Followers

Saturday, September 15, 2018

Mag-aral Tumula

ARALIN                                                                                        

Guro ko'y pakikinggan.
Tiyak may matututuhan
sa mahahalagang aralin,
na aking kakailanganin.

Magbibilang, makikinig,
magbabasa, at magsusulat...
Iyan ang aking mga gagawin.
Makikipagtalakayan na rin.


BAG

Ang bag kong dala-dala,
punong-puno ng gamit at iba pa.
Katulad ng utak ko,
sa kaalaman, hitik ito.

Anoman ang gawain,
walang hindi kakayanin
sapagkat ako'y may bag,
saka may lakas at utak.


CLASSROOM

Dito tayo nililinang,
hinahasa, at tinuturuan
ng magagandang asal
at mahahalagang aral.

Edukasyon ay binubuo,
hinuhubog ang talento't talino.
Ang mga gurong magigiting,
nais nila, tayo'y may marating.


DepEd

Ang Department of Education
ay ang sangay ng edukasyon.
Inaalis nito ang kamangmangan
ng mga Pilipinong kabataan.

Ang apat na core values nito---
"Maka-Diyos, Makatao
Makalikasan, at Makabansa,"
ay nararapat lamang isagawa.



EDUKASYON

Magmula elementarya
hanggang maging kolehiyo na,
edukasyon ay mahalaga.
Ito ang susi sa ginhawa.

Tiyak, tagumpay' makikita;
pangarap ay matutupad pa;
kinabukasan ay gaganda,
kung ikaw ay magtitiyaga.



FIRST DAY OF SCHOOL

Sa unang araw ng pasukan,
marami ang aking karanasan--
may masaya at katatawanan,
may pambihira at kahihiyan.

Gayunpaman, ang bawat isa,
totoong nagkintal sa puso't diwa.
First day of school, nakakakaba,
subalit puno ng mga alaala.


GURO

Nagpupunyagi, nagsisilbi,
gumagabay, umaagapay,
nagpapayo, nagtuturo...
Iyan ang ating guro.

Ikalawang magulang,
nars, doktor, dietician,
tagapayo, at kaibigan...
Nagawa na niyang lahat iyan.


HONORS

Sa pag-aaral nang mabuti
At sa iyong pagpupunyagi
ay karangalan ang kapalit,
at karunungang ‘di mawawaglit.

Magulang lubos na liligaya
kung sasabitan ka ng medalya.
Ang paaralan ay magbubunyi pa
dahil sa edukasyon, nagpahalaga.


INCLUSIVE EDUCATION
Ang edukasyon ay para sa lahat,
Anoman ang kulay ng iyong balat,
Bata, matanda, babae, at lalaki
Sa DepEd, ang lahat ay kasali.

Kahit ang bulag, pipi, at bingi,
Hindi maaaring tanggihan at iwaksi
sapagkat lahat ay nangangailangan
ng kalidad na edukasyon at kaalaman.


JOURNAL/DIARY

Araw-araw akong nagsusulat
upang tumalas lalo ang utak.
Sa journal/diary ko inuulat
ang mga alaalang tatatak.

Dito ako tumatawa, umiiyak,
Dito sinasabi, lahat-lahat.
Dito ako bumubuo ng balak.
Emosyon, dito ko naisisiwalat.


KAALAMAN

Utak ko'y pupunan ng kaalaman
at gagamitin sa kabutihan.
Sa bawat aralin, ito ay kailangan
at sa ano pa mang larangan.

Paliliparin ang aking isipan
hanggang sa kalawakan,
maging sa kailalim-laliman
upang tagumpay, matagpuan.


LAPIS

Anoman ang haba at hugis
nitong panulat kong lapis,
kinabukasan ko at ninanais,
dito nakasalalay, dito tatamis.

Pagkakamali ko ay buburahin,
buhay ko ay pagagandahin,
Isusulat ko at pangangarapin
ang makinang na hangarin.


MATALINO

Hindi sa husay sa pagmemorya,
nasusukat ang talino ng bata.
Hindi rin sa dami ng medalya
o sa matataas na marka.

Ang mag-aaral na matalino,
siya ay talagang disiplinado.
Sa kapwa, magulang, at guro
ay may paggalang at respeto.


NANAY/TATAY

Mga guro, katulad ng magulang—
Mapagmahal, laging nariyan.
Sila ang aking nanay at tatay.
Sa paaralan, sila’y gumagabay.

