Followers

Monday, October 25, 2021

Ang Dyip ni Tatay

Ang Dyip ni Tatay "Kailan kaya matatapos itong pandemya?" Iyan ang madalas kong tanong habang nakasilip sa dyip na pampasada, na malapit nang ibenta. Matagal-tagal na ring hindi ipinapasada ni Tatay David ang dyip niya. Bukod kasi sa delikado ang kalusugan niya, humina pa ang kaniyang kita. "O, Michelle, nakatingin ka na naman sa dyip? Ano ba ang iyong iniisip?" tanong ni Ate Grace. "Sabi ni Tatay David, mas matanda pa raw iyan kay Kuya Liam at mas matanda ka lang ng dalawang taon," sagot ko. Nakangiting tumango ang aking ate. Saglit akong nag-isip. "Sampung taon (10) gulang na si Kuya Liam at ikaw ay labingwalo (18). Mas matanda ka sa kanya ng walong (8) taon. At mas matanda ka ng dalawang (2) taon kasya sa ating dyip. Kaya, ang edad ng dyip ay labing-anim (16)!" bulalas ko. "Tama! Labing-anim na taon nang kasama ni Tatay ang dyip sa pamamasada." "Ang tagal na! Pero mawawala sa atin ang dyip," malungkot kong sabi. "Totoo bang may bibibili na niyan, Ate?" "Iyon ang sabi... Pero huwag ka nang malungkot kasi para naman sa ikabubuti natin iyon." "E, kasi... andami kong alaala sa diyan na iyan." Niyaya ako ni Ate Grace patungo sa loob ng dyip. Doon ko sa kaniya ikinuwento ang mga nakatutuwang karanasan ko noong sumasama ako kay Tatay David sa pamamasada. "Alam mo ba, Ate Grace? Natuto akong magbilang dahil sa dyip na ito?" kuwento ko. "Paano?" tanong ng ate ko. "Tinuturuan ako noon ng mga pasahero ng pagbibilang ng binayad na pamasahe at tamang pagsusukli. Nalaman ko noon na ang P100 pala ay mas malaki ang halaga kaysa sa P50." "Tama ka! Ang galing mo talaga!" "Doon ko nalaman ang halaga ng bawat perang ibinabayad ay magkakaiba ng halaga." "Talaga? Sige nga... Mula sa piso hanggang isandaang piso, paano mo sila aayusin ayon sa pataas na halaga?" "Napakadali naman! Piso (P1), lima (P5) beynte (P20), singkuwenta (P50), at isandaang piso (P100)." “Wow naman! Naniniwala na ako." "Salamat, Ate Grace." Napansin ni Ate Grace na malungkot pa rin ako, kaya tinanong niya ako kung bakit. "Kasi hindi ko na makikita ang mga suki naming pasahero. Marami akong nakilala. May guro, pulis, estudyante, tindera sa palengke, at iba pa. Hindi ko na rin makikita si Aling Marites," sagot ko. “Sino si Aling Marites?” "Si Aling Marites ang tindera ng mga gulay sa palengke. Madalas siyang sumasakay sa dyip ni Tatay. Isa siya sa nagturo sa akin kung paano magbilang. Marami pa siyang itinuturo sa akin, kaya nakakalibang talaga." Marami pa akong ikinuwento kay Ate Grace tungkol sa mga karanasan ko habang sakay ng dyip ni Tatay. Pero, wala siyang nagawa upang mawala ang lungkot na nararamdaman ko. Kaya nang gabing iyon nagdarasal ako sa Diyos na dinggin ang kahilingan ko para hindi na ako malungkot. "Michelle, kumusta? Bakit malungkot na naman ang bunso namin?" masuyong tanong ni Kuya Liam sa akin. "Wala, Kuya Liam... Narinig ko kasi si Tatay kagabi... Kausap niya si Mister Ching, ang bibili ng dyip natin," malungkot kong sagot. "E, 'di maganda... para makapagsimula na uli si Tatay ng munting negosyo. Sabi niya, mahihirapan na raw siyang makapasok ng trabaho. Mabuti na raw ang may sariling negosyo. Puwedeng karinderya kasi masarap naman siyang magluto." "Bakit mahirap maghanap ng trabaho? Bakit kailangan pang ibenta ang dyip na ito?" "Apatnapu't lima (45) kasi na siya." "E, bakit si Nanay Hilda? Mas matanda nga siya kaysa kay Tatay David, di ba?" Saglit na natawa si Kuya Liam sa akin. "Hindi, ah! Apatnapu't dalawa (42) si Nanay Hilda. Mas mataas ang apatnapu't lima." Napakamot na lang ako. "Pero, ayaw ko pa ring ibenta ni Tatay… Kuya Liam, kausapin mo siya. Sige na." "Naku, hindi ko magagawa iyan, Bunso. Nakapagdesisyon na ang nanay at tatay natin." Maluha-luha ako sa sagot ni Kuya. Napansin niya agad ako, kaya niyaya niya ako. Iguguhit daw niya ang dyip ni Tatay. Wala sa loob na sumama ako sa kanya para kunin ang mga kagamitan niya sa pagguhit at paggawa ng sining. Paglabas namin, bitbit na ni Kuya Liam ang kaniyang malaking plastik na kahon na naglalaman ng mga lapis, oil pastel, krayola, pentel pen, colored pencils, colored pens, mga pintura, mga paint brush, mga ruler, sketch pad, mapuputi at makululay na papel, mga gunting, paste, glue, at marami pang ibang bagay. Sabi niya, gumagamit din siya ng mga tuyong dahon, sanga ng puno, buhangin, maliliit na bato, uling, at iba pang mga bagay sa paligid. Tinuruan niya akong iguhit ang dyip ni Tatay. Ang husay ni Kuya Liam! Agad niyang naidrowing iyon. “O, ikaw na ang magkulay,” sabi niya. Kahit paano, nawala ang lungkot ko habang nagkukulay. Pero, kinagabihan, habang nagsasalo-salo kaming pamilya, hinihintay ko ang sasabihin ni Tatay David. Gusto kong malaman kung kailan kukunin ni Mister Ching ang dyip. “Alam ninyo, mga anak, sobrang napamahal na sa akin ang dyip. Katuwang namingng nanay ninyo iyan para maibigay namin ang inyong mga pangangailangan sa araw-araw,” simula ng aking ama. Kung hindi nga lang nagkaroon ng pandemya, tuloy-tuloy sana ang aking pagpapasada. Naalala ko pa nga noong kaedad ako ni Michelle. Sumasama rin ako sa tatay ko sa pagpapasada ng dyip niya. Nakakatuwa talaga. Marami akong natutuhan sa karanasang iyon.” Hindi ko na nahintay pa ang susunod na sasabihin ni Tatay. “Kailan po ba kukunin ni Mister Ching ang dyip?” tanong ko. Naluluha na ako. Nagtinginan sina Nanay Hilda at Tatay David. Naghihintay rin sina Ate Grace at Kuya Liam. “Nagbago ang isip ko, Bunso. Hindi na natin ibebenta ang dyip,” sagot ni Tatay. “Kaya, tuloy ang pasada pagkatapos ng pandemya!” Halos mapatalon ako sa tuwa sa aking narinig. “Tenkyu, Lord! Dininig mo ang wish ko.” Natawa na lang sa akin ang mga magulang at mga kapatid ko.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...