Followers

Sunday, July 21, 2019

Wampipti

"Para kang tanga, John! Sumakay ka na kasi," singhal ni Gilbert. Kanina pa niya ito sinusundan habang nakasakay siya sa motorsiklo at mabilis namang lumalakad-takbo ang kaibigan. "Ano ba'ng problema mo?"

Tumigil si John at hinarap si Gilbert. "King ina! Lubayan mo na ako! Sinabi ko bang buntutan mo ako?" Mas malakas ang boses niya.

Luminga-linga si Gilbert. Sinigurado niyang walang nakaririnig at nakakakita sa kanila. "Mag-usap tayo, pero huwag dito. Hindi ako sanay nang dinidedma at iniiwasan mo. Tara, sakay na. Gusto mo, buhatin pa kita?"

Pinilit itinago ni John ang kilig at ngiti. Isang taon na rin niyang ikinukubli ang kanyang nararamdaman para sa matalik na kaibigan. Sa mga oras na iyon. Desidido na siyang tuluyang lumayo at umiwas upang hindi iyon mabunyag at hindi masira ang kanilang pagkakaibigan.

Bumaba si Gilbert at mabilis niyang nahila ang kamay ni John. "Halika na. Uulan na, o!" Kinabig niya ang kaibigan, ngunit isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi, kaya nabitawan niya ito at tuluyang nakalayo. Tinanaw niya na lamang ito hanggang sa makasakay sa dyip.

Umuwi na lamang siya dahil hindi niya maaaring sundan ang kaibigan. Minsan na silang napagkamalang mag-jowa, kaya hindi na siya nakakapunta sa bahay nina John. Nagagalit ang nanay nito. Nakuntento na lamang siya sa pag-send ng mensahe sa Messenger nito.

"Sabihin mo sa akin kung ano ang kasalanan ko. Sorry na kung may nagawa ako," sabi niya sa chat.

Matagal siyang naghintay ng reply. Wala. Nag-send uli siya ng message.

"Ano ba'ng gusto mong gawin ko?"

"Mag-reply ka naman please..."

Maghahatinggabi na nang nag-reply si John sa chat ni Gilbert. "Matagal na kitang gustong tsupain. Oo, bakla ako at gusto kita noon pa... Layuan mo na ako, baka masira ang image mo."

Nagta-type si Gilbert ng sagot niya. Aniya, "Hala siya! Bakit ganyan ka. Umayos ka nga!"

Muli siyang naghintay ng reply ni John habang inaalala niya ang mga pangyayari sa school kanina. Wala siyang matandaang ginawa niya upang ikagalit nito. Naisip niya

Pagkatapos, nalaman niyang blocked na siya ni John. Hindi na niya ma-send ang kanyang mensahe.

Nang gabing iyon, nagpabaling-baling siya sa higaan. Bumalik sa kanyang alaala ang masasayang sandali, na kasama niya si John. Napangiti siya.

"Puta! Hindi ka mo siyang puwedeng ligawan. Hindi ka niya gusto," sabi ni John nang minsang nagtapat siya na gusto niya si Famela, ang pinakamagandang babae sa klase nila.

"Unfair ka naman. Ikaw nga, nagpapatulong kay Crissa," nagtatampong sagot niya.

"Ako 'yon. Ikaw, hindi ka puwedeng magka-girlfriend."

"Hindi? Bakit?"

Nagtinginan muna sila.

"Ako ang gumagawa ng mga assignments at projects mo, ̀di ba?"

"Oo."

"O, ̀di... sumunod ka. Atat ka masyadong magkasyota, e. Aral muna."

Napangiti na lang si Gilbert at tahimik niyang pinagmasdan ang kaibigan habang tumutugtog ito ng violin. Kahit paano ay napuno ang kaligayahan ang puso niya nang marinig niya ang paborito niyang piyesa. Para siyang hinaharana at idinuduyan ng magandang musikang nagagawa ni John sa pamamagitan lamang ng pagkaskas ng instrumento. Lalo siyang humanga sa kaibigan.

