Followers

Saturday, June 30, 2018

Ang Aking Journal -- Hunyo 2018

Hunyo 1, 2018 Dahil may General Assembly, hindi muna ako naglinis sa classroom ko. Mabuti nga at dumating ang dating kong mga estudyante, na sina Adrian at Shem. Sila ang inutusan kong magbenta ng mga papel. Alas-dose na sila natapos. Nang bumalik sila, naglinis sila ng jalousy. Nasugatan pa nga sila pareho. Sana okay lang sa mga magulang nila. Nahihiya tuloy ako. Past three, nagpaiwan ako nang umuwi na ang mga friends ko. Nag-cutout ako ng "Welcome, VI-Love" at ng pangalan ko para sa pinto. Past five na ako umuwi. Past 8 naman ako nakarating sa bahay. Ngayong araw, kinompronta na ni Emily si Bukbok. Humanga ako sa tapang niya. Nasabi niyang lahat ang masasakit na salitang dapat niyang marinig. Sana matauhan na siya. Kaya ang, pati ang asawa, kumampi. Hindi niya alam ang pangit na ugali ng asawa niya. Sabagay, kinukunsinti nga niya ang pagnanakaw ng asawa niya sa mga ginagawang unit. Okay na rin ang nangyari para tantanan na niya kami sa pagpaparinig. Malaki pa ang mundong gagalawan namin. Hunyo 2, 2018 Masaya na naman ang umaga naming 10000 group dahil sa kulitan. Kaya nang nag-closing program ng Brigada Eskwela, masaya rin naming tinanggap ang aming sertipiko. Nakumpleto kasi namin ang anim na araw. Nagkaroon na kami ng servicd credits, nakatulong pa kami, nakapaglinis, at napatunayang may pagkakaisa kami sa grupo. Pagkatapos naming mananghalian. nagsimula na akong maglinis sa classroom. Sinikap kong maging maayos, handa, at ligtas ang room ko para sa first day ng SY 2018-2019. Nakauwi ako bandang alas-7:30. Hunyo 3, 2018 Nag-print ako ng daily lesson log, curriculum guide at iba. Natapos ko naman ang mga ito bago magtanghalian. Kaya naman, nakahinga ako nang maluwag. Medyo bad trip ang ako kasi parang ayaw pa rin paawat sa nagpaparinig ng mga demonyong kapitbahay. Talagang naghahanap ng ayaw. Gayunpaman, kumalma na lang ako. Mamatay sila sa aking pandededma. Balak ni Emily na magpa-blotter bukas dahil may threat si Bukbok. Aniya, babatuhin niya ang bahay namin. At, hinahamon niya ako ng suntukan, which is hindi ko pagbibigyan, not only because of my physical weakness, but also dahil may dignidad pa ako. Mabuti pa ang noong bata, masaya. Ngayon, probema ng kapitbahay na mga inggitero at inggitera. Samantalang, hindi naman kami nagyayabang at lalong wala kaming ipagmamayabang. Halos ayaw ko ngang lumabas sa kalye. Pero sila, may nasasabi pa rin. Tao nga naman. Hunyo 4, 2018 Muntik na akong ma-late sa flag ceremony. Mabuti na lang, umabot ako. Ayaw ko talagang maging late sa first day of school. Pero, nang dumating ako. nakapila na ang mga estudyante ko. Sa akin na sila nakatingin. Alam na kaagad nila na ako ang guro nila. Hindi ko na pinatagal ang orientation. Halos nasabi kong lahat. Naibigay ko na rin sa kanila ang ilang bahagi ng buhay ko para ma-inspire silang magsulat. Sa tingin ko naman, walang gustong magpalipat ng section. Sisikapin kong ma-enjoy nila ang stay nila sa VI-Love at marami silang maging experience. Napasulat ko kaagad sila ng kuwento/salaysay at balita. Nag-double time ako. Habang nagsusulat sila, kinukuha ko naman ang timbang nila para sa nutritional status. Nagpalitan na rin ng klase. Pero, hindi nasunod ang schedule, kaya isang section lang ang napasukan ko. Okay lang dahil hindi pa naman talaga ako ready para sa discussion. After class, nag-stay ako sa classroom. Gusto ko sanang matulog, kaya sobrang init at ingay. Gumawa na lang ako ng mga dapat gawin, like class record, etc. Past 4, pumunta ako sa HP. Naghanap ako ng libro ni Bob Ong, ang '56.' Wala pa sa NBS. Kaya, bumili na lang ako ng Moymoy Lulumboy 4. Past 7 nang nakauwi ako sa bahay. Pagod ako, pero masaya. Hunyo 5, 2018 Sa ikalawang araw ng oasukan, halos maubusan ako ng boses. Nagpalitan kasi kami religiously. Kaya nang nagbasa na ako ng kuwento at nagturo sa ibang seksiyon, masakit na ang lalamunan ko. Lalo na't mahihina pa ang mga estudyante pagdating sa pagsunod sa panuto. Nahirapan akong ipaunawa sa kanila ang mga habang sa paggawa ng groupwork nila. Gayunpaman, naniniwala akong mahahasa ko sila hanggang mas mapadali ko ang trabaho ko. Sana lang maging consistent lahat kaming teachers na sanayin ng mga bata sa groupings at varied activities. After class, miniting kami ng aming MT. Saka lang ako nakapag-lunch nang matapos. Inantok naman ako pagkatapos ng ilang minuto, kaya pinagbigyan ko. Kumatok lang ang liaison officer kaya naistorbo ng tulog ko. Nagsulat na lang ako. Before 5, natanggap ko ang LBC box na naglalaman ng books na "Twenty Seventeen Twenty Eighteen." Sa wakas. na-published din. Ang mahal nga lang. Gumastos ako ng mahigit P350 ang isa. Tiyak akong mahihirapan akong maibenta ang siyam na copies. Dumating ako sa bahay mga alas-7. May bisita si Emily. Agad naman akong gumawa ng learning materials habang nagkukuwebtuhan sila. Nang nagdi-dinner na kami, saka lang naikuwento sa akin ng asawa ko, na naipa-blotter na niya ang kapitbahay namin. Sa June 8, padadalhan siya ng subpoena. Haist! Ayaw ko sana ng mga ganiyang kaso-kaso, pero dapat lang para maayos na. Gusto ko na ng peace of mind. Sana maging maayos na ang lahat. Hunyo 6, 2018 Gaya kahapon, na-enjoy ko ang pagtuturo at ang groupwork ng mga bata. Unti-unti ko na silang nama-mind set at nai-inspire. Nagugustuhan na nila ang bawat ipagawa ko kahit ang last section. I just hope na ma-maintain namin ang religiously na pagpapalitan ng klase. After class, hindi agad ko umuwi. Naglinis ako sa classroom dahil hindi ko satisfied sa libis nila. Isa pa, kailangang ko maglatag at mahiga sa sahig para makabawi sa puyat. Marami akong nagawa sa pag-stay ko sa school till five. Nagkapagtsek at nagkapagrekord ko ng mga papel. nakapaghanda ng mga ipiprint na learning materials, at marami pang iba. Dumating si Epr sa bahay ngayong araw. Mag-i-stay muna siya dahil may lalakarin siya sa SSS. Hunyo 7, 2018 Akala ko suspended ang klase dahil ajg lakas ng ulan kagabi. Alam kong may low pressure area sa Pinas, pero wala yatang signal number sa Cavite at NCR. Kaya, pumasok pa rin ako. Ayaw ko kasing umabsent lalo na't inspired ako ngayon magturo. Itutuloy-tuloy ko na ito hanggang maging inspired na rin lahat ng estudyanteng naha-handle-an ko. Gaya ng mga nakaraang araw, five na ako umuwi. Marami ulit akong nagawa at naihanda. Pagdating sa bahay, printing na lang. Hunyo 8, 2018 Puspusang muli ang pagtuturo ko. Kahit paano, nakikita ko ang eagerness ng mga pupils sa bawat section ko na gustuhin ang groupings. Sila pa nga minsan ang nagtatanong kung mayroon. Isa pa, na-i-inspire sila sa bawat kuwento ko, na ako mismo ang nagsulat. Nakakatulong talaga nabg malaki ang pagtuturong may puso. Ang last section nga, hinahanap nila ako sa kanilang adviser. Bakit daw hindi ako pumapasok sa kanila. Kinuha niya kasi ang subject ko para magamit nila sa remedial reading. Na-touch ako dahil most requested ako. Naramdaman kong kilala at gusto nila ako kahit hindi ko pa sila na-handle. Sa kabila nito, disappointed pa rin ako sa advisory class ko dahil mga slow sila. Hindi sila ang hyperactive pagdating sa recitation at performances. Kung ikukumpara ko sila sa VI-Topaz, malayo sila. After class, nag-stay ako sa klase ko. Nagtsek ako ng mga seatworks. Nang inantok ako, umidlip ako. Ang kaso, nagpatawag ng meeting ang mga MTs, ako ang proxy ng GL ng grade level namin. Nang matapos, nahiga uli ako. Mayamaya, si Mamah naman ang dumating. Nagkalkal siya ng mga gamit niya sa kabinet. Napakilos na rin tuloy ako dahil ibinigay niya sa akin ang iba. Nakauwi ako bandang alas-7:30. Naghintay ako kay Emily hanggang 10 para malaman ko kung ano ang nangyari sa hearing niya with the barangay chairman and Bukbok. Hunyo 9, 2018 Umaga ko na nalamang hindi natuloy ang hearing dahil hindi napadalhan ng subpeona si Bukbok. Na-reshedule sa Linggo. Naiinis ako. Pinatatagal pa. Maghapon ang ulan ngayon dahil kay Bagyong Domeng, pero nakapag-grocery ako. Ang sarap kasing magluto at kumain dahil malamig. Hunyo 10, 2018 Hindi pa rin ko makapag-gardening dahil sa ulan. Kaya, naglinis na lang ako sa kuwarto ko. Ako na rin ang nagluto ng lunch namin. Habang naghahanda ako ng iluluto, dumating ang kapitan, na mag-aatos kina Emily at Bukbok. Kasunod na niya ang mag-asawang walang anak at wlng magawa sa buhay kundi ang magbantay sa buhay ng iba. Hindi ako nakiharap at nakisali sa kanilang usapan. Pero, naririnig ko ang mga rason ni Bukbok. Wala siya sa hulog. Parang siya pa ang inapi. Dapat lang siyang murahin. Ugaling hayop kasi ang mayroon siya. Hay, naku! Ang traydor nga naman. Magpupumilit pang maging tama. Mabuti na lang, marunong ang kapitan. Good thing din, matapang ang asawa ko. Nahanap niya ang katapat niya. At ngayon, may record na siya sa barangay. Okay na rin ang nangyari. Sana tumigil na sila or else habambuhay ko silang hindi papansinin. Basag na sila sa akin. Hunyo 11, 2018 Nang magising ako sa alarm ko agad kong nag-open ng Facebook para alamin kung suspended na