Followers

Sunday, October 1, 2017

Ang Aking Journal -- Oktubre 2017

Oktubre 1, 2017 Napuyat kami kagabi dahil sa hika ni Zillion. Although, hindi naman ako ang nag-alaga, apektado rin ako dahil sa pag-aalala. Kinaumagahan, after kung mag-almusal, ako ang magpainom sa kanya ng mainit-init na gatas. Mayamaya laIng ay naisuka niya na ang plema. Agad din siyang lumakas at guminhawa. Nawala ang pag-aalala ni Emily. Tarantahin kasi masyado. Hindi na makaisip ng solusyon sa simpleng problema. Past 1:30 pm, dumalo ako sa First Homeowners' Association Assembly. Umuwi rin ako bago ito matapos dahil alam ko na ang mga susunod na mangyayari. Naghanap lang ng election committee para sa unang HOA election. Oktubre 2, 2017 Masigla akong nagturo sa lahat ng kalse ko, kahit ang ilan ay pasaway. Sa palagay ko, nagawa ko silang mapatuto dahil sa pamaya-mayang sermon, pangaral, at payo. Nang vacant period ko, naghanda naman ako ng IMs ko para bukas. Ayaw ko nang mag-uwi ng trabaho. After class, habang nagpra-practice ng sayaw ang ilang pupils ko, nagpo-post naman ako ng kanilang mga akda. Past 3:30 na ako nakaalis sa school. Gabi, nag-tutorial ako kay Bobot, anak ng kapitbahay at beshie ni Emily. Ikalimang araw na namin. Oktubre 3, 2017 Kulang na naman ako sa tulog dahil sa ingay ng mag-ina. Gayunpaman, sinikap kong maging masigla sa harap ng bawat klase. Nakapagturo ako nang maayos. Kaya lang, hindi ako nakapagturo sa Section Amethyst dahil dumating Bethany. Nagturo sila ng Values Ed. After class, binisita ako ni Justine Klye. Estudyante ko siya noong Grade Five. Natuwa ako sa kanyang mha pananaw sa buhay. Kahanga-hanga ang kanyang mga prinsipyo. Ang sarap niyang kausap. Hindi siya tulad ng ibang estudyante na puro kalokohan lang. Matured na ang kanyang isip at kilos. Kinse anyos lang siya. Ang suwerte ng kanyang ina. Past 4 na ako nakalabas sa school dahil bumuhos ang malakas na ulan bandang alas-3, kaya ginabi na ako sa tutorial ko. Oktubre 4, 2017 Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil naging eager ulit akong magturo. Nanumbalik na ang dating sigla ko na mapatuto ang bawat bata. Ayaw ko nang may nagpapasaway. Kaya naman, pinupukaw ko ang atensiyon nila kapag nalilingat sila. At, maganda ang epekto kapag lahat at nakikinig at nakikitalakayan. Kinausap ako ng principal tungkol sa INSET. Ako ang itinoka niya bilang co-chairman nito. Pinaghahanda na niya ako ng training proposal at matrix. Excited akong maging chuarman. First time ko sa INSET. Pangalawa ko ito bilang chairman. Ang una ay chairman ako ng Recognition Day. After ng klase, in-edit ko ang proposal na ginawa ko noon kay Sir Erwin nang siya ay nasa PVES pa. Nakatulong talaga sa akin ang paghingi niya ng tulong sa akin. Ngayon, ako naman ang chairman. Hindi na naman natuloy ang pag-format namin ni Ma'am Joann ng big book sa isasali niya sa story writing contest dahil naiwan sa bus ng illustrator niya ang drawings. Nakauwi ako at past 5. Antok at gutom na gutom ako. Pero, nagawa ko pa ring mag-tutor kay Bobot. Oktubre 5, 2017 Napuyat ako sa away ng dalawang grupo ng aso sa tapat ng bahay namin. Kaya, 4:15 am ko na narinig ang alarm, na supposedly 3:45 am. Pero, akala ko ay late ako. Seven pala ang pasok namin. Nakalimutan ko. Matagumpay ang pagdiriwang ng World Teachers' Day. May mga natanggap akong regalo kahit ipinagbawal ko sa mga pupils ko. May nagdala ng pansit. May nagbigay mula sa ibang sections. Masaya rin ako nang Part 2 (Teachers and GPTA only) kahit hindi ako nakasali sa mga contests dahil ginawa akong photographer ni Ma'am. Okay lang naman. Past 6 na ako nakauwi. Nag-tutor agaf ako. Hirap na hirap mag-memorize ang tutee ko ng multiplication. Kailangan ko siyang araw-arawin ng flash cards. Oktubre 6, 2017 Nagpa-summative test lang ako sa advisory class ko at sa Section Aquamarine. Hindi ko napasok ang Section Emerald dahil walang palitan ng klase. Wala ang tatlong teachers. Gayunpaman, sick kong maging makabuluhan at produktibo ang pagpasok ng Section Topaz. Kaya, nagturo ako nang nagturo at nagpasulat at nagpa-group work. Kinulang pa nga sila sa oras dahil kinuha sila ng teacher sa last period. Okay lang dahil nakapaghanda ako ng IMs para sa Lunes. Excited na sana ako sa awarding bukas ng journalism, kaya lang hindi na raw matutuloy ang ABES. Ayon sa principal, huwag na lang daw kaming dumalo. Okay lang naman. Chinat ko kaagad ang estudyante ko para hindi masayang ang pagpunta bukas sa school. Makakapagpahinga ako bukas. Umuwi ako agad nang nag-text si Emily. Inimbitahan siya ni Ate Pam dahil death anniversary ni Kuya Michael. Sinabi kong hindi ako makakasama. Umuwi lang ako nang maaga. Hindi ko na sila naabutan sa bahay. Bandang alas-2:30 yata ako dumating. Sa unang pagkakataon, nakaidlip ako pagkatapos manuod ng Showtime. Past 5:30 na ako bumangon. Bitin, pero gumanda ang pakiramdam ko. Gabi, nag-tutor ako kay Bobot. Game naman siya sa pagtaas ng boses ko. Kahit paano, hindi na siya nai-intimidate sa akin. Dapat lang naman kasi kailangan niyang matuto. Pagkatapos mag-dinner, nag-encode ako ng mga news article ng mga bata at nag-edit ng school paper. Bukas, haharapin ko naman ang anthology book ng VI-Topaz. Naipangako ko na sa kanila kanina, na ipapa-quotation ko na sa Lunes para malaman na namin ang presyo at makapaningil na ako ng oorder. Excited na kaming lahat. Oktubre 7, 2017 Nasolo ko ang bahay ng kalahating araw. Nakapaglinis ako at nakapag-relax sa harap ng tv. Ala-una na sila dumating galing sa Las Pinas. Hapon, hinarap ko ang Tambuli. Gusto ko nang maunti-unti ito para bago pa ako hanapan ni Ma'am, may maipapakita na ako. Gabi. Na-bad trip ako sa mga reklamo ni Emily. Kesyo nahihirapan na siyang maglaba at kailangan na niya ng washing machine. Kesyo sinabi ko raw na imbes na magpabunot siya ng sumasakit na bagang, ipambili na lang ng materyales. Gusto niya agad-agad. Ano ang mabibili sa P400. (Isip-isip din sana.) Kesyo naka-bricks ang bahay ng pinsan niya sa Las Pinas. Biniro pa ako. Huwag na raw akong mamasahe. Maglakad na lang daw ako pagpasok. Galing! Mabuti sana kung nagpapasok siya ng pera. Hindi ko siya pinansin hanggang matulog kami. Oktubre 9, 2017 Nainis ako sa advisory class ko. Ayaw nilang umayos nang magtuturo na ako ng Filipino. Sinasabayan nila sa kakadaldal. Huminto nga ako't ginawa ko na lang ang format ng bigbook ni Ma'am Joann, na naipasa niya bandang hapon. Nagpagabi ako ng uwi dahil naiinis pa rin ako sa asawa ko. Nasa bahay naman ang tutee ko, kaya nag-tutor agad ako. Kahit pagod, gutom, at masakit ang ulo ko, wala siyang narinig na reklamo mula sa akin. Never niya ako mariringgan ng reklamo. Oktubre 10, 2017 Sinikap kong maturuan lahat ng lesson na inihanda ko. Ayaw ko na ng may backlog. Nagawa ko naman. Sa Section Topaz, nagpa-written work lang ako dahil nauna silang naturuan. After class, naghanda ako ng learning materials para bukas. Pagkatapos, nakatiyempo ang chat ng principal. May ipinagawa sa akin-- introduction daw ng Elevate Reading Program niya. Pero, nang binigyan ako ng sample, parang Chapters 1, 2 and 3 ng thesis. Wala akong nagawa, kundi ang tanggapin ang challenge. Tiwala siya sa kakayahan ko, e, kaya walang rason para tanggihan siya. Ginabi ako nang uwi. Mga quarter to eight. Nakauwi na ang tutee ko. Hindi naman ako napagod sa biyahe, kahit traffic, nagutom lang ako. Hindi ko pa rin pinapansin si Emily. Hindi ko alam kung bakit. Oktubre 11, 2017 Natuwa ako dahil naging maayos ang discussion ko sa apat na klaseng pinasukan ko. Pero, na-bad trip ako sa last class ko. Wala silang respeto. Nakikipagsabayan sa akin. Tumigil nga ako. Nagsermon na lang ako nang kaunti at hinayaan silang kumopya at matuto sa kanilang sariling paraan. After ng klase, hinarap ko ang mga obligasyon ko like paggawa ng IMs. Ginawa ko rin ang narrative ng project ni Ma'am. Hindi ko nga lang natapos ang paglagay ng page number sa anthology namin ng VI-Topaz. Past 5 na ako umalis sa school. Kasabay ko uli sina Papang at Emeritus. Past 7, nasa bahay na ako. Agad kong hinarap si Bobot para sa tutorial namin. Oktubre 12, 2017 Isang produktibong araw na naman ang lumipas. Isa ring makabuluhan pagtatalakay ang ibinigay ko sa mga estudyante, maliban sa Aquamarine. Pinaparusahan ko sila sa kanilang pagiging bastos at walang pagpapahalaga sa efforts ng mga guro. Pinakopya ko lang sila. May isang nakikiusap na magturo ako, pero hindi ko ginawa. Hahayaan ko muna silang magbago. Ang advisory class ko, nag-enjoy nang husto sa kanilang group work. Nag-overtime tuloy kami. Umaga, naipasa ko na kay Ma'am ang narrative na ipinagawa niya sa akin. Hindi pa niya iyon nababasa, kaya siguro hindi pa siya nagbigay ng feedback. Kagaya kahapon, nagpagabi ako. Siyempre, may mga ginawa ako, like nag-edit ng manuscript, naghanda ng summative test, at kung ano-ano pa. Kaya nang dumating ako sa bahay, wala na ang tutee ko. Past 7 pa lang naman, kaya lang hindi na ako nahintay. Nagutom na raw kasi. Oktubre 13, 2017 Nagpa-summative test lang ako sa AP classes ko. Sa Filipino naman, nagpasulat ako ng sanaysay bilang bahagi ng aralin. Then, nagawa ko na ang paglalagay ng page number sa anthology book. After class, naghintay ako kina Ma'am Edith at Sir Erwin para sa bonding ng 1000 group sa MOA. Nang paalis na kami, biglang bumuhos ang ulan. Iyon na ang simula ng kamalasan namin. Hindi kami natuloy kahit antagal naming naghintay sa driver ng Grab. Ilang beses kaming nag-cancel dahil nagda-drop off pa. Then, naglakad kami para mag-abang ng dyip. Basang-basa na kami, pero ni isang taxi ay hindi kami hinintuan. Grabe ang hirap sumakay. Nang nag-desisyong umuwi na lang ang mag-ama, gusto ko pa sanang matuloy, kaya lang wala talagang masakyan. Naalala ko, Friday the 13th pala ngayon. Kaya pala nang nasa Baclaran na ako, wala ng bus na patungong Naic. Kinailangan ko pang makipagsiksikan sa aircon bus para makasakay. Halos magka-stampede na nang may dumaang bus. Nakaaakay ako, nakatayo maman. At, ang malala, nabalahaw kami sa traffic. May mabilis pa yata ang pagod. Alas-onse na, kalagitnaan pa lang kami. Ngayon lang ako nakaranas ng ganoon katagal na traffic. Before 12 na ako nakauwi. Gutom na gutom, pagod na pagod, at antok na antok na ako. Friday the 13th man at minalas ako, thankful pa rin ako dahil safe akong nakauwi. Oktubre 14, 2017 Nakabawi na ako ng tulog. Past 8 na ako bumangon. Hindi naman naniniwala si Emily na na-traffic ako kagabi. Gayunpaman, naging tahimik ako maghapon dahil parang mabigat pa rin ang katawan ko sa limang araw na pagpasok. Mabuti na lang hindi ako nagkasakit. Naulanan kasi ako kagabi nang nakipagsiksikan ako sa pagsakay ng bus. Grabe iyon. Parang may stampede na. Nakita ko ang pagpupunyagi ni Emily na kumita kahit kaunti sa pagtitinda ng kikiam, fish ball, squid ball, French fries, at iba pa. Kahit maulan, marami naman ang sumasadya para bumili. Nakakatuwa. Oktubre 15, 2017 Habang namamalengke si Emily, naglinis naman ako ng kuwarto ko at sa sala. Ilang araw rin siyang abala sa pagtitinda, kaya medyo napabayaan ang bahay. Inasikaso ko rin ang pagpapatuyo ng mga damit, na ilang araw nang hindi nasisinagan ng araw. Kahit paano ay natuyo ang iba. At, siyempre nakapag-gardening din ako. Ang sarap talagang tingnan ang mga halaman. Nakakawala ng stress at problema. Hapon pa lang, nalaman ko nang walang pasok bukas dahil sa national transport strike. Two days pa. Kaya naman, nakapanuod ako ng tv nang up-to-sawa. Oktubre 16, 2017 Pagkatapos mag-almusal, nag-gardening ako. Isang paraan na rin iyon upang makakuha ng vitamin D. Naglabasan din ang mag-ina ko. Kakaibang garden bonding iyon, lalo na't maganda ang sikat ng araw. Nakapag-encode din ako ng journal ko at nakapagsulat ng karugtong ng nobela. Hapon, tinulungan ko si Emily na magluto ng paninda niya. Kaya lang, nadiskubre ko na lugi siya. Nasermunan ko tuloy. Pinatigil ko na siya at pinagpokus sa pagtitinda ng ice, icred water, at ice candy dahil bakante lang naman ang ref. Hindi pa ito masyadong hassle at hindi kailangan ng maraming props. Agree naman siya. Oktubre 17, 2017 Pumasok ako kasi wala namang suspension ng klase bago ako natulog. Chinat pa nga ako ng estudyante ko. Kaya lang, pagdating ko sa school, wala talagang pasok. Hindi ko rin na-open ang FB nang nasa Cavite pa ako kasi lowbat ang wifi ko. Okay lang naman dahil marami akong nagawa sa classroom. Na-final edit ko pa ang anthology at nabigyan na ako ng exact price per book. Past 1:30, nasa bahay na ako. Kahit paano ay nakapagpahinga pa ako at nakapag-bonding sa mag-ina ako. Oktubre 18, 2017 Hindi pa nga ako nakapag-almusal, ipinatawag na ako ng principal. May ibinigay siyang task sa akin. As a consolation o pasasalamat, aniya, inabutan niya ako ng gift-- dalawang shirts at dalawang bath soap. Ginawa ko agad at nang maayos ang report niya kahit may klase ako. Mabuti na lang, mabilis ko lang na-discuss ang lesson ko. After class, isinama ako sa meeting ng mga MTs at GLs. Pinuri agad ako ni Ma'am sa harap nila. Hindi ko raw siya tinatanggihan. Para raw akong si Superman, always ready to help kahit saan at kahit kailan. Nahiya ako sa mga kaguro ko. Pagkatapos ng meeting, sumakit ang ulo ko. Ang tindi ng sakit. Gusto ko pa sanang maghanda ng visual aids, hindi ko na kinaya. Umuwi na ako. Pagdating ko sa bahay, masakit pa rin. Hanggang bago ako matulog... Haist! I hate this ache! Nakakawala sa mood. Oktubre 19, 2017 Mabilis ko lang naipaunawa sa mga bata ang lesson ko sa AP 6. Kaya, may oras pa sila para magtanong at kumopya. Nagturo na rin ako sa Aquamarine dahil maayos na sila nang pumasok ako. All ears na sila. Nagpa-activity naman ako sa Fil 6. Na-enjoy nila ang kamay thing. Marami rin akong natuklasan tungkol sa kanila dahil isinulat nila sa kanilang kamay. Hapon, after class, nag-edit ako ng kuwentong pambata na isasali ko sa Lampara. Nasabihan ko na rin si Ma'am Joann tungkol sa writing contest, kaya thankful siya sa akin dahil sa pagpu-push ko sa kanya. Past 3, umuwi na ako. Medyo sumakit na naman kasi ang ulo ko. Inaliw ko lang ang sarili ko sa pamamagitan ng panunuod ng 'Kita Kita,' habang nasa biyahe. Gayunpaman, hindi gaanong masakit kumpara kahapon. Oktubre 20, 2017 Walang palitan ng klase, kaya sinolo ko ang advisory class ko. Nakapagturo na rin ako ng ESP sa wakas. Marami silang activities. Sa bawat subject, nagkaroon ng group work. Habang ako naman ay kumuha ng pictures sa Turn-Over Ceremony of Drinking Fountain. May pinagsulat naman ako ng article. Agad akong umuwi pagkatapos ng klase. Tiniis ko ang init para makapagpahinga naman ako pagdating. Gabi, nakipag-bonding ako sa mag-ina ko. Nag-food trip kami at nanuod ng pelikula. Enjoy kaming tatlo. Oktubre 21, 2017 Naglinis ako sa kuwarto ko. Naglinis din ako sa dala habang nasa palengke si Emily at habang naglalaro sa kuwarto niya si Ion. Pagkatapos, nag-encode ako ng journal ko. Nakapagtsek na rin ako ng mga written works ng mga bata. Fulfilled ako ngayong araw. Hindi nga lang ako nakapag-gardening dahil mayamaya ang pag-ambon. Siyempre, hindi ko pinalampas ang pagsusulat. Nakatapos ako ng dalawang chapters. After dinner, napag-isa ako sa bahay dahil nayaya si Emily sa birthday-han. Humabol rin si Ion pagkatapos manuod ng LBS. Oktubre 22, 2017 Hindi ko nagawang matulog up-to-sawa. Bandang alas-sais kasi maingay na ang paligid. Bumangon na rin ako at naghanda ng almusal. Gaya kahapon, nag-encode at nagsulat ako. Naisulat ko na rin ang project namin nina Ma'am Nhanie. Binigyan niya ako ng apat na titles para gawan ng kuwentong pambata, na angkop sa Kinder. Naisulat ko bago magtanghali ang tatlo. Although, wala pang linaw ang proyekto, ginagawa ko ang lahat para maging bahagi ako kung anuman ang natatamasa niyang tagumpay sa publishing. Huwag lang sana akong pagsasamatalahan. Beaides, unlimited naman ang kakayahan kong magsulat. Mananakaw lang ang gawa ko, hindi ang abilidad ko. Nakapag-gardening din ako. Natutuwa ako sa mga bino-bonsai ko. Kahit paano nakikita ko na ang improvement ng mga ito. Oktubre 23, 2017 Maaga akong nakarating sa school, kaya nakagawa pa ako ng tarpapel. