Followers

Saturday, September 2, 2017

Ang mga Laruan ni Juan



"Juaaan!" galit na tawag ng ina. "Halika nga rito, bata ka."

Hawak ang cellphone na lumapit si Juan sa ina. "Bakit po?"

"Bakit? Tingnan mo itong mga latuan mo. Nagkalat. Muntik na nga akong matumba dahil naapakan ko."

"E, hindi po kasi nag-iingat," sagot ni Juan. Saka muling pumindot sa cellphone.

"Aba, aba! Kapag ako, napuno sa 'yo  Juan, makikita mo. Makikita mo!"

Hindi iyon narinig ni Juan dahil abala siya sa paglalaro sa cellphone.

"Iligpit mo na, bago ko pa itapon ang mga iyan," utos ng ina.

"Mamaya na po. Naglalaro pa ako."

Laging ganoon ang mag-ina.

Maglalaro si Juan. Ang kanyang ina naman ang magliligpit pagkatapos dahil iniiwanan lang nito kung saan.

Isang araw, nataranta si Juan.

"Mama, nasaan po ang mga laruan ko?"

"Hindi ko alam."

"Itinapon niyo na po ba?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Juan, saka muling umakyat.

"Hindi ko itinapon, Juan."

Hindi iyon pinaniwalaan ni Juan. Narinig niya ang binitiwang salita ng kanyang ina.

"Kapag ako, napuno sa 'yo  Juan, makikita mo. Makikita mo!"

Umiyak siya nang umiyak sa kuwarto hanggang sa makatulog siya.

Pagmulat ni Juan,  nasa isang maliit na kuwartong salamin siya.

"Nasaan ako? Bakit ako nandito?" Kinalampag niya ang salamin. "Palabasin ninyo ako rito!"

Mayamaya isang pamilyar na mukha ang bumulaga sa kanyang harapan.

"Ang laruan ko! Bakit lumaki siya at nakakakilos?" Napaurong siya.

Napag-alaman niyang nasa loob siya ng cellphone. Nilalaro siya ng kanyang laruang sundalo.

"Hindi! Hindi ako puwedeng ganito habambuhay!" Gusto niyang umupo at sumandal, pero hindi siya pinapahinga ng laruan. Hindi niya maisip kung ano ang gagawin. Pagod na pagod na siyang tumakbo at makipaghabulan sa halimaw na nasa loob ng salamin.

Saglit na nahinto ang kanyang pagtakbo nang mapagod ang sundalong laruan sa paglaro. Kaya lang, ipinagamit naman nito ang cellphone sa ibang dambuhalang laruan.

Ilang sandali ang lumipas, dumilim ang silid. Sumigaw nang sumigaw si Juan, ngunit walang nakakarinig.

"Mama, nasaan ka po? Tulungan mo ako rito," iyak ni Juan. "Sabi mo, makikita ko. Tama ka po... Nakita ko na po ang resulta ng katigasan ng ulo ko."

Nasilaw si Juan nang may magbukas ng ilaw. Malaya na siya.

"Mama?" Nakita ni Juan ang ina na hawak ang cellphone at ang lalagyan ng kanyang mga laruan. Katabi naman niya ang mga laruang nabuhay at lumaki.

"O, Juan, bakit pawis na pawis ka?"

"Wala po, Mama. Nahanap niyo na po pala ang iba kong mga laruan. Sorry po pala."

"Naku, Juan, sana tuloy-tuloy na 'yan. Tandaan mo, ang paglalaro ay bahagi ng iyong kabataan, pero dapat maging responsable ka rin sa mga tungkulin mo bilang anak."

"Opo, Mama."

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...