"Jim-Jiiiiiiiiiiim! Bungol ka ba? Kanina pa ako tawag nang tawag at gising nang gising sa 'yo! Bumangon ka na. Mahuhuli ka na sa eskuwela," palahaw ng kaniyang ina.
Araw-araw, ganito ang ingay na maririnig sa bahay nila. Palaging sumisigaw ang kaniyang ina dahil palagi rin siyang nagtataingang-kawali.
Pagbangon ni Jim-Jim, nakahain na ang mga pagkain. Agad na lalapit sa mesa si Jim-Jim para mag-almusal.
"Huwag kalimutang magdasal," paalala ng ina.
Pero parang walang narinig si Jim-Jim. Agad niyang lalantakan ang mga nakahain.
"Jim-Jim, pagkatapos mong kumain, tumulong ka muna sa akin," sabi ng kaniyang ama, na naghahanda ng mga ititindang kakanin.
Pero parang walang narinig si Jim-Jim. Agad siyang babalik sa kuwarto nang ang ama ay hindi nakatingin.
Lumabas naman si Jim-Jim sa kuwarto, pero mainit ang kaniyang ulo. Nakasimangot siyang sumunod sa ama, saka wala sa loob na gumawa. Muntik pa niyang mabitawan ang nakabilaong mga puto.
"Magdahan-dahan ka kasi," paalala ng kaniyang ama.
Sa eskuwela, ilang beses na siyang sinaway ng kaniyang guro. Hindi siya nakikinig sa itinuturo. Ang pagkikipagdaldalan lamang ang kaniyang gusto.
"Jim-Jiiiiiiiiiiim! Bungol ka ba? Kanina pa ako saway nang saway sa 'yo! Hindi ka ba tatahimik? Ayaw mo ba talagang makinig? Gusto mo ba ang matuto? O ipapatawag ko ang mga magulang mo?" palahaw ng kaniyang guro.
Saglit namang hihinto si Jim-Jim, at makikinig na sa guro nang pakunwari. Pero hindi pa magtatagal, makikipagdaldalan na naman siya sa katabi.
"Jim-Jim, ano'ng ang sagot sa tanong ko," sabi ng kaniyang guro.
Pero parang walang narinig si Jim-Jim. Agad siyang titigil pero sa malayo nakatingin.
"Jim-Jiiiiiiiiiiim! Bungol ka ba? Matagal ko nang sinasabi na ilagay mo ang mga hinubad mong uniporme sa tamang lagayan. Hindi ka talaga nakikinig at sumusunod sa mga magulang mo," palahaw ng kaniyang ina.
Naiinis na dinampot ni Jim-Jim ang mga hinubad na uniporme. Ipinantakip niya ang mga iyon sa kaniyang tainga.
"Aba! Aba! Tinatakpan mo pa ang tainga mo. Ayaw mo ba ng may pandinig ka? Sige, balang araw, mawawala sa 'yo ang pandinig mo," sabi ng ina.
Sunod-sunod pa ang pagbibingi-bingihan ni Jim-Jim sa mga utos ng ina.
"Jim-Jim, halika, tulungan mo ako sa kusina," sabi ng ina.
Parang walang narinig si Jim-Jim. Nilakasan niya pa ang volume ng telebisyon.
Parang walang narinig si Jim-Jim. Pinatay niya ang telebisyon, saka hiniram ang cell phone ng ina.
"Jim-jim, maghugas ka ng mga pinagkainan," utos ng ina.
Parang walang narinig si Jim-Jim. Pumasok na siya sa kuwarto niya.
"Jim-Jim, ginagawa mo na ba ang mga takdang-aralin mo?" tanong ng ina.
Parang walang narinig si Jim-Jim. Nagtakip lang siya ng unan sa tainga.
"Kung gising ka pa at naririnig mo pa ako, manalangin ka muna. Magpasalamat ka sa mga biyaya at humingi ka ng tawad sa Diyos," sabi pa ng kaniyang ina.
Kinabukasan, pagmulat ni Jim-Jim, napasigaw siya. "Mama... Papa... wala akong marinig!"
At dahil parang walang nakarinig sa kaniya, bumangon siya at lumabas sa kuwarto. Naabutan niyang nag-aalmusal ang kaniyang mga magulang at kapatid. Nagsalita siya, pero parang walang nakaririnig sa kaniya. Gumamit na siya ng mga kamay, pero walang nakauunawa sa kaniya.
"Ano raw?" tanong ng kaniyang ate.
"Hindi ko marinig at maunawaan," sabi ng kaniyang kuya.
"Wala rin akong marinig," sabi ng kaniyang ama.
"Ako rin," dagdag pa ng kaniyang ina. "Naku, Jim-Jim, kumain ka na lang para makapasok ka na sa eskuwela."
Tahimik na umupo si Jim-Jim, saka walang kibong nag-almusal.
Pagpasok niya sa eskuwela, parang hindi siya nakita ng kaniyang mga kaklase. Ang lagi niyang kadaldalan ay hindi pumasok, kaya wala siyang makausap.
Habang nagtuturo ang kaniyang guro, may naisip siyang ideya.
"Ma'am, ako po! Alam ko po ang sagot," sabi ni Jim-Jim.
Parang hindi siya narinig, kaya iba ang tinawag at sumagot.
Muling nagtanong ang guro nila.
"Ma'am, Ma'am, may ideya po ako," sabi uli niya.
Parang hindi siya narinig, kaya iba ang tinawag at sumagot.
Hanggang sa uwian, tahimik at nagtataka si Jim-Jim kung bakit walang nakaririnig sa kaniya. At kahit sa kalsada, parang sementeryo ang dinaraanan niya. Wala siyang naririnig na ingay. Noon niya naalala ang sinabi ng kaniyang ina.
"Ayaw mo ba ng may pandinig ka? Sige, balang araw, mawawala sa 'yo ang pandinig mo," sabi ng ina.
Pagdating sa bahay, tahimik siyang nagpalit ng uniporme. Inilagay niya sa tamang lagayan ang mga hinubad niya.
Nang makita niyang naghahanda ng hapunan ang kaniyang ina, tumulong siya.
At habang naghihintay sa pagdating ng ama at mga kapatid, naghain na siya. Naglagay siya ng mga plato, kubyertos, at baso sa mesa.
Nang naghahapunan na sila, tahimik pa rin si Jim-Jim. Wala pa rin siyang naririnig, kahit ang panalangin ng kaniyang kapatid.
Pagkatapos kumain, nagkusa na siyang maghugas ng mga pinagkainan. Ang kaniyang mga kapatid at magulang ay parang nagbubulungan, pero wala siyang maulinigan.
Sa kuwarto, tahimik na ginawa ni Jim-Jim ang mga takdang-aralin. Nagbasa rin siya ng mga aralin. At nang inantok na siya, parang narinig niya ang paalala sa kaniya ng ina.
"Kung gising ka pa at naririnig mo pa ako, manalangin ka muna. Magpasalamat ka sa mga biyaya at humingi ka ng tawad sa Diyos."
At iyon nga ay kaniyang ginawa. "Sana marinig Niya ako," bulong niya.
"Jim-Jim, gising na," tawag ng kaniyang ina.
"Mama, may naririnig na po ako!" sigaw niya, saka mabilis na bumangon para maghanda sa pagpasok sa eskuwela.
Simula noon, hindi na niya naririnig ang salitang 'bungol.'
No comments:
Post a Comment