Nang matapos ni John ang pagtugtog, hinarap niya si Gilbert. "Puwede ko na bang haranahin si Crissa?"

Nagitla si Gilbert sa tanong na iyon. "Ha? A, e... Hindi pa. More practice pa... Ulitin mo." Sumandal siya puno ng mangga at tiningnan si John.

Napangiti si Gilbert sa alaalang iyon. Isa iyon sa mga moments na laging binabalikan dahil iyon ang nakapagpapasaya sa kanya tuwing nag-aaway sila ni John.

Kinabukasan, sa school, inabangan ni Gilbert si John sa may hagdanan.

"John, usap tayo." Sinalubong ni Gilbert ang kaibigan nang hindi niya ito hinahawakan.

Umiwas lang si John at mabilis na naglakad patungo sa kanilang classroom.

Malayo pa ang kanilang silid-aralan, kaya nagmadali si Gilbert upang makausap niya si John kahit naglalakad sila o kahit bumubuntot siya.

"Sorry na, John! Hindi ko mean iyon." Sa sandaling iyon, wala pa rin siyang ideya kung ano talaga ang kasalanan niya rito. Gusto lang niyang matapos na ang pagtatampo nito sa kanya. Madali lang namang mag-sorry, naisip niya.

Hindi nagsalita si John. Hindi rin siya mahablot ni Gilbert dahil may mga estudyante sa pasilyo.

Nang makakita si John ng mga kakilalang babae, huminto siya at nakipagkuwentuhan.

Wala namang nagawa si Gilbert kundi ang dumiretso sa classroom. Limang minuto rin siyang naghintay sa kanyang upuan nang pumasok si John, pero hindi tumabi sa kanya si John, gaya ng dati. Naiinis na siya. Buong taong ng pagkakaibigan nila ay inunawa at pinakisamahan niya ito nang mabuti. Lahat ng maitutulong niya ay ginawa na niya.

Hindi na niya napigilan ang sarili. Nilapitan niya si John. "Halika ka na kasi." Hinila niya ang kamay nito.

Nakaagaw iyon ng atensiyon ng mga kaklase nila.

"Oooy! May LQ," tudyo ng isa nilang kaklaseng lalaki.

Dahil pareho silang napahiya, naramdaman nilang magkatabi na sila sa dati nilang upuan.

"Bakit ba kasi? Sabi ko sa ̀yo, bakla ako, e," bulong ni John.

Sinawata niya ang kaibigan. "Tama na. Tanggap kita." Mabilis niyang pinisil ang kamay ni John. Walang nakakita niyong iba, kundi sila lamang. Alam din niyang naramdaman ng kaibigan ang sinseridad niyon, kaya tumahimik na ito.

Dahil bati na sila, kinulit ni Gilbert si John. Then, nagpalitan sila ng cellphone. Gaya ng dati, malaya silang buksan ang files, ang facebook, at Messenger ng isa't isa.

Ibinalik agad ni Gilbert ang cellphone ni John nang may nagpalungkot sa kanya. Nakita niyang may bago itong FB friend.

"O, bakit?" nagtatakang tanong ni John.

"Wala... Baka dumating na si Ma'am Castro."

"Hindi ̀yan."

"O, sige... akin na uli." Ngumisi si Gilbert nang nasa kamay na niya uli ang cellphone.

Dahil busy si John sa pag-scroll sa cellphone, nagawa ni Gilbert na mag-send ng mensahe sa madalas ka-chat ng kanyang kaibigan. Aniya, "Hoy! Tigilan mo ang bestfriend ko. Huwag mo kaming paghiwalayin. Matagal na kaming magkaibigan. Huwag mo siyang agawin sa akin." Nang maipadala niya iyon, agad din niyang binura para hindi na mabasa pa ni John.

