Followers

Tuesday, November 9, 2021

Si Isagani at si Yani

Sina Isagani at Yani ay magkasama palagi. Sa pagtulog, sila ang magkatabi. Pagdating ng hating-gabi, binabantayan ni Yani si Isagani. Sa pagkain, walang pinipili si Yani. Kung ano ang ulam ni Isagani, iyon din ang kay Yani. Sa pagligo, gustong-gusto ni Yani ang makisabay kay Isagani. Wiling-wili rin si Isagani na sabunin ang mga balahibo nitong puti. Sa paglalaro, silang dalawa ang partner palagi. Sa habulan, hindi padadaig si Isagani. Sa taguan, hindi patataya si Yani. Sa mga gawaing-bahay, sumasali si Yani. Nauutusan siya ni Isagani. “Yani, pakiabot ang tali.” “Yani, dalhin mo ito, doon sa tabi.” Sa pagbabasa, nakikinig si Yani kay Isagani. Parang bata itong nakikinig sa kaniyang mga sinasabi. Para itong tao na nakaiintindi. Sa pamamasyal, hindi nagpapaiwan si Yani. Basta lagi itong may tali. Madalas, pumupunta sila sa parke. Hinding-hindi na nga mapaghiwalay sina Yani at Isagani. Umaga, tanghali, hapon, at gabi, makasama silang palagi. Subalit, isang araw, hindi makita ni Isagani si Yani. “Yani? Yani!” sigaw ni Isagani. Hinanap niya sa kuwarto ang asong si Yani. “Yani? Yani!” tawag ni Isagani. Bumaba siya sa sala, pero wala roon si Yani. “Yani? Yani!” sigaw ni Isagani nang siya’y sa kusina ay mapagawi. “Yani? Yani!” Nasa bakuran na si Isagani, ngunit hindi pa rin lumalapit si Yani. Dati-rati, isa o dalawang tawag lang, lalapit na si Yani. Kaya, nag-aalala na si Isagani. Hindi na siya mapakali. Hindi niya alam kung nasaan na si Yani. “Yani… Yani!” sabi ni Isagani, sabay hikbi. “Nakita niyo po ba si Yani?” tanong niya kay Yaya Dindee. “Naku, hindi. Bakit, tinaguan ka na naman ba ni Yani?” tugon nito, sabay ngiti. “Hindi ko po alam, e,” sagot niya, sabay ngiwi. “Hanapin mo uli. Nakatago lang iyon nang matindi.” Naghanap muli ni Isagani. Mula sa likod-bahay hanggang sa mga kuwarto, hinanap at tinawag niya si Yani. Pagbaba niya, saka niya naisip na baka ito ay nasa kalye. Kaya, dali-dali siyang lumabas at nakarating sa Kalye Mabini. Napansin niyang mga tao sa kanto ay kay rami. Lumapit siya at hindi nag-atubili. “Aaaw! Aaaw!” tahol ni Yani. Bumangon ito at pilit na lumalapit kay Isagani. “Yani? Yani!” tuwang-tuwa si Isagani nang makita si Yani, pero agad ding naglaho ang ngiti sa kaniyang mga labi. “Ano’ng nangyari?” tanong niya habang pinupunasan ang luha sa pisngi. “Hindi makatayo ang alaga mo,” sagot ng matabang ale. “Po? Bakit po?” Lumapit siya kay Yani. “Muntik na kasing masagasaan ang batang ire,” sabi ng matandang lalaki. “Halika na. Tayo nang umuwi.” Binuhat ni Isagani si Yani. “Ang galing ng aso mo, Isagani!” sabi ng kalaro niyang si Henry. “Iniligtas niya ako sa humaharurot na dyipni.” “Talaga ba, Yani?” masayang tanong ni Isagani. “Oo. Ang aso mo ay isang bayani. Kaya lang, isang paa niya ay bali,” paliwanag ng isang babae. Nalungkot muli si Isagani. Niyakap niya si Yani. “Huwag kang mag-alala,” sabi ng beterinaryo niyang kapitbahay na si Doktora Cindy. “Halika sa klinika, gagamutin ko si Yani,” sabi nito, sabay ngiti. “Talaga po, Doktora Cindy?” Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Isagani. “Opo! Ako’ng bahala sa aso mong bayani. Gagaling agad si Yani.” “Salamat po! Akala ko, hindi ko na siya makakasama palagi.” Ngumiti si Doktora Cindy. “Siyempre, malakas si Yani. Nasaktan man siya, pero patuloy pa rin siyang magiging bayani.” “Tama po! Kaya patuloy ko siyang aalagaan at ituturing na kaibigan,” sabi ni Isagani. Nagpalakpakan ang mga naroong babae at lalaki. Nagpasalamat namang muli ang batang iniligtas ni Yani.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...