Followers

Saturday, October 30, 2021

Ang Batang Hindi Napapagod

“Hindi ka ba napapagod?” tanong ng ina ni Hudson.

“Hindi po, Mama!” Muli siyang tatakbo paroo’t parito. Takbo sa kusina. Takbo sa sala. Takbo sa kusina. Takbo sa sala. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Ililigpit naman ng ina ang mga nakakalat na laruan para si Hudson ay hindi madapa.

“Hindi ka ba napapagod?” tanong ng ina ni Hudson.

“Lakas po ako. Hindi ako napapagod.” Muli siyang aakyat sa hagdanan upang sa hawakang-kahoy ay magpadausdos. Akyat. Padausdos. Akyat. Padausdos. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Takot na takot naman ang ina ni Hudson dahil baka mahulog at ang ulo ay mabagok. 

“Hindi ka ba napapagod?” tanong ng ina ni Hudson.

“Hindi. Sarap po, e.” Tumigil siyang saglit, pero agad din namang tumalon-talon sa kutson. Lundag. Talon. Lundag. Talon. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Pagkatapos, agad namang ililigpit ng ina ni Hudson ang mga nagkalat na unan. 

“Hindi ka ba napapagod?” tanong ng ina ni Hudson.

“Konti lang,” sagot niya. Itutuloy na niya ang pagbabali-balintong sa sofa. Balintong sa kaliwa. Balintong sa kanan. Balintong nang nakadapa. Balintong nang nakatihaya. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Sisigaw na ang ina ni Hudson. “Tumigil ka baka mabalian ka ng buto,” sabi nito. Pagtigil ni Hudson, aayusin na naman ng ina ang sofa. 

Pawis na pawis palagi si Hudson, kaya palit nang palit siya ng damit. Ang nanay naman niya, laba nang laba. 

“Naku! Kung hindi ka napapagod, ako napapagod na!” singhal ng ina ni Hudson isang hapon dahil maghapon na ito nang kasasaway. 

Hindi pa rin nakinig si Hudson. Takbo, dausdos, talon, balintong. Takbo, dausdos, talon, balintong. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Pero, nagtaka si Hudson dahil hindi niya narinig ang kaniyang ina. “Mama? Mama?” tawag niya. Nang hindi niya narinig, umakyat siya sa kuwarto. 

“Mama, gatas,” sabi ni Hudson.

“Magpatimpla ka sa kuya mo,” halos pabulong na sagot ng ina.

“Ayoko! Gusto ko ikaw na.”

“Pagod si Mama. Magsabi ka kay Kuya.”

Hinila ni Hudson ang kamay ng ina. “Tayo na, Mama.”

“May sakit si Mama. Kaya mo na sigurong magtimpla.”

“Hindi ko kaya.”

“Sabi mo malakas ka. Sabi mo hindi ka napapagod.”

Hindi nakapagsalita si Hudson. Tahimik na lamang siyang bumaba. Nag-iisip. 

Pagbaba niya, nakita niyang abala ang kuya sa paglalaro sa cellphone ng kanilang ina. Pindot sa kanan. Pindot sa kaliwa. Pindot pataas. Pindot pababa. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

“Kuya, gatas ko,” pagsusumamo ni Hudson. 

“Mamaya na! Istorbo ka, e. Maglaro ka muna,” singhal ng kuya. 

“Gutom na ako.”

Hindi siya pinakinggan ng kapatid dahil sa nilalaro nito. Pindot sa kanan. Pindot sa kaliwa. Pindot pataas. Pindot pababa. Paulit-ulit. Walang kapagod-pagod.

Maiyak-iyak na pumunta si Hudson sa kusina. Nag-isip siya at tumingin-tingin sa paligid nito. Tingin sa harap. Tingin sa kanan. Tingin sa kaliwa. Tingin sa likod. Inulit pa niya, pero hindi siya napagod. 

“Gatas, pampalakas!” nakangiti niyang bulalas. 

Walang ano-ano, hinila ni Hudson ang isang silya patungo sa may lababo. Maingat siyang tumuntong doon at inabot sa kabinet ang lata ng gatas. Maingat din siyang bumaba. 

Maingat siyang kumuha ng baso at kutsara.

Maingat siyang nagkalagay ng tatlong kutsarang gatas sa baso.

Maingat din niyang pinatuluan ng mainit na tubig ang baso mula sa de-kuryenteng thermo. 

Maingat niyang hinalo-halo iyon, saka niya pinunan ng tubig mula sa pitsel. 

Habang hinalo-halo niya iyon muli, siya’y napangiti. “Gatas, pampalakas!” nakangiti pa niyang bulalas.

Maingat niyang ipinatong sa platito ang gatas.

Maingat siyang umakyat. “Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam. At sampu!” Noon lamang niya nabilang ang hakbang ng kanilang hagdanan. 

“Mama, gatas po!” sabi ni Hudson pagbungad niya sa pinto.

Bahagyang nagulat ang ina. “Hudson, ikaw ba ‘yan? May lagnat ka ba?” 

“Opo! Wala po akong lagnat. Malakas po ako.”

“Naku, big boy na talaga ang bunso ko. Halika na… Akin na ang gatas ko.”

“Gatas, pampalakas,” sabi ni Hudson pagkaabot sa ina ng tinimplang gatas.

“Siyempre, lalakas na ako nito, anak. Maraming gawaing-bahay na nag-aabang.”

“Pahinga ka po. Pagod ka po, e. Ako na po ang maghuhugas araw-araw ng mga plato.”

“Naku, talaga, Hudson? Hindi ka mapapagod?”

“Hindi po… Ayaw ko na po kasing napapagod kayo.” 

Hindi pa nakakasagot ang ina, mabilis nang nakababa ang di-napapagod na bata.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...