Followers
Tuesday, July 2, 2019
Ang Aking Journal -- Hulyo, 2019
Hulyo 1, 2019
Maaga pa sa alas-dos nang bumangon ako para magbanyo. Nag-diarrhea ako. Nagkulang tuloy ako sa tulog. Kaya naman, nakaidlip ako sa table sa labas ng classroom ko, nang vacant period ko. Uwian na nang magising ako.Gayunpaman, hindi apektado ang pagtuturo ko. Na-enjoy pa rin ng mga bata ang lesson at ang storyboards ko.Past 2, nag-treat si Ma'am Mj sa KFC dahil nanalo siya sa GES coop lottery ng P1000 noong Huwebes. Isang masaya at mahabang bonding ang naganap. Walang humpay na tawanan ay kainan ang nangyari. Past 5 na kami naghiwa-hiwalay. Kaya naman, late akong nakarating sa Anytime Fitness.Doon, nag-avail ako ng 12 personal training sessions, worth P10,200. Nakiusap ako na 50% muna ang ibayad ko. Pumayag naman. Nagbigay ako ng P5000. Magtitipid na lang ako sa ibang bagay. Past 6 na ako pinakawalan ni Coach Renz. Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Pagod ako, pero masaya, lalo na't masaya rin si Emily dahil marami siyang naibentang halaman.
Hulyo 2, 2019
Malakas ang ulan nang bumangon ako, kaya naghintay ako ng suspension. Wala! Nakarating na ako sa school, wala pa rin. Kakaunti tuloy ang mga estudyanteng pumasok.
Hindi rin kompleto ang mga grade six advisers. Ang nangyari, walang pormal ang palitan. Sa isang section lang ako nakalipat. Paano kasi, may katekistang pumasok sa mga classrooms. Hindi bale.
After class, nag-stay ako sa room para gawin ang mga reports na hinihingi. Three pm na ako nakalabas sa school. Since, hindi naman ako magwo-work out, umuwi ako nang maaga. Umalis kasi ang mag-ina ko.
Nakapaghanda muna ako ng mga materials ko para bukas, bago ako nag-gardening. Excited akong malamang kumikita si Emily sa pagbebenta ng mga halaman araw-araw.
Gabi, nang dumating sila, nagka-bonding kami sa halaman. Pareho kaming excited na maging matagumpay kami sa plant business na ito. Hobby na napagkakakitaan!
Hulyo 3, 2019
Inspired akong magturo kanina. Ikinuwento ko ang entry ko sa 'Librong Itim,' na 'Langit, Lupa, Impyerno.' Natakot ko ang VI-Love. Nagustuhan nila. Kahit paano ay nagkaroon ako ng tiwala sa sarili na mapipili iyon at magiging bahagi ng anthology.
Ang i-email lang ako ng Black Ink at sabihing i-revise ko iyon ay isa nang tanda na may chance ako. Sana lang magustuhan nila ang revised version ko.
After class, nag-bonding kaming grade six advisers. Matagal din iyon. nakapagplano kami tungkol sa opening ng Buwan ng Nutrisyon
Quarter to 3, nasa AF na ako. Pinapirma ako ni Coach Renz ng agreement namin sa PT sessions. Nagsimula na rin ang unang session. Willing siyang mapalaki niya ang katawan ko. Kakakuwentuhan ko na rin siya. Nagpapalitan kami ng mga impormasyon at detalye ng aming buhay.
Five na ako nakauwi. Ginawa ko, pagkatapos magmeryenda ang workplan ni Sir Vic sa School Drug Education Program. Then, nakapaghanda pa ako ng activity sheets para bukas. Nai-email ko na rin ang revised version ng entry ko sa 'Librong Itim.'
Hulyo 4, 2019
May inihanda akong activity sheets para sana magkaroon ng group work ang bawat section, kaya lang hindi nagpalitan. ako nga lang ang lumipat sa isang section. Nainis pa nga ako dahil ang hihina ng boses kapag magpre-present na.
Nagpagawa sila ng nutrition mask para sa parada bukas. Ako naman, nagpabasa ako. Phil-IRI iyon saEnglish. Pinasulat ko naman ng kuwento ang klase ko habang ginagawa iyon.
Nang matapos, nag-record naman ako at gumawa ng iba pang kailangang i-type, like oath of office, action research proposal, etc.
After class, nag-stay ako sa classroom. Naghanda ako ng tarpapel para sa parada bukas. Then, umidlip ako. Kahit paano, nagka-power ako. Mahina lang ang net kaya hindi ko naituloy ang proposal.
Almost 4 na kong nakalabas sa school. Before six nasa bahay na ako. Nakapagtanim pa ako ng ilang halaman, bago ako nagkape. Nakabenta pa ako ng halaman, worth P50. Nakakatuwa!
Hulyo 5, 2019
Masaya kaming nagparada. Makukulit man ang mga estudyante ko, na-enjoy ko naman ang opening ng Buwan ng Nutrisyon. Disiplinado naman sila habang nanunuod ng maiksing programa, lalo na't pinaupo ako sa entablado, kasama ang mga MTs, GPTA officers, at principal.
Isiningit nila ang oath-taking naming faculty club officers, pero napaghandaan namin ang pagsuot ng pulang damit. Ang gandang tingnan! Isa na namang statement iyon.
Kaya lang, na-disappoint kaming lahat nang hindi man lang kami kinamayan ng principal. Very dry ang accepatance sa amin. Idagdag pa ang pagbasa niya ng oath of office. Parang ayaw niya kaming humingi. Para siyang nagbasa ng pangungusap. May lakad yata siya. Gayunpaman, masaya ako dahil official na kaming officers.
Nainis naman ako sa chat ni Emily. Ayaw niyang matuloy kami sa Tagaytay. Ayaw rin daw ni Zillion kasi hindi raw pambata ang pagkain doon. Hindi ko siya maintindihan. Kapag hindi siya isinasama, nagseselos at nagagalit siya. Kapag isinasama na, ayaw naman niya at namimili pa. Hindi naman siya ang gagastos. Kaya pag-uwi ko, hindi ko siya pinansin. Hindi niya rin ako kinausap. Okay lang. Wala naman ako sa mood, e. Masakit ang mga binti ko dahil sa workout.
Bago ako natulog, nag-decide akong huwag na lang silang handaan o hindi ko na lang sila i-treat sa birthday nila. Tutal, wala namang halaga ang mga efforts ko. Kahit anong gawin at ibigay ko, kulang pa rin. Maghahangad pa rin sila ng gusto nila. Hindi nila tinitingnan ang kakayahan kong magbigay at hindi nila pinasasalamatan ang kung ano ang meron ako.
Nalaman ko pa kay Gina, china-chat siya at pinaratangang maninira ng pamilya. Susme! Nagseselos nang wala sa lugar. Ni sa hinagap, hindi ako nag-isip na syotain siya. Purely friendship lang talaga kami.
Naisip ko tuloy na sana, palarin na si Gina at matulungan niya akong makapag-start ng negosyo o kaya maisama niya ako sa kanyang negosyo para matigil na sa kakaselos ang asawa kong may makitid na pag-iisip.
Hulyo 6, 2019
Past 8 na ako bumangon at nag-almusal. Bahagi iyon ng mananahimik ko. Naawa lang ako kay Zillion dahil naramdaman na naman niya ng away naming mag-asawa.
Ginugol ko naman sa garden ang dalawang oras pagkatapos mag-almusal. Andami kong nagawa. Nawala ang lumbay at stress ko. Hindi ko na inisip ang pag-rereview para sa compre sa Lunes. Bahala na ng stock knowledge.
Then, nagsulat ako ng kuwento na ni-request ni Ma'am Teresa Padolina. Isasali raw niya sa contest ng DepEd.
Naisulat ko ang 'Ang Alphabet Garden ng Pamilyang Flores.' Sinend ko kaagad iyon sa kanya. Hindi man ako siguradong magugustuhan niya iyon, pero at least pinagbigyan ko siya. At sabi ko pa, gagawa ako ng isa pa kapag ayaw niya iyon. Hinihintay ko lang ang result.
Pagkatapos umidlip, binasa ko ang mga akd ng mga estudyante. May mga napili ako, kaya nang gumabi, in-encode ko ang mga iyon. Ginawa kong zine. Almost done na ang ikalawang zine ng Grade Six.
Natapos ko na rin ang letter para sa mga parents upang maisagawa ko na ang action research kong 'FORTY (Functions of Reading to the Youth) Reading Program.'
Habang ginagawa ko iyon, nasa grocery ang mag-ina ko. Birthday ngayon ni Zillion. Humingi siya ng pambili ng cake. Wala naman kaming handa, maliban sa binili kong pansit at ginataang bilo-bilo sa online. Okay lang naman iyon. Kailangan ko kasing magtipid para sa workout ko.
Past 11:30 na ako natulog. Nanuod kasi ako ng PBB.
Hulyo 7, 2019
Tahimik pa rin ako maghapon. Mabuti na lang may outlet ako. Nag-gardening sa umaga. Then, after lunch, maghapon akong nasa kama. Kahit paano ay nakatulog ako.
Hindi ako nag-review para sa comprehensive examination para bukas. Nakakatamad kasi.
Gabi, nagpakapuyat ako sa panunuod ng #KMJS at PBB.
Hulyo 8, 2019
Muntik pa akong ma-late sa compre exam. Traffic kasi sa Bucal at sa Coastal. Mabuti na lang umabot pa ako. Nakapag-almusal pa nga ako.
Pinaspasan ko ang pagsagot sa mga tanong. Nalula lang ako sa dami ng sasagutan. Hindi ko kinaya ang iba, lalo na sa Stats at Psychosocial Foundation, kaya nag-chat ako kina Papang at kay Ma'am Madz. Natulungan nila ako.
Past 2, nakapag-submit na ako. Nagulat sa akin ang nga kasabayan ko. Hanggang 5 pa kami, pero ayaw ko nang paabutin doon. Nakakasawa! Drained na ang utak ko. Pero, sana makapasa ako.
Nag-workout muna ako sa AF. Mahigit isang oras lang. Pagod na pagod ako lalo na nang sa abs na.