Lumipas ang mga araw, naging masaya uli ang magkaibigan. Hindi na rin umiiwas si Gilbert na masagi-sagi ni John ang harap niya. Minsan pa nga, nagpatay malisya na lamang siya nang mahawakan nito ang ari niya dahil sa pag-aagawan nila ng libro. Gusto rin naman kasi niyang iparamdam sa kaibigan na tanggap niya ang pagkatao nito.

Isang araw, nagpalitan uli sila ng cellphone.

Sinamantala ni Gilbert na i-stalk ang bagong Fb friend ni John.

"Bert, palit muna tayo ng cellphone. Magbabanyo lang ako," paalam ni John.

"Ah, sige, sige." Tuwang-tuwa pa rin siya dahil mas matitingnan niya ang timeline ni Jordan.

Nang makalabas si John, hinanap niya sa FB si Jordan Orlando. Nang mahanap niya, tinawag niya ang dalawang kaklaseng lalaki. "Ano sa tingin n'yo? Straight o bakla?" tanong niya sa dalawa.

"Satright," sabi ng isa.

"Mukha siyang bakla," sabi naman ng isa.

"Oo nga. Pareho tayo ng tingin. Baklain siya. Wampipti!" sagot ni Gilbert.

Nagtawanan ang tatlo at inulit-ulit pa nila ang 'Wampipti.'

Parang natuka ng ahas sina Gilbert nang mapalingon sila kay John, na nakatiim-bagang sa galit.

Naagaw ni John sa kanya ang cellphone. "King ina! Ayaw kong pinagtatawanan ninyo ang FB friend ko. Mabuti siyang tao at hindi niya kayo inaano. Mga gago kayo!"

Nang inihagis ni John ang cellphone sa dibdib ni Gilbert ang cellphone, alam niyang blinock nito si Jordan sa account niya. Hindi na siya kumibo. Hindi na rin niya tinangka pang i-unblock.

Dahil sa ginawa niya, tuluyan na ngang umiwas sa kanya si John. Hindi na niya ito nakakatabi sa upuan. Hindi na sila sabay mag-recess. Hindi na sila nagsasabay pumasok at umuwi. Hindi na rin sila makapag-chat.

Nawalan na ng pag-asa si Gilbert. Gusto na niyang tumigil sa pag-aaral. Para sa kanya, balewala ang pagpasok niya kung hindi rin lang sila magkakaayos ni John. Ginawa na niyang lahat ng paghingi ng tawad, pero ni isa ay walang naging epektibo.

Lunes, hindi pumasok si Gilbert. Gaya ng dati, kapag nag-aaway sila, iinom siya sa suki niyang tindahan sa may daranaan ni John. Iyon ang madalas na nagiging dahilan ng pagkakabati nila. Ayaw na ayaw nitong umiinom siya, kaya no choice ito kundi ang yayain na siyang umuwi. Subalit sa mga oras na iyon, hindi na niya inaasahan pang gagawin uli iyon sa kanya. Sobra niyang nabastos ang kaibigan.

Nakatatlong bote ng beer si Gilbert nang dumaan si John. Nagkatinginan sila at mabilis din namang nagbaba ng tingin.

Kahit lumampas na si John sa tindahan, hindi pa rin nagtaas ng tingin si Gilbert. Alam niyang hindi na nga siya nito mapapatawad.

"Isa pa nga pong beer, Ate," order ni Gilbert sa tindera. Lasing na siya, pero alam niyang kaya pa niya.

Wala pang limang minute, ubos na niya ang pang-apat na bote ng serbesa. Nahihilo na siya, pero kaya pa niyang maglakad patungo sa bahay ni John.

Limang buwan na rin ang nakalipas nang huli siyang pumunta kina John dahil natatakot siya sa ina nito.

"Bad influence daw ka sa anak ko. Layuan mo siya. Mataas ang pangarap ko para sa kanya," naalalang niyang sabi ng ina ni John.

Sa mga sandaling iyon, malakas na ang loob niyang muling humarap sa ina ni John.

"John?! John!?" tawag niya nang nasa tapat na siya ng bahay ng kaibigan. "Tao po?" Nakita niyang pumasok ang ina ni John, pero hindi siya natinag. "Nandiyan po ba si John?"

Matagal na naghintay si Gilbert sa paglabas ng kahit sino, pero wala. Kung hindi lang siya nakararamdam ng pagkasuka at pagkahilo, hindi pa sana siya aalis.

Nakalayo na siya sa bahay ni John nang tuluyan na siyang sumuka. Halos mailabas niyang lahat ang huli niyang kinain at ang alak sa kanyang katawan.

"Ano ba kasi ang ginagawa mo sa sarili mo?"

Tila lumakas ang katawan ni Gilbert nang marinig niya ang boses ni John at maramdaman niya ang paghaplos ng kamay nito sa kanyang likod.

"Ihahatid na kita sa inyo."

"H-huwag na... Hin...di naman na ako mahalaga sa ̀yo," ani Gilbert.

"Tumahimik ka nga!" singhal ni John. Itinayo na niya ang kaibigan at inilagay ang braso sa kanyang balikat. "Tara na. Lakad na..."

Parang nalunod sa kaligayahan si Gilbert sa sandaling iyon. Gusto na lamang niyang matumba para buhatin na lamang siya ng kaibigang matagal na rin niyang itinatangi.

"Umayos ka! Maglakad ka ng maayos. Ang bigat mo kaya," pagalit pa ni John sa kanya.

Lalo naman siyang natuwa. Ninamnam niya rin ang pagdikit ng braso niya sa leeg ni John, gayundin ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay at baywang. Nahiling niya na sana malayo pa ang bahay niya para mas matagal silang magkadikit.

Mas binagalan niya ang paglalakad. Mas bumibilis naman ang tibok ng puso niya.

Sa lugar kung saan walang kabahayan, tumigil si Gilbert sa paglakad.

"Ano? Kaya mo pa ba?" nag-aalalang tanong ni John.

Niyakap niya ito. "Hindi ko na kaya, John... Sorry... Hindi ko na kaya."

"Bert?" Naramdaman nitong yumugyog ang balikat ng kaibigan. "Okay ka lang ba?"

"John, handa akong magbayad sa ̀yo ng wampipti, mapasaakin ka lang."

Itinulak siya ni John. "King ina! Hanggang ngayon ba iinsultuhin mo pa rin ako?!"

"Wait... wait... Makinig ka... Oo, John, handa akong magbayad para matikman kita. Akala ko noong una, kaya kong itago at pigilan ang sarili ko... hindi pala."

"Bert, ano'ng ibig mong sabihin?"

"Nagseselos ako kay Jordan... Sana ako na lang siya... John, mas matagal mo akong naging kaibigan... Ako na lang... Ako na lang, John." Napaupo siya sa lupa at sumubsob sa pagitang ng kanyang mga hita, saka siya umiyak. "John, John naman... Huwag mo naman akong iiwan. Higit pa sa wampipti ang kaya kong ibigay sa ̀yo." Hindi niya nakita ang matamis na ngiti ni John, bago niya naramdamang itinayo uli siya nito.

"Halika ka na, Bert. Ihahatid na kita... Bukas, kapag matino na ang isip mo, mag-usap tayo. Tandaan mo, hindi ko kailangan ang wampipti mo..."

"Sorry... Sorry... Tayo na ba?" seryosong tanong ni Gilbert.

Tinawanan siya ni John. "Gago, ligawan mo muna ako."

"Iyon lang pala, e... Kayang-kaya! Kinaya ko nang itago sa ̀yo nang napakatagal, ngayon ko pa ba hindi magagawa iyon?" Nawala ang pagkalasing ni Gilbert nang pumayag si John na halikan niya ang tainga nito. "Mahal kita kaya hindi ka halagang wampipti."


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...