ang klase. Wala naman kasing ulan sa oras na iyon. Natuwa ako kahit paano nang mabasa ko ng mga post about suspension. Kagabi pa pala. Palibhasa, maaga kaming nagpatay ng internet. Natulog uli ako. Ako ang pinaka-late magising. Tama lang pala na suspended ang klase. Maghapon kasi talaga ang pagbuhos ng tula. Mayamaya. Titigil sandali, pero uulan na naman. Napagbigyan lang ako ng ilang minuto sa garden. Nakapagdamo lang ako. The rest, nasa kuwarto lang ako. Nagsulat. Nag-isip. Natulog. Etc. Ang sarap mag-stay sa kuwarto. Kabaligtaran noong summer, na halos hindi pa matulog kahit gabi na. Hunyo 12, 2018 Araw ng Kalayaan ngayon. Walang pasok. Kaya, nagbabad ako sa higaan. Siguro mga 10 am na iyon nang bumangon ako. Nagsulat pa muna kasi ako. Wala pa ring tigil ang ulan. Walang makalabas sa amin. Kaya, nag-ayos na lang ako ng kabinet ko. Sa wakas naisalansan ko na naman. Sana ma-maintain ko na. Nakadugtungan ko na ang "Ang Alamat ng Parang." Ito ang nobelang pabula ko. Ikaapat na kabanata na. Sana maituloy-tuloy ko na. Hunyo 13, 2018 Kahit ayaw ko pang pumasok, pinilit kong bumangon. Inalam ko pa sa FB kung nag-suspend ng klase. Hindi. Okay lang dahil ready naman ang learning materials ko. Pagdating sa school, nagkape ako agad. Marami-rami rin ang absent. Gayunpaman, hindi ako nagpaawat sa pagturo. Na-realize ko na kapag masaya ako at gusto ko ang ginagawa ko, nagugustuhan din iyon ng mga estudyante. Ang advisory class ko lang ang kakaiba. Para silang mga tuod. Nakanganga lagi sa mga tanong ko. Naturingan pang star section. Nasermunan ko na naman tuloy sila. Samantalang ang iba, sila pa ang nayayaya sa akin. Nae-enjoy nila ang mga kuwento ko. Nag-iisa pa ang iba. At talagang inuunawa at isinasapuso nila. Haist! Kailan ko kaya mararamdaman ang Section Love? Nag-stay ako sa school till five. Doon na rin ako naghanda ng materials para sa groupwork. At kahit paano, nakaidlip ako at nakapagkape. Past 7 na ako nakauwi sa bahay. Hunyo 14, 2018 Naiinis ako nang dumating ako sa school. Akala ko late ako. Iyon pala, suspended na ang klase. Maaga pa naman akong bumangon para tingnan sa FB kung nag-suspend na. Nakakainis! Late ang announcement nila. Five na raw nag-announce. Nasa bus ako at wala akong net. Syaang lang ang pamasahe. Nagutuman pa ako. Kasi hindi na ako roon nag-breakfast. Nagyayaya yata si Papang na mag-bisita iglesia, I mean, sugod-bahay. Hindi lang ako nagseryoso. Mas ginusto ko ang umuwi na lang. Nine na ako nang nakauwi at nakapag-almusal. Dahil sa antok at puyat, natulog ako pagkatapos kumain. Hapon, inipon ko ang mga Poroy Quotes ko from wattpad to word. Nag-design din ako ng ilan at pinost ko sa FB page ko. Nagawa ko ring pagsama-samahin ang mga kuwentong pambata. Gusto ko ngang magsulat kaso wala pa akong gana. I need inspiration. Nais kong tapusin na ang bawat nobelang nasimulan ko. Nakakainis! Lahat na lang puro simula. Hunyo 15, 2018 Nagtaka ako nang mamulat ako bandang alas-siyete kung bakit hindi maingay ang mga aso, lalo na si Kayla. Dati-rati, mga ganito oras ay kumakahol na siya. Agad akong bumaba at tiningnan ang aming mga alaga. Tama ang hinala ko. Nagsakal ng tali niya si Kayla. Nanghina ako. Hindi ako kaagad na nakakilos at nakapaghanda ng almusal. Sobrang nakakalungkot at nakakapanghinayang. Napamahal na sa amin ang tuta, saka naman namatay. Nakapagluto na ako't nakapag-almusal nang bumangon sina Emily at Epr. Gaya ko, nalungkot din sila. Nakakaiyak talaga. Nag-gardening na lang ako kahit mabaho at malangaw sa labas, gawa ng mga pusa ni Bukbok. Gustong-gustong taehan ng mga alaga niyang pusa ang buhanging nakatambak sa bakuran namin. Sa halip na mawala ang stress ko, lalo tuloy akong na-stress dahil sa amoy. Agad akong pumasok, lalo na't nasa labas din ang demonyong kapitbahay. Maghapon kaming nasa loob ng bahay dahil masama na naman ang panahon. At, tutal walang pasok, sinulit ko ang araw ko sa pagtitipon ng mga akda ko. Gabi, sinimulan ko ang paggawa ng zine. Pinamagtan ko ito ng 'Gabay.' Plano kong mamigay nito sa mga magulang na dadalo sa unang HPTA meeting. Ang tema nito ay angkop para sa kanila. Bago ako nahiga para matulog, nakapag-print na ako ng sample ng 12-pages zine ko. Natutuwa ako sa output. Kahit first time ko, agad kong nakuha ang gusto kong produkto. Itutuloy-tuloy ko na ang paggawa nito. Magagamit ko rin ito sa aking career. Hunyo 16, 2018 Nawili ako sa paggawa ng zine, kaya maghapon na naman akong nag-layout. Nakapag-print na ako ng dalawang zines na may pamagat na 'Gabay' at 'Yeso.' Almost done na rin ang ikatlong zine ko, na may pamagat na 'Pisara.' Nakakaadik mag-layout. Nauubos ang oras ko, pero nakakawala ng stress. Excited na akong i-present to sa klase ko at i-post sa FB. Bukas pa ang Fathers' Day, pero nakatanggap na ako ng PM mula sa mga pupils ko from VI-Topaz SY 2017-2018. Naiyak ako sa mensahe ni Chealsey. Andami ko palang naging inspiration sa kaniya. Worth it ang pagsusumikap kong maging mabuti at huwarang guro. Idagdag pa ang kina Althea at Camille. Masasabi kong malaki pala talaga ang naging papel ko sa kanilang buhay at edukasyon. Hunyo 17, 2017 Fathers' Day ngayon. Wala man kaming selebrasyon, masaya namin ako dahil magkakasama kami. Plus pa si Epr. Sinamantala ko ang huling araw ng long weekend para sa paggawa ng pang-apat na zine, na pinamagatan kong 'Hugot.' Naadik talaga ako. Sayang, wala na akong bond paper. Na-miss ko rin ang ingay at kakyutan ni Kayla. Nakapanghihinayang talaga siya. Hunyo 18, 2018 Puspusan ang aking pagtuturo at pagkukuwento. Nagamit ko na naman ang isang kuwentong hango sa buhay ko na naikonekta ko sa aralin namin. Nakita ko namang epektibo iyon dahil nagawa nila nang maayos at magnda ang kanilang group activities. After class, ipamigay ko ang ilang kopya ng zine collection ko, specifically ang 'Yeso.' Alam kong mai-inspire ko ang bawat makabasa niyon. Na-inspire ko na nga ang mga estudyante. May mga gusto nang bumili at may ilang gustong magkaroon ng sarili nilang zine. Past 4 nang makauwi ko. Agad akong nag-print ng zine. Nakapag-print na rin ako ng sample ng 4th zine ko, ang 'Hugot.' Then, nagpatulong ako kay Emily sa paggawa ng learning materials ko para bukas. Hunyo 19, 2018 Nainis ako sa mga pabebe kong estudyante nang nasa flag ceremony. Sila ang star section, kaya sila ang inaasahan. Ang nangyari, nagpahila pa at nagpatawag pa ang mga nakatoka. Ang aarte! Pagdating sa classroom, isang pagsesermon ang ginawa ko. Gumamit ako ng idyomatikong pananalita para imulat sila sa mga kamalian. Asar na asar talaga ako. Nasira ang araw naming mga advisers, kaya nag-meeting kami. Nasayang ang isang period. Nasayang ang inihanda ko para sa kanila. Gayunpaman, nagturo ako nang masaya at masigla sa tatlo pang sections. Na-enjoy nila ang storytelling ko, gamit ang mga paper puppets. After class, nag-stay ako sa classroom. Umidlip ako sandali. Nagising lang ako kasi pumasok si Papang dahil yayayain na akong umuwi. Umalis na siya nang nakita akong nakahiga. Nag-layout na lang ako ng ikalima at ikaanim na zines. Nag-isip na rin ako ng learning materials ko para bukas. Four, bumili ako ng bond paper sa NBS. Kailangang makapag-print na ako ng mga zines para masimulan ko na ang pagbebenta. Excited na akong kumita habang nakakapag-inspire. Hunyo 20, 2018 Hundi ako nakapagturo sa ibang section. Sabi kasi ng grade leader namin, huwag na muna kaming magpalitan. Nakipagpalit ang iba. Kaya naman, panay ang hanap sa akin ng mga bata sa ibang sections. Na-miss kaagad nila ako. Ang sarap sa pakiramdam. Nakakatuwa ang response nila sa effort ko. iba talaga ng power ng storyreading o storytelling. Ang advisory class ko naman, nag-enjoy sa lesson namin, na may integration ng origami. Shortened ang klase kasi nag-meeting kami tungkol sa bagong Phil-IRI. Nakakainis! Ang daming trabaho. After meeting, tinuruan ko si Ma'am Joann sa paggawa ng zine. Natutuwa ako sa willingness niyang matuto at matulungan din ang mga kasamahan niya sa Kinder. Five na ako umuwi. Naghanda at nag-conceptualize pa kasi ako ng lesson ko para bukas. Sinimulan ko rin ang task ni Sir Erwin as MT--ang SIP. At, kahit paano, nakaidlip ako. Pagdating sa bahay, busy pa rin ako. Gumawa ng LMs at nag-print ng zine. Haist! Gayunpaman, natutuwa at bilib si Inday sa akin dahil nakakangiti pa raw ako. Hunyo 21, 2018 Turong-turo sana ako sa advisory class ko, kaya lang tinawag ako ni Papang. Nag-almusal kami sa classroom ni Ms. Kris. Nasa kalagitnaan na ako ng aralin, kaya nagpa-seatwork ako. Hindi naman sila magulo, kaya natuwa ako. Nakalimutan ko ring mag-conduct ng Phil-IRI dahil gusto ko talagang magturo, lalo na't excited sila sa tuwing ako ang papasok. Pero, ginawa ko a rin sa ibang section. Nakaka-proud na panay ang bati at tawag sa akin ng mga lower sections ng Grade 6. Idol daw nila ako, sabi ng iba. Naghahanap lagi sila ng kuwento. Lahat halos ng section, maliban sa advisory ko, ay excited sa bawat pagpasok ko sa kanila. Nakakatuwa! May nagpasa na nga ng mga akda nila. After class, nag-stay uli ako