Past 5 nang nakauwi ako. Ako pa ang nakapagdilig ng mga halaman. Nakapag-print din ako ng zines, ang 'Kuwento Ko, Kuwento Mo, Kuwento Natin 'To,' bago ako nahiga.
Hulyo 9, 2019
Nagpagalit ako sa advisory class ko dahil sa pagiging iresponsable nila. Hindi nila naibalik sa akin ang permit sa bakuna at pagpupurga. Kaya naman, nabawasan pa ang oras para sa leksyon. Ang sumatotal, nagpasulat na lang agad ako. Wala nang springboard. Na-miss na naman nila ang kuwento. Gayunpaman, naibigay ko na sa kanila ang permit para sa FORTY Reading Program, gayundin ang books. Umaasa akong maging matagumpay ang research ko at makatulong nang malaki sa kanila upang mapahalagahan nila ang pagbabasa.
Sold out naman ang zines na prinint ko kagabi. Halos kulang pa nga. Marami na ngang interesadong magsulat at magkaroon ng sariling akda. Nahihilig na rin sila sa pagbabasa at pakikinig sa kuwento.
Before dismissal ng klase, na-HB ako dahil sa pagdating ng mga baisita. Hindi ako nainis sa mga bisita, kundi sa pangangarag nila. Ang hindi normal na gawain ay ipinagawa nila sa mga guro at estudyante, kaya pati ang paghugas ng mga cups at tumblers, bawal na. Muntik na akong mang-away ng tao. Wala kasi sa hulog ang lohika.
Umuwi tuloy ako nang maaga. Nakaidlip ako kahit paano at naihanda ko ang mga kailangan ko para bukas. Nagawa ko rin ang matrix ng Campus Journalism Workshop namin nina Sir Joel at Ma'am Madz. Nakausap ko ang principal kanina tungkol dito. Pumayag naman siya.
Hulyo 10, 2019
Medyo okay-okay na kami ni Emily. Gusto ko na siyang patawarin at batiin sa birthday niya, pero hindi ko naman nagawa kasi maaga akong pumasok. Pagbalik ko naman, wala sila ni Ion. Naghatid pala sila ng spahetti sa kapitbahay.
Nabati ko siya, alas-otso na. Pagod na rin ako, kaya wala na kaming time para magkuwentuhan.
Hulyo 11, 2019
Naging maayos ang lahat ng klase ko. Napasulat ko uli sila. Inulit ko ang lesson kahapon, since hindi ko iyon naituro sa dalawang sections. Sa Faith, nagkuwento lang ako. Iyon kasi ang mas gusto nila. Ang saya-saya ko kapag masaya sila at kapag nagugustuhan nila ang mga istorya ko.
After class, napalitan ng lungkot at galit ang kasiyahan ko. Sinira ni Emily ang mood ko. Kaya, nagkasagutan naman kami sa chat. Lumabas na naman ang kademonyuhan ko.
Paano ba naman kasi, binati ko nang personal, nagde-demand pa ng bati sa FB. Ayaw ko pa namang ng ganoon. Napaplastikan ako. Magkasama naman kami, magpo-post ako sa timeline niya. Napakaplastik.
Ang isa pang kinaiinis ko, akala niya, lagi akong online. Maano man lang maghintay siyang batiin. Kakapasok nga lang ng mga messages. Tapos, gutom na gutom na ako. Kumuha lang ako ng plato. Ninhindi niya nga inintindi kung lumamon na ba ako o hindi pa.
Haist! Gusto niyang sweet ako sa kanya, pero siya hindi rin naman sweet.
Hayun, nakatikim na naman siya sa akin ng masasakit na salita. Blinock ko pa siya sa Messenger. Ayaw pang tumigil, e. Akala niya, aping-api siya.
Nag-stay ako sa classroom till past five. Ginawa ko ang FORTY. Kailangan kong matapos iyon para matulungan ko naman ang mga kasama ko. Gusto kong sabay-sbay kaming magpapasa ng action research proposal.
Past nine akong nakauwi, nagsulat pa kasi ako sa PITX.
Hulyo 12, 2019
Dahil shortened ang klase, nakapagturo ako ng ESP sa Love. Request nila iyon. Napag-group work ko sila at napa-individual work. At bago ko pinauwi, binasa ko sa kanila ang dalawang love story. Kinilig sila. Nag-request din sila ng horror story.
Eleven, ginanap ang GPTA Election of Officers. Pinag-talk pa ako sa mga nanalo. Pinaunlakan ko naman. Kahit isang minuto, nagsalita ako.
Afterwards, nag-meeting naman kaming coop board members. Matagal iyon natapos.
Then, hinintay ko si Papang sa guidance' office. Nakipagkuwentuhan na rin ako sa dalawa pang MT. Andami kong nalaman mula sa kanila.
Past 5, nasa Anytime Fitness na ako. More than an hour akong nag-workout. Patuloy ang pang-eengganyo sa akin ni Coach Renz, na ituloy ko ang PT sessions ko para tuloy-tuloy ng progress ng katawan ko. Ang kaso, hindi ko naman kaya financially.
Bumiyahe ako, hindi pauwi, kundi para magpalipas ng sama ng loob kay Emily. Hindi niya alam kung saan ako. Blocked na siya sa FB ko, kaya hindi na niya ako mati-text. Hindi talaga ako nag-text.
Hulyo 13, 2019
Isang makamundong bagay ang nagawa ko, pero hindi ako nagsisisi. Masaya ako dahil naranasan ko ang mga iyon. May mga maidadagdag ako sa mga kuwento ko.
Past 8, nakauwi n ako. Nagsipilyo lang ako, saka ako natulog.
Inabala ni Emily ang tulog ko nang nanghiram siya ng charger at nang magtanong, pero hindi ko iyon ininda pagkatapos. Natulog ako hanggang past 1. Alas-dos na ako bumangon at kumain.
Six, nag-gardening ako. Pagkatapos, nagbasa ako ng mga akda ng mga estudyante. Then, sinimulan ko ang pag-encode ng mga napili ko. Hindi ko natapos dahil maaga akong nakaramdam ng antok.
Hulyo 14, 2019
Tahimik pa rin ako maghapon kahit binibiro ako ni Emily. Para maiwasan ko siya. Nag-gardening ako nang matagal. Nakapaghanda at nakapagpaso rin ako ng mga halamang ibebenta.
Pagkatapos, nagbasa ako ng mga akda ng mga bata. Pinili ko ang mga maaaring gawing zine. Hapon, sinimulan ko ang pag-encode at pag-layout ng zine, na pinamagatan kong "Kahon ATBP." Bago ako matulog, nakapag-print ako ng 12 copies, kasama ang sample.
May good news pala akong natanggap mula kay Ma'am Edith. Siya kasi ang may contact sa CUP, kaya naibalita niya sa akin na pasado ako sa compre. Nakatutuwa! Makakapag-thesis na ako.
Hulyo 15, 2019
Dahil kulang ako sa tulog, wala ako sa mood magturo. Gayunpaman, sinikap kong humarap sa mga klase ko nang masaya. Marubdob ang hangarin kong magserbisyo. Nagawa ko naman sa apat na section. Sa Peace lang ako nainis dahil nakipagsabayan ng daldalan ang ilang estudyante. Nakapagmura na naman tuloy ako. Hindi ko sila tinuruan. Nakipagtitigan lang ako s kanila. Sinermunan ko pa.
After class, nagpa-enroll kami ni Sir Joel sa masteral. Nagawa namin matapos ng maraming proseso at mahabang pagpila. Enrolled na ako sa thesis writing!
Masayang malungkot ako dahil malapit na ako sa katotohanan, pero nakikinita-kita ko na ang gastos. Kanina lang, nagbayad (down payment) ako ng P1000 sa tuition. Pero, kakayanin.
Past 4, nasa gym na ako. Wala man ako sa mood, ginawa ko ang lahat para sa development ng katawan ko. Sabi ni Coach Renz, nag-improve na raw ako at lumakas. Kaya ko na ngang buhatin ang dumbells na 12.5 lbs, kabilaan.
Pag-uwi ko, printing of zines, IMs, at tarpapel agad ang ginawa ko.
May journalism workshop kami bukas. Goodluck to us!
Hulyo 16, 2019
Nagalit ako sa Monday cleaners bago ako nagsimulang magturo. Dugyot kasi ang linis nila. Nakatiwangwang ang mga gamit, lalo na ang mga mangkok at baso.
Gayunpaman, na-enjoy ko ang lesson namin. Natutuwa ako sa husay nila sa pagbibigay ng solusyon sa naobserbahang suliranin. Sana alam din nilang isagawa.
After class, miniting kami ng MT namin. Then, nag-start na ang unang araw ng Campus Journalism Workshop for Young Writers. Ako ang unang resource person. Column Writing ang itinuro ko. Kahit kanina ko lang iyon, pinag-aralan nang mabuti, although last year pang nagsimula ang trainorship ko, nagawa ko namang mapatuto ang mga participants. Napasulat ko naman sila.
Past 6:30 na ako nakauwi. Agad akong gumawa ng workshop proposal dahil hiningian ako ng principal kanina nang magpapapirma ako ng matrix.
Hulyo 17, 2019
Dahil suspended ng klase, nakatulog ako nang mahaba-mahaba. Past 8 na ako bumangon. Nag-gardening ako pagkatapos kung mag-almusal. Kahit umaambon, nagawa kong magtanim. Ipinasok ko rin ang ibang mga halaman, lalo na ang mga cactus and succulents. Naglagay din ako nito sa kuwarto ko. Naglinis na rin ako bago humarap sa computer. Nagawa kong i-post sa KAMAGFIL ang mga akda ng mga pupils ko.
Hapon, umidlip ako. Nakapagsulat din ako kahit paano. Hindi ko nga lang matapos-tapos ng isang chapter.
Gabi, nakapag-email sa #Katha2019. Dalawang tula ang entries ko-- ang "Sa Aking Pagtanda" at "Pundidong Mata." Sa Booklat naman, nai-send ko ang 'Elvira Negra.'
Before dinner, nai-prepare ko na ang mga IMs ko para bukas. Sana may pasok na.
