Followers

Friday, November 30, 2018

Kay Sayang Maglakbay

Buwan-buwan kaming lumuluwas ng Metro Manila. Buwan-buwan kasing nakikipagpulong si Daddy sa mga kapwa niya doktor.

Noong Enero, dinala kami ni Daddy sa Villamor Air Base Golf Club. Sa Sofitel kami namamalagi sa loob ng dalawang araw at isang gabi. At siyempre, kasama na roon ang pamamasyal naming mag-anak.

"Ang saya-saya po palang maglaro ng golf, Daddy!" sabi ko.

"Siyempre, Andy, bukod sa maganda na ang kapaligiran, isa pa itong uri ng ehersisyo," sagot ni Daddy.

"Ang bait pa ng caddy natin," sabi naman ni Ate Kyla.

"Totoo iyan. Isa pa, na-enjoy ko rin ang mga pagkain nila sa restaurant na kinainan natin," wika ni Mommy.   

"Sige, babalik tayo rito," masayang balita ni Daddy.     

Nagpa-yehey kaming magkapatid.

Noong Pebrero, sa Resorts World Manila naman kami namalagi. Bago pa makalapag ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport, tanaw na tanaw na namin ang magagandang lugar sa palibot niyon. Excited kaming lahat na malibot ang tinaguriang 'Travel City' ng Pilipinas.

Marami ang aming naranasan. Nanood kami ng sine, naglaro sa arcade, naligo sa pool, at kumain sa mga restaurant. May Valentine concert pa roon ang ilang sikat na Pilipinong mang-aawit. Hindi lang namin na-experience ang kanilang casino. Ayaw ni Daddy.

"Ang ganda-ganda po rito sa Resorts World!" bulalas ko.

"Yes! Pang-world class," sang-ayon ni Daddy.

"Pambihira talaga ang one-stop entertainment and leisure resort na ito!" dagdag ni Mommy. "Ang sasarap pa ng pagkain."

"Korek po! babalik po ba tayo rito?" tanong ni Ate Kyla kay Daddy.

"Siyempre naman!"

Nag-apiran kami ni Ate Kyla.

Noong Marso, sa Marriot Hotel naman kami nanuluyan. Malapit kasi roon ang Star City. Isa itong amusement park.

Ang gaganda ng mga rides doon, gaya ng Star Frisbee, Surf Dance, Star Flyer, Jungle Splash, at Telecombat, Viking, Tornado, Grand Carousel, at Giant Star Wheel. Nakakabaligtad ng sikmura ang iba, pero hindi namin iyon pinagsisihan ni Ate Kyla.

Pumasok din kaming mag-anak sa Dungeon of Terror, Pirate Adventure, Gabi ng Lagim, Time Tunnel, Lazer Blaster, Snow World, at Star Dome. Manghang-mangha kami sa ganda ng mga atraksiyon. Ang iba naming napasukan, napasigaw at napakapit kami sa isa't isa. Nakakatakot kasi talaga.

Siyempre, sinubukan din namin ang Bumper Boat at Bump Car Smash.

Sobrang saya talaga ng bonding naming pamilya, lalo na nang pumasok kami sa Adventure Zone. Doon naming naranasan sa unang pagkakataon ang zipline, paint ball, wall climbing, at ropes courses.

Sayang lang dahil hindi namin napasok at nasakyan lahat. Okay lang, pambata na kasi ang iba, gaya ng Happy Swing, Annex Carousel, Dragon Express, Red Baron, Wacky Worm, Little Tykes, Ball Pool, Rodeo, Quack Quack, Mini Pirate Ship, Frosty Tram, Kiddie Bump Car, Kiddie Wheel, Bumper Car Rave, Tea Cup, Jumping Star, at marami pang iba.

"Next time po, Daddy, balikan natin ang Music Express. Mukhang maganda rin po doon," suhestiyon ko.

"Yes, sure!" sabi niya.

