Followers

Sunday, March 23, 2025

BABAE? ABA, EBA. IBA!

BABAE? ABA, EBA. IBA!

 

 

Aba! Siya’y isang magandang babae

Sentinaryo noon, siya’y dise siyete

Makinis, balingkinitan, at maputi

Tangkad niya’y bihira sa binibini

O kay sarap halikan ang mga labi

Taglay niyang karisma’y galing sa ngiti

Siya ay pangarap ng bawat lalaki.

 

 

Ebang maganda’y may pamilyang masaya

`Di man buo’t `di nakasama ang ama

Siya’y maligayang kapiling ang lola

Edukasyon ay suportado ng ina,

Na kumakayod-kalabaw sa Maynila

Kolehiyo’y pinaghuhusayan niya

Upang pangarap ay maabot talaga.

 

 

Maganda kung may inspirasyon, hindi ba?

Kaya naman siya’y mas lalong sumigla

Kay tibok ng dibdib, kay kislap ng mata

Nang isang kaklase, tumabi sa kan’ya

Sining na ginagawa ay nabuhay na

Hiling na iyo’y huwag nang matapos pa

Upang katabi’y palagi n’yang makita.

 

 

Aba! Pangarap na maging isang guro

Ay nag-ibayo nang bumukas ang mundo—

Asignaturang sining sa kolehiyo

Biyaya’t obra maestrang magpupuno

Sa matang malamlam, malungkot na puso

Kinabukasan, siya’y naghihingalo

Bukas pa, makakatabi ang guwapo

Kaya ang pananabik ay itatago.

Siya’y tinamaan ng pana ni Kupido

‘Di siya maharot, kundi marahuyo

‘Di kailangang magbigay ng motibo

Pagkat walang Adan, na `di matutukso

Sa taglay niyang kagandahan at anyo

Talagang mahahalina kahit sino

Lalo’t may layon, pananaw ay positibo.

 

Ibang ngiti, sumilay sa mga labi

Nang hinahangaa’y muling nakatabi

Dulot ay sigla at matamis na ngiti

Kulang na lang ay humiyaw at tumili

Tinging nakatutunaw, lumbay’ napawi

Mga kaklase, sa inggit ay napangiwi

At ang matandang propesora, nagsisi.

 

Bakit niya hinayaang magkatabi

Ang nagsusuyuang babae’t lalaki

“Hoy, Babae, gan’yan ba ang ‘yong ugali?”

‘Di na napigilan, bibig na makati

“Ikaw, Lalaki, lumayo ka sa giri.”

Nagtawanan na lamang ang buong klase

At sumunod na ang tuksuhang matindi.

 

Kaya si Eba’y nag-iba ng upuan

Sining na nililikha ay pinokusan

May markang mataas, `pag pinaghusayan

Nang maipasa, grado’y kay baba naman

Para sa propesora, pipitsugin lang

Matandang dalaga’y tila nalamangan

Animo sa pag-asa ay ninakawan.

 

Dumiskarte ang dalawang umiibig

Sa bahay ng lalaki, doo’y nagniig

Doo’y walang asungot, walang sisingit

Matamis na suyuan, walang maninilip

Likhang sining at pag-ibig: nagkatinig

Simpleng guhit, nagiging kaibig-ibig

Hanggang mga kamay, tuluyang magdikit.

 

 

Aba, ang maginoong Adan, may nobya!

Habang abala, pagdating nito’y bigla

Kailangang magtago, makitang wala

Patuloy sa pagtawag dahil sa duda

Pero nang abang babae’y umalis na

“Huwag kang mag-alala,” sabi sa kan’ya,

Sabay halik sa noo, na parang lola.

 

Maraming panahon sila’y nagkasama

Sa bahay ng maginoo, napag-isa

Pero ang respeto ay natanggap niya

Pagkakataon ay `di sinamantala

Kaniyang hiyas ay binigyang-halaga

Lalaking nakilala, handang magt’yaga

Sapagkat pangarap ay aabutin pa.

 

Si Babae’t si Lalaki’y laging magkasama kung saan

Sa mga biruan, tawanan, at maging sa iyakan

Walang nag-aalinlangan at walang nakahahadlang

Damdamin at isipan ay nasasambit kung ano ang laman

Bawat pintig ng puso ay pinakikinggan, nararamdaman

Hanggang si Babae at si Lalaki ay nagsumpaan

Na sa takdang panahon, silang dalawa ay mag-iibigan.

 

Ibang kasiyahan at karanasan ang hatid ng bawat isa

Kahit kasama ang mga barkada, magkaulayaw sila

Kahit may nagseselos na, tuloy pa rin ang tinginan nila

Mabuti ay mapagtimpi at matiisin ang tunay na nobya  

Unang minahal, pero natatanggap na atensiyon, kulang na

Dahil tunay na mahal ay siya— siyang ibang-ibang Eba.

Babaeng ibang-iba ang prinsipyo, ibang-iba ang karisma.

 

Babae, aba, siya’y nakahandang magpaubaya

Tunay na nagmamay-ari sa lalaking mahal niya

Nais niyang kausapin, at sabihing “Pasensiya na,

Kung napalagay ang loob, nahulog ako sa kaniya.

Kaya ngayon, ako’y iiwas, tatakas, at lalayo pa.”

Subalit, hindi nila sinubukan dahil hindi nila kaya

Isang pagdadalamhati ang mawalay sa isa’t isa.

 

Pagsusuyua’y muling nagpatuloy, lalong tumibay

Sa dalampasigan, sila’y nangarap sa buhay

Sa isang hardin, sila’y magkahawak ng kamay

“Dahong ito ang nais ko kapag ako’y ikinasal.”

Tumingin siya sa lalaking kaniyang minamahal

“Sige, basta tayo’y magtatapos muna ng pag-aaral,”

Tugon ng lalaking maginoo at mapagmahal.

 

Aba, semestral break na! O, kay bilis ng panahon!

Mga puso nila’y waring nanghihingi ng karugtong

Hiling nila’y mabilis sanang matapos ang bakasyon

Ang pagkikitang muli ay kanilang baon-baon

At sa kanilang pagbabalik, muling magkatabi, puhon!

Pangako sa isa’t isa’y hindi hadlang ang panahon

Mananatiling tapat, maghihintay sa tamang pagkakataon.

 

Taong 1999 noon, liham ang mabilis na komunikasyon

Subalit ang dalawa’y nagtiis nang walang ganoon

Sapagkat tiwala, pagmamahal, at pag-asa ay naroon

Naroon sa mga puso nila— nakaukit at nakabaon

Pangako’y tutuparin, na oras ay buong-buo nang itutuon.

Wala nang aaksayahin pang oras at panahon

Si Lalaki’y handang-handa na sa anomang hamon.

 

Nagbukas ang pamantasan, pananabik ay nawakasan

Pagkikita nilang dalawa, sa pasilyo isinakatuparan

Aba si Eba, lalong kapansin-pasin ang kagandahan

Kaya si Adan, nag-aasam na ang dalaga’y mahagkan

Subalit mga mata niya’y may hatid na kalungkutan

Mga labi ng babae’y salitang “Sorry” ang pinakawalan.

Sa pagtataka, mga luha ng lalaki ay nais mag-unahan. 

 

“Bakit ka nagso-sorry?” maang na tanong ng Adan.

Hindi na inalintana ang mga estudyanteng nagdaraan

Pagtangis ng kaniyang mahal, nais niyang maunawaan.

Bulong man ay kay lakas ng ugong nang maulinigan

Kay saklap na katotohanan, kay sakit pakinggan

Ebang itinatangi ay iba na ang napupusuan

Kaya ang pakiusap, iyon na ang huling tagpuan.

 

Aba, si Adan ay sakbibi ng lumbay at lungkot

Sa pagtataka, pagsisisi, at poot, siya’y nabalot

Nagtataka, bakit pagmamahala’y biglang nilagot

Nagsisisi, bakit sa piling niya’y babae’y nabagot

Napopoot sa lalaking nang-agaw at sumulot

Subalit walang nagawa kundi maghanap ng sulok

Doon, dinamdam ang masaklap na dagok.

 

Babae… Eba… Marikit… Kaibig-ibig

Aba! Iba. Ibang-iba ang natamong pag-ibig

Inspirasyon, ligaya, at sakit ang hatid

Subalit ang lalaki…  si Adan, `di nagpadaig

Sa kanilang tagpuan, palaging bumabalik

Umasa, umaasa, at aasang magbabalik

Subalit paghihintay ay nauwi lang sa hibik.

