Followers

Saturday, June 10, 2017

Baldo at Patrice (collab with john kenneth)

“Kailanman ay hindi hadlang ang anumang estado upang masukat ang kakayahan ng isang tao.”

Nagising ako sa isang napakainit na sikat ng araw. Kaagad akong bumangon upang sumilip pansamantala sa bintana.

"Magandang umaga!" ang magiliw kong bati sa mga halamang nakapaligid sa aming hardin. "Kumusta kayo, mga halaman?" nakangiti kong tanong sa mga ito.

Nakita kong ngumiti rin ang mga bulaklak sa akin. Kumaway naman ang mga paruparo.

"Vlad, bumaba ka na diyan. Narito ang kaibigan mo." Narinig ko ang sigaw ng nanay ko mula sa ibaba.

"Opo, pababa na po ako." Agad akong nagtungo sa banyo upang makapaghilamos at makapag-ayos bago humarap sa aking bisita.

"Ikaw pala, Patrice. Magandang umaga!" bati ko nang humarap ako sa aking bisita. Pinasilip ko pa ang magandang ngiti ko sa aking matalik na kaibigan.

“Magandang umaga rin, Vlad! Gusto ko sanang magpasama sa 'yo, kung hindi ka busy." Kiniskis na naman niya ang kanyang palad sa kanyang binti, gaya kapag nahihiya siya.

Napangiti uli ako. "Bakit, nakakahiya ba ang sinabi mo? Saan ba tayo pupunta?"

"Alam mo bang may bagong gawang hardin sa park? Ang ganda!" Nabawasan ang pagkiskis niya ng kanyang palad sa binti. "Sigurado akong maa-appreciate mo 'yon."

Binigyan ko ng matamis na ngiti ang kaibigan, bago ako nagsalita. "Aakyat ako sa bundok. Gusto kong mapag-isa."

Walang ano-ano, tumayo si Patrice. "Mapag-isa? O iwasan ako? Vladimir naman... ilang linggo mo na akong iniiwasan. Bakit ba?" Naghintay siya sa isang kasagutan. Ngunit, malalim na buntong-hininga lang ang kanyang narinig. Umupo siyang muli. "Nagbago ka na nga. Hindi na ikaw ang Vladimir na nakakausap ko at nasasandalan ko sa oras na bagsak ako."

"Pat, hindi mo ako maintindihan..."

"Paano kita maiintindihan? E, inilalayo mo ang sarili mo sa akin?"

"Minsan, may mga bagay talaga na hindi natin maunawaan. Madalas pa nga, sarili mismo natin ang makakahanap ng mga kasagutan sa ating mga katanungan..."

"Kung ilalayo mo ang loob mo sa akin, sana namuhay ka na lang sa nakaraan. Patuloy mong iniluluklok ang sarili mo sa pag-iisip... I better leave. Paalam." Mangiyak-ngiyak na lumayo si Patrice.

"Pat! Pat, sorry..."

Huminto si Patrice sa may pintuan. "If you need me, nandito lang ako. Kaya kitang samahan sa past, present, and future mo."

Naiwan akong nakamaang. Mas gumulo ang isipan ko. Pero, napakalinaw sa akin ang panaginip na madalas gumulo sa aking pagtulog. Alam kong nababalewala ko na si Patrice. Hindi ko na nabibigyan ng atensiyon ang matalik kong kaibigan lalo na't may babae sa panaginip ko ang nais kong makilala.

"Bakit kaya gano'n si Pat?" paulit-ulit na tanong ko sa aking sarili, habang tinatahak ko ang lumang baryo, na hindi lingid sa aking kaalaman ang bumabalot na mahika sa lugar na iyon. Ayon ito sa madalas kong marinig sa mga usap-usapan sa aming barangay.

Sa may 'di kalayuan, pinulot ko ang isang bato at akmang ihahagis iyon, ngunit bago ko pa man iyon magawa,. kaagad akong nasilaw sa liwanag na hindi ko mawari kung saan nagmula. Wala akong kamuwang-muwang na ang lugar na nilalakbay ko ay ang lugar na tinatawag na 'pinagmulan.'

