Followers

Sunday, November 13, 2022

Ang Huling Pagsubok

 Pinatawag ni Maestro Kalabaw sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda dahil hindi nagkakasundo ang mga ito.

 

“Maestro, hindi po ako ang may kasalanan,” paliwanag agad ni Unggoy.

 

“Ikaw nga ang madalas mandaya sa mga laro natin,” bunghalit ni Ibon.

 

“Ikaw naman, tumatakas kapag natataya,” paliwanag ni Palaka.

 

“Kayo nga, palagi ninyo akong binuburot,” pagtatampo ni Isda.

 

“Tama na! Tama na! Dapat magkasundo-sundo na kayo ngayon.”

 

Lalong lumakas ang sisihan ng apat. Ayaw nilang magbati-bati.

 

“Sige! Kung ayaw ninyong magkasundo at magbati, idadaan natin sa karera ang lahat!” deklara ng maestro.

 

Sumang-ayon naman sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“May apat na pagsubok kayong pagdaraanan. Ang una ay paglangoy,” sabi ni Maestro Kalabaw.

 

Nagtungo sila sa lawa.

 

“Mula rito, lalangoy kayo patungo sa kabila,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong lumangoy.”

 

Tuwang-tuwang sina Isda at Palaka. Hindi naman masyadong masaya sina Ibon at Unggoy.

 

“Isa, dalawa, tatlo… Langoy!” hudyat ng maestro.

 

Mabilis na nakalayo si sina Isda at Palaka mula sa pampang. Si Unggoy naman ay nahirapan. Samantala, si Ibon ay hindi halos makalayo kahit isinagwan na niya ang pakpak.

 

“Pinakamatulin si Isda!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikalawang pagsubok ay pag-akyat.”

 

Nagtungo sila sa ilalim ng puno ng acacia.

 

“Mula rito, aakyat kayo patungo sa tuktok,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong umakyat.”

 

Tuwang-tuwang si Unggoy. Natulala si Palaka. Napangisi si Ibon. Napakamot naman ng ulo si Isda.

 

“Isa, dalawa, tatlo… Akyat!” hudyat ng maestro.

 

Mabilis na nakaakyat si Unggoy. Sumunod si Palaka kahit painot-inot. Si Ibon, ginamit na rin ang tuka upang makaakyat. Samantala, si Isda, kinakapos na ng hininga, hindi pa makaakyat.

 

“Napakabilis ni Unggoy!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikatlong pagsubok ay pagtalon.”

 

Nagtungo sila gitna ng parang.

 

Tuwang-tuwang si Palaka, gayundin si Unggoy. Nalungkot naman si Ibon. Samantala, gusto nang umayaw ni Isda.

 

“Mula rito, tatalon kayo patungo roon sa puno,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong tumalon.”

 

Parang kidlat na tumalon si Palaka. Nakasunod naman sina Ibon at Unggoy. Samantala, si Isda ay kung saan-saan napupunta.

 

“Ang galing-galing ni Palaka!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikaapat na pagsubok ay paglipad.”

 

Naipagaspas ni Ibon ang kaniyang mga pakpak. Napatingin tuloy sina Palaka, Isda, at Unggoy.  

 

“Maestro Kalabaw, hindi naman po maaaring ilaban mo kami kay Ibon. Matatalo kami,” reklamo ni Unggoy.

 

“Kaya nga po… Paano naman po ako makalilipad? Hindi nga po ako makaakyat at makalangoy, e,” sabi naman ni Isda.

 

“Lalo naman ako,” dagdag ni Palaka.

 

“Mahusay si Isda sa paglangoy. Magaling si Unggoy sa pag-akyat. Kamangha-mangha naman si Palaka sa pagtalon. At sanay na sanay si Ibon sa paglipad. Tiyak ako, si Ibon ang mangunguna sa huling pagsubok,” paliwanag ng maestro.

 

“Kaya wala pong idedeklarang panalo. Tig-iisa lang po kami ng panalo pagkatapos ng mga pagsubok,” tugon ni Unggoy.

 

“Ibang pagsubok na lang po, Maestro Kalabw,” sabi ni Isda.

 

“Puwede naman po ang paglakad,” suhestiyon ni Palaka.

 

“Makinig kayo… Hindi ito paligsahan, kundi pagsubok. Wala pang nanalo sa inyo sa tatlong pagsubok.”

 

Nagtataka at nagtinginan sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“Sige, bibigyan ko kayo ng sapat na oras para pag-isipan at paghandaan ang huling pagsubok. Mag-aabang ako sa gubat. Pumunta na lamang kayo roon kapag handang-handa na kayo.”

 

Bumalik sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda sa may lawa. Tahimik silang nag-isip doon ng paraan kung paano magwawagi sa huling pagsubok ni Maestro Kalabaw.

 

Malungkot sina Isda, Palaka, at Unggoy. Awang-awa naman si Ibon sa tatlo.

 

Samantala, halos mawalan na ng pag-asa si Maestro Kalabaw na makita ang apat sa huling pagsubok.

 

Maya-maya, natanaw na niya sa himpapawid ang apat. Nakakapit si Unggoy sa mga paa ni Ibon. Hawak-hawak naman ng mga paa nito ang kalahating bao, na may tubig. Naroon sina Palaka at Isda.

 

Tuwang-tuwa si Maestro Kalabaw. “Binabati ko kayo! Nagwagi kayong apat sa huling pagsubok!” bati niya nang makalapag na sa lupa ang apat.

 

“Salamat po, Maestro Kalabaw!” tugon nina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“Sigurado akong palagi na kayong magkakasundo.”

 

“Opo!” sabay-sabay na sagot ng apat.

 

“Tiyak akong marami kayong natutuhan sa mga pagsubok.”

 

“Totoo po iyon!” sabay-sabay na sagot ng apat.

 

“O, sige, tara na! Sakay na kayo sa likod ko. Ipapasyal ko kayo sa talon.”

 

Masayang-masayang nagtungo ang lima sa nakatagong talon sa gubat.

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...