sa classroom ko. Nag-layout ako ng zines at nag-check ng Phil-IRI. Umidlip din ako. Past 7:30 na ako nakauwi sa bawat. Pagkatapos kumain, nag-print ako ng zines para sa unang HRPTA Meeting, na magaganap bukas. Hunyo 22, 2018 Nakagawa kong magturo ng mga sangkap ng maikling kuwento sa advisory class ko, since nauuna naman sila sa lesson ko. Initiative ko lang iyon dahil hindi ito kasama sa K-12 curriculum. Hindi makasusulat ang bata ng isang komposisyon kung hindi ito ituturo. Naputol ang talakayan namin dahil niyaya na naman ako ni Papang na mag-almusal sa classroom ni Ms. Kris. Gayunpaman, na-explain ko nang mabuti bago ako pumunta roon. Sa katunayan, kumukopya na lang sila. After class, natuloy na ang HRPTA Meeting. Natuwa ako dahil halos mapuno ang silid. Marami ang dumalo. Kaya naman, enjoy na enjoy akong magslita. Nasabi ko na lahat. Na-inspire ko na rin silang suportahan ako para sa ikabubuti ng mga bata. Pagkatapos ng meeting, hinarap ko naman sina Shaina at Dianzen, ang mga dating VI-Topaz. Masasabi kong naging epektibo ang groupings dahil hinahanap nila iyon sa high school. Hunyo 23, 2018 Umuwi si Epr sa Lopez, Quezon. Bilang pasasamalat sa pagtulong niya sa amin sa mga gawing-bahay sa loob ng dalawang linggo niyang pag-stay, inabutan ko siya ng dalawang libong piso. Sana makatulong iyon sa kaniyang pag-aapply o kaya sa pangangailangan ng kaniyang mag-ina. Nakatulog ako nang mahaba-haba. Nasulit ko ang ilang araw na puyat. Pero, paggising ko, agad kong hinarap ang mga gawain ko. Masaya ko namang ginawa ang mga iyon dahil gusto ko ang ginagawa ko. In fact, na-encode ko na ang mga akda ng Section Peace. Nasimulan ko na rin ng zine nila. Hapon, nakaidlip rin ako. Ang sarap sanang matulog hanggang umaga na, kaso inisip ko ang tiyan ko. Ayaw kong matulog nang gutom. Kaya. kahit inaantok pa, bumangon ako at nagkape. Sinimulan ko ring tapusin ang zine kong. 'Takot.' Nakapag-print ako bago natulog. Sobrang productive ako ngayong araw. S katunayan, nagawa ko pa ang SIP ni Sir Erwin. Kaunti na lang, matatapos ko na. Hunyo 24, 2018 Kinunsumo ko ang bawat oras sa kapaki-pakinabang na mga bagay, gaya ng paghahanda ng mga learning materials, paggawa ng zine ng mga estudyante ko, pagbabasa at pagtsek ng mga sulatin nila, pag-eencode, at marami pang iba. Nakaidlip din ako pagkatapos maligo. Nasermunan ko rin si Zillion dahil sa kaadikan niya sa cellphone. Naaawa ako sa kaniya dahil bigla ko siyang tinangglan ng kasiyahan niya, kaya lang naaawa ako sa kaniya dahil sa masamang epekto nito sa kaniyang kalusugan at pag-aaral. Gusto ko sanang sa pagsusulat siya maadik. May kasalanan din ako kasi ibinigay ko pa sa kaniya ang luma kong cellphone. Hindi rin nakayang disiplinahin sa paggamit ni Emily ang anak namin. Gayunpaman, nakayanan naman niya ang maghapong walang hawak na cellphone. Mas maganda sana kung sinunod niya ako sa utos kong magbasa siya. Ang kaso, hindi. Nalulungkot ko. Mabuti pa ang mga estudyante, natuturuan ko... Hunyo 25, 2018 Inspired na inspired akong magturo kanina, kaya lang, na-prorate ang mga estudyante ng Section Faith. Wala kasi si Sir Thirdy. Vacant tuloy ako. Nakapag-bonding naman kami ni Papang. Vacant din siya. Nang magbalik ako sa klase, na-inspired ko naman ang mga pupils ko ng zines ko. Bili sila. Sold out ang 'Takot' at 'Hugot.' Kinulang pa nga. Excited na rin ang Section Peace at Love sa kanilang zines. Nagsermon naman ako sa Section Hope dahil maingay sila sa groupwork. Ayaw ko ng ganoon. Pinaupo ko sila't pinagawa individually. Natuwa ako dahil may apat na estudyanteng may potential sa pagsusulat. Binisita ako ng mga Topaz kanina. Na-miss namin ang isa't isa. Kulang ang ilang minuto para magkuwentuhan. Gayunpaman, masaya kaming nagpaalaman. Alam kong confident sila sa high school dahil baon nila ang mga karanasan nila sa Grade Six. Five o' clock ako umuwi. Ready to print na mga learning materials ko. Pagdating ko, ginawa ko kaagad. Nagpatulong ako kay Emily sa paggupit at pagdikit, habang nagpri-print ako ng zines. Hunyo 26, 2018 Ang ganda sana ng topic ko sa Filipino 6 at mga group activities na inihanda ko, kaya lang naabala kami dahil sa meeting about RPMS. Hindi ako nakapagturo sa isang section. Palala nang palala ang ingay ng advisory class ko. Sobra na silang nakakainis! Kahit nga ang Science teacher nila ay napaiyak sa inis. Hindi ko na alam ang strategy na gagawin ko. Marami akong na-accomplish pagkatapos ng klase. Almost done na ang SIP ni Papang. Nakapaghanda ako ng ipi-print. Nakapag-encode