"Hijo, halika... Huwag kang matakot," anang isang hindi kilalang boses.

Alam niyang boses iyon ng isang matanda, ngunit ang pinagtataka niya ay kung bakit hindi  nakikita ng kaniyang dalawang mata ang nagsalita. Bahagya siyang napaurong.

"Hijo, Vladimir, halika... Lumapit sa akin."

Kumunot ang noo ng binata dahil sa halo-halong emosyon. Napalinga-linga pa siya upang tiyakin kung nasaan ang nagsasalita. "S-sino ka? P-Paano mo nalaman ang pangalan ko?" naguguluhang tanong niya sa boses na narinig kanina lamang.

Nasaksihan ng paligid ang pangyayari,  ngunit ang katanungan sa aking balintataw ay isang malaking palaisipan.

Biglang nag-iba ang ihip ng hangin.  Lumamig ang paligid, na waring may nais ipahiwatig. Mababanaag siguro sa hitsura ko ang labis na pagkamangha sa aking nasaksihan. Para akong tinatangay sa hindi maipaliwanag na paraan.

Walang ano-ano, sinimulan kong humakbang paunti-unti. Subalit, naramdaman kong parang may sariling ritmo ang bawat kilos ko. Tinatagan ang aking loob. Alam kong bahagi iyon ng misteryong bumabalot sa Pinagmulan.

Muli kong narinig ang pagtawag sa aking pangalan. "Bakit mo ako kilala?" Saglit akong nakinig at nakiramdam, ngunit wala akong sagot na narinig. "Nandito ka pa ba? Yohooo!" muling tanong ko, subalit wala pa ring tinig akong naulinig. Kaya, umupo na lang ako sa isang bato. Sa aking pagkakaupo, bigla akong nakaramdam ng panghihina. Marahil, nahapis pa ang aking mukha.

"Huwag kang mangamba, sapagkat narito lang ako."

Dagli akong lumingon. At, sa aking pagharap, nakita ko ang matanda--- isang matanda, ngunit hindi halata.

"Huwag mong hayaang dalhin ka ng tadhana pabalik sa iyong nakaraan," wika ng misteryong lalaki. Tila nanggagaling sa balon ang tinig niya.

Napamaang ako. Alam kong simpleng mga salita lang ang tinuran ng matanda, ngunit mayaman naman iyon sa mga pangaral --- pangaral na kahit kailan ay hindi mananakaw ng kahit na sinuman.

"Ano po ang ibig ninyong sabihin? Na hindi ko na kailangang hanapin ang tadhana?"

Dumilim ang paligid. Tanging nakakasilaw na mga mata ng matanda ang nababanaag ko.

"Ano po ang nangyari, Lolo?" Nag-apuhap ako ng bagay na makakapitan dahil pakiwari ko'y umiikot ang paligid. Nawala na rin ang liwanag mula sa mga mata ng matanda. "Bakit wala akong makita?"

Pagkuwa'y isang malakas na hiyaw ang aking pinakawalan dahil tila nahulog ako sa isang madilim at malalim na balon. Mahabang minuto akong sumisigaw. Nakatulog ako sa sobrang tagal ko sa madilim na kawalan. At, pagkatapos, namalayan ko na lamang na nakaupo pa rin ako sa bato. Ang liwanag sa lampara ang una kong nakita.

"Lo?"

Unti-unting lumiwanag ang mukha ng matanda sa aking paningin.

"Ang nakaraan ay isang madilim na kawalan. Kung nais mong matagpuan ang iyong hinahanap, ang lamparang ito ay siyang magiging gabay mo.

"Po? Hindi po ako maghahanap kapag gabi na. Siyempre magpapahinga na ako pagsapit ng dilim."

"Apo, hindi lahat ng nasa liwanag ay iyong nakikita. Hindi rin lahat ng madilim ay mahirap makita..." Iniabot niya sa akin ang lampara. "Limitado ang kakayahan nitong magbigay ng liwanag, pero ang kakayahan mong pagningasin ang iyong landasin ay hindi kailanman mauubos. Humayo ka sa iyong paglalakbay. Marami ang panganib sa iyong daraanan, ngunit sa kabila niyon ay ang kasagutan. Mag-iingat ka, apo."