"Ang gusto kong balikan ang mga souvenir shops. Hindi tayo nakabili, e," malungkot na sabi ni Ate Kyla.

"Hayaan mo na, may susunod pa naman," pang-aalo ni Mommy.

"Gusto raw po kasi niyang bumili ng pink wig," biro ko.

Nagtawanan kami.

Noong Abril, isinama kami ni Daddy para raw mapanood namin ang Aliwan Fiesta. Ito ay taunang paligsahan ng iba't ibang cultural festivals sa Pilipinas, na pinangungunahan Manila Broadcasting Company (MBC), Cultural Center of the Philippines, at Manila City at Pasay City. Nagkakaroon ng dance parade, float parade, at beauty pageant. Kilala ang pagdiriwang na ito bilang "The Metro Manila of All Fiestas." Ito na nga raw ang pinakaenggradeng pista sa bansa.

"Nakakapagod, pero sobrang saya. Hindi ito pangkaraniwang fiesta," komento ni Ate Kyla, habang nasa Bayview Park Hotel na kami.

"Napakakulay at napakasaya!" dagdag ko pa.

"Balita ko nga, tatlong milyong piso ang kabuuang papremyo sa mga kalahok," sabi ni Mommy.

"Siguro... Kaya nga, laging sumasali rito ang probinsiya natin," sabi naman ni Daddy.

"Ang galing ng Tribung Ati-Atihan kanina. Sana manalo sila," sabi ko.

"Sayang hindi na natin nahintay ang awarding," sabi ni Daddy.

"Ayos lang iyan. Sulit naman ang food trip at bonding sa tiangge natin kanina," sabi ni Mommy.

Sumang-ayon kaming lahat.

Noong Mayo, sa Heritage Hotel naman kami nag-check in. Tanaw namin mula sa bintana roon ang Mall of Asia (MOA). Nadurungawan din namin extension ng Epifanio Delos Santos Avenue (Avenue). Pero, hindi lang iyon. Dalawang museum ang binista namin. Namasyal kaming pumunta sa Philippine Air Force Aerospace. Kami lang yata ni Daddy ang nag-enjoy. Pero nang nasa Upside Down Museum na kami, kitang-kita sa mukha naming lahat ang ligaya. Kagila-gilas ang pasyalang iyon. Bata o matanda, magugustuhan.

"Grabe! Ang gaganda ng kuha natin!" bulalas ko nang titiningnan namin ang mga larawan namin sa camera. Nakabaligtad kasi ang mga gamit doon museum, kaya aakalain mong nakatiwarik kami.

"Ang galing lang talaga ng photographer ninyo," sabi ni Mommy. Sumandal pa siya sa balikat ni Daddy.

Ngumiti lang si Daddy.

Hunyo noon nang marating ko Coconut Palace sa Pasay. Ito ay isang masining at makakalikasang guesthouse na ipinatayo ni Dating Unang Ginang Imelda Marcos para sa pagbisita ni Pope John Paul II.

"Ang suwerte ng Santo Papa," komento ko.

"Hindi siya tumuloy roon," sagot ni Daddy.

"Po? Bakit po?"

"Ang pagkakaalam ko, dahil daw sobra raw magarbo at mahal ang pagkagawa niyon. Nakalimutan na ang mahihirap sa Pilipinas."

"Magkano po ba ang nagastos sa pagpapatayo ng Coconut Palace?" tanong ng ate ko.

"Roughly thirty seven million pesos, anak," sagot ni Daddy. "Ginamit doon ang ilang bahagi ng coconut levy fund, na dapat sana ay para sa mga magsasaka."

"Pero, ayon naman kay First Lady, nakatulong raw siya sa mga coconut farmers dahil gumamit dito ng mga coco shells o bao."

"Gayunpaman, maganda pa rin ang kinalabasan ng estruktura dahil naging bahagi na ito ng kasaysayan ng bansa. Biruin mo, naging bisita rito ang mga dating pinuno ng Libya na sina Muammar al-Gaddafi, Brooke Shield, at George Hamilton."

