Madalas makita ni Puti na naglalagay ng laso si Pinky. Tuwing papasok sa eskuwelahan si Pinky, maglalagay ito ng lasong berde. Kahit si Pinky ay nagkikipaglaro, nakasuot pa rin ito ng laso. Iba rin ang lasong isinusuot ni Pinky kapag nagsisimba. Mas maganda naman ang laso ni Pinky kapag may okasyon o may kaarawang dadaluhan.
"Gusto ko ring magsuot ng laso," bulong ni Puti.
"O, Puti, papasok na ako sa eskuwela," paalam ni Pinky. Suot nito ang berdeng laso. Hinaplos pa nito ang kaniyang ulo.
"Meow," sagot ni Puti, saka inabangan ang pag-alis ni Pinky.
Pumasok si Puti sa kuwarto ni Pinky. Naglagay siya ng kulay-rosas na laso sa kaniyang leeg. Tuwang-tuwa siya.
Naglagay rin siya sa kaniyang buntot ng lasong pula. Napangiti siya kasi para siyang sirena.
Naglagay rin siya ng lilang laso sa kaniyang ulo. Napangiti siya kasi para siyang regalo.
Araw-araw ginagawa iyon ni Puti – tuwing hindi siya nakikita ni Pinky. Grabe ang kaligayahang dulot niyon kay Puti. Pagharap sa salamin, siya'y napapangiti. Tila isang reyna, manika, balerina, o manikin ang kaniyang nakikita. Lumalakad-lakad pa siya na parang modelo na kay ganda.
Subalit isang hapon, gulat na gulat si Pinky nang maabutan si Puti. "Bakit may suot kang laso?" singhal nito.
Galit na tinanggal ni Pinky ang suot na laso ni Puti. "Simula ngayon, hindi ka na papasok sa kuwarto ko."
Humilahid si Puti kay Pinky.
"Hindi!" sigaw ni Pinky. "Hindi puwedeng magsuot ng laso ang lalaki."
Kahit anong pakiusap ni Puti, hindi pumayag si Pinky. Kaya malungkot siyang lumabas sa kuwarto.
Patuloy na nainggit si Puti tuwing may suot na laso si Pinky. Naisip niya, "Ang laso ay hindi lang para sa mga babae." Kaya gumawa siya ng paraan.
Nagtungo si Puti sa kusina. Nakakita siya roon ng pinulupot na tali. At agad na inilagay sa buntot niya, subalit hindi iyon kasingganda ng mga laso ni Pinky.
Nagkalkal si Puti sa damitan ng ina ni Pinky. Nakakita siya ng makulay na tela. At agad niyang inilagay sa ulo niya. "Meow, ang bigat pala!"
Tuloy-tuloy pa rin si Puti sa pag-aasam na makapagsuot ng laso ni Pinky. Araw-araw, nakikiusap siya kay Pinky, pero hindi raw talaga puwede. Ang laso ay para lang sa mga babae.
Isang araw, nilagyan ni Pinky ng parang sinturon ang leeg ni Puti.
"Hayan, bagay na bagay sa ''yo, Puti! Asul na tali. Ang kulay ay panlalaki."
Kahit may kalembang na munti, hindi iyon nagustuhan ni Puti. Bukod sa maingay, para siyang nasasakal. Kaya pilit niyang tinatanggal.
Nagpaikot-ikot si Puti. Tumambling-tambling. Lumukso-lukso. Pero hindi pa rin natatanggal ang tali. Pagod na pagod siya, pero wala pa ring nangyayari.
"Meow, ayaw ko ng tali!" sabi ni Puti nang makita si Pinky. Tumihaya siya dahil hiningal siya nang sobra-sobra.
"Halika ka nga rito, Puti." Kinarga siya ni Pinky. Sumilay pa ang matamis nitong ngiti.
Yumakap siya kay Pinky kaya parang nawala ang pagod ni Puti.
"Nagustuhan mo ba ang bago mong tali?" tanong ni Pinky.
"Hindi." Hindi niya iyon sinabi. Napatingin siya sa laso ni Pinky. Noon niya lamang iyon nakita, kaya wala sa loob na hinawakan niya.
"Maganda ba ang laso ko?" tanong ni Pinky.
"Meow, Meow!" sagot ni Puti.
Inalis ni Pinky ang laso sa buhok at isinuot iyon sa kaniya. "Bagay sa 'yo ang lasong bahaghari, Puti!"
Magmula noon, nilalagyan palagi ng laso ni Pinky si Puti. Kung ano ang kulay ng laso na suot ni Puti, gayundin ang kulay ng laso na suot ni Pinky.