Pagkasabi  niyon, biglang lumamlam ang sindi ng lampara. Kasabay niyon ang paglaho ng matanda.

At, natanaw ko nga ang lugar na tinatawag nilang Pinagmulan. Walang pag-aalinlangang tinahak ko ang landasing iyon, ngunit hindi ko naman kinalimutan ang mga pangaral ng nakilala ko kanina lamang.

Sa aking paglalakbay, nakasalubong ko ang isang dalaga. "Pat, wait! Hintayin mo ako." Hinawakan ko siya sa braso.

"I'm sorry... I'm not Pat. Excuse me," anang dalaga, na kaagad namang tumakbo.

"Pat, please, ayusin na natin ito, o," pagsusumamo ko, ngunit sadyang magulo ang isipan ko. Kaya, napahinto na lang ako, habang pinagmamasdan ang unti-unti niyang paglaho, gaya ng alikabok.

Muli akong humakbang. Ramdam ko na ang init ng silahis ng araw. Lumalamlam na rin ang aking paningin. At, tila mabakong kalsada na ang aking lalamunan. Ninais kong uminom ng tubig at magpahinga. Kaya, sa isang malilim na bahagi ng baryo, lumiko ako. Natanaw ko ang batang lalaki, na nasa sampung taong gulang. Nakadukwang ito sa balon at parang may inabot. "Bata, ano'ng ginagawa mo?" tanong ko. Nakita kong bahagyang nagulat ang bata at halos mahulog ito sa balon. "Maaari ba akong sumaklop ng tubig upang mapawi ang aking uhaw?"

Kumurba ang mga kilay ng bata. "Sandali..." Hinila niya lubid pataas hanggang maabot niya ang tabi.

Napalunok ako ng laway nang inabot niya sa akin ang tabo, na may lamang kahalating tubig. Nang iinom na ako, naitapon ko iyon dahil halos mahalikan ko na ang kulugohing palaka.

Tumawa nang tumawa ang bata, habang tinatanaw ko naman ang paglundag-lundag ng palaka. Lalong nanikip ang lalamunan ko.

"Baldo, Baldo!"

Napalingon ako sa parating na ale. May bitbit itong maliit na timba.

"Baldo, nasaan ka? Ang tamad-tamad mong bata ka. Puro ka laro. Ni hindi mo man lang kami matulungan ng ama mo." pinulot niya ang tabong may lubid at inihulog iyon sa balon. Nang angatin niya ang tabo, napamura ang nanay. "Baldo, Baldo, pinaglaruan mo na naman ba itong balon? Halika na rito. Punong-puno na talaga ako sa 'yo!"

May naalala ako nang matanaw ko si Baldo, na humahagikghik sa likod ng puno. Katulad ko rin siya noon. Pilyo. Tamad. Adbenturero. Mahilig sa mga magtago, tumakas, at mag-isa.

Nang hindi lumapit ang bata sa ina, wala itong nagawa kundi ang sumalok ng kulay-tsokolateng tubig mula sa balon. Bahagya akong napaurong nang makita kong naging mas malinaw pa sa kristal ang tubig na ibinuhos niya sa kanyang timba.

"Naku, bata ka... Mapapalo ka na naman ng tatay kapag isinumbong kita. Kaya kung ako sa 'yo, sumunod ka na sa akin," malakas na wika ng ina. Halata kong ipinaparinig niya talaga kay Baldo, na agad namang nakaakyat na sa puno.

Hindi ko na namalayan ang pagkawala ng ale. At, sa sobrang uhaw ko, sumalok ako ng tubig. Pikit-mata kong hinigop ang malabong tubig, mapawi lamang ang tigang kong lalamunan. Muli akong humigop mula sa tabo dahil matamis ang panlasa ko niyon. Ngunit, animo'y nag-iba ang boses ko. Kaya, tinawag ko ang bata. Nagboses ibon ako. Malaking ibon. Parang agila.

