Followers

Wednesday, September 5, 2018

Minsan May Isang Guro

Minsan, may isang guro,
na sa inyo masayang nagtuturo.
Oo, katulad ng iba, siya'y ordinaryo--
nagagalit, nanenermon,
at nagbibigay-inspirasyon.
Katulad ng ordinaryong tao,
siya ay problemado--
problemado sa inyong grado,
sa bawat kilos at pananalita ninyo,
gayundin sa pananamit ninyo.
Bahagi siya ng buhay ninyo,
ng mundo mo,
ng kuwento mo.
Sa loob at labas ng paaralan,
lagi niya kayong binabantayan.
Laging may puso ang kaniyang aralin,
Hindi ba't na-eenjoy mo rin?
Sa kaniyang pagtawa at pagngiti, nawawala ang inyong pighati
Kapag siya'y malungkot, ang puso mo'y para ring kinukurot.
Patunay iyan, na siya ay mahalaga.
Mahalaga nga ba?
Mahalaga nga ba siya sa inyo?
Mahalaga ba kung paano ninyo siya itrato?
Sabi ninyo, siya ang pangalawang magulang ninyo.
Ngunit, hindi kayang ipakita ang nasa puso ninyo.

Minsan, may isang guro, na sa inyo ay nagturo,
kung gaano kasaya ang mundo,
kung paanong ang buhay ay nagiging isang istorya,
kung paano ang istorya mo ay maikukuwento,
kung paano ang isang kuwento
ay maibahagi sa iba,
kung paano pahalagahan ang iba,
kung paano pahalagahan ang pagbabasa,
kung paano ipakita na sa pagbabasa ay may buhay,
kung paanong ang buhay ay magkakakulay,
kung paanong ang makulay na mundo
ay maging mundo ng iba,
kung paano ang iyong buhay
ay maging inspirasyon sa iba,
kung paano ang iba, ay maging siya--
walang takot, walang itinatago,
kung paanong siya ay maging kung ano ang gusto niya.

Minsan may isang guro,
nagpaalam siya sa inyong harapan.
Nalungkot ang karamihan,
umiiyak naman ang iba.
Ngunit buo na ang loob niyang lisanin ang paaralang minahal niya
sa loob ng walong taon,
kung saan pagkaguro niya ay umusbong,
kung saan pagmamahal niya sa bagong henerasyon ay yumabong...
Sumibol.
Wala kayong nagawa kundi ang humiling na sana magbago pa ang isip niya.
Walang nakapagpigil kahit ang mga liham ninyong kay sarap dinggin.
Walang nakapagbago sa kaniyang damdamin.
Wala...

Minsan, may isang guro
mula sa isang araw na pagmumuni-muni,
siya tahimik na nagbalik.
Sa inyong harapan ay tila isang blankong papel na tumayo.
Siya pa rin ang inyong ordinaryong guro,
ngunit hindi alam kung nasa kaniya pa rin ang puso,
ang pusong ginagamit niya tuwing siya ay nagtuturo...
tuwing ibinabahagi niya ang kuwento.

Isang paimpit na ligaya ang kaniyang narinig
mula sa mga labi ninyong nananabik,
mula sa mga puso ninyong humihibik,
ngunit kayo ay biglang natahimik,
walang nais umiimik.
Pintig ng mga puso ninyo at dibdib,
pati ang mga labi ay nanginginig,
habang abot-langit ang paghiling
na sana, na sana... siya nga ay hindi na umalis.
"Huwag ka na pong umalis," nais ninyong ipabatid.
Ngunit siya ay isa nang bulag, pipi, at bingi,
na kayo rin ang dahilan at sanhi.
Kayo ang bumulag,
kayo ang bumusal sa kaniyang bibig,
kayo ang sumira sa kaniyang pandinig,
at kayo rin ang naghahangad ng kaniyang pagbabalik.

Sa oras na iyon, hinintay ni'yo siyang marinig ang tinig.
Walang salitang lumabas sa inyong mga bibig.
Walang nag-ingay,
walang nagpasaway.
Ngunit walang nakababatid kung siya ba'y talagang aalis.
Ngunit siya ay nanatiling nakatindig,
nakamasid.
Mga mata niya'y hindi mabatid kung siya ba'y nagagalit o nasasabik.

Minsan, may isang guro...
na minsan ninyong naging guro, ama, kaibigan, tagapayo, at taga-kuwento,
na minsan ninyong hindi inirespeto,
binastos, at binalewala,
na minsan ninyong kinainisan, at tinawanan,
at minsan ni'yo lang naunawaan.

Paglipas ng mahabang sandali,
sa wakas, tinig niya ay narinig.
Damdamin ninyo'y kumakandirit...

Minsan, may isang guro
na magbabago sa inyong buhay,
na magbabago sa inyong pananaw
kung gaano ang edukasyon ay katulad ng gintong nakakasilaw,
kung gaano ang buhay ay isang paglalakbay,
kung gaano kahalaga ang kuwento ng bawat isa ay kapupulutan ng inspirasyon.
Minsan, may guro kayong mamahalin,
pero mapagtatanto ninyong huli na pala ang lahat...

Minsan, may isang guro...
na aalis, lalayo...
at babalik sa inyo
dahil kayo ang kaniyang buhay,
ang kaniyang mundo,
dahil kayo ang bubuo
sa kaniyang pagkatao,
sa kaniyang pagkaguro,
at sa kaniyang kuwento.

Minsan, may isang gurong nagtampo.
Ako.





No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...