Followers
Monday, November 15, 2021
Bubot Panot
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa sala. Agad akong pumanaog "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng sofa."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kuwarto.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa aking kuwarto. Agad akong pumanhik. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng kama mo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa sala.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa banyo. Agad akong lumapit. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nakita ko sa basurahan sa banyo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kusina.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa balkonahe. Agad akong sumagot. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. Nawalis ko rito sa balkonahe."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik ako sa hardin.
Tuwang-tuwa ako sa aking ina kasi hindi niya nahuhulaan kung kanino buhok ang mga nakukuha niya.
Tuwang-tuwa ako tuwing sisigaw siya at tatanungin niya ako tungkol sa mga kumpol ng buhok na nakukuha niya sa mga sulok-sulok.
Pero, hindi ako natutuwa sa sobrang kati ng ulo ko. Tuwing nabubugnot ako, bunot ako nang bunot ng buhok ko. Kamot. Bunot. Kamot. Bunot. Madalas, mas marami ang bunot kaysa kamot. Ang sarap sa pakiramdam kapag nagbubunot ako ng buhok. Nakalilimutan kong kay tagal na pala akong nakakulong sa bahay. Nakalilimutan kong kay tagal na palang walang pasok sa paaralan.
Inip na inip na ako. Gusto ko nang lumabas ng bahay at makipaglaro. Gusto ko nang pumasok sa paaralan at makasalamuha ang mga guro at kamag-aral. Nabasa ko na nga ang lahat ng libro sa bahay. Nalaro ko na lahat ang mga online games sa cell phone ni Mama. Napanood ko na halos lahat ang magagandang vlogs.
Kaya, gusto ko namang magbunot ng buhok. Sa pagbubunot ng buhok, para akong nakalilimot. Parang natatanggal lahat ng pagkabalisa, pangamba, at takot.
Bunot. Bunot. Kamot. Bunot. Bunot. Kamot. Mas marami ang bunot kaysa kamot.
Isang gabi, nakalimutan kong parating na si Papa, kaya muntikan na niya akong mahuling nagbubunot ng buhok.
"M-mano po, Pa... pa," kinakabahan kong bati sa kaniya.
"Ano'ng nangyari sa buhok mo, Bubot?"
Naku! Nakita niya! Agad kong ginulo-gulo ang buhok ko, saka ngumiti ako.
"Tingnan ko," sabi ni Papa.
Wala akong nagawa kundi ipakita sa kanya.
"Naku, Bubot! Panot ka na! Ano'ng nangyari? Ano'ng ginawa mo sa buhok mo?"
Para akong tinakasan ng dugo habang nakatingin sa aking ama at walang maisagot.
"Lorna, ano'ng nangyayari sa buhok ni Bubot?" tanong ni Papa kay Mama.
"Iyan din ang ipinagtataka ko," tugon ni Mama.
Napayuko na lamang ako at napakamot sa ulo ko. Naramdaman ko na lang na tinitingnan na ni Mama ang napapanot kong ulo. Hindi ko alam na ganoon na pala kalala ang epekto ng pagbubunot ko.
"Kaya pala ilang araw na akong nakakakita ng kumpol ng buhok," dagdag ni Mama.
"Ha? Baka may Alopecia na siya?" Nag-aalala na si Papa.
Parehong blangko ang mukha namin ni Mama, habang may pinipindot si Papa sa cell phone niya.
"Ang kati po kasi," sabi ko. Naisip kong umamin na. Alam ko kasi ito ay isang problema. "Kapag nababagot po ako, gustong-gusto ko pong bunutin ang buhok ko. Pakiramdam ko po, makati ang ulo ko. Gumiginhawa po ang pakiramdam ko kapag nagbubunot ako." Sa wakas, nasabi ko rin sa kanila ang problema ko! "Sorry po, Mama."
Napailing-iling na lamang si Mama, saka bumalik sa kusina.
Napatango-tango si Papa at muling naghanap ng sagot sa Google.
Sinamantala ko naman ang sandali upang tingnan ang ulo ko. Kinuhaan ko ng larawan ang ulo ko, gamit ang cell phone ni Mama. At nagulat ako sa nakita ko. Panot na nga ang ituktok ng ulo ko! Nanlumo ako.
"Trichotillomania ang tawag diyan," deklara ni Papa.
"Trikotilomenya." Inulit-ulit ko pang bigkasin. Ang hirap pala! Nangati lalo ang ulo ko, pero pinigilan ko ang kamay ko. "A-ano po 'yon?" tanong ko.
"Ang Trichotillomania ay isang paulit-ulit na gawi na nakatuon sa katawan na inuri bilang isang impulse control disorder na kinabibilangan ng pagbunot ng buhok. Maaaring mangyari ang pagbunot ng buhok sa ano mang bahagi ng katawan, gaya ng anit, kilay, at talukap ng mata," paliwanag ni Papa.
"Naku, paano iyan, Elmer? Ano'ng remedyo natin kay Bubot?" nag-aalalang tanong ni Mama.
"Huwag kang mag-alala... Magiging maayos si Bubot. Siguro nga, nababagot lang siya," tugon ni Papa. Pagkatapos, inakbayan niya ako. Umupo kami sa sofa.
"Papa, hindi ko po alam na napapanot na pala ako. Maagapan pa po ba ito? Sorry po," sabi ko.
"Huwag kang mag-sorry, anak. Magiging okay ka,.. Ganito ang gagawin mo..." Binasa sa akin ni Papa ang nasaliksik niya sa internet.
Natuwa ako sa mga narinig ko, lalo na nang pinayuhan pa ako ni Papa. Parang nawala ang pangangati ng ulo ko!
Sinunod ko nga ang mga payo ni Papa. Ilang araw na rin akong tumutulong kay Mama sa mga gawaing-bahay. Ilang araw na ring hindi ako nababagot at nababalisa. Ilang araw na ring hindi ako nagbunot ng buhok.
"Mama, inayos ko na po ang kama," bati ko pagkagising ko.
"Mama, ako na po ang maghuhugas ng mga pinagkainan," presenta ko pagkatapos naming mag-almusal.
"Mama, tulungan ko na po kayong maghiwa ng mga gulay," alok ko habang naghahanda si Mama ng pananghalian.
"Mama, maglinis po tayo ng sala," aya ko sa kaniya.
"Mama, ako na po ang magsampay," sabi ko habang nagha-hanger si Mama ng mga nilabhan niyang mga damit namin.
"Mama, ano po ang iluluto niyo ngayon?" tanong ko habang nasa kusina si Mama.
"Pritong salmon at ginisang broccoli at carrot, Bubot. Mabisa ang mga ito sa hair growth."
"Wow! Sigurado po akong masarap 'yan."
"Yes! At may panghimagas pang... papaya!"
"Sigurado na po akong... unti-unti nang tutubo ang buhok ko... at hindi na ako tatawaging... Bubot Panot."
"Kaya, ano ang dapat gawin?"
"Kumain ng masustansiyang pagkain... Iwasang mabagot... At itigil ang pagbubunot... upang ang buhok ay maging malusog!"
Napapalakpak si Mama sa tuwa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment