, project, at seatworks. Gusto ko lang naman ay maging disiplinado sila. After ng review, pumunta ako sa Libertad. Nag-stay ako sa Wellcome Mall after lunch. Na-bored ako, kaya naglibot-libot ako sa Cartimar, since 5 pm pa naman ang masteral class ko. Na-enjoy ko ang pagwi-window shopping sa mga pet shops, lalo na sa mga bilihan ng isda. Nagtingin-tingin din ako sa mga bilihan ng halaman bago ako pumunta sa CUP. Thirty-minutes na lang bago mag-start ang klase. Six-thirty kami pinakawalan ng aming propesora, gaya noong mga nakaraang araw. Past 8 na ako nakauwi. Kahit labag sa loob ko na ihatid si Mama, nagdesisyon na lang ako sa suwayin si Jano. Gustong-gusto na niyang umuwi. Ayaw kong hadlangan ang kagustuhan niya. Anak lang ako. Ang magagawa ko na lang ay suportahan siya financially. Nauunawaan ko naman siya. Una, ayaw niyang mawala ang bahay. Kapag umalis siya nang tuluyan doon, maraming puwedeng umangkin. Isa pa, nanghihina siya dito kasi hindi siya makapagtrabaho na gaya doon. Bukas, ihahatid ko siya sa Antipolo. Wala na akong magiging pahinga, pero okay lang. Pebrero 12, 2017 Past 6 nang bumiyahe kami ni Mama papuntang Antipolo. Medyo Nahirapan ako sa pag-akay sa kanya. Muntik pa ngang maipit ang kamay niya sa pinto ng train. Hindi ko naman kayang makontrol kasi hawak ko ang isang kamay niya at ang bag niya. Mabuti na lang at safe kaming nakauwi. Nakapag-grocery pa nga ako. Umuwi ako mga past 1:30. Nananghalian lang ako sa Bautista. Past 4 ako dumating. Antok na antok at pagod na pagod ako. Mabuti na lang at nakaidlip ako. Andami kong hindi nagawa ngayong araw, pero ayos lang. Napasaya ko naman ang aking ina nang maiuwi ko siya sa kanyang tahanan, kung saan siya komportable. Disappointed nga lang si Jano. Hindi bale. Alam kong mauunawaan niya si Mama. Na-unblock ko na rin si Taiwan. Tama si Mama. Patawarin ko na siya. Tutal matagal na 'yun. Isa pa, ang asawa naman talaga niya ang may kasalanan sa akin, e. Nag-PM ako sa kanya tungkol sa pag-uwi ni Mama. Pebrero 13, 2017 Na-late ako kanina ng 6 minutes. Hindi ko alam kung mabagal lang talaga ang takbo ng bus o sadyang ma-traffic lang. Five o'clock naman ako lumabas sa bahay. Nagturo ako ng 'Bahagi ng Pahayagan' sa klase ko at ang mga sumunod na oras ay bonding lang with my co-teachers sa grade level ko. Hindi na kasi interesado ang mga estudyante na matuto at mag-aral. Excited na ang karamihan sa kanilang nalalapit na graduation. Nakauwi agad ako pagkatapos ng klase. Excited din akong mag-gardening. Ito lang kasi ang paraan ko ngayon para makahinga at mawala ang stress ko. Natuwa akong mamitas ng mga talbos ng kamote, petsay, at alugbati para maisahog ko sa pritong galunggong. Kay sarap talagang magtanim at kumain ng sariwang gulay. Tipid na nga, healthy pa. Hindi ko nga lang alam kung bakit medyo sumisikip ang kanang dibdib ko. Hindi man ito kasingsakit noong dati, hindi pa rin ako mapakali. Nag-aalala ako na baka manumbalik ang dati kong karamdaman, lalo na't may nabasa akong prediction tungkol sa health ko. Haist! Sana hindi ito sakit. Sana ay bunga lang ito pagda-dumbbell ko at pag-pushup challenge araw-araw. Pebrero 14, 2017 Late na naman akong mag-time in, pero ayos lang. Minuto lang naman ang late ko. Sinorpresa ako ng mga estudyante ko. Nagsaboy sila ng confetti pagpasok ko. Naghanda rin sila ng cards, greeetings sa board at cake. Natuwa ako sa effort nila. Hindi ko maisasalarawan ang saya. Sa Valentine's Day program ng Gotamco, pinakiusapan ako ni Mam Edith aka Emiritus, na maging photographer. Ginawa ko naman nang bukal sa loob. Kailangan kong tumulong, hindi lang dahil close friend ko siya, kundi dahil hindi na nga ako sumali sa Mr. Valentine money contest. Sa ganoong paraan man lang ay maipakita ko ang aking suporta. After ng klase, kumain kami sa Shakey's Harrsion Plaza at nag-bonding kami nina Papang, Ms. Kris, Emiritus at ako, na mas kilala sa tawag na Tupa at 1000. Ang kulit namin. Humingi ba naman kami ng hot water at nagtinpla ng 3-n-1 coffee. Dahil dito, alas-sais na ako nakauwi. Tinikis ko si Emily. Hindi ko talaga siya binati. Gusto kong maramdaman niya ang sakit ng naramdaman ko dahil sa ginawa niya. Pebrero 15, 2017 Grabe ang pagka-late ko kanina. More than 15 minutes. Ikatlong araw na akong nahuhuli sa pag-time in. I hate this! Ayaw na ayaw ko nang nali-late. Parang kabawasan sa pagkatao ko. Nag-alala na nga ang mga estudyante ko. Nag-chat na sa akin. Pinaakyat kasi sila at pinaghintay sa tapat ng classroom dahil wala munang flag ceremony. Tuwang-tuwa sila nang makita ko. Gusto kong matawa dahil naniniwala silang may sakit ako sa puso. Totoong sumasakit ang dibdib ko, pero hindi ito sa puso. Sinabi ko sa kanila noong isang araw na kapag tatlong araw akong absent, malamang patay na ako. Puntahan na lang nila ako sa bahay. Magdala sila ng mask dahil nangangamoy na ako. Kitang-kita at damang-dama ko ang pag-aalala at pagmamahal nila sa akin. Masama ang ginawa ko pero hindi naman malabong mangyari ito sa akin lalo na't wala akong kasama sa bahay ngayon. Kahit tamad na tamad kaming lahat, nagawa ko pa ring ituro ang uri at bahagi ng liham. Pinag-arrange ko sila ng sulat pangangalakal at pinasulat ng anim na liham pangkaibigan. Gusto ko ring ibalik ang kultura ng snailmail. Kaya, bukas ay may dala silang mga sobre. Ipapadala ko sa post office ang mga sulat nila. Gusto ko nga sanang isama sila sa Lawton para ma-experience ang paghuhulog ng sulat. Kailangan ko lang ng parent's permit. Four o'clock ay nasa bahay na ako. Nagpahinga ako nang isang oras, habang nanunuod ng tv bago nagmeryenda at nagdilig ng mga halaman. Nakakawala ng stress at pagod ang mga tanim kong unti-unti ko nang nakikitaan ng buhay at ganda. Napapakinabangan na rin ang mga gulay gaya ng alugbati. Pebrero 16, 2017 Hindi na ako late kanina. Akala ko, buong linggo akong mali-late. Nagturo ako sa mga estudyante ko kung paano magtupi ng sulat at maglagay ng pamuhatan at patunguhan sa sobre. Nagpakopya din ako ng permit para sa dalawa kataong sasama sa akin sa post office sa Lunes. Lahat halos ay interesadong sumama, pero dalawa lang ang kaya kong isama dahil magastos at maingay kapag marami. Nagpasulat ako ng sanaysay sa kanila na may pamagat na 'Ang Aking mga Magulang.' Gusto ko kasing mas makilala ko pa sila nang husto. Hindi ko man nabasa lahat, alam kong may matututuhan ako mula sa kanilang mga akda. Sa wakas, nasimulan na namin ang paggawa ng form 138 o report card. Gumawa na lang kami ng paraan. Bumili kami ng makapal na papel at nag-print. Nasimulan ko na ring mag-input ng grades at comments. Kanina, nag-PM sa akin si Mam Che, ang founder ng WWG. Sabi niya ay maghanda ako ng manuscript oara gawing books. Nahulaan ko na para iyon sa nalalapit na pagpasok ng publishing sa National Bookstore. Natutuwa ako sa oportunidad na lumalapit sa akin. Kaya naman, kailangan ko nang matapos ang 