Hulyo 18, 2019
Nakipagpalitan lang ako ng klase sa isang section. Kakaunti kasi ang pumasok, kaya hindi na naman pormal ang klase. Nagturo na lang ako nang nagturo sa Love. Pinag-sabayang pagbigkas ko sila at pinagsulat ng mga talata.
Hindi rin natuloy ang workshop kasi nasa 'Science for the People' ang ibang participants. Nagkuwentuhan na lang kami nina Ma'am Vi at Sir Joel. Nang dumating si Papang, umuwi na kami. At siyempre, nag-workout muna ako sa AF kahit antok na antok ako.
Naalarma ako sa bayarin ko (P5200 balance) nang ni-remind ko ni Coach Renz. Hayst!
Bukas, birthday ko. Gastos na naman. Dalawang group ang pakakainin ko-- Six ang #10000. Sana may sahod na bukas.
Hulyo 19, 2019
Nasorpresa ako sa greeting card at regalo na inihanda ng aking mag-ina para sa akin. Paggising ko, nakita ko ang mga iyon sa dining table. Kaya naman, masaya akong pumasok sa paaralan.
Doon, mga pagbati rin ang aking natanggap. Lahat halos ng estudyanteng madaanan, makasalubong ko, at dumaan sa akin ay binati ako. Pinuntahan din ako ng mga dati kong estudyante. Ang ina ay solo. Nagbigay lang ng card o bumati at yumakap lang. May grupong pumunta at may dalang cake at ice cream. May nagbigay ng regalo. Kahit wala, masaya ako dahil pinahalagahan nila ang kaarawan ko. Sumaglit sila kahit papasok pa sila.
Ang advisory class ko naman ay may pa-balloons, pa-cake, at pa-ice cream din. Maiingay nga lang sila, kaya sinermunan ko sila. Sabi ko, hindi ako nasisiyahan sa mga sorpresa at regalo. Ang pinakamagandang regalong ibibigay nila ay disiplina.
Nagpalitan kami ng klase. Nagpa-groupwork ako. Na-enjoy nila ang pagbuo ng scrammbled letters-words.
After class, ang Grade Six teachers, maliban kay Jul at kasama si Papang, ay nag-lunch out sa Sing Side sa Dampa Paluto Restaurant. Siyempre, treat ko.
Masasarap ang pagkaluto ng apat na putahe-- sinigang na tuna, sarsiadong maya-maya, liempo barbeque, at calamares. Ang saya rin ng kantahan at tawanan namin. Sobrang busog ako. Okay lang kahit napurdoy ang P4000 ko.
Then, past 4 na ako nakabalik sa school para naman sunduin sina Ma'am Edith, Ma'am Joan, at Ma'am Bel. Nauna sa si Papang sa Harrison Plaza. Ayaw na niyang magpakita sa school.
Past five, nasa Shakey's na kami. Sila ang pinag-decide ko nang kakain. Basta nagbayad lang ako ng mahigit P2000. May bitbit pa akong tatlong magkakaibang sixes at flavor ng pizza.
Past 10 na alo nakauwi. Wala kasing bus. Antagal ko bago nakasakay.
Bago ako natulog, nag-post ako ng pasasalamat para sa mga bumati, bumisita, nagbigay ng sorpresa, at sa mga nakasalo ko.
Hindi ko rin siyempre nakaligtaang magpasalamat sa Diyos dahil sa patuloy na pag-ulan ng biyaya.
Hulyo 20, 2019
Late na ako bumangon dahil akala ko babangon nang maaga ang aking mag-ina, hindi pala. Nauna pa akong bumangon. Ako na tuloy ang naghanda ang almusal ko. Anyways, okay lang, ininit ko lang naman ang pizza. Saka, hindi rin naman ako agad na nakapag-gardening dahil nasa kalsada ng mga tsimoso at tsismosa. Ayaw kong titingin-tingin sila sa akin.
Nang hindi na ako makatiis at makapaghintay, lumabas na ako. Sa likod ako nagsimula. Marami tuloy akong nagawa. roon.
Grabe ang benepisyo ng pagkakaroon ng hardin. Kanina, halos nakalimutan kong wala na kaming pang-grocery. God will provide na rin.
Since naglagay rin ako ng mga halaman sa kuwarto ko, pakiramdam ko, mas nakakahinga ako nang maluwag. Nakatutulong din ang mag ito tuwing nagko-computer ako at nagsi-cellphone para mai-divert ko ang tingin ko. Hindi agad masisira ang mga mata ko.
Lalo akong sinisipag magtanim dahil patuloy ang pagdami ng suki namin. Sana may ibang variety pa kami ng halaman. Makabili rin sana kami ng lupa at magagandang paso.
Tanghali, namitas ako ng mga bulaklak ng blue ternatea. Ginawa kong tea. Then, nag-shake ako ng guyabano. Ginamit ko ang tea. Nagustuhan iyon ng aking mag-ina.
After kung umidlip at magmeryenda, nag-gardening uli ako. Nakawiwiling maghalaman. Hindi lang kami kumikita, therapeutic din. Naabutan pa nga ko ng isang buyer habang nagtra-transplant.
