Followers

Sunday, April 30, 2017

Charot

Tawa nang tawa si Marcus nang magtatakbo ang grupo ng mga babae, na dumaan sa may madilim na bahagi ng kakahuyan. Sinuot kasi niya ang wedding gown ng kanyang ina at naglagay ng makapal na pulbos sa mukha.

Nang umuwi siya, hindi pa rin maubos-ubos ang tawa niya. Kaya lang, biglang naglaho ang ngiti sa kanyang mga labi nang maabutan niyang nakapamaywang si Mommy Estella at nakasalubong ang mga kilay ng kanyang Kuya Jhon.

"Bakla ka ba, anak? Bakit hawak-hawak mo 'yang wedding gown ko?"

"Nakapulbos pa Mommy, o," gatong ni Jhon.

"Hindi po. Nang-trip lang po ako sa may manggahan, Mommy." Tinalikuran niya ang kanyang ina at kapatid. Tumuloy siya sa kanyang kuwarto.

"A, hindi naman pala bakla ang kapatid mo, Jhon. Hayaan mo na..."

Narinig pa ni Marcus na pinagpipilitan ni Jhon na bakla siya.

Kinabukasan, umuwi si Marcus mula sa school na may kasamang kaklase. "Si Vangie po, Mommy, classmate at close friend ko po."

"Abot-tainga ang ngiti ni Momny Estella. Nataranta rin siya sa pag-istima sa bisita ng anak. Unang beses kasing nagpakilala ng babae si Marcus. Kadalasan, mga lalaki ang isinasama niya sa kanilang bahay.

Nakorner ni Jhon ang kapatid, nang inililibot ni Mommy Estela si Vangie sa kanilang manggahan. "Kailan ka pa nagkabayag, ha, Marcus?" pambubuska niya sa kapatid. "E, mas maarte ka pa kaysa sa babae. Charot!" Kinuha pa niya ang mukha ng kapatid at inilapit sa kanyang mukha. "The great pretender!"

Inis na inis si Marcus sa mga oras na iyon. Hindi na talaga niya kayang igalang ang kanyang kapatid. Hindi niya lubos maunawaan kung bakit ganoon na lang ang galit ni Jhon sa kanya. Noong sinabi niyang tigilan niya ang madalas na pakikipag-chat sa oras ng pag-aaral at pagtulog, ginawa niya. Iniwasan niya ang pagpi-Facebook. Binawasan niya ang oras na iginugugol niya sa social media.

Hindi niya maarok ang ugaling mayroon ang kuya niya. Ngayon naman, hindi pa rin niya matanggap na nagbabago na siya.

"Marcus! Marcus!" tawag ng kuya niya. "Halika nga rito!" Alam niyang nasa taas siya ng mangga dahil nagsumbong ang mga batang pinagbabato niya ng bunga nito.

Inulit ni Jhon ang pagtawag. Sa pagkakataong iyon, banas na banas na siya kay Marcus, kaya nang makababa ito, isang malakas na sampal sa may tainga ang ibinigay niya sa kapatid. Halos mabali ang leeg nito sa lakas.

Patakbong tinalikuran ni Marcus si Jhon at pinagmumura niya ito. Ngumunguynoy na rin siya, hindi sa pisikal na sakit, kundi emosyonal. Gusto na niyang patayin ang kanyang kuya.

Sa bahay, palibhasa, wala ang kanilang ina, ipinagpatuloy ni Jhon ang pambubugbog kay Marcus. Halos, lumuwa ang mga mata nito sa labis na tama ng kanyang mga kamao. Nagkulay-ube na rin ang kanyang katawan.

"Sige pa, Kuya! Sige pa. Kung gusto mo, patayin mo na ako! Tutal wala naman akong halaga sa 'yo!" sigaw niya habang palabas na sa kuwarto niya si Jhon.

"Gagawin ko na 'yan sa susunod, lalo na kapag hindi mo itinigil ang kaharutan mo..."

Bumuhos ang masaganang luha ni Marcus. Nahalo iyon sa dugong bumulyak sa kanyang bibig.

"Hinding-hindi mo na ako masasaktang muli Kuya Jhon. Hinding-hindi na," bulong niya, habang pinipilit niyang tumayo sa pagkakalugmok.

Isang linggong hindi pumasok sa eskuwela si Marcus dahil sa nangyari. Hindi rin naman napagalitan si Jhon ng mommy nila. Lumabas pa na naging kasalanan pa ni Marcus ang lahat.

Ginugol niya ang kanyang oras sa pagpa-prank sa Facebook. Gamit ang kanyang dummy account, chinat niya si Jhon. Hinarot niya. Nag-send siya ng hubad-barong larawan. Ramdam niyang gustong-gusto iyon ng kapatid niya dahil pinipilit siyang mag-send ng larawan ng kanyang ari.

Agad na natigilan si Marcus. Nag-isip siya. Pagkuwa'y isang nakakalokong ngiti ang nabuo sa kanyang mukha. "Hinding-hindi mo na ako ngayon, masasaktan, Kuya Jhon. Ikaw pala ang charot." Humalakhak pa siya.

Friday, April 14, 2017

Daddy

"Papa... Papa!" tawag ng pitong taong gulang na anak, habang nanunuod ng pambatang teleserye.

"Po?" Sumagot ang ama, pero hindi tumingin sa anak dahil okupado siya sa kanyang ginagawa sa laptop.

"Bakit po Papa ang tawag ko sa 'yo. Bakit ang iba daddy, hindi Papa?"

Naghintay ang bata sa sagot ng ama. Napatingin naman ang kanyang asawa.

"Papa kasi mahirap lang tayo," sagot ng ina.

"Bakit po ang kaklase ko, mahirap lang po sila, pero ang tawag niya sa ama niya ay daddy?"

"Papa kasi... Papa rin ang tawag ko sa kaniya. Para pareho tayo," paliwanag ng ina.

"Bakit po, tatay ni'yo ba si Papa?"

Natawa ang ina. Natigilan naman ang ama.

"Hindi ko siya tatay, pero nasanay na kasi akong Papa ang tawag ko sa kaniya kasi noong baby ka pa, sinasanay kitang tawagin siyang Papa..."

"Bakit po hindi niyo na lang ako sinanay sa Daddy?" May halong pagmamaktol ang pagkabigkas niyon ng unico hijo nila.

"Hayaan mo na, Marcus. Daddy man o Papa ang tawag mo sa akin, pareho lang ang kahulugan niyon dahil pareho lang ang responsibilidad na aming ginagampanan sa inyo," anang ama.

Tila kumbinsido ang bata sa paliwanag ng ama, kaya tumigil na ito at nag-concentrate sa pinapanuod.

"Pa, napaka-inquisitive talaga ng anak mo, 'no?" bulong ng maybahay sa haligi ng tahanan. "Ikaw, bakit 'di mo akong tinatawag na Mama? Gusto mo rin ba akong tawaging Mommy?" Tumawa pa ito at sinundot ang tagiliran ng asawa.

Tiningnan niya nang masama ang ilaw ng tahanan. "Huwag mo kasi akong tawaging Papa," bulyaw niya rito. Pero, he made sure na hindi narinig ng kanilang anak.

"E, 'di... Daddy!" biro pa ng asawa.

Napamura ang ama. "Hindi kita anak. Hindi mo ako ama. Kaya, naguguluhan ang bata, e! Huwag mo rin akong aasahang tawagin kang Mama dahil nag-iisa lang ang Mama ko. Hindi mo siya maaaring pantayan. Bungkol!

"Hindi ko talaga kayang pantayan ang Mama mo, dahil katulong ni'yo lang ako dati. Mayaman kayo, e. Hanggang ngayon, alila lang ang turing mo sa akin." Hindi na napigilan ng maybahay ang kaniyang saloobin.

"`Ma... `Pa, nag-aaway po kayo?"

"Hindi, anak, mag-aartista yata ang Mommy mo para yumaman daw tayo at para Daddy na ang itatawag mo sa akin," pilit na biro ng ama.

"Talaga po? Yehey! Yayaman na tayo... May Mommy at Daddy na ako." Nagtatalon pa ang bata.

Sunday, April 2, 2017

Maligayang Bati, mga Bungkol!

(Abril 3, 2017 -- 10:20 NU)

Dalawang taon tayong nagkasama...
Apat na raang araw akong naging guro't ama.
Ganoon man karaming beses akong nagsaway,
ngunit bawat oras ako'y naging inyong gabay.
Maraming beses kayong sumuway,
kaya paulit-ulit rin akong nangaral.
Hinabaan ang aking pisi ng pagtitiyaga
at nilawakan pa ang aking pang-unawa.
Bawat isa'y pinakinggan ang kuwento,
hanggang lahat ay naunawaan ko.
Kuwento ng buhay, binuksan ko rin.
Kasama kayo sa aking mga sulatin.
Bawat isa'y natatangi sa aking puso--
walang hindi nagmarka sa buhay ko.
Araw-araw akong nagturo... nagmahal.
Ngunit, ang pagtatapos ay dumatal...
Sa araw na ito, diploma'y mapapasainyo.
Dalawang taon ay tila maikli't kulang,
subalit kailangan niyo nang magpaalam.
Ang paaralang ating naging tahanan,
sa ating talambuhay, ay saksi na lamang.
Ang ating silid-aralan, may maiiwan---
ang inyong mga tinig ng kabataan.
Nawa'y ang aking mga turo at payo,
inyong isabuhay at pakatandaan
dahil daig niyon ang kayamanan.
Sa inyong pagtahak sa kinabukasan,
maalala niyo sana ang pangalang Froilan,
na minsan sa inyo'y nagalit, nagtampo,
at minsang naging bahagi ng buhay niyo.
Mahal na mahal ko kayong lahat.
Congratulations, mga anak!
Salamat sa inyong pagmamahal!
Kayo ay aking ikinararangal.

Saturday, April 1, 2017

Ang Aking Journal -- Abril, 2017

Abril 1, 2017 Nakakatawa talaga ang mga pangyayari ngayong April Fool's Day. Andami kong napaniwala, lalo na ang mga parents at pupils ko. Naniwala silang hindi ako makakadalo sa graduation dahil magbabakasyon ako sa Davao. Nagpahuli nga ako ng dating sa rehearsal. Natuwa sila nang makita ako. Humihirit pa ang mga magulang. Hindi ko raw kayang tiisin ang mga anak nila. After magbigayan ng toga, trineat kami ng mga parents ng honor pupils sa Dampa. Busog na busog ako. Tapos, nagkantahan at nag-inuman pa kami. Sobrang saya. First time kong maranasan iyon with parents. Mga cool silang kasama. Lasing ako nang bumalik kami sa school para mag-print. Inabot kami ng 8:30. Nakauwi ako bandang 10:30. Hindi ko rin napalampas na biktimahin ang SP. Nagpaalam akong mag-resign. It is half joke, half truth. At least, nalaman nila ang dahilan ng inactivity ko. Abril 2, 2017 Pasado alas-7 ay nasa school na ako. Wala naman akong nagawa, kundi ang hintayin silang dumating. Pero, ang mga sumunod na pangyayari ay madugong stage decoration, after naming matapos ang printing ng invitations. Mabuti na lang may ilang mga eatudyanteng naroon upang tumulong. Nautos-utusan namin. Gayunpaman, isang masaya at produktibong trabaho ang nangyari. Worth it, kumbaga. Kahit inabot kami ng pasado alad-9 ng gabi, sulit naman. Alam naming magiging maganda ang reception bukas. Sobrang puyat at pagod ko nang dumating ako, bandang alas-10:30. Gusto ko pa sanang uminom ng milk, pero hindi ko na nagawa. Hindi na rin ako nakainom ng gamot. Mas kailangan ko ang pahinga at tulog, kaya pinagbigyan ko ang mga mata ko. Abril 3, 2017 Kahit paano ay mahaba-haba ang naitulog ko. Kung mahilig lang sana akong magbabad sa higaan, nabawi ko na ang puyat ko. Kaya lang, kailangan ko nang bumangon para maghanda at maglinis nang kaunti sa bahay. Naglaba rin ako ng mga punda, bago umalis. Nainis yata sa akin ang mga kasamahan ko nang dumating ako. Nasa action pa rin sila ng pag-aayos sa stage. Pero, tumulong naman ako hanggang matapos. Naging matagumpay ang unang graduation ko as Grade 6 teacher. Hindi ko man nagawang yakapin ang mga estudyante ko, masaya ako dahil nakita kong masaya at proud ng mga magulang nila. Naging thankful din ang karamihan. May nagpa-picture kasama ako. Abril 4, 2017 Tatlong oras lang ang tulog ko. Kailangan kong bumangon para makarating ako sa school ng alas-8, kahit may hang-over pa ako at halos gusto pang pumikit ng mga mata ko. Na-late naman ako, pero kinse minutos lang. Mas nauna pa ako sa mga kasamahan ko. Kaunti lang ang mga batang pumasok. Hinayaan ko na lang silang maglaro. Ang iba, nanuod ng videos sa laptop ko. Bago namin sila pinauwi, binigyan ko sila ng form ng clearance. Babalik sila bukas. May pasok kami hanggang Friday. Hindi ko pa nga naa-award ang mga medals. Nag-lunch kaming Grade 6 teachers sa Tramway. Busog na busog ako. Inabot kasi kami ng past 1:30 doon. Kung wala lang meeting, sinagad namin hanggang 2 PM. Kami na lang kasi ang wala doon. Hindi pa tapos ang meeting, umuwi na ako. Hindi na talaga kaya ng mga mata ko. Sa dyip at bus nga ay nakaidlip ako. Maaga akong nahiga. Hindi na ako nakakapanuod ng 'Ang Probinsiyano.' Abril 5, 2017 Wala akong kamalay-malay na may cooperative general assembly. Nagulat na lang ako nang may nakasalubong akong mga pupils. Pinauwi raw sila. Nakakainis! Hindi na maubos-ubos ang istorbo. Wala na akong time para sa mga pupils ko. Kailangan ko ring makasalamuha sila bago magbakasyon. Antagal natapos ang meeting. Nagkaroon kasi ako ng election for board of directors at faculty officers, kung saan napili ako as one of the board and PIO, respectively. Nagbigayan din kasi ng dividend. Kaya lang, nagutuman ako sa kanin. Pansit at spaghetti lang kasi ang ipinakain. Two o'clock, nagkayayaan kaming 1000 group na magkape sa JCo. Kasama rin namin si Mam Dang at Mam Bel. Sila ang plus. Matagal kaming nagkuwentuhan doon tungkol sa mga pangyayari sa school. Alas-sais na yata iyon nang lumabas kami. Alas-otso naman ako nakauwi. Sinikap kong makakain ng kanin at ulam, bago matulog. Haist! Ito ang mahirap sa solo living. Hindi ako ganadong kumain mag-isa. Abril 6, 2017 Marami-rami ang pumasok na estudyante ko, kaya nakapag-play ako ng inihanda kong video. Bukas, may video uli. Hinati ko kasi ang mga moments into two -- V-Mars moments at VI-Topaz moments. Kahit paano ay naipaalala ko sa kanila ang mga pinagsamahan namin, lalo na ang walang FB. Nag-award din ako sa mga achievers at kakaunti ang absent. Nalungkot ako dahil may mga naghahangad na makatabggap ng medals, pero hindi ko nabigyan. Hindi naman talaga dapat lahat ay makatanggap. Pagkatapos niyon, dumating ang dati nilang kaklase na si Wranz, from his graduation. Nagpakain/nag-blowout ang nanay niya. Naging masaya ang lahat. Parang closing party na rin iyon. Past 2:30, dumalaw naman ako sa burol ng nanay ng estudyante. Nag-abot ako ng limos. Iyon ang pinagsama-samang pera mula sa mga bata, magulang, at sa akin. Pag-uwi ko sa bahay, hindi na ako nanuod ng tv. Nahiga na agad ako. Sobrang pagod ko. Abril 7, 2017 Alas-nuwebe na ako dumating sa school. Nagsalang ako ng video. Pagkatapos, nagpirma na ako sa clearance. Marami pa rin ang hindi nakapag-comply. Nalungkot lang ako dahil nagdala ng food ang iba. Hindi sila nag-usap. Gusto pala nilang mga closing party. Hindi ko rin kasi sila na-require. Ayaw ako naman talaga ng mga gastusan. Ayaw na ayaw kong may masasabing negative sa akin ang mga magulang nila. Gusto kong magkusa sila. Pinauwi ko na lang sila nang maaga. Ang ilang mga babae ay nagpaiwan. Naglinis at naghugas. Parang may gusto pa silang sabihin sa akin. May yumakap at umiyak pa nga. Mami-miss niya raw ako. Nakaka-miss din sila kahit paano. Ang dalawang taon ay sapat para makilala ko sila nang lubusan. Napamahal na kami sa isa't isa. Pagkatapos kong fill up-an ang certificate of good moral, umuwi na ako. Abril 8, 2017 Sa dami ng gusto kong gawin, hindi ko naman natapos lahat. Pero, nasimulan ko at nagkaroon ng development, gaya ng thesis proposal at editing ng mga literary pieces. Kahit paano ay umusad ako. Gayunpaman, napi-pressure ako sa submissions. Sa April 18 ang deadline ng proposal. Sa April 30 naman ang sa CPMA. Idagdag pa ang manuscripts na hinihintay ng LSP. Haist, sana matapos ko lahat before or on time. Nakakainis lang ang signal ng internet. Halos, hindi ako makagawa dahil wala talagang connection. Gayunpaman, pinipilit kong may matapos kahit wala nito. Nakakaantok nga lang. Nakaidlip rin ako bago ko naramdaman ang malakas na lindol. Napatawag talaga ako sa Diyos. Kung may nakakita o nakarinig nga sa akin, baka matawa pa. But, thanks God dahil safe ako at ang paligid ko. Tumawag naman si Emily kinagabihan upang kumustahin ako. Nabalitaan niya raw sa tv. Abril 9, 2017 Pasado alas-7 ng umaga nang umalis ako. Sa Tejero na ako nag-almusal. Gusto ko kasing makarating agad sa Bautista at makabalik sa bahay. Nagawa ko naman. Nakapag-grocery pa ako. Past 12 nagpaalam na ako kay Mama. After iyon na ibigay ko sa kanya ang perang ipambabayad niya sa doktor na mag-oopera sa kanya. Kasama na rin doon ang pang-laboratories niya. Malaking pera ang pinakawalan ko ngayong araw, pero hindi ako nanghihinayang dahil para iyon sa aking ina. Gusto kong makakita na siya. Mas mahirap kapag manatili siyang bulag. Dapat pupunta ako kina Kuya Jape dahil dumating sina Aileen at Jaja. May malagkit at isda raw silang dala. Nawala ako sa mood nang nasa SM Manila na ako, lalo na't sobrang init sa labas. Nanuod na lang ako doon ng 'Search for Litte Stars.' Hindi ko tinapos dahil sobrang antok ko na. Past five, nasa bahay na ako. Abril 10, 2017 Eight-thirty, nasa school na ako para sa unang araw ng issuance of report card. Hindi naman lahat nakapunta. Hindi rin lahat ng estudyabte ko ang dumating para kunin ang card nila. May mga magulang at guardians lang ang naroon. Bigla ko silang na-miss. Kaya naman, kinausap ko ang bawat dumating. I see to it na magkakaroon kami ng conversation, kahit simpleng pagtanong lang kung saan sila o ang anak nila mag-aaral ng high school. Nag-stay ako sa school hanggang 3 o' clock, sa kabila ng matinding init. Ramdam ko na ang summer. Ang sarap magbabad sa tubig. Naalala kong bigla ang Palawan at ang Hundred Islands. Maghapon, nakapag-edit ako ng mga akda ko. Kampante na rin akong maipapasa ko on time ang thesis proposal ko. Almost ready na iyon. Kaunting editing at proofreading na lang. Abril 13, 2017 Huwebes Santo. Huwebes Santo rin ang signal ng internet ko. Nakakainis. Hindi tuloy ako makagawa ng mga dapat kung tapusin. Kailangang mag-research for thesis proposal. I can't do that without internet. Kaya, naglaba na lang ako. Nanunod. Nag-edit ng mga akda. Nagnilay na rin ako. Alam kong marami akong kasalanan. Sa kabila nito, patuloy pa rin akong namumuhay sa masama. Nakakulong na rin yata ako sa pasts ko. I can't move on. But, I enjoy reiterating the good memories. The pain has been bearable dahil mas matimbang ang mga magagandang alaala. Abril 14, 2017 It's Good Friday today. I know exactly the meaning of it. Sa halip na magnilay, mga gawaing bahay ang ginagawa ko--- naglaba ng mga punda at kumot, nagbilad ang mga unan, at naglinis. Alam kong naunawaan ako ng Diyos. Nakagawa na naman ako ng mabigat na kasalanan. Itinaon ko pa sa araw na ito. Grabe! I keep on making the same mistake. I just wanted to move on. But, sa ginawa ko, parang hindi pa rin. Lalo pa yata akong malulugmok sa pagdurusa. Abril 15, 2017 Sabado de Gloria. Hindi ko talaga makakalimutan ang araw na ito. Grabe! Ang tindi ng emosiyon ko. Sa unang pagkakataon, nagamit ko nang husto ang tear gland ko. But, I like the essence and the effects of it. Very healthy na and it led to understanding. Nahanap ko na ang mga kasagutan at kakulangan sa buhay ko. Abril 16, 2017 Easter Sunday. Kahit napuyat ako kagabi, nakabawi naman ako ng tulog. Eight na kasi ako bumangon. Pagkatapos kong mag-almusal, umalis ako. Humingi (uli) kasi ng favor si Mam Gie. Ipadala ko raw ang COLA niya. Kailangan kasi nila para sa pamasahe pabalik sa Maynila. Since, kailangan ko ring bayaran ang internet at water bills, okay lang sa akin. Isang lakaran na lang. Nakadaan pa nga ako sa palengke para bumili ng isda. Sapsap ang gusto kong iulam. Itinuloy ko naman ngayong araw ang pagsulat ng bagong nobela na nasa isip at puso ko. Nakadalawang chapters na ako, since kagabi. Gusto ko sana itong matapos agad upang maipa-publish ko na uli sa WWG, bago pa ilabas sa Mayo ang 'Malamig na Kape.' I just hope kayanin ng time ko. Abril 17, 2017 Maaga akong gumising para sa unang araw ng reinstallation ng SBM room sa school. Alam ko kasing dagsa ang mga commuters ngayong araw. Kaya naman, wala pang alas-otso ay nasa school na ako. Pangatlo ako sa mga unang dumating. Halos, wala naman akong naitulong. Nagbuhat lang nang kaunti. Tumulong-tulong din ako sa paglabas ng mga abubot at kasangkapan. Then, buong araw na akong nag-update ng LIS. Natulungan ko pa si Sir Erwin. Natapos kong pareho ang sa amin, habang nakikipagkuwentuhan kay Emeritus, gayundin sa kanya. Before 5, umuwi na kami. Past 7:30 naman ako nakarating sa bahay. Pagod na pagod, pero masaya akong ngayong araw. Isa sa mga dahilan nito ay nang mabasa ko ang email ni Ms. Amor ng Le Sorelle Publishing. Nagandahan siya sa 'Ang Alamat ng Pahilis.' Nangangahulugan ito ng isa na namang published work. Kaya lang, pinapalitan niya iyon ng title. Nanghingi siya ng mga maaaring pagpilian. Napili niya ang 'Mga Kuwentong Kukote.' okay lang naman na hindi masunod ang pamagat ko, as long as na hindi apektado ang content. Malungkot lang ako ngayong araw dahil nabigo ko si Emily. Niyayaya niya kasi akong pumunta sa Aklan para makasama ako sa Iloilo, dahil magti-treat ng kaibigan niya. Libre. Idinahilan ko ang laganap na nakawan sa subdivision namin at ang work ko sa school within this week. Hindi ko na nga nasabi na tungkol sa mga maiiwanan kong mga halaman. Mangangamatay sila kapag hindi nadiligan. Ayaw na ayaw ko pa naman nang namamatayan ng halaman. Ngayong araw din, nabayaran ko na ang loan ko kay Mam Bel at ang mga pictures kay Mang Jun. Wala na akong iisipin pa. Abril 18, 2017 Ikalawang araw ng SBM reinstallation. Halos wala naman akong naitulong. Wala naman kasi akong gagawin. Mabuti na nga lang, naukupa ang oras ko nang magpatawag ng meeting ang representative ng CDA. Hinarap namin siya upang pakinggan ang mga dapat at hindi dapat gawin sa coop namin. Mga past 6 na ako nakauwi. Sobra ang pagod at antok ko, kaya maaga-aga akong natulog. Abril 19, 2017 Na-enjoy ko ang ikatlong araw namin sa SBM room. Kahit paano ay may effort ako. Gayunpaman, mas marami pa rin ang pahinga at kuwentuhan. Easy-easy lang dahil sobrang init. Balewala ang aircon. Kaya lang, hindi ko natapos ang mga articles na nire-request ni Sir Lester para sa website ng school. Nakaisang