Nagulat ako paglabas ko sa hotel room kasi kasunod
kong lumabas ang isang pamilyar na lalaki, mula sa katabing kuwarto. Pagkatapos
niyang kumambiyo, halos mapaurong siya sa gulat nang makita akong gumagapang
pababa sa hagdan. Antok na antok pa ako kaya naisipan kong gumapang upang hindi
ako mahulog.
Namalayan ko na lang magkasalo na kami sa maagang almusal.
Nasa gilid kami ng kalsada, at nasa gilid ng abandonadong bahay. Naalala ko,
nag-inuman pala kami kagabi. Hindi ko lang matandaan kung sino-sino pa ang
kasama namin.
Pakiramdam ko, matagal na kaming magkaibigan, batay sa aming
kuwentuhan. Pinag-usapan namin ang pelikula, na pinagbibidahan naming dalawa.
Hindi ko pa nauubos ang sopas na nasa styro cup, may
sasakyang dumaan. Mabagal lang ang takbo niyon, kaya naririnig ko ang usapan nila.
"Nandito siya!" tili ng isang babae, nang makalayo
nang kaunti.
"Huh? Paano mo nasabi?" tanong naman ng isa pang
babae.
"Ayan, o! May tarpaulin siya."
Naalala ko, may pa-welcome tarpaulin nga pala sa
harap ng gate.
Ang sumunod na nangyari, naghanap kami ng matataguan dahil
ayaw ng kaibigan ko na kuyugin siya ng fans. Sa aming paghahanap ng
matataguan, noon ko lang napansin na nasa dystopian village pala ako.
Kaya pala ang dilim sa hotel. Kaya pala andaming sinaunang bahay na sira-sira.
Nakahanap kami ng isang bukas na bahay. Nagtago kami roon.
At dahil may mga butas ang bubong at dingding ng bahay na iyon, at may mga
pumasok na liwanag, na hindi ko mawari kung saan nanggaling, naaninag ko ang
mukha ni Joshua Garcia. Gusto kong itanong kung bakit nandoon siya, pero hindi
ko na nagawa dahil kumatok na ang mga babae.
At nang makapasok ang isang babae, nagising na ako.
No comments:
Post a Comment