Tawa nang tawa si Marcus nang magtatakbo ang grupo ng mga babae, na dumaan sa may madilim na bahagi ng kakahuyan. Sinuot kasi niya ang wedding gown ng kanyang ina at naglagay ng makapal na pulbos sa mukha.
Nang umuwi siya, hindi pa rin maubos-ubos ang tawa niya. Kaya lang, biglang naglaho ang ngiti sa kanyang mga labi nang maabutan niyang nakapamaywang si Mommy Estella at nakasalubong ang mga kilay ng kanyang Kuya Jhon.
"Bakla ka ba, anak? Bakit hawak-hawak mo 'yang wedding gown ko?"
"Nakapulbos pa Mommy, o," gatong ni Jhon.
"Hindi po. Nang-trip lang po ako sa may manggahan, Mommy." Tinalikuran niya ang kanyang ina at kapatid. Tumuloy siya sa kanyang kuwarto.
"A, hindi naman pala bakla ang kapatid mo, Jhon. Hayaan mo na..."
Narinig pa ni Marcus na pinagpipilitan ni Jhon na bakla siya.
Kinabukasan, umuwi si Marcus mula sa school na may kasamang kaklase. "Si Vangie po, Mommy, classmate at close friend ko po."
"Abot-tainga ang ngiti ni Momny Estella. Nataranta rin siya sa pag-istima sa bisita ng anak. Unang beses kasing nagpakilala ng babae si Marcus. Kadalasan, mga lalaki ang isinasama niya sa kanilang bahay.
Nakorner ni Jhon ang kapatid, nang inililibot ni Mommy Estela si Vangie sa kanilang manggahan. "Kailan ka pa nagkabayag, ha, Marcus?" pambubuska niya sa kapatid. "E, mas maarte ka pa kaysa sa babae. Charot!" Kinuha pa niya ang mukha ng kapatid at inilapit sa kanyang mukha. "The great pretender!"
Inis na inis si Marcus sa mga oras na iyon. Hindi na talaga niya kayang igalang ang kanyang kapatid. Hindi niya lubos maunawaan kung bakit ganoon na lang ang galit ni Jhon sa kanya. Noong sinabi niyang tigilan niya ang madalas na pakikipag-chat sa oras ng pag-aaral at pagtulog, ginawa niya. Iniwasan niya ang pagpi-Facebook. Binawasan niya ang oras na iginugugol niya sa social media.
Hindi niya maarok ang ugaling mayroon ang kuya niya. Ngayon naman, hindi pa rin niya matanggap na nagbabago na siya.
"Marcus! Marcus!" tawag ng kuya niya. "Halika nga rito!" Alam niyang nasa taas siya ng mangga dahil nagsumbong ang mga batang pinagbabato niya ng bunga nito.
Inulit ni Jhon ang pagtawag. Sa pagkakataong iyon, banas na banas na siya kay Marcus, kaya nang makababa ito, isang malakas na sampal sa may tainga ang ibinigay niya sa kapatid. Halos mabali ang leeg nito sa lakas.
Patakbong tinalikuran ni Marcus si Jhon at pinagmumura niya ito. Ngumunguynoy na rin siya, hindi sa pisikal na sakit, kundi emosyonal. Gusto na niyang patayin ang kanyang kuya.
Sa bahay, palibhasa, wala ang kanilang ina, ipinagpatuloy ni Jhon ang pambubugbog kay Marcus. Halos, lumuwa ang mga mata nito sa labis na tama ng kanyang mga kamao. Nagkulay-ube na rin ang kanyang katawan.
"Sige pa, Kuya! Sige pa. Kung gusto mo, patayin mo na ako! Tutal wala naman akong halaga sa 'yo!" sigaw niya habang palabas na sa kuwarto niya si Jhon.
"Gagawin ko na 'yan sa susunod, lalo na kapag hindi mo itinigil ang kaharutan mo..."
Bumuhos ang masaganang luha ni Marcus. Nahalo iyon sa dugong bumulyak sa kanyang bibig.
"Hinding-hindi mo na ako masasaktang muli Kuya Jhon. Hinding-hindi na," bulong niya, habang pinipilit niyang tumayo sa pagkakalugmok.
Isang linggong hindi pumasok sa eskuwela si Marcus dahil sa nangyari. Hindi rin naman napagalitan si Jhon ng mommy nila. Lumabas pa na naging kasalanan pa ni Marcus ang lahat.
Ginugol niya ang kanyang oras sa pagpa-prank sa Facebook. Gamit ang kanyang dummy account, chinat niya si Jhon. Hinarot niya. Nag-send siya ng hubad-barong larawan. Ramdam niyang gustong-gusto iyon ng kapatid niya dahil pinipilit siyang mag-send ng larawan ng kanyang ari.
Agad na natigilan si Marcus. Nag-isip siya. Pagkuwa'y isang nakakalokong ngiti ang nabuo sa kanyang mukha. "Hinding-hindi mo na ako ngayon, masasaktan, Kuya Jhon. Ikaw pala ang charot." Humalakhak pa siya.
No comments:
Post a Comment