article lang ako. Kailangan ko pa ng siyam. Sabagay, sa April 30 pa naman ang deadline. Alas-singko, nagkayayaan kami nina Sir Erwin, Mam Edith, at ako para puntahan at bisitahin si Mam Joan. Na-miss lang namin siya. Nabuo na naman ang 1000. Nagmeryenda kami, since nagtitinda sila ng meryenda. Siyempre, nagkuwentuhan at nagtawanan kami. Past 6, umuwi na kami. Abril 20, 2017 Muntik ko na namang makalimutang i-send sa email ni Dr. Barbieto ang thesis proposal ko. Two days late na ako, pero sana'y tanggapin pa niya. Naging busy ako maghapon. Nagsulat ako ng news article. Nakaanim akong balita. Mabilis lang sana gumawa kung nakaready ang mga info. Ang problema, hindi rin alam ng mga concern, ang mga katanungan ko. Namimili na lang ako ng mga issues na medyo may alam akong data. Gayunpaman, masaya akong nakatulong ako sa school website. Isa pa, may certificate ako at may five days service credit. Hindi ko naman tatanggapin ang trabaho kung wala naman akong mahihita. Nasasakripisyo na nga ang pagsusulat ko ng mga akda. Nagpadala ako ng P2000 kay Ms. Sy para sa kabayaran ng book franchise ko sa LSP. Kahit paano ay nakatulong ako, at may extra income pa ako. Inabutan na naman ako ng ulan. Kagabi, sa village. Ngayon, sa Baclaran pa lang, umulan na. Mabuti na lang, wala nang ulan nang makababa na ako ng bus. Abril 21, 2017 Naging abala kaming lahat sa huling araw ng reinstallation ng SBM room. Nakatulong ako kahit paano, sa kabila ng paggawa ko ng news article. Isa na lang ang dapat kung i-submit kay Sir Jul. Naihanda ko na rin ang mga books, na idi-display sa booth sa Book Fiesta. Iuuwi ko muna sa bahay para mabalutan ng plastic. Hindi man ako excited masyado, alam ko namang magiging makasaysayan ang unang book fair na dadaluhan ko. Malaki ang pasasalamat ko sa SP dahil mararanasan ko ang ganito. Hindi ko naman ito pinangarap noon, pero ibinigay sa akin ng Panginoon. Isa itong daan para makakilala ako ng mga bagong kaibigan, at sana makilala rin ang aking mga akda. Sana matuloy sina Sir Erwin sa pagpunta sa event. Isang karangalan ang pagkakataong iyon kung sakali. Abril 22, 2017 Past nine-thirty, nasa school na ako para abangan ang delivery ng padalang books ni Ms. Heaven para sa Book Fiesta. Past two na ito dumating, kaya 2:30 pm na ako nakapunta sa QCMC. Okay lang naman kasi tinulungan ko nang kaunti si Mam GiGigi sa SBM room. Before 4, na-meet ko na sa Circle si Mam Joan. Nagkuwentuhan kami bago siya nagpaalam. Hindi na niya mahihintay ang ibang members. Nailibre niya pa ako ng samalamig at kwek-kwek. Pagkatapos, na-meet ko naman si Ms. Mayanne. Taga-Boracay siya. Cool. Siya na ang nakasama ko habang hinhintay ang mga SP admins na sina Annie, Luna, Au, Imma, at Mhorric. Past 8 na kami nabuo at nakapag-dinner. After dinner, nagsimula na ang action--ang booth decoration. Hanggang 10:30 lang ako. Anyways, malaki ang naiulong ko, gayundi si Mayanne. Sabay na kaming lumabas sa QCMC. Pagod na pagod at antok na antok ako. Ramdam ko ang mga iyon nang nasa biyahe na ako pauwi. Mabuti na lang, mabilis ito. Past one ng umaga ako nakauwi at nakatulog. Sinet ko muna ang alarm ng 4:00 am. Less than 3 yours sleep, pero okay lang. Book Fiesta ito. NBDB pa. Hindi maaaring palampasin ang chance. Abril 23, 2017 Halos wala pang tatlong oras ang tulog ko nang bumiyahe ako pabalik sa QCMC. Okay lang naman dahil worth it naman ang pinaghirapan. Naging successful ang event sa kabila ng matinding init. Although, hindi ko naman kakilala ang ibang members ng mga writing groups na inimbitahan ng SP, nakakilala ko naman ng iba. Isa itong pambihirang pagkakataon. Bukod pa rito, nalaman kong may puwang pala ang 'Walang Pamagat' sa publishing world. Bumenta ako ng apat na kopya. Dalawa nga doon ay kay Ms. Bebang Siy. Salamat kay Imma na nag-promote sa libro. Nakapunta rin sina Epr at Sir Erwin. Ramdam ko ang suporta nila sa akin bilang best friend nila. Unang beses din nilang nagkita. Nakakatuwa. Napagsama ko ang dalawa. Ang Book Fiesta ay nagbukas din sa akin ng mga oportunidad-- maraming oportunidad, na hindi ko muna inaasahan, pero alam kong mangyayari. Isa na roon ang paglapit at paghingi ng contact number ko, ng isang lalaki na may kaparehong advocacy. Maaari na naman kaming maging bahagi ng isang malaking event sa June. Abril 24, 2017 Kahit paano, nakabawi ako ng puyat at pagod. Alas-sais y medya na ako nagising. Parang walang nangyaring nakakapagod, kaya naman pumasok pa ako sa school. Pasado alas-diyes ay andoon na ako. Hinarap ko ang pag-update ng PDS ko. Matagal kong ginawa dahil kailangan ko pang mangalkal ng mga certificates. Ang masaklap pa, hindi na-save ang unang gawa ko. Nasayang ang effort at time ko. Mabuti na lang natapos ko, bago kami nag-bonding nina Sir Erwin at Mam Edith sa Chowking-HP. Nagkuwentuhan lang kami. Nagplano kami ng pagpunta sa sa condo ni Sir. Baka sa Wednesday, matuloy kami. Hindi kasi ako puwede sa Huwebes dahil darating na ang mag-ina ko. Pinadalhan ko na sila kanina ng pamasahe. April 25, 2017 Dahil sa ilang araw na ka-busy-han, natambak ang mga labahan ko. Abg dumi rin ng bahay. Kaya naman, feeling accomplished ako ngayong araw. Tamang-tama naman dahil bukas ay darating na ang mag-ina ko. Sa kabila nito, nakapagsulat din ako ng karugtong ng bago kong nobela. Unti-unti nang lumalabas ang ideya ko. Gayunpaman, mahaba pa ang bubuuin ko para matapos. Kailangan ko ng inspirasyon para ma-push ko ang sarili kong tapusin agad ito. Natutuwa nga ako dahil nakapag-FB na uli ang bes ko na siyang pursigidong maging kritiko ng akda ko. Natutuwa rin ako, hindi lang dahil sa oportunidad na iyon, kundi dahil soon ay makakauwi na siya sa Pinas, pagkatapos niyang tumakas sa amo. Malaki nga ang pasasalamat niya sa akin dahil pinayuhan ko siya. Hindi ko naman akalain na makikinig siya. Mabuti na rin ang nangyari dahil naging matatag siya. Abril 26, 2017 Na-late ako sa pagsundo sa aking mag-ina. Nang makita ko sila sa tapat ng food chain, namutla na raw sila sa kahihintay. Naawa naman ako. Kaya, agad ko silang trineat doon. Pinagmasdan ko si Ion, habang bumibili ng pagkain si Emily. Kailangan ko na naman siyang patabain. Kailangan naming tumaba, bago magsimula ang klase sa June. Masaya ako't magsama-sama na kami, for good na ito. Sariling bahay na. Hindi na kami magpaparoo't parito. Makakapagpundar na rin kami ng mga kasangkapan. Uunti-untiin ko na rin ang pagpapagawa ng CR, kisame, bakod, at flooring. Nakapag-update ako ng mga nobela ko ngayong araw. Sana, maituloy-tuloy ko na ito bago ako maging busy uli. May kailangan pa akong i-email. Excited na rin ako sa paglabas ng "Malamig na Kape." Abril 27, 2017 Tulad nang naipangako ko sa aking mag-ina, bumili kami ng ref. Bili talaga. Cash kasi masyadong mataas ang interes kapag installment. Sayang naman ang P6000+. Excited na sana kaming magkaroon ng ref, kaya lang kinabukasan pa ang delivery. Hindi tuloy kami nakapamalengke at nakapag-grocery nang marami. Okay lang. Makakapaghintay pa naman. At least, kapag nasa MTOT seminar ako sa May 1 to seven, kampante akong may pagkain ang mag-ina ko. Nakapag-update uli ako ng bagong nobela ko. Hindi ko nga lang masige-sige dahil kailangan ko ring ipahinga ang aking mga mata at ang aking isip. Bago ako natulog, halos umabot na ng 10 thousand words. Marami pa akong kailangang buuin, pero marami naman ideyang nakaabang sa isip ko. Abril 28, 2017 Past 9 na nai-deliver ang ref namin. Sulit naman ang paghihintay dahil tuwang-tuwa si Zillion. Hindi ko kayang mabili kung saan ang ngiting iyon. At, nang alas-3 nang hapon, umalis ako para mag-grocery ng ilalaman doon. Muli kong nasilayan ang ngiting iyon. Kay sarap pagmasdan! Kahit bungi pa siya dahil nagpalit siya ng ngipin, alam kung tunay na kasiyahan iyon ng munting bata. Wagas. Abril 29, 2017 Wala akong ginawa ngayong araw kundi enjoy-in ang bawat sandali na kasama ko ang aking mag-ina dahil ilang araw na lang ay maiiwanan ko sila for one week. Sa May 1 to 7 ay magsisimula na ang seminar sa K-12 sa Laguna. Ipinagluto ko sila ng masarap na ulam sa lunch at dinner. Siyempre, nagkaroon ako ng ganang kumain dahil may kasalo ako. Abril 30, 2017 Nagkaroon ako ng time para maghanda ng mga dadalhin ko sa seminar dahil umalis sina Emily at Zillion. Nagsimba sila at namalengke. Nag-empake ako sa isang maliit na maleta at nagplansta. Hindi ko lang alam kung magkakasya ang mga damit ko para sa pitong araw na seminar. Bahala na. Naihanda ko rin ang sarili ko. Kahit paano ay hindi na ako masyadong magiging aloof sa tao. I know, magiging participative ako sa mga activities.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...