Followers

Thursday, November 29, 2018

Tuwing Sabado

Mabait sa akin si Lib kahit isang buwan pa lang ang bahay nila sa kaharap naming lote. 


Tuwing Sabado, niyayaya niya ako sa bahay nila para makipaglaro sa kaniya. Ang dami-dami niyang laruan. May mga tao-tauhan. May mga kotse-kotsehan. May mga baril-barilan. Mayroon din siyang scooter at bisikleta. Minsan, naglalaro kami ng Playstation. Pinahihiram niya rin ako ng iPad niya. Nanunuod din kami ng mga videos sa youtube. 


Ang saya-saya ko kapag nasa bahay nila ako. Ang sasarap pa ng pagkain nila. Kaya lang, paglabas ko sa bakuran nila, nalulungkot ako. 


Titingin pa muna ako sa harap ng magarang bahay nila. Pagkatapos, papasok na ako sa lumang bahay namin. 


“Ang suwerte ni Lib. Nasa kanya na ang lahat ng bagay na wala ako,” bulong ko bago ako pumasok sa bahay.


“O, Bok, bakit hindi yata maipinta ang mukha mo? Nag-away ba kayo ni Lib?” salubong sa akin ni Mama.


Umiling ako. “Kailan po ba maipapaayos ni Papa ang bisikleta ko? Gusto kasi ni Lib na magbisikleta naman kami.”


“Naku, anak, ang sabi ng Papa mo, hindi pa siya makahanap ng manibela. Wala pa raw kasing nagbebenta ng sirang bisikleta sa junk shop na pinagtratrabahuan niya,” paliwanag ni Mama.


Tumango lang ako. Lalo akong nalungkot. 


 “Siyangapala, nakalimutan kagabi ng Papa mo na iabot sa iyo ang mga libro at magasin mula sa junk shop. Nasa kuwarto mo,” pahabol na sigaw ni Mama.


Wala sana akong balak tingnan ang mga iyon, kundi lamang nakita ko ang larawan ng bisikleta sa magasin. Binuklat ko iyon, pero lalo pa akong nalungkot. 


Tiningnan ko lang ang mga cover ng bawat libro at magasin, saka ko ipinatong sa lamesa. 


“Ang dami-dami nang babasahin dito. Si Papa naman, dala pa nang dala. Binasura na nga ng iba, siya naman inuuwi pa rito. Kalat lang tuloy.”


Nang araw na iyon, lungkot na lungkot ako. 


Mula sa bintana, tanaw na tanaw ko ang magandang bahay ng kaibigan ko. Kinaiinggitan ko talaga siya. 


“Bok, Bok, pakibuksan naman ang pinto,” tawag sa akin ni Ate Karina.


Agad ko siyang pinagbuksan. 


“Patingin naman ako ng mga libro mo. Baka kasi nandiyan ang kailangan ko,” sabi niya.


“Sige na. Dalhin mo na lahat iyan sa kuwarto mo. Ang sikip na dito, e.”


“Ano ka ba? Punong-puno na rin ng aklat ang kuwarto ko. Maliban kasi sa bigay ni Papa, nireregaluhan pa ako ng mga kaklase ko ng aklat.” 


Namimili na siya. Ako naman, tahimik lang. Hiniling ko na sana, magustuhan niyang lahat ang mga babasahing nasa kuwarto ko.


“Uy, ang gaganda nito!” Hawak ni Ate Karina ang ibang magasing kabibigay pa lamang ni Papa. “Liwayway! Ito ang pinakasikat na lingguhang magasin noon hanggang ngayon. Ayaw mo ba?”


“Sabi ko nga sa ‘yo, kunin mo nang lahat iyan, e.”


“Ang tamad mong magbasa. Samantalang ako, nag-iipon pa mula sa baon ko para mabili ko ang mga magasin at librong gusto kong basahin.”


“Ikaw iyon.”


“Hay, naku, Bok! Huwag mong katamaran ang pagbabasa. Ang ibang bata, gustong-gustong magbasa, wala lang silang mabasa. Tayo, masuwerte dahil nahihingi lang ni Papa sa junk shop ang mga babasahin natin,” litanya ni Ate Karina. 


Nakatingin lang ako sa labas.


“Ang mga ito ang kayamanan natin,” patuloy ni Ate Karina.


“Tama ang ate mo, Bok,” bungad ni Mama. “Nakita mo naman ang mga medalya niya, hindi ba? Mula Kinder hanggang ngayon lagi siyang nangunguna sa klase.”


“Hindi naman po basehan ng katalinuhan ang medalya,” may respeto kong sagot, kahit naiinis na ako.


“Oo nga, pero iba pa rin ang may karangalan,” sabi ni Mama. "Huwag mo na kaming gayahin ng Papa mo, salat sa edukasyon at kaalaman."


“Ang pinupunto ni Mama, may magandang epekto ang pagbabasa. Pahalagahan mo naman ang mga aklat,” singit ni Ate Karina. Hawak na niya ang limang magasin at dalawang libro. “Pahiram ng mga ito. Babasahin ko lang ngayong araw.”


Tumango na lang ako para lumabas na siya.


“Si Lib ba may ganito karaming aklat?” tanong ni Mama nang wala na ang ate ko.


Natigilan at napaisip akong bigla. “W-wala po yata. Halos nalibot ko ang kabahayan nila. Meron doon, sa may sala. Dalawa o tatlo lang yata iyon. Naka-dsiplay.”


“Kita mo na? Mas mapalad ka kaysa kay Lib. Sinasabi ko sa ‘yo,” sabi niya bago niya ako iniwan.


Naguluhan ako. Paano akong magiging mas mapalad kaysa sa kaibigan ko kung kahit sirang laruan ay wala ako?


Dumami pa nang dumami ang mga babasahing inuuwi ni Papa mula sa junk shop. Ang iba nga, pinipilas ko ang mga pahina. Kapag may baha, ginagawa kong bangkang papel. Kapag tag-araw naman, ginagawa kong eroplanong papel. Minsan, robot at saranggola ang nagagawa ko. 


Isang araw, dumating sa bahay namin ang anim na taong gulang na si Niknik. Anak siya ng kapitbahay namin. Aliw na aliw sa kaniya si Ate Karina kasi bukod sa maganda na mahilig pang makipagkuwentuhan.


“Halika, Niknik, suklayan kita,” sabi ng ate ko.


“Huwag na po ate. Gusto ko po basahan mo ulit ako ng kuwento,” sabi ng bata.


“A, kaya pala may bitbit kang storybook. Akin na. Patingin.” Kinuha ng ate ko ang hawak ng bata. “Ang Libro ni Mario. Wow! Parang ang ganda nito. Sige, handa ka na bang makinig?”


“Opo!”


Hindi ko ipinahalata kay Ate Karina na interesado akong makinig sa kuwento. Nagkunwari akong naglalaro ng pogs sa sahig. 


Habang binabasa ni Ate ang libro, may itinatanong siya kay Niknik. Nasasagot naman nito. Kahit ako, alam ko ang sagot. Ang ganda kasi ng kuwento.


Napapalakpak si Niknik nang matapos ang pagbabasa. “Ate, ang ganda!”


“Oo! Kaya, ikaw, ipagpatuloy mo lang ang pagiging mahilig sa libro at pagbabasa,” payo ng ate ko. “Huwag mo nang gayahin ang iba.”


“Opo, Ate Karina!”


Nahiya ako sa sinabi ng ate ko. Hindi ako nakatingin sa kaniya. Hindi ko alam kung kanino ako maiinis— sa kapatid ko, kay Niknik, o sa sarili ko.


Sabado ng umaga, nag-aabang na ako sa harap ng magarang gate ng bahay ni Lib. 


“O, Bok, kanina ka pa?” bati sa akin ni Lib.


“Medyo.”


“Halika, pasok ka na. Mag-Mobile Legends tayo.”


“Ano iyon?”


Natawa si Lib. “Basta! Halika na.” Hinila niya ako.


“Teka lang!”


Binitawan niya ako. “Bakit?’


“Sa bahay na lang tayo maglaro,” nahihiya kong yaya.


Muling natawa si Lib. “Dati, ayaw na ayaw mo akong papuntahin sa bahay ninyo. Bakit, may mga bago kang laruan? May drone ka na ba?”


“Ano ‘yon?”


“A, wala! Sige, tara na sa bahay ninyo.”


Nang nasa bahay na kami, parang tinatambol ang dibdib ko. Hindi ko alam kong ikatutuwa ba ni Lib ang gagawin namin.


Pinaupo ko siya sa luma at sira-sira naming sofa. “Pasensiya ka na sa bahay namin. Sandali lang.”


“Okay lang.”


Kumatok ako sa kuwarto ni Ate Karina. Pinapasok niya ako. Hindi nagtagal, kasunod ko na siya. 


Binati niya si Lib. “Kumusta? Mabuti naman at naisama ka rito ni Bok.”


Ngumiti lang si Lib. Nginitian din kami ni Ate Karina.


Napalunok ako habang binubuklat niya ang aklat. “Ang Libro ni Mario. Handa na ba kayong makinig?”


Napatingin sa akin si Lib. 


“Opo, Ate. Opo, handa na kami. Hindi ba, Lib?” natataranta kong sabi.


Napilitang tumango ni Lib.


Habang binabasa ni Ate Karina ang libro, pasulyap-sulyap ako kay Lib. Hiniling ko na sana ay magustuhan niya. Gusto kong maging mahiligin na rin siya sa libro. 


“Simula noon, lagi nang nagbabasa si Mario ng libro,” ang pagtatapos ng ate ko sa kaniyang binabasa.


Wala sa loob na napapalakpak si Lib. “Ang ganda! Ang ganda!”


“Salamat, Ate Karina!” maluha-luha kong pasalamat sa kaniya, nang lumapit ako.


Ginulo niya ang buhok ko. “Sabi ko sa ‘yo, e. So, paano? Dito na kayo lagi tuwing Sabado, ha? Maraming libro sa kuwarto."


Nang mga sumunod na Sabado, tatlo na kaming binabasahan ni Ate Karina ng kuwento. Minsan nga, nakikinig din si Mama. 


Nagkaroon na rin si Lib ng munting library sa kaniyang kuwarto. Minsan, doon sila nagbabasa ni Bok.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...