Followers

Thursday, December 8, 2022

Dedma

 

Masayang gumising si Max dahil ito ang ika-siyam niyang kaarawan. Nagsuklay siya bago lumabas ng kuwarto. Umaasa siyang babatiin siya ng kaniyang mga magulang at mga kapatid. Subalit, ikinalungkot niya ang pandededma ng mga ito sa kaniya.

Parang walang nakita ang kaniyang ina, ama, kuya, at ate. Dati-rati, binabati siya ng mga ito pagkagising niya. Pero, ngayon, para siyang multo.

Tumakbo siya patungong banyo. Gusto niyang umiyak sa kabiguan.

Matagal siyang nanatili sa banyo. Ayaw sana niyang lumabas doon kundi lang siya tinawag ng kaniyang ina.

“Max, kanina ka pa riyan. Ano ang problema? May nararamdaman ka ba?” tanong ng ina.

“Wala po. Okey lang po ako. Sandali na lang po, lalabas na ako,” sagot ni Max. Ang totoo, umiiyak na siya.

Paglabas ni Max, wala na sa hapag-kainan ang kaniyang pamilya. Mas lalo siyang nalungkot sa kaniyang naabutan.

Hindi na napigilan ni Max ang sarili. Pumalahaw na siya ng iyak.

“Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday! Happy birthday, Max!” sabay-sabay na awit ng kaniyang mag-anak.

“Akala ko, nakalimutan na Ninyo ang birthday ko!” maluha-luhang sabi ni Max.

“Puwede ba naming makalimutan ang kaarawan ng aming bunso?” tugon ng ina. “Halika na, mag-almusal na tayo nang sabay-sabay.”

Inilabas ng kaniyang pamilya ang mga pagkaing handa sa kaniyang kaarawan.




No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...