"Wow, sikat!" bulalas ko.

"Napanood ko sa telebisyon ang Coconut Palace. Naging bahagi ito ng 'Amazing Race' at 'Tanging Yaman' ng ABS-CBN," sabi ni Ate Kyla.

"Oo, kahanga-hanga talaga ang lugar na ito," sabi ni Mommy. "Tingnan na lang ninyo ang chandelier at ang lamesa. Gawa lang ang mga iyan sa bao. At, magagandang klase ng tabla ang ginamit dito."

"Hindi lang iyan," singit ni Daddy. "Alam ba ninyong ang bubong nito ay parang malaking salakot?"

Napa-wow kami nina Mommy at Ate Kyla. Kaya nang bumalik kami sa Conrad Hotel, punong-puno ng ligaya ang mga puso namin.

Ang hotel pa lang na iyon ay isa nang atraksiyon. Ang disenyo kasi niyon ay hinango sa cruise ship sa Manila Bay. Napakaganda!

Doon, nasiyahan kaming mag-anak sa Dessert Museum. Picture-perfect ang bawat anggulo. Makulay. Ang saya!

Noong Hulyo naman, sa Midas Hotel naman kami nanuluyan.

Sa unang araw, narating namin ang Philippine International Convention Center (PICC).

"O, bakit kayo malungkot? Hindi ba ninyo nagustuhan ang lugar na ito?" tanong ni Daddy sa amin.

Ako ang sumagot. "Nagustuhan po. May tanong lang po ako."

"Ano iyon?"

"Para saan po ito?"

"Ito isa sa mga dinarayo rito sa CCP Complex. Ang PICC ay lugar kung saan ginaganap ang mga lokal at pandayuhang kumbensiyon, mga pagpupulong, mga eksibisyong-pamilihan, at mga kaganapang panlipunan," paliwanag ni Daddy.

"Anak, narito tayo para sa The Feast ni Bro. Bo Sanchez. Espirituwal muna bago tayo mamasyal,"sabi naman ni Daddy.

"Aaah!" magkasabay naming bulalas ni Ate Kyla. Naunawaan na naming pareho.

"Dito pala iyon ginaganap?" tanong ng kapatid ko. "Tara na po."

Gabi. Dinala kami ni Daddy sa Amazing Show. Ito ay ang dating Manila Film Center, na dinisenyo ng arkitektong si Froilan Hong para sa kauna-unahang Manila International Film Festival (MIFF) noong Enero 18–29, 1982.

"Ang gagaling ng mga performers!" komento ko.

"Parang nasa Las Vegas tayo," dagdag ni Ate Kyla.

"Alam ni'yo ba, kontrobesyal ang building na ito?" seryosong tanong ni Daddy.

"Bakit po?" tanong ko.

"May naganap na aksidente rito noong Nobyembre 17, 1981," sagot niya. "Dahilan para tawagin itong Tragic Theatre."

Napayakap ako kay Mommy.

Hindi na itinuloy ni Daddy ang pagkukuwento. Nagpokus na lang kami sa panunuod. Pero, pagdating sa hotel, ikinuwento niyang lahat ang tungkol sa haunted theatre.

Ayon sa iba, ang 360-degree na Manila Film Center ay pinasimulan ni Ginang Marcos noong 1981 para maging 'Cannes ng Asia.' Ang Cannes ay sentro ng international film festival. Binase pa sa Panthenon ang disenyo nito. Ang Panthenon ay simbahang ipinagawa para kay St. Genevieve. At dahil daw sa ambisyoso niyang hangad na matapos agad ito, kinailangang magtatlong shifts ang 4000 na trabahador sa loob ng 24 oras, sa loob ng tatlong buwan."

"Nakaya po nila iyon?" tanong ko.

"Yes... Pero, sa hindi inaasahang pangyayari, noong ika-17 ng Nobyembre, 1981. Alas-tres ng madaling araw. Ito ang oras na tinatawag nilang 'devil's hour,' bumagsak ang scaffolding mula sa pinakataas na palapag. Naging pinakamalaking sementeryo ang lugar na iyon."

"Po? Bakit po?" Hindi ko talaga maunawaan.

Nagpatuloy si Daddy. "Nabagsakan ng mga bakal ang mga manggagawa. Ang iba naman ay lumubog ang kalahati ng kanilang katawan sa quick-drying na semento."

"Kawawa naman sila," sabi ni Ate.

Ako naman, nakaramdaman din ng magkahalong takot at awa.

Ipinagpatuloy ni Daddy ang nakakatakot, pero interesanteng kuwento. "Sabi-sabi na naniwala si Ginang Marcos na kapag ni-rescue pa ang mga bangkay ay made-delay ang proyekto. Kaya ipinag-utos ang project supervisor na si Betty Benitez, na tabunan na lang iyon ng semento. Ayon pa sa sabi-sabi, umabot sa 168 na katao ang nalibing nang buhay roon. Iyon ay pagkatapos ng sampung oras matapos buksan ang lugar para sa mga rescuers at mediamen."

"Nasa ilalim noon ng Martial Law ang bansa, kaya walang rekord ng aksidente." Si Mommy naman ang nagkuwento. "Noong 1986 lang lumabas ang nilang footage. Mayroon ngang ipinakita sa balita na may isang bangkay na nababalutan pa ng semento ang kalahati ng katawan. Nakakaawa talaga."

"Natuloy pa rin po ba ang film festival?" tanong ni Ate Kyla.

Malungkot na tumango si Daddy. " Enero, 1982 naroon ang mga Hollywood glitterati, na sina Brooke Shields at George Hamilton. Wala silang kaalam-alam na sa ilalim ng red carpet ay isang mga labi ng mga trabahador. Sabi pa nga, ang mga laylayan ng long gown ng mga bisita ay may pintura."

"Parang may narinig nga akong mga panaghoy, iyak, sigaw, at iba pang boses kanina. Tumayo ang balahibo ko kanina sa takot," sabi ni Mommy.

"Ilang buwan ang lumipas, namatay sa karumal-dumal na aksidente ni Betty Benitez," sabi pa ni Daddy.

"Matulog na po tayo," sabi ko, sabay talukbong ng kumot.

Natawa na lang sa akin sina Mommy at Daddy. Hindi ko naman narinig si Ate Kyla.

Dumating ang Agosto, lumuwas uli kami. Sa The Henry Hotel kami nag-check in. Ang ganda roon! Perfect para sa wedding reception.

Maganda rin ang karanasan namin sa dalawang araw naming bakasyon. Sa unang araw, dinala kami ni Daddy sa World Trade Center. Ito raw ang sentro ng mga exhibit sa bansa. Minsan, may concert ding ginaganap doon. Sa araw na iyon, may World Food Expo.

Andami-dami pala talagang uri ng pagkain sa mundo, na kayang-kayang lutuin ng mga Pilipino. Ang iba nga, natikman pa namin. Ang sasarap!

Sa ikalawang araw, food trip uli kami. Dinala kami ni Daddy sa Dampa.

Pambihira palang mamili ng mga buhay na seafoods, gaya ng hipon, alimango, alimasag, lobster, isda, pusit, tahong, at iba pang uri ng sea shells. Siyempre may mga sariwang prutas at gulay rin. Masarap magluto ang napili naming restaurant.

Nag-videoke pa kami. Sabi ni Daddy, pampababa raw ng kinain. Tama siya. Kaya naman, halos maubos namin ang aming ipinaluto. Sobrang busog tuloy kami nang bumiyahe kami pauwi.

Noong Setyembre, sa Hotel 101 kami dinala ni Daddy. Namasyal kami sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

"Alam ni'yo ba na ipinatayo rin ito ni Ginang Marcos?" bungad ni Daddy nang naroon na kami sa loob.

"Parang nabasa ko na po iyan sa libro," sabi ko.

"Tinatalakay iyan sa Araling Panlipunan," singit ni Ate Kyla. "Hugis-inidoro nga raw po ito, e, 'di ba, Daddy?"

"Yes, Kyla! Kahanga-hanga ang disenyo nito. Sa aerial view, makikita mo talaga na arang isang toilet bowl. Ang malaking pond at fountain sa labas, ang kunwaring bowl. Itong loob naman ang nagsisilbing tanke. Ang galing, 'di ba?!"

Tumango kami ni Ate Kyla.

"At alam rin ba ninyo na ipinatayo ito dahil para pagdausan ng mga pagtitipon, gawain, pagtatanghal na may kinalaman sa sining at kultura?" tanong ni Mommy.

"Ah, talaga po?" tanong ko. "Kaya po pala manonood tayo ng mga pelikula ng Cinemalaya."

"Pasok muna tayo sa mga gallery. May mga naka-exhibit doon," yaya ni Daddy.

"Uy, gusto ko po iyon!" bulalas ni Ate Kyla.

Napuno ng kasiyahan ang mga mata at puso namin. Pakiramdam ko, nakilala ko nang husto ang husay, galing, at yaman ng mga Pilipino pagdating sa sining.

Noong Oktubre, sa Microtel naman kami nag-stay. Dinala kami ni Daddy sa Aliw Theater sa may CCP Complex. Nanood kami ng ballet performances ng Ballet Manila na pinamumunuan ng sikat na ballerina, na si Liza Macuja-Elizalde.

Napahanga ako sa husay ng mga mananayaw. Hindi ko dati gusto ang ballet, pero nang napanood ko sila, nagbago ang pananaw ko. Hindi lang pala ito basta sayaw, ito ay sining. Kailangan nito ng talino at disiplina. Bravo!

Noong Nobyembre, nakakuha kami ng bakanteng kuwarto sa SMDC Breeze sa may Roxas Boulevard. Malapit kasi roon ang Harbor Square.

Totoo nga ang sabi ni Daddy, maganda talaga roon kapag gabi. Maraming restaurant and bar.

Siyempre, ng food bonding kainang pampamilya. Ang sasarap ng kanilang menu!

Nang mabusog kami, nag-picture-picture kami sa labas. Magaganda ang background kasi naroon ang mga yate at ang mga gusali sa siyudad ng Manila.

Nagkaroon din kami ng pagkakataong makipag-usapan sa mga banyagang bumisita rin doon.

May mga nagsu-zumba rin. Nakisayaw pa nga kami nang kaunting oras. Kaya nang mapagod kami, ice cream naman ang aming pinagdiskitahan.

Kinabukasan, bumalik kami roon. Maganda rin pala kahit umaga. Nanood pa nga kami ng mga namimingwit.

Noong Disyembre, nasa Kabayan Hotel kami. Sa Mall of Asia (MOA). Ito ay isa sa pinakamalaking mall sa Pilipinas. Kabilang rin ito sa isa sa mga pinakamalaking mall sa mundo.

Sobrang saya kong nakalibot ang loob niyon. Hindi man kayang malibot sa isang araw, napuno naman ng bagong karanasan ang buhay ko, lalo na nang sumubok kaming mag-ice skating. Nakatutuwa!

Dahil magpapasko na, kay gaganda ng mga dekorasyon sa Seaside. Naabutan namin ang parada, na animo'y nasa Disneyland kami. Pagkatapos niyon, fireworks naman ang nagpamangha sa amin. Andaming turista --lokal at banyaga. May mini-carnival doon. Sumakay nga kami sa Ferris wheel. Ang ganda pala ng tanawin kapag nasa taas ka.

Hindi ko rin makalilimutan ang mga mime artists na pinagkakaguluhan ng mga tao. Nakakatawa sila. Kaya naman, hindi namin ipinagdamot sa kanila ang biyaya. Kahit paano nakatulong kami nang kaunti

Siyempre, hindi namin pinalampas ang panonood ng sine sa IMAX.

Sulit talaga! Maagang pamasko ang dulot sa amin ng pamamasyal naming mag-anak.

Nasa Aklan na kami nang may sinabi si Daddy.

"Bakit po?" malungkot kong tanong. Hindi na raw kasi kami mamasyal sa Pasay.

Tiningnan lang ako ni Daddy. Nagtinginan din sila si Mommy.

"Wala nang budget. Ganoon lang 'yon kasimple, Neon," sabi ng ate ko sa akin.

Napangiwi ako. Gusto ko pa naman sanang balikan ang ibang mga lugar sa Pasay. "Magastos po talaga, pero may ipon po ako."

Natawa ang mga magulang ko. Humaba naman ang nguso ng kapatid ko.

"Kaya na bang makabili ng round trip ticket ang ipon mo?" natatawang tanong ni Ate Kyla.

Napaisip ako. "Magkano ba ang ticket?"

Lalong natawa ang tatlo.

"Kita mo na. Mahal nga kasi. Mag-ipon ka pa," biro ni Ate.

Nalungkot akong bigla. Hindi ko na makokompletong sakyan ang mga rides sa Star City. Gusto ko rin sanang matuto ng ice skating sa MOA.

Aalis na sana at tatalikod sa kanila nang tinawag ako ni Daddy. Pinaupo niya ako sa kaniyang hita.

"Neon, sa isang taon o sa buwan-buwan nating pamamasyal sa Pasay City, may natutuhan ka ba?" tanong ni Daddy.

"Opo. Marami po."

"Tulad ng ano?"

"Historical po ang Pasay. Magaganda ang pasyalan at hotel. Masasarap ang pagkain."

"Iyon lang?"

Napatingin ako kina Ate Kyla at Mommy. Naguguluhan ako. Kumabog ang dibdib ko.

Tumango na lang ako nang wala na akong maisip na sagot.

"Hindi na nga talaga tayo babalik doon," sabi ni Daddy.

Mali ang sagot ko, naisip ko. Yumuko na lang ako. Kusa na rin akong tumayo.

Nakalayo na ako nang magsalita uli si Daddy. "Pag-isipan mo, anak."

Hindi na ako lumingon. Tumango na lang ako.

Ilang linggo rin akong nag-isip ng tamang sagot. Marami akong natutuhan, pero sa tingin, nasabi ko nang lahat.

Sa kagustuhan kong makabalik sa Pasay, hindi ako tumigil sa pag-alala sa mga karanasan ko sa pamamasyal namin.

Naghintay akong itanong uli sa akin ni Daddy. Pero, nakalimutan na yata niya.

Isang gabi, habang naghahapunan kami, nagsalita ako.

"Maganda rin pala rito sa Aklan. Kung kasaysayan, kultura, at sining ang pag-uusapan, hindi naman papatalo ang mga Aklanon. Isa pa, mas masarap pong mamasyal kung saan libre ang sariwang hangin, berdeng kapaligiran, at malinis na katubigan. Okay lang po na hindi na tayo mamasyal uli sa Pasay."

"Great, son! Great!" sabi ni Daddy. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang paghanga sa sinabi ko. "Iyan ang sagot na nais kong marinig noon pa."

Nagulat ako.

"Dahil diyan, mag-iipon uli alo para maisama ko uli kayo sa iba pang lugar sa Pilipinas," deklara ni Daddy.

Napapahiyaw kami sa tuwa.

"Tama po kayo, Dad! Maraming-maraming magagandang lugar sa Pilipinas. Dapat nating ipagmalaki ang mga ito," sabi ko.

Simula noon, unti-unti naming dinidiskubre ang magagandang tanawin at lugar sa Pilipinas--isang beses sa isang buwan. Kay saya kasing maglakbay!

 

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...