ng ilang akda. Kaya lang, late ako sa pag-uwi. Humataw ako sa pag-print at paggawa ng visual aids. Nalungkot pa ako nang sobra dahil na-delete ko ang 'Takot' zine ko. Pagkatapos kong i-edit, bigla na lang nawala ang file. Hindi ko na na-recover. Iyon pa naman ang gusto ng mga bata. Mabuti na lang nakapag-print na ako ng limang kopya. Kahit paano, may magagayahan ako. Sayang nga lang ang effort at time kapag nag-layout uli ako. Hindi bale na. Hunyo 27, 2018 Hindi ako nagsalita kanina sa advisory class ko. Pinaskil ko lang lahat ng learning materials ko, then isinulat ko ang mga directions at paliwanag para magawa nila ang written activity. Nagawa naman nila nang tahimik. Nakapag-almusal pa nga ako, with Ms. Kris and Papang. Ginawa rin iyon ni Ma'am Madz. Naging effective din sa kaniya ang payo kong pananahimik. nakaisip ako ng strategy na magpapatahimik sa madadaldal kong estudyante-- ang Pasaway Meter. Pina-cut out ko sila white hearts. Pinangalanan nila iyon at idinikit sa illustration board. Bawat pagpapasaway nila ay lalagyan ng class president ng dot ang heart niya. Kapag naging black, matatanggap niya ang pasura. Pero, siyempre, tuloy pa rin ang pagbibigay ko sa kanila ng chip na heart-shaped as reward kapag may magandang bagay silang nagawa. Samantalang, turong-turo ako sa ibang sections. Inspired na inspired silang lahat na magkaroon ng zine. Dumarami na rin ang gustong maging writer. Tuwang-tuwa sila sa akin. Very thankful naman ako sa kanila dahil lalo akong nai-inspire. After class, may coop board meeting kami. Saka ko lang nagawa ang Phil-IRI report at iba pang zine-related tasks. Five na ako umalis sa school. Hunyo 28, 2018 Masaya kaming nag-almusal nina Ms. Kris at Papang, habang may activity ang pupils ko. Pabalik-balik naman ako para silipin sila. At, dahil shortened ang mga klase dahil sa Phil-IRI meeting, hindi ko napasukan ang VI-Hope. Hinihintay pa naman nila ako. Nakatutuwa talaga kasi may naipasok na ako sa mga puso nila--ang magagandang karanasan, kuwento, at aral. Napagalitan ko lang ang dalawang section kasi may magugulong estudyante. Ayaw rin naman nilang hindi ako magsalita. Tinatakot ko lang naman at dinidisiplina. After class, nag-check at nag-record ako ng mga sulatin ng mga bata. Na-realize kong madugo pala kapag sineryoso at isinapuso ang trabaho sa Filipino. Kailangan talagang basahin ang mga gawa nila para ma-assess ko sila. Hunyo 29, 2018 Natutuwa ako sa Section Faith dahil nagawa nilang sumulat ng kuwento. Tumahik sila. Halatang hooked sa kanilang ginagawa. Lahat naman ng sections, napasulat ko. Natuwa rin ako sa Peace kasi naging effective din ang drama kong pagiging pipi. Hindi ako nagsalita. Wala ring silang imik. Alam nilang may kasalanan sila kahapon, e. Nang uwian na, nakatanggap ako ng apology letter. Natuwa ako sa effort ng estudyante. Gandang-ganda ako sa drawings niya. Tinutulungan ko siyang magamit at mapakinabangan niya ang kaniyang talento habang bata pa. Kaya siguro apektado siya sa ginawa ng mga kaklase niya at parusa ko. Nakatanggap din ako ng lumang libro kula sa nanay ng estudyante sa VI-Peace. Nagkuwento sa kaniya ang anak, na mahilig daw akong magsulat at magbasa. After class, umidlip at nag-check ako ng mga seatworks. Nakakuwentuhan ko rin sandali si Papang. Umuwi na siya after kasi hindi naman matutuloy ang bonding naming 10000 group. Past 7, nasa bahay na ako. Agad kong hinarap ang paggawa ng Takot zine. Hindi ko na kasi na-recover. Sayang ang effort at time ko. Hunyo 30, 2018 Hinarap ko kaagad ang paggawa at pagtapos ng zine ng VI-Peace. Before lunch, nai-print ko na. Natulog lang ako at paggising ko, ang zine naman ng VI-Love ang tinapos ko. Nakakapagod, pero fulfilled ako. Marami kasing magiging proud kapag nai-present ko na sa knila. Halos wala mang balik sa akin financially, sobra-sobra namang satisfaction ang dulot nito sa akin. Isa pa, one way ito para ma-motivate at ma-inspire ko ang lahat ng Grade Six pupils. Na-miss ko ang gardening, pero hindi ako lumabas maghapon. Hindi pa kasi ako maka-move on sa nangyari between us ang our kapitbahay na inggitero. Kagabi nga ay halos gusyo niya akong sagasaan ng motor niya. Alam niyang daraan ako pero umikot siya para ipakitang matapang siya. Poor soul! Karma is just around the corner. Madalas na sanhi ng aksidente ang mga motor. God bless sa kaniya. Anyways, happy naman ako kahit nasa loob ng bahay lang kami. Kaya nga ako nagpapaayos ng bahay. I love to stay at home. Napakaraming puwedeng gawin.

Wednesday, June 27, 2018

pinakamabait

Ang pinakamabait na taong makikilala mo sa buhay mo

ay siya ring pinakamasamang taong makakaaway mo.

Tuesday, June 12, 2018

Ang Alamat ng Parang: Kabanata 4: Si Jack Tagak


Kabanata 4: Si Jack Tagak
"Kokak! Kokak!" masuka-sukang iyak ni Bella Palaka. Hindi niya malunok kanina pa ang kinain niyang langaw.
Nakita ni Jack Tagak ang pagulong-gulong na si Bella Palaka, mula sa sanga ng nag-iisang puno sa parang.
"Ano'ng nangyayari sa iyo, Bella Palaka?" nangangambang tanong ng kaibigang tagak.
Nahihirapan mang magsalita, pinilit sumagot ni Bella Palaka. "May... may ... naka... barang... langaw sa... sa lala... munan ko." Halos sakalin na niya ang kaniyang leeg. "Tu... tu... lungan mo ako!"
Agad na kumilos si Jack Tagak. Ipinabuka niya ang bibig ni Bella Palaka at kinuhit niya ng kaniyang tuka ang langaw.
Sabay na nagpasalamat sina Bella Palaka at Gela Langaw kay Jack Tagak. Masama rin ang tingin nila sa isa't isa.
"O, tama na! Awat na. Magkakasama tayo rito. Ikaw, Bella Palaka, wala ka nang sinisino. Lahat na lang, dinadale mo. Lahat na lang ng insekto sa parang na ito at naging biktima at gustong biktimahin ng dila mo," sermon ni Jack Tagak kay Bella Palaka.
Nagbaba ng tingin si Bella Palaka at agad niyang itinago ang kaniyang mahabang dila.
"Ikaw naman, Gela Langaw, tumigil ka na sa kalalapit mo kay Call Kalabaw. Iyan marahil ang ikinainis sa 'yo ni Bella Palaka. Huwag mo siyang gamitin para sa iyong sariling interes," sermon ni Jack Tagak sa langaw.
Nagbaba rin ng tingin si Gela Langaw, saka lang niya iwinagwag ang kaniyang nabasang mga pakpak.
"Tama ka, Jack Tagak. Madaldal ako. Masiba ako. Lahat ng insekto ay tinitira ko, kisihudang kaibigan ko pa siya. Pero, dahil sa masamang ugali ni Gela Langaw, kaya ko siya sinubukang lunukin. Patawad... Hindi na mauulit," ani Bella Palaka.
"Tama ka rin, Jack Tagak. Naging palalo ako. Akala ko, matutulungan ako ng reyna sa pangarap kong umangat, hindi pala. Kaya, lahat ng mga sikreto ng mga kasamahan natin ay ikinuwento ko na kay Calla Kalabaw. Akala ko nga, kaibigan na ang turing niya sa akin, hindi pala," malungkot na saad ni Gela Langaw. "Patawad... Susubukan kong hindi na maulit."
"Kaibigan ko kayong pareho. Mahalaga kayo sa akin. At mahalaga sa ating lahat ang parang. Tulungan ninyo akong manaig ang pagkakaibigan, kaayusan, at kapayapaan dito sa parang. Kinuha niya si Gela Langaw at ipinatong sa ulo ni Bella Palaka. "Matuto tayo sa mga pagkakamaling nagawa natin sa ating mga kasama."
"Sige" sabay na sagot nina Bella Palaka at Gela Langaw.
Lumipad si Gela Langaw at umikot-ikot kina Bella Palaka at Jack Tagak. "Simula ngayon, hindi na ako magiging mapagmataas at mapanggamit." Pagkatapos, dumapo na siya sa ulo ni Jack Tagak.
Lumukso-lukso si Bella Palaka. Inikutan niya si Jack Tagak. "Simula rin ngayon, mamimili na ako ng insektong lalapain. Iingatan ko na ang paggamit ng aking dila."
Pumalakpak sa tuwa si Jack Tagak. "Mabuti kung ganoon. Sana mas marami pa tayong mahikayat na magbago. Alam kong pangarap din ninyong manumbalik ang dating kagandahan, kasagagan, at katahimikan sa parang na ito."
"Oo naman!" sabay na sagot nina Bella Palaka at Gela Langaw.
"Magaling!" Pumalakpak uli si Jack Tagak at saka masayang nagpaalam sa dalawa.
"Kokak! Kokak!" tawag ni Bella Palaka.
Lumipad pabalik si Jack Tagak. "Ano 'yon?"
"Sino na ngayon ang pinuno sa ating parang, ngayong patay na si Calla Kalabaw?" maang na tanong ni Bella Palaka.
"Patay? Si Calla Kalabaw, patay? Sino ang nagsabi?" Tiningnan ni Jack Tagak isa-isa sina Gela Langaw at Bella Palaka.
Nagtinginan naman ang dalawa. Napaurong pa si Bella Palaka. Napalipad naman si Gela Langaw patungo sa dulo ng pinakamataas na damo.
"Hindi ako. Kokak!"
"Zzz. Hindi rin ako."
"Hindi lahat ng nakikita ay dapat ninyong paniwalaan," nakahalukipkip na turan ni Jack Tagak. Isa-isa niyang tinapunan ng matalim na tingin ang langaw at palaka. Nagkalakad-lakad pa siya, kaya napaurong lalo si Bela Palaka at nagagap nito ang kaniyang bibig.
Napalipat naman ng damo si Gela Langaw.
"Buhay pa si Calla Kalabaw. Siya pa rin ang pinuno ng parang!" Lumipad palayo si Jack Tagak. "Ililigtas ko pa ang mga linta." Naiwang nakatingin sa kaniya sina Gela Langaw at Bella Palaka.
Nang mawala sa paningin nila si Jack Tagak, lumapit si Gela Langaw kay Bella Palaka.
"Alam ko at nakita ko, pinagpiyestahan ninyong mga langaw ang katawan ni Calla Kalabaw," nahihintatakutang sabi ni Bella Palaka.
"Oo nga. May bitbit akong gamot noon nang makita ko ang mga kalahi ko nang bigla mo na lang akong kainin," kuwento ni Gela Langaw.
"Pagkatapos niyon, hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari," sabay na wika ng dalawa. Imbes na matawa, naiyak sila.
Kumabog ang dibdib ni Bella Palaka. Naisip niyang baka ipatawag siya nito dahil hindi siya tumulong para makaligtas siya sa mga langaw.
Nangamba naman si Gela Langaw. Naisip niyang baka sisihin siya nito dahil mga kalahi niya ang pumapak sa kaniyang mga sugat.
"Kokak!" paalam ni Bella Palaka. "Uuwi muna ako sa amin.
"Zzz. Hahanapin ko rin ang pamilya ko. Kailangan ko silang makausap."
Tawa nang tawa si Jack Tagak sa kaniyang narinig at nakita. Mabuti na lamang, naikubli niya ang sarili sa ibabaw ng sanga. "Sana may natutuhan sila sa mga naganap," bulong niya.
Ilang sandali lang ang lumipas, naalala niya ang mga linta. Kailangan niyang mahanap ang mga batang humuli sa mga kasamahan niyang mahilig manipsip ng dugo. Kahit ganoon sila, naniniwala siyang may pakinabang sila sa parang, kaya hindi na siya nag-aksaya ng panahon.
Sa pinakamalapit na nayon siya tumungo. Agad din niyang naispatan ang mga nagtatawanang bata sa kalye. Inikutan niya ang mga ito at nang makumpirma niyang pinaglalaruan niya ang mga linta, dinaluyong niya ang mga ito.
"Takbo! May malaking ibon," sigaw ng maitim na bata.
Mabilis na nagpulasan ang mga bata sa iba't ibang direksiyon.
Kumakawagkawag si Linda Linta sa kinalulunurang bula.
Tinuka ni Jack Tagak si Linda Linta at inilagay niya sa kaniyang paa. "Kumapit ka." Pagkuwa'y tinuka-tuka rin niya ang dalawa pang linta.
"Wala na sila. Kasalanan ko ang lahat," maiyak-iyak na sabi ni Linda Linta.
"Huwag mo nang sisihin ang sarili ko. Matuto ka na lang sa ginawa mo," sabi Jack Tagak.
"Ang parang nga talaga pala ang tahanan naming mga linta. Hindi ako dapat naging mapangahas. Hindi pala nakabubuti ang pagkakaroon ng mataas na pangarap." Tuluyan nang ngumuyngoy si Linda Linta.
Nalungkot man, natuwa pa rin Jack Tagak dahil sa mga narinig kay Linda Linta. Umaasa siyang tuluyan na itong magbabago.
Tinuka niya ang mga kapatid ni Linda Linta. "Iuuwi ko na kayo sa parang."
"Maraming salamat, Jack Tagak! Mabuti ka palang kaibigan."
Nang mailapag ni Jack Tagak ang mga linta sa kanilang tahanan, agad niyang hinanap sina Daniel Daga, Susie Suso, at Susan Uwang upang ikuwento ang mga nangyari at ang kaniyang kabayanihan. Alam niyang may mga ideya na ang mga ito, lalo na si Daniel Daga, pero ikatutuwa ng mga ito ang tungkol kay Linda Linta.
Mas pumaimbulog siya upang makita niya ang kabuuan ng parang. Tanaw na tanaw niya, mula sa himpapawid ang nag-iisang puno roon. Hindi niya nakita si Daniel Daga.
Bumaba siya ng lipad at dumapo sa lungga ni Susan Uwang. Wala roon ang kaibigan.
Naisip niyang tumungo sa may lubluban ni Calla Kalabaw, baka bumisita roon si Susie Suso.
"Susie Suso!" huni ni Jack Tagak. Subalit, walang sagot mula sa matabang suso.
Nalungkot siya, pero hindi siya nawalan ng pag-asa dahil alam niyang makikita niya ang mga kaibigan.
Dahil sa pagod, naisipan na lamang niyang maglakad. Mas mainam pa iyon upang makasalubong pa niya ang ibang hayop at insekto sa parang. Gusto niyang mas mapalapit pa sa mga ito upang makatulong sa kaniyang adhikaing paglapitin ang mga puso ng bawat isa at kilalanin si Cala Kalabaw bilang pinuno ng parang.
Ilang hakbang pa lang ang kaniyang layo, natanaw niya ang kakaibang mga mata. Hindi iyon mata ni Calla Kalabaw. Lalo hindi iyon ang mga mata ng kaibigang daga.
Natatakot man, malakas ang loob niyang inihakbang ang mga paa upang tingnan ang mga mata.
"Huli ka!" Narinig niyang sabi ng may-ari ng mga mata.
Pagkuwa'y naramdaman ni Jack Tagak ang sakit mula sa kaniyang paa. Nang lingunin niya ito, saka namang lumabas ang may-ari ng mata. Lalaking tao iyon, na may hawak na tali.
Nagpumiglas si Jack Tagak kahit lalong sumisikip ang tali at pakiramdam niya ay malalagot na ang paa niya. "Pakawalan mo ako!" Gumapang pa siya, habang hinihila ng lalaki ang tali.
"Nahuli na rin kita!" Humahalakhak pa ang lalaki habang hinihila niya ang pisi.
Wala namang nagawa ang pagpagaspas ni Tagak. Nagkalagas-lagas lang ang mga balahibo niya. Balewala na rin ang pagtawag niya sa pangalan ng mga kaibigan.
"Pulutan o aalagaan?" sabi ng lalaki, habang hawak na niya si Jack Tagak.
Hindi na iyon narinig ng tagak dahil halos mabingi na siya sa pagod at sakit.
"Paalam na, Parang..." ani Jack Tagak bago nagdilim ang kaniyang paligid.
Hawak ng lalaki ang mga paa ni Jack Tagak. Laylay ang mga pakpak nito. 
"Patay na agad?" anang lalaki. Itinaas pa ang ibon. "Ayos lang. Pulutan ka na lang." 
Habang palayo ng lalaki, nakasunod na sa kaniya si Susan Uwang. Mabigat man ang katawan dahil sa katabaan, nagawa niyang makadapo sa likod ng lalaki.
Si Susie Suso naman ay muntik nang maapakan ng lalaki. "Si Jack Tagak iyon, a!" Dahil sa nahihirapan siyang gumapang, sumigaw na lang siya nang sumigaw. Tinawag niya si Daniel Daga.
Samantala, nagkakawag na ang lalaki dahil nakapasok na si Susan Uwang sa damit ng lalaki. Nabitawan niya ang tagak, na wala pa ring malay.
Nagsusunigaw si Susan Uwang habang pagulong-gulong sa damuhan ang lalaki dahil sa kahahanap sa kumakagat sa kaniyang likod.
"Daniel Daga, ikaw ba 'yan?!" Natuwa si Susan Uwang nang maamoy ang kaibigang daga.
"Oo, Susan Uwang. Si Susie Suso ang nagsabi sa akin," anang daga. 
"Iligtas natin si Jack Tagak."
"Oo. Ako ang bahala. Kagatin mo lang siya nang kagatin." 
Patuloy ang pagkawag-kawag ng lalaki, habang nginatngat ni Daniel Daga ang tali sa paa ni Jack Tagak. 
"Hayop ka!" Nahawakan ng lalaki si Susan Uwang at ibinagsak siya nito sa lupa.
"Huwag!" Nakita ni Daniel Daga na aapakan ng lalaki si Susan Uwang, kaya mabilis niyang tinalunan ang binti nito.
Napasigaw sa sakit ang lalaki. Nakalipad naman si Susan Uwang palayo.
Nang muling dadambahan ni Daniel Daga ang lalaki, saka namang bumalik ang malay ni Jack Tagak. 
Mabilis na dinakma ng lalaki si Jack Tagak, ngunit nakaiwas siya. Nagmumura ito.
Sinamantala ni Daniel Daga na nakadapa ang lalaki. Kinagat-kagat uli niya ang binti nito. "Lipad na, Jack Tagak!" utos pa niya sa kaibigan.
Hindi lumipad si Jack Tagak, bagkus lumapit siya sa lalaki at pinagtutuka ang mga daliri.
Nagpumilit bumangon ang lalaki at nagsisigaw na tumakbo palayo sa parang.
"Salamat sa inyo, mga kaibigan!"
"Walang anuman," sabay-sabay na sagot nina Susan Uwang at Daniel Daga.
"Salamat din sa 'yo, Susie Suso!" sabi ni Jack Tagak sa parating na suso.
Nagkatawanan silang magkakaibigan. 

Thursday, June 7, 2018

Gawin Mo

Hindi na uso ang kasabihang "Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo ng kapwa." Heto na ngayon: "Gawin mo sa iyong kapwa ang gusto mong gawin niya sa iyo."


Kung gusto mong irespeto ka ng iba, irespeto mo muna sila. Simple lang naman, 'di ba?


Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...