Sa praktikal at akademiko man,
sina Sir at Ma’am, maaasahan.
Pang-unawa nila’y sobra-sobra,
katulad ng ating mga ina at ama.


ORAS

Nakatingin ka na naman
sa relo o orasan,
at nag-aabang ng uwian.
Bawat minuto ay kinaiinipan.

Bakit ka pa pumasok sa paaralan
kung utak mo, uwian ang laman?
Bakit hindi mo na lang
lamnan ito ng mga kaalaman?


PAARALAN

Oras ko ay aking ilalaan
sa aking mahal na paaralan.
Buhay ko, dito makukulayan
at mapupuno ng mga kaalaman.

Dito rin ako hahakbang paakyat
patungo sa tugatog ng pangarap.
Dito magsisimulang lumipad
at mamumuhay nang may dignidad.


QUALITY EDUCATION

Ang kalidad na edukasyon,
hangad sa bawat henerasyon.
Kaluluguran ng ating bayan,
kung pag-aaral ay pagsisikapan.

Turo ng guro, pakikinabangan,
kaya leksiyon ay pakikinggan,
ako ay makikipagtalakayan,
at mga aralin ay pahahalagahan.


RECESS

Bahagi ito ng pag-aaral.
Kumain ay hindi bawal.
Dito maaari nang dumaldal.
Utak kasi ay napapagal.

Ngunit pagkatapos naman,
may aralin pang nag-aabang.
Recess ay hindi asignatura,
pero paborito ng lahat, 'di ba?


SINA SIR AT MA’AM

Sina Sir at Ma’am,
gabay sa paaralan,
ikalawang magulang,
maituturing na kaibigan.

Kanilang pangaral, kailangan
aming aralin, pahahalagahan.
Magandang kinabukasan,
sa akin, inilalaan.



TALENTO

Samot-sari ang mga talento.
Bawat mag-aaral, nagtataglay nito,
gaya ng pagsayaw, pag-awit,
pagtula, at pagguhit.

Anomang kakaibang kakayahan,
talento ang tawag diyan.
Sa anomang gawain at larangan,
ito ay mapakikinabangan.


UWIAN

Sa bawat pagpasok, may uwian,
ngunit sana, bitbit ang kaalaman.
Pag-uwi mo sana ay pagbabalik
sa paaralang nakasasabik.

"Uwian na!" masayang sambit
ng gurong mahusay at mabait.
Umaasa siyang, bawat isa,
may karanasang bago at kakaiba.


VALEDICTORIAN

Siya ay nagsunog ng kilay,
nagsumikap, nagsikhay,
umangat sa bawat pagsusulit,
kaya karangalan ay nakamit.

Dangal siya ng paaralan.
Paghanga ng madla, nakamtan.
Edukasyon ay pinahalagahan,
kaya ang kapalit ay katalinuhan.


WIKA

Wikang Ingles man o Filipino,
kailangan sa ating pagkatuto.
Pagyamanin nating pareho
upang kaalaman ay buong-buo.

Sa pagsulat man o sa pagbasa,
magagamit ang nakagisnang wika.
Sa pakikipagtalakayan at pagsasalita,
ito ay mapakikinabangang talaga.


 X

Ekis ang simbolo ng kamalian
Ekis din ang marka sa pagliban.
Ang X ay senyales ng kawalan
at kakulangan ng kahulugan.

Ngunit, sa ating alpabeto,
mahalaga ang letrang ito.
Gaya ng pagiging matalino,
hindi dapat binabalewala ito.


YESO

Panulat ito sa pisara,
katuwang sa tuwi-tuwina,
isinusulat ang kinabukasan,
at naghahatid ng kaalaman.

Sa bawat linya, sa bawat guhit,
sa bawat hugis, sa bawat titik,
yeso ang laging nagagamit.
Sa kaniya, wala pang hihigit.


ZERO

Kung sa pagsusulit, ikaw ay zero,
itlog na bugok ang katulad nito.
Kung ipapareho naman sa talino,
hindi ito ang sukatan ng pagkabobo.

Gayunpaman, dapat maghangad tayo
ng iskor na mataas o kaya ng perpekto
upang ina’t ama, ‘di mapakamot sa ulo
at upang makaakyat sila sa entablado.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...