Pinatawag ni Maestro Kalabaw sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda dahil hindi nagkakasundo ang mga ito.
“Maestro, hindi po ako ang may kasalanan,” paliwanag agad ni
Unggoy.
“Ikaw nga ang madalas mandaya sa mga laro natin,” bunghalit
ni Ibon.
“Ikaw naman, tumatakas kapag natataya,” paliwanag ni Palaka.
“Kayo nga, palagi ninyo akong binuburot,” pagtatampo ni
Isda.
“Tama na! Tama na! Dapat magkasundo-sundo na kayo ngayon.”
Lalong lumakas ang sisihan ng apat. Ayaw nilang magbati-bati.
“Sige! Kung ayaw ninyong magkasundo at magbati, idadaan
natin sa karera ang lahat!” deklara ng maestro.
Sumang-ayon naman sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.
“May apat na pagsubok kayong pagdaraanan. Ang una ay
paglangoy,” sabi ni Maestro Kalabaw.
Nagtungo sila sa lawa.
“Mula rito, lalangoy kayo patungo sa kabila,” sabi ni
Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong lumangoy.”
Tuwang-tuwang sina Isda at Palaka. Hindi naman masyadong
masaya sina Ibon at Unggoy.
“Isa, dalawa, tatlo… Langoy!” hudyat
ng maestro.
Mabilis na nakalayo si sina Isda at Palaka mula sa pampang.
Si Unggoy naman ay nahirapan. Samantala, si Ibon ay hindi halos makalayo kahit isinagwan
na niya ang pakpak.
“Pinakamatulin si Isda!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikalawang
pagsubok ay pag-akyat.”
Nagtungo sila sa ilalim ng puno ng acacia.
“Mula rito, aakyat kayo patungo sa tuktok,” sabi ni Maestro
Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong umakyat.”
Tuwang-tuwang si Unggoy. Natulala si Palaka. Napangisi si
Ibon. Napakamot naman ng ulo si Isda.
“Isa, dalawa, tatlo… Akyat!” hudyat ng maestro.
“Napakabilis ni Unggoy!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikatlong
pagsubok ay pagtalon.”
Nagtungo sila gitna ng parang.
Tuwang-tuwang si Palaka, gayundin si Unggoy. Nalungkot naman
si Ibon. Samantala, gusto nang umayaw ni Isda.
“Mula rito, tatalon kayo patungo roon sa puno,” sabi ni
Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong tumalon.”
Parang kidlat na tumalon si Palaka. Nakasunod naman sina
Ibon at Unggoy. Samantala, si Isda ay kung saan-saan napupunta.
“Ang galing-galing ni Palaka!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikaapat
na pagsubok ay paglipad.”
Naipagaspas ni Ibon ang kaniyang mga pakpak. Napatingin tuloy
sina Palaka, Isda, at Unggoy.
“Maestro Kalabaw, hindi naman po maaaring ilaban mo kami kay
Ibon. Matatalo kami,” reklamo ni Unggoy.
“Kaya nga po… Paano naman po ako makalilipad? Hindi nga po
ako makaakyat at makalangoy, e,” sabi naman ni Isda.
“Lalo naman ako,” dagdag ni Palaka.
“Mahusay si Isda sa paglangoy. Magaling si Unggoy sa pag-akyat.
Kamangha-mangha naman si Palaka sa pagtalon. At sanay na sanay si Ibon sa paglipad.
Tiyak ako, si Ibon ang mangunguna sa huling pagsubok,” paliwanag ng maestro.
“Kaya wala pong idedeklarang panalo. Tig-iisa lang po kami
ng panalo pagkatapos ng mga pagsubok,” tugon ni Unggoy.
“Ibang pagsubok na lang po, Maestro Kalabw,” sabi ni Isda.
“Puwede naman po ang paglakad,” suhestiyon ni Palaka.
“Makinig kayo… Hindi ito paligsahan, kundi pagsubok. Wala
pang nanalo sa inyo sa tatlong pagsubok.”
Nagtataka at nagtinginan sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.
“Sige, bibigyan ko kayo ng sapat na oras para pag-isipan at
paghandaan ang huling pagsubok. Mag-aabang ako sa gubat. Pumunta na lamang kayo
roon kapag handang-handa na kayo.”
Bumalik sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda sa may lawa. Tahimik
silang nag-isip doon ng paraan kung paano magwawagi sa huling pagsubok ni
Maestro Kalabaw.
Malungkot sina Isda, Palaka, at Unggoy. Awang-awa naman si
Ibon sa tatlo.
Samantala, halos mawalan na ng pag-asa si Maestro Kalabaw na
makita ang apat sa huling pagsubok.
Maya-maya, natanaw na niya sa himpapawid ang apat. Nakakapit
si Unggoy sa mga paa ni Ibon. Hawak-hawak naman ng mga paa nito ang kalahating
bao, na may tubig. Naroon sina Palaka at Isda.
Tuwang-tuwa si Maestro Kalabaw. “Binabati ko kayo! Nagwagi
kayong apat sa huling pagsubok!” bati niya nang makalapag na sa lupa ang apat.
“Salamat po, Maestro Kalabaw!” tugon nina Ibon, Palaka,
Unggoy, at Isda.
“Sigurado akong palagi na kayong magkakasundo.”
“Opo!” sabay-sabay na sagot ng apat.
“Tiyak akong marami kayong natutuhan sa mga pagsubok.”
“Totoo po iyon!” sabay-sabay na sagot ng apat.
“O, sige, tara na! Sakay na kayo sa likod ko. Ipapasyal ko
kayo sa talon.”
Masayang-masayang nagtungo ang lima sa nakatagong talon sa
gubat.