'Malamig na Kape.' Ito ang gusto kong unang makapasok sa NBS. Pebrero 17, 2017 Kami lang ni Sir Joel ang pumasok sa grade level namin. Si Mam Milo kasi ay may personal na dahilan. Si Mam Janelyn naman ay muntik nang masunugan ng bahay. Kaninang madaling araw ay nasunog ang mga kabahayan malapit sa kanila. Nakaya naman ni Sir Joel na i-handle ang dalawang klase. Hindi naman ako nakatulong, since tahimik naman pareho ang mga binabantayan niyang klase. Nagpokus na lang ako sa mga ginagawa at sa advisory class ko. After class, pumunta kami ni Mam Dang sa division office. May kukunin siyang pera. Ako naman ay may kukuning income tax return document. Nagawa naman agad namin. Pagkatapos niyon, nag-withdraw ako ng pera. Naghiram si Gina sa akin ng pambili ng stocks sa WWG Publishing. Hindi ko naman iyon naipadala dahil hindi agad nakapag-reply si Mam Rochelle. Past 4 ay nakauwi na ako. Pagod at antok man, pero satisfied at masaya ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Natutuwa rin akong malaman na ang mga inggitera kong kaguro ay patuloy pa ring gumagawa ng paraan para mapabagsak ko. Ikinamamatay nila ang patuloy kong pagkakaroon ng libro. Anila, hindi raw iyon maki-credit sa ranking or promotion dahil hindi accredited ng DepEd. Mamatay sila sa inggit. Hindi ko masyadong pinapangarap ang ma-promote. Iba ang pangarap ko. Huwag nila akong igaya sa kanila ---masyadong mataas ang mga pangarap, wala naman kakayahang abutin ang mga ito. Kundi pa manira, sumipsip, at manggamit ay hindi pa aangat. Simple lang ang pangarap ko. Isa dito ay makakain lang ng higit tatlong beses sa isang araw. Maligaya na ako kahit paksiw na sapsap ang ulam ko. Pebrero 18, 2016 Na-late ako nang dating sa school dahil hindi ko narinig ang alarm ko. Dapat ay 5:30 ako bumangon. Six na ako nakamulat. Mabuti na lang at hindi nagsiuwian ang mga earudyante ko. Pagkatapos ng review, bumiyahe ako papuntang San Pedro. Inimbitahan ako ni Bro Beverly sa kanila. Alas-dos y medya ay nasa kanila na ako. Nagkuwentuhan kami. Nag-inuman naman kami pagdating ni Kuya Buboy, asawa niya, bandang pasado alas-8. Rum ang ininom namin. Ten-thirty, tapos na kami. Umikot ang paningin ko kahit paano. Pebrero 19, 2017 Past 8 nang umalis ako sa bahay nina Beverly. Gusto ko pa sanang mag-stay, kaya lang naisip ko ang mga labahan ko. Isa pa, ayaw ko na ring makaistorbo sa kaibigan ko. Maglalaba rin siya. Past 11 ako nakauwi sa bahay. Ginusto kong matulog, pero hindi ako dinalaw ng antok. Okay lang naman. Marami akong na-accomplish ngayong araw. Nakapaglaba. Nakapag-gardening. Kumain. Etc. Pebrero 20, 2017 Naging masaya ang araw ko sa klase. Una, dahil nakapagturo ako. Pangalawa, natapos ko ang pag-input ng grades sa card. Pangatlo, nakapagpatawa ako. Medyo nainis lang ako sa isang estudyante ko. Masakit siyang magbiro. Akala mo ay perpekto. Kung papatulan ko lang ay baka masabi kong pangit siya. Kaya nga, malayo ang loob ko sa kanya. Hambog. Siya lang ang ayaw ko sa lahat. Gayunpaman, masaya pa rin ako. Pagkatapos ng klase, natuloy kami sa post office sa Lawton. Naipadala na rin namin ang mga liham nila. Kasama ko sina Alexandra, Jhonalyn, at Wenrish. Naging matagumpay ang field trip namin. Kahit paano ay may natutuhan ang mga estudyante ko. Naging masaya rin sila. Pambihirang karanasan iyon para sa kanila. Pasado alas-sais na ako nakauwi. Pebrero 21, 2017 Wala pa rin kaming palitan ng klase. Okay lang naman. Mas gusto nga namin, lalo na ng mga estudyante. Gayunpaman, nagle-lesson ako sa kanila at nagpapa-activity. Sumusuko nga sila, e. Dahil dito, naipagpatuloy ko rin ang paggawa ng video para sa closing party namin. Naputol naman ang moment ng panenermon ko sa kanila nang magpatawag na para sa NAT review. Maaga akong umuwi. Napuyat ako kagabi. Gusto ko sanang matulog, pero nabigo lang ako. Sa halip, naglaba na lang ako ng uniforms ko at nag-gardening. Kay sayang makita na ang mga pananim ko ay malalago na at ang iba ay namumulaklak na. Sulit ang pagod. Pebrero 22, 2017 Nagpabigkas ako ng tula sa mga estudyante, pagkatapos kong ituro ang mga sangkap nito. Itinakda ko na kahapon pa ang tulang bibigkasin nila. Natutuwa ako sa eagerness nilang makakuha ng magandang grades. Kahit paano ay nagkaroon sila ng takot, ngayong nalalapit na ang kanilang graduation. Ang ayaw ko lang sa kanila ay ang kaiklian ng kanilang pokus. Malilibangin sila. Hindi nila kayang magseryoso nang matagalan. Kaya, madalas pa rin akong nagsasaway. Balewala ang tagalista at ang paglilista. Natanggap ko na ang unang interest ng ipinautang ko kina Sir Joel at Mam Gigi. Nagsimula na rin akong kaltasan ng GSIS. Gayunpaman, may nadagdag pa rin sa net salary ko-- P500. Nakakatuwa. Nakatulong na ako, kumikita pa. Pag-uwi ko, umidlip ako. Antok na antok ako kaya halos gusto ko nang ituloy ang pagtulog. Naisip ko lang ang pagdidilig ng mga halaman, kaya bumangon ako after one hour. Naisip kong bumawi na lang sa gabi. Gatas na lang ang bahalang magpaantok sa akin. Pebrero 23, 2017 Napuyat ako kagabi dahil may nag-videokeng kapitbahay. Ang lakas pa naman ng volume nila. Isa pa sa mga dahilan ng aking pagiging sleepless ay ang pag-alala kay Zillion. Ipina-admit daw ni Emily ang anak namin dahil sa mataas na lagnat. Na-guilty ako kahit paano dahil hindi ko pa sila napadalhan ng pera. Gayunpaman, naibsan ang aking pag-alala nang tumawag sila. Nakausap ko mismo siya. Ang tiyantiya ko ay maayos naman ang kondisyon niya. Matatas na magsalita. Natuwa pa nga nang sabihing kong magpapadala ako ng pera. Nag-I love you pa siya. After ng klase, agad akong nagpadala ng pera. Pagkatapos niyon, nag-deposito ako ng pera para sa monthly amortization ng bahay. Agad naman akong umuwi para makaidlip ako. Nabigo naman akong makatulog. Sa halip, nag-dilig ako ng mga halaman. Sa pag-stay ko sa aking hardin, napagtanto kong mapalad ako dahil naging bahagi ako ng SULAT Pilipinas. Kanina nga ay nakatanggap kami ng magandang balita. Naaprubahan ang proposal namin na makasali sa Book Fiesta sa April 23, 2017. National event ito, kaya magiging malaking puntos ito sa aking career. Hindi ko maialis sa isipan ko ang masasamang ginawa sa akin ng mga kasamahan ko sa school. Sila ang dahilan kung bakit ako patuloy na bumabangon, kahit pilit nila akong inilulublob sa putikan at inaapakan. Pebrero 24, 2017 Maaga kong nakarating sa school kanina. Nakabili pa ako ng almusal. At habang kumakain, nagpasulat ako sa Araling Panlipunan. Tungkol iyon sa gross national product at per capita income. Nang nag-discuss ako, nauwi iyon sa kuwentuhan. Naihalintulad ko ang GNP sa MOOE ng school. Naisiwalat ko rin tuloy ang kalakaran sa paggastos ng pondo ng paaralan. Imulat ko lang sila sa mga nangyayari. Naipagtapat ko rin siyempre ang mga pinagdaanan kong sakit sa nakaraang administrasyon ng dating principal, gayundin sa kamay ng kanyang alagang linta. Hindi ko sila kinuwentuhan dahil nais kong manira, kundi dahil bahagi sila ng paghihirap ko. Apektado sila noong ibinagsak ako ng mga gahaman at inggiterang tao. Tinikis at binalewala nila ang mga achievements namin. Ibinalita ko sa kanila ang tungkol sa Book Fiesta na dadaluhan ng Sulat Pilipinas sa Abril 23. Si Sir Imma ang nagsusulong na maging bahagi ang aklat ng VI-Topaz (Walang Pamagat) sa event na iyon. Ibig sabihin, isang karangalan para sa amin ang mapabilang sa mga librong maaaring mabili sa book fair. Ang sarap lang makipagkuwentuhan sa mga bata, sa panahon ngayon. Gusto na lang nilang maki-bonding. Excited na ang lahat sa graduation. Panay na ang tanong nila kung kailan ang practice. Kahit ako ay hindi na rin maitago ang excitement. First time ko kasing makakapa-graduate ng advisory class. Nakipagpalitan ako ng klase. Nagturo ako sa VI-Garnet. Nagkuwentuhan din kami. Kinausap ko rin si Jonas, estudyanteng may kakayahang sumulat ng akda, na ang medium ay English. Nagpasa nga siya ng flash fiction. Sinabihan ko rin siya na i-encode na niya ang novel niya. Tutulungan ko siyang makapaglathala. Gusto ko rin siyang isali sa Basyang Project dahil may kakayahan siyang mag storytelling. Impromptu pa. Umuwi ako nang maaga pagkatapos ng klase. Nakakaatat kasi ang gardening. Sarap umuwi sa bahay dahil may mga halamang sumasalubong sa akin. Pebrero 25, 2017 Bago mag-9 ay umalis na ako bahay para bisitahin si Mama. Dumating ako sa Bautista bago mag-alas dos. Umalis din ako makalipas ang kinse minutos. Inayos ko lang ang mga pinamili ko at iniwanan ng pera si Mama para sa kanyang budget at pa-birthday ko kay Zildjian. Masaya akong makita si Mama na maayos ang kalagayan kahit nahihirapan siya at wala pa ring paningin. Totoo ngang komportable siya sa sarili niyang bahay. Mag-aalas-otso ng gabi ako nakauwi sa bahay. Sa sobrang pagod ay hindi na ako nakapagsaing. Nagluto na lang ako ng soup. Pebrero 26, 2017 Past nine-thirty, bumiyahe kami ni Au papuntang Luneta para sa meet-up at meeting ng SP admins. Nauna na sa amin si Annie May. Sumunod naman si Karla. Pareho silang first time kong nakita. Sina Luna, Gerard, Mhorric at Jann ang mga sumunod. Antagal namin bago nakapagsimula. Nagutuman ako nang husto. Gayunpaman, masaya ako sa bonding at meeting namin tungkol sa Book Fiesta sa April 23. Ang sarap makipagkulitan sa kanila. Past 9:30 nang makauwi ako. Pebrero 27, 2017 Sinuspende ang mga klase sa paaralan dahil sa pangmalawakang transport strike. Mabuti na lang at in-announce nila nang maaga. Nagkaroon ako ng oras para maglinis, maglaba, para sa sarili ko, lalo na't naokupa ang dalawang araw. Pebrero 28, 2017 Wala ako sa mood nang humarap ako sa klase. Naitago ko lang. Nakapagturo ako at nakapagbigay ng seatwork. Mabuti na lang at dumating ang mga taga-Bethany para sa Values Education class. Gayunpaman, pagkatapos niyon, iritado pa rin ako, lalo na't masakit ang ulo ko. Natuloy ang NAT review ng mga bata with Grade 4 teachers, kaya nakalaya ako sa ingay nila. Past 2, naipadala ko kay Emily ang form ng PhilHealth, na katatanggap ko lang ngayong araw. Kahit paano ay mababawasan ang gastos sa hospitalization kay Zillion, kapag na-refund. Past 4, nakauwi ako. Sinuwerte ako dahil may signal ang net ko. Malakas-lakas. Kahit paano ay nanumbalik ang gana ko sa pagsusulat. Sa katunayan, nasimulan ko ang next chapter ng 'Malamig na Kape.'

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...