Muli kong sinubukang magsalita, ngunit ganoon pa rin ang boses ko. Natakot sa akin si Baldo, kaya umakyat pa siya. Naglaglagan ang mga dahon at nagliparan ang mga ibon sa puno. Maya-maya, narinig ko ang malakas na hiyaw ng bata at nabanaagan ko siyang kumakawag-kawag sa himpapawid, habang nakasabit ang kanyang damit sa tuka ng malaking ibon.

"Baldo?!" Bumalik ang boses-tao ko. Inakma ko pang habulin, ngunit nawala na sila sa aking paningin. Sinusog ko na lang ang bahay ng bata upang ipaalam sa kanyang ina ang nangyari.

Tinahak ng mga paa ko ang kinaroroonan ng barungbarong, kung saan agad kong natanaw ang ina ni Baldo. Wari ko'y naglalaba siya. Lumakad pa ako palapit.
"Tao po! Tao po!" hiyaw ko mula sa tarangkahan. Ngunit, parang wala itong naririnig. Kung kaya't minabuti ko na lamang pumasok sa mumunting bakuran nila.

Mayamaya, basang-basang kamay ang nagpapitlag sa akin, dahil naramdaman ko iyon sa aking balikat. Agad akong humarap. Bumungad sa aking harapan ang ina ni Baldo.


"Sino po sila? Ano ang kailangan ninyo, ginoo?" tanong naman nito sa akin.

"Magandang umaga po! Kayo po ba ang magulang ni Baldo?" nangingilabot na untag ko sa kaharap ko. Pawis na pawis na ang aking mga kamay. Hindi ako mapakali.

"Oo, ako nga. Bakit?" Kapansin-pansin ang biglaang pagtaas ng tono ng boses ng ale.

"Si B-Baldo po kasi," nauutal na wika ko. Hindi ko masabi ang nais kong sabihin. Tila may kung anong bagay ang pumipigil sa aking pagsasalita.

Nakaabang ang babae. Natanggal na nga niya ang bula sa kanyang mga kamay.

"Nawawala po."  Sa wakas, nasabi ko na. Nakahinga ako nang maluwag.

Bahagya namang kumunot ang noo nito't tumaas ang kilay. Pagkatapos, natataranta siyang umikot sa akin

Nang mga sandaling iyon, unti-unting bumabalik sa aking alaala ang aking ina. Naisip kong katulad ng aking ina ang ina ni Baldo--- mapagmahal na may pagkaistrikta nang kaunti. Nakita at naramdaman ko iyon sa paraan, kung paano nag-aalala ang isang ina sa kanyang nawawalang anak. Ganoon ko maihahalintulad ang aking ina.

Sadyang mapagmahal ang mga ina. Kung kaya't dapat matagal ko na palang ipinadama iyon sa kanya. Bakit ngayon ko lang na-realize? Bakit nga ba, kung kailan huli na, doon tayo nagsisisi?

Natauhan ako sa nang pumasok sa aking isipan ang aking ina. Ang dami ko na palang nagawang pagkakamali. Ang dami ko palang dapat itama. Bakit nga ba hindi ko iyon naisip kaagad? Maraming pagkakataon na ang nawala. Mahabang panahon na rin ang nasayang.

Doon ko lang napansin na tumutulo na pala ang mga luha ko. Dagli kong pinunusan ang aking mata.

"Ma, I'm really sorry."

Nakayuko lamang ang kanyang ina, habang umaalsa ang mga balikat.

"I'm really sorry... Babalik po ako, pero kailangan ko munang ayusin ang mga gusot na nagawa ko. Sana po ay maintindihan niyo ako."

Tumingin lang sandali ang aking ina at agad ding nagbaba ng tingin.

"Pangako po, hahanapin ko kayo. Pero, sa ngayon, marami na akong natutuhan," sabi ko. Pinunasan kong naman ang aking pisnging nabasa ng luha.

Tinitigan na ako ni Mama. Puspos na siya ng luha.

"Sana... hindi pa ako huli. Sana hindi pa huli ang lahat, Mama..."