Gabi, tinapos ko ang LGBT one-shot story ko. Nalungkot lang ako dahil hindi ko nai-post. Hindi makasagap ng internet ang laptop ko. Paano kaya ako nito makakapaghanda ng lesson para sa Lunes?
Hulyo 21, 2019
Maaga akong bumangon, hindi na kasi ako makatulog. Maingay na ang paligid kahit wala pang alas-siyete. Nag-print ako ng puzzles para sa groupwork bukas. After iyon ng breakfast. Then, isiningit ko ang gardening.
Marami akong nagawa bago magtanghalian. Naihanda ko ang mga kakailangan para sa workshop. Na-edit ko ang action research proposal. Nakapag-DIY pa ako.
Hapon, after maligo, umidlip ako. Hindi naman ako nahimbing nang husto dahil parang may kumakagat sa akin sa higaan ko. Lamok yata. Maingay pa ang mga kapitbahay dahil sa laban ni Pacquiao at Thurman.
Hapon, nag-gardening uli ako. Naabutan pa ako ng lalaking customer.
Hulyo 22, 2019
Inis na inis ako kanina sa biyahe dahil ang malas ko. Hindi ako agad nakasakay ng bus na patungo sa Lawton. Past six na ako nakasakay. Then, pagdating pa sa Coastal, nahuli pa ang driver. May penalty. Aysus! Ang sumatutal, late ako. Kakaunti tuloy ang mga estudyante ko. Nag-uwian na raw ang iba.
Wala rin si Ma'am Vi, kaya nasa akin ang iba niyang pupils. Nagpa-groupwork pa rin ako. Paglipat ko naman, saka namang dating ng mga staff ng JAPedia. Kailangan daw ng 20 na pupils para sa isang maikling talk. Alam kong may pera silang binibigay kaya ako na ang sumama.
Wala pang one hour, nakabalik na kami. Nanuod lang kami ng video ng 'The Good Samaritan" at nakinig sa short talk ng babaeng seminarista.
Ipinaalam ko sa mga co-advisers ko ang tungkol sa P1000. Ibibili raw iyon ng whiteboard markers.
Ang suwerte ng mga batang dinala ko roon kasi may school supplies na, may meryenda pa.
Magulo ang school kanina dahil sa mass vaccination. Gayunpaman, nagturo ako sa dalawang last period ko.
After class, itinuloy namin ang campus journalism workshop. Si Ma'am Madz ang resource speaker. Tinulungan ko na lang siya, lalo na sa balita.
Past 4 na kami natapos.
Sa AF, binayaran ko na ang balance ko sa PtlT sessions ko. Then, nag-workout na rin ako. Kinausap ako ni Coach Renz, na itutuloy niya nang palihim ang training ko nang libre. Saka na lang daw ako magbayad. Maganda raw kasi na maituloy ko para hindi bumalik sa dati ang katawan ko. Nauunawaan niya ako at ang financial capacity ko.
Nakatamggap ako ng bad news mula sa Librong Itim. Rejected ang manuscript kong "Langit, Lupa, Impyerno." May feedbacks sila. Maganda naman dahil nalaman ko ang mga kahinaan ng akda ko. Next time, mas gagalingan ko pa. Malulungkot lang ang mga estudyante ko kapag nalaman nilang hindi ako magkakalibro. Inaabangan pa naman nila iyon.
Hulyo 23, 2019
Maaga akong nakarating sa school, kaya nakapag-almusal pa ako bago nagsimula ang klase.
Naging maayos naman ang pagtuturo ko. Gumamit ko ang kuwentong 'Ang Parusa kay Stefano' bilang springboard sa aralin.
After class, nag-bonding kami nina Ma'am Vi at Sir Hermie habang nanananghalian. Then, naghatid kaming faculty officers ng death aid kay Ma'am Solayao. After niyon, kinausap ko ang Kinder teachers about sa send-off party kay Ma'am Fatima.
Kaya naman, nahuli ako sa pagsisimula ng workshop. Si Ma'am Nabua naman ang resource person. Tinulungan siya ni Sir Alberto. Tumulong naman ako pagkatapos. Ang saya ng workshop! May free snacks pa from Ma'am Vi.
Bibili sana ako ng pre-loved books sa Booksale, kaso nakalimutan ko. Nasa Buendia na ako nang maalala ko. Sayang!
Seven, nasa bahay na ako. Agad kong ginawa ang Phil-IRI report.
Hulyo 24, 2019
Nagsalaysay ako ng pangyayari sa buhay ko noong bata ako. Bahagi iyon ng aralin ko-- ang 'pagsasalaysay ng mga pangyayaring nasaksihan o naobserbahan.' Na-enjoy nila iyon. Kaya lang, may ibang pasaway. Nainis ako. Inartehan ko sila. Umaasa akong magbabago na sila.
After class, pumunta ako sa JRES para sa meeting ng mga SPA's.
Sa meeting, sumentro ang agenda sa nalalapit na Pasay City Schools Press Conference. Marami na naman akong trabaho. Gayunpaman, na-challenge ako. Gusto kong magkaroon ng maraming panalo ang school.
Past 4 na kami natapos sa meeting, kaya past na ako nakarating sa Anytime Fitness.
