Followers

Friday, April 14, 2017

Daddy

"Papa... Papa!" tawag ng pitong taong gulang na anak, habang nanunuod ng pambatang teleserye.

"Po?" Sumagot ang ama, pero hindi tumingin sa anak dahil okupado siya sa kanyang ginagawa sa laptop.

"Bakit po Papa ang tawag ko sa 'yo. Bakit ang iba daddy, hindi Papa?"

Naghintay ang bata sa sagot ng ama. Napatingin naman ang kanyang asawa.

"Papa kasi mahirap lang tayo," sagot ng ina.

"Bakit po ang kaklase ko, mahirap lang po sila, pero ang tawag niya sa ama niya ay daddy?"

"Papa kasi... Papa rin ang tawag ko sa kaniya. Para pareho tayo," paliwanag ng ina.

"Bakit po, tatay ni'yo ba si Papa?"

Natawa ang ina. Natigilan naman ang ama.

"Hindi ko siya tatay, pero nasanay na kasi akong Papa ang tawag ko sa kaniya kasi noong baby ka pa, sinasanay kitang tawagin siyang Papa..."

"Bakit po hindi niyo na lang ako sinanay sa Daddy?" May halong pagmamaktol ang pagkabigkas niyon ng unico hijo nila.

"Hayaan mo na, Marcus. Daddy man o Papa ang tawag mo sa akin, pareho lang ang kahulugan niyon dahil pareho lang ang responsibilidad na aming ginagampanan sa inyo," anang ama.

Tila kumbinsido ang bata sa paliwanag ng ama, kaya tumigil na ito at nag-concentrate sa pinapanuod.

"Pa, napaka-inquisitive talaga ng anak mo, 'no?" bulong ng maybahay sa haligi ng tahanan. "Ikaw, bakit 'di mo akong tinatawag na Mama? Gusto mo rin ba akong tawaging Mommy?" Tumawa pa ito at sinundot ang tagiliran ng asawa.

Tiningnan niya nang masama ang ilaw ng tahanan. "Huwag mo kasi akong tawaging Papa," bulyaw niya rito. Pero, he made sure na hindi narinig ng kanilang anak.

"E, 'di... Daddy!" biro pa ng asawa.

Napamura ang ama. "Hindi kita anak. Hindi mo ako ama. Kaya, naguguluhan ang bata, e! Huwag mo rin akong aasahang tawagin kang Mama dahil nag-iisa lang ang Mama ko. Hindi mo siya maaaring pantayan. Bungkol!

"Hindi ko talaga kayang pantayan ang Mama mo, dahil katulong ni'yo lang ako dati. Mayaman kayo, e. Hanggang ngayon, alila lang ang turing mo sa akin." Hindi na napigilan ng maybahay ang kaniyang saloobin.

"`Ma... `Pa, nag-aaway po kayo?"

"Hindi, anak, mag-aartista yata ang Mommy mo para yumaman daw tayo at para Daddy na ang itatawag mo sa akin," pilit na biro ng ama.

"Talaga po? Yehey! Yayaman na tayo... May Mommy at Daddy na ako." Nagtatalon pa ang bata.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...