"Mama? Hindi ako ang Mama mo, ginoo. Ako si Cresencia. Ang anak ko lang ay si Baldomero."

Kumurap-kurap ako. Nang luminaw ang aking paningin, ang ina ni Baldo pala ang kausap ko.

"Paumanhin po. Naalala ko lang ang aking ina."

"Ganoon ba? Ang hinuha ko, napagod ka nang husto sa iyong paglalakbay? Nais mo ba ng tubig na maiinom?" Bigla akong nauhaw. Katulad nga siya ni Mama. Kahit hindi ako magsalita, alam na niya kaagad ang nasa loob at nasa isip ko. "Sige po. Pero, hindi niyo po yata ikinagulat ang balita ko."

"Sandali lang, ginoo..." Tumalikod na si Aling Cresencia.

"Vladimir po," pahabol ko.

"Sige, Vladimir... ikukuha muna kita ng tubig."

Bago ko pa nakitang nakapasok sa kanilang dampa si Aling Cresencia, isang malaking anino mula sa kalawakan ang dumaan sa aking harapan. Nang tumingala ako, natanaw ko ang kawangis ng malaking ibon na dumagit kay Baldo. Naitanong ko sa aking sarili kung iyon din kaya ang kumuha sa kanya.

Sinundan ko pa iyon hanggang sa labas ng bakuran ni Aling Cresencia.

"Vladimir, saan ka pupunta? Heto na ang iyong tubig," sigaw na tawag ng ina ni Baldo. Hawak niya ang basong yari sa kawayan.

Nang makalapit ako, agad kong inabot ang tubig at nagpasalamat. Hindi ko iyon ininom dahil napansin kong kulay putik ang laman ng baso. Naalala ko ang balon. "Aling Cresencia, kailangan na po nating iligtas si Baldo! Kinuha po siya ng malaking ibon. Doon! Doon ko po siya huling nakita," taranta kong sumbong.

Halos hindi matigil ang tawa ni Aling Cresencia sa tinuran ko. "Isa ka rin pala sa mga nauuto ng anak ko. Naku, pasensiya ka na, Vladimir. Ganoon talaga ang anak ko. Pilyo. Madalas tumakas sa lahat ng bagay at gawain. Mapaglaro. Mapanlinlang. Hay, naku, nakakasawa na ngang unatin. Minsan, hinahayaan ko na lang. Pero, Diyos ko, Vladimir, alam ng Poong Maykapal kung paano ko siya pinalaki. Dasal ko lagi sa Kanya ang kanyang pagbabago..."

Humihikbi na siya. Naisip kong muli si Mama. At, para ring narinig ko na ang litanyang iyon.

Isang araw, naglayas ako sa bahay dahil gusto ng mga magulang ko na mag-aral ako nang mag-aral para matupad ko pangarap nila sa akin na maging doktor ako. Ayaw ko niyon dahil gusto kong maglakbay. Gusto kong umakyat sa mga bundok. Gusto kong tumira sa gubat. Gusto kong pag-aralan ang mga halaman, puno, bulaklak, insekto, at  hayop doon. Gusto kong nasa malayong sibilisasyon ako.

Naglayas ako, pero agad namang akong bumalik. Hindi ko pala kaya. Sa pagbalik ko, naabutan kong umiiyak ang aking ina. Kausap niya ang mga magulang ng kalaro kong nilagyan ko ng palaka ang kanyang blusa, gayundin si Patrice

Nasa likod ako noon ng mga halaman. Dinig na dinig ko ang litanya ni Mama. Aniya, "Isa ka rin pala sa mga nauuto ng anak ko. Naku, pasensiya ka na, Patrice at mga mare at pare. Ganoon talaga ang anak ko. Pilyo. Madalas tumakas sa lahat ng bagay at gawain. Mapaglaro. Mapanlinlang. Hay, naku, nakakasawa na ngang unatin. Minsan, hinahayaan ko na lang. Pero, Diyos ko, Vladimir, alam ng Poong Maykapal kung paano ko siya pinalaki. Dasal ko lagi sa Kanya ang kanyang pagbabago..."


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...