 

Aba, lampas dekada na ang lumipas

Pag-ibig ni Lalaki’y hindi pa rin kumupas

Si Eba, kaniyang pangarap, hinanap-hanap

Komunikasyon noo’y hindi na mahirap

Tulong ng teknolohiya’y ganap na ganap

Kaya ang dating kasintahan ay nahanap

Kanilang pagkikita’y pinag-usapan agad.

 

Aba! Aking mga tagapakinig, kilig na kilig

Pero teka muna… sandali… Makinig

Tuldukan itong pagtula, ang aking ibig

Sa lungkot at saya ako ngayo’y tigib

Sa kuwentong ito, ako ang mangingibig

Si Eba na aking sinisinta, aking inibig

Ayaw kong maalala, kahit kaniyang tinig.

 

Patawad, pero karugtong ay `wag nang hilingin

Wala na rin tayong magagawa kahit pa kiligin

Gayunpaman, pangako ko’y tutuparin

Na puso ko’y kaniya, puso niya’y akin

Hanggang tuluyang lumabo ang aking paningin

Hanggang tuluyang ang hininga ko’y bawiin

“Magkikita pa rin tayo,” pangako niya sa akin.

 

Sige na nga! Kayo’y aking pagbibigyan na.

Akin nang itutuloy ang karugtong nitong tula.

Mga babae, ako sa inyo ay hangang-hanga

‘Pagkat pagmamahal ninyo, ni kapares ay wala

Katulad ng abang Eba, na aking sinisinta—

Siya ay babaeng ekstraordinaryo talaga

Kaya’t puso ko’y nananatiling nasa kaniya.

 

Kami nga’y nagkita, matapos ang dalawang dekada

Biyernes Santo noon, nang kami’y magkita

Mga puso’t katawan namin ay tigib ng ligaya

Subalit wala pa ring nagbabago sa kaniya

May respeto sa sarili at sa kani-kaniya naming asawa

Pita ng laman ay wala sa kaisipan niya

Magkausap lang kami ay sapat na sapat na.

 

Kahanga-hanga talaga siyang Eba!

Kaya nga sobrang minahal at nirespeto ko siya.

Oo, mahal na mahal ko siya dahil siya’y naiiba

Siya ang nagpaiyak sa akin nang sobra—

Iyak na hindi dulot ng sakit at pagdurusa— kundi awa.

Awang-awa ako sa kaniya nang ipagtapat na niya.

 

Dahilan ng pakikipaghiwalay niya’y nakakaiyak talaga.

Tandang-tanda ko pa ang mga binigkas niyang salita—

Punong-puno ng galit at poot, pero sa akin ay naaawa

Sana raw ay mapatawad ko siya at aking maunawa

“Oo,” sabi ko, “Ang mahalaga ngayon ay masaya ka.”

“At sa lalaking mang-aagaw ay nakalaya ka na.”

Tumulo ang kaniyang luha, saka ako’y niyakap niya.

 

“Nilasing at pinagsamantalahan niya ako.”

Hanggang ngayon paulit-ulit pa rin dito sa ulo ko

Ang bulong ng hinagpis niya ay poot sa puso ko

Ngayon, sabihin ninyo… Sabihin ninyo…

Dapat ko na ba siyang iwaksi sa aking puso?

Dapat ko na bang kalimutan ang aming pangako,

Na kahit sa aming pagtanda—siya at ako?

 

Sa lahat ng Eba at Adan na narito, makinig kayo

Ang babae ay mahalagang hiyas, kapara ng ginto

Ang kanilang pagkababae ay biyaya at sagrado

Mga Eba, ingatan ninyo ang inyong imahe at pagkatao

Mga Adan, kanilang pagkababae ay ating irespeto

Huwag sanang umabot sa masalimuot na punto--

Na magdurusa ang babae dahil lamang sa tukso.

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Aking Journal -- Marso 2025

  Marso 1, 2025 Past 4 am, bumiyahe na ako patungong school para dumalo sa BSP Day Camp sa aming paaralan. Isa ako sa mga scouter na magha...