Past 7 ako nakauwi. Minadali ko ang dinner ko para makagawa ako ng notice of meeting ng faculty club officer.
Hulyo 25, 2019
Naging masunuring lahat ang mga sections, lalo na ang Faith at Charity dahil napagalitan ko sila kahapon. Kahit sinabi kong hindi ako magtuturo, nagturo pa rin ako. Na-enjoy naman nila ang lesson ko.
After class, agad akong nag-lunch para sa faculty officers' meeting. Dahil pinirmahan ni Ma'am Laarni ang request ko, natuwa ako. Simula na iyon ng pagiging tulay ko para sa admin at faculty.
Sa meeting, inisa-isa namin ang agenda. Naglatag kami ng mga suhestiyon, hinaing, at puna. Umaasa kaming lahat na maaaksyunan ang mga problemang inihayag namin, lalo na't para sa ikabubuti naman iyon ng lahat.
Past 3 na natapos ang meeting. Nag-update ako sa LIS. Sampu lang ang na-enroll ko kasi kailangan nang umuwi.
Eight na ako nakauwi. Kumain agad ako para makapag-print ng certificates para sa mga journalists at resource persons.
Hulyo 26, 2019
Ang pogi ko na naman daw, sabi ng mga estudyante. Feel ko rin naman iyon dahil naka-civilian ako. Mas naging kenkoy rin ako. Mas komportable kasi ako kapag hindi nakauniporme.
Dahil may culminating activities, hindi nagpalitan ng klase. Nagpasulat muna ako ng kuwento habang dinidisiplina at dinidiplomasya sila.
Inasikaso ko rin ang mga contestant sa journalism. Iniisa-isa ko ang mga trainers upang hingian ng pangalan ng trainees nila. Kahit si Bes ay nagawa kong lapitan at kausapin.
Nang bumaba kami para manuod ng program, pinatawag ako sa entablado para sa awarding. Madalas na akong uupo roon dahil ako na ang pangulo ng kaguruan. Na-enjoy ko naman moment na iyon.
Pagkatapos niyon, inasikaso ko naman uli ang journalism. Isiningit-singit ko ang pagbisita sa advisory class ko.
Almost complete na ang listahan ng mga young writers, pero kailangan pang makahanap ng ibang kalahok, lalo na sa English category.
Past 11, pinatawag ang mga guro para sa free lunch. Isang maingay, pero masayang salusalo ang naganap sa HE room. Na-miss ko iyon. Matagal-tagal ding hindi kami kumain nang sama-sama. Sana lagi na. Sana all. Sana lahat ng teachers naroon, lalo na ang Grade 3. Pero, sa susunod, hihikayatin ko na silang sumama sa kainan para mabuo ko ang dating samahan.
Dahil busog na ako nang bumalik sa klase, kinulit ko naman ang mga estudyante ko, habang pinasusulat at habang nagtatawag para basahin ang isinulat nila. Ipinakita, ipinaliwanag, at pinasubok ko rin sa kanila ang Learners Information System (LIS). Sana maging disiplinado sila.
After class, nag-awarding kami sa journalism workshop. Sayang, walang pirma ni Ma'am Laarni ang mga certificates kaya hindi naiuwi ng mga kaguro at estudyante ko ang mga iyon.
Nagmiting din kaming mga Filipino teachers para sa paghahanda sa Buwan ng Wika.
Pagkatapos, hinintay namin si Kuya Allan dahil napagkasunduang magkakape sa JCo.
Past 3:30, nasa JCo na kaming #1000. Wala si Ma'am Bel. Isa na namang masayang bonding ang naganap. Hindi kami nailang kay Kuya Allan. Ang tagal namin roon. Nagsama-sama pa kaming mamili sa NBS at pumunta sa SM. Nag-renew si Ms. Kris ng SM Advantage card. Nag-claim din ako.
Then, nahiwa-hiwalay na kami. Bumili pa ako ng ink sa Octagon at pre-loved books sa Booksale. Worth P300 ang nabili ko.
Past six na nang bumiyahe ako pauwi. Pagod ako, pero puno ng kaligayahan ang puso at isipan.
Hulyo 27, 2019
Ako ang pangalawang participant na dumating sa venue ng training. Akala ko late na ako. Kung alam ko lang, sana nag-almusal muna ako. Nagutuman tuloy ako. Nine o' clock na ako nakakain. Gayunpaman, natuto ako nang husto sa seminar. Applicable ang mga topic. Kaya pala, nagagawa ko nang mag-reach out sa mga taong kinaiinisan ko.
Past five na kami natapos. At eight o' clock na ako nakarating sa bahay. Basang-basa ako sa ulan, pero masaya ako kasi nakahuli ako ng malaking chubby frog sa kalsada.
Hulyo 28, 2019
Ginusto kong magbabad at matulog nang matagal, pero hindi ko nagawa kasi maingay na sa paligid. Past six ako bumangon. Later, after breakfast, nag-gardening na ako. Na-miss ko ang gawaing ito. Kaya lang, kakaunti ang naitanim ko. Andami ko sanang garden soil, wala lang paso. Bibili pa lang si Emily.
Sa susunod na Sabado o Linggo, ita-transplant ko ang mga cactus ko na mabagal lumaki at dumami, baka sakaling mangyari ang gusto ko kapag napalitan ang potting mix.
After gardening, naghanda naman ako ng mga kailangan ko bukas. Nag-print ako. Nag-encode din ako ng mga akda ng VI-Love. At, ginawa ko ang minutes of the meeting sa meeting ko with SPAs.
Hapon, pagkatapos kong umidlip, gumawa ako ng zine. 'Simile' ang pinamagat ko rito. Hindi ko nga lang nagawa pa ang mga kuwentong ipinasulat ko sa kanila noong Biyernes.
Hulyo 29, 2019
Naging successful ang paghahanap ko ng contestant para sa 'Iispel Mo!' Nainis lang ako sa kabobohan ng karamihang estudyante. Pinaskil ko na nga ang tamang sagot, minalian pa nila ang tama at itinama ang mali. Haru, Diyos ko! Sobrang hihina. Nakaka-disappoint. Mangilan-ngilan lang ang nakakasunod.
After class, hinintay ko ang nanay ng estudyanteng ilalaban sa 'Lakambini ng Wika.' Dumating naman at pumayag na isali ang anak niya. Kaya lang, hindi dumating ang ina ng lakan.
After kung kausapin ang grade leader ng Grade 2 about sa farewell party bukas, lumabas na ako sa school. Sa gym ako dumiretso. Past 3 ako dumating doon. Wala ang four o' clock, tapos na ang workout. Sabi ni Coach Renz, may improvement na raw sa katawan ko. Agree naman ako. Nararamdaman at nakikita ko naman.
Past 5, nasa bahay na ako. Nakapag-print pa ako ng edited workshop proposal, certificates, at storyboard para bukas na lesson.
Hulyo 30, 2019
Excited sana akong magturo dahil may kuwento akong babasahin sa kanila. Nagawa ko naman sa Love, kaso sa iba, hindi kasi dumating ang Bethany at katekista. Baptist at Katoliko sa isang araw. Haist! Naistorbo ang klase ko. Namin. Kung hindi pa ba naman bumait ang mga estudyante niyan.
Idagdag pa ang shortened classes dahil sa farewell party ni Ma'am Fatima.
Okay naman ang party. Kataka-taka lang ang hindi pagsipot ng Grade 3 teachers, ni Jul, at ni Mia. Sinadya nila. Muntik pa ngang hindi rin dumalo si Ma'am Laarni. Halatang-halata. Kaya naman, marami ang nainis sa kanila. Hindi iyon healthy, kaya nang pinagsalita ako, nagbigay talaga ako ng mga patamang salita. Pinasalamatan ko ang principal. Ipinangako kong susuporta ako sa mga programa at open sa reconciliation. Sinabi kong gusto kong maging kultura ang ganoon. At hiniling ko na sana, ang mga wala roon ay hindi maghangad na bigyan din sila ng ganoong party pagdating ng panahon.
Sana tumimo iyon sa puso ng punongguro, na tiyak akong alam niya kung bakit wala roon ang mga alipores niya.
Dahil sa nangyari, nawalan ng ganang sumuporta ang mga kasamahan ko sa Buwan ng Wika at sa iba pang activities na kasangkot ang mga traydor.
After kong tulungan si Papang sa gawain niya, umuwi na kami. Past 4 nasa bahay na ako.
Sa GC, nagpalitan kami ng kuro-kuro. Pare-pareho kami ng sentimeyento.
Nang nag-gardening ako, nawala ang galit ko sa mga traydor. Na-realize ko ring hindi ko na pala dapat kausapin ang mga taong kinaiinisan ng lahat.
Hulyo 31, 2019
Nag-heart-to-heart talk kami sa advisory class ko..Kinunsumo ko ang isang period para mapaamin ko sila tungkol sa pamemera sa kanila ng isang floating teacher. Nawindang ako sa mga nadiskubre ko. Nakakahiya! Ako ang nahihiya sa mga gawain niya. Parang naghihirap na sa buhay at kailangan niyang gawing negosyo ang pagtuturo. Mabuti sana kung madalas magturo at pumasok, hindi naman. Haist! Sana may magulang na magsumbong para masampulan siya. Sobra kasi.
Nasira ang araw ko dahil sa mga nalaman mo. Idagdag pa ang narinig ng mga pupils ko mula sa Grade 2 teacher na 'bida-bida' raw ako. May hula na ako kung sino. Gusto ko sanang puntahan at kausapin, kaya lang nang kinonsulta ko ang mga kasama ko, huwag na raw.
Gayunpaman, hindi ko napigilang ikuwento kina Ma'am Bel, Ma'am Lea, at Marekoy ang tungkol sa pamemera ng isang kasamahan namin. Gusto ko lang mag-release ng sama ng loob. Marami na rin kasi siyang kasalanan sa akin, sa amin.
Past three, nasa AF na ako. Pang-11 times na akong nagwo-work out. Napapansin ko rin ang development ko. Although, kailangan ko pa rin ng mahaba at continuous na workout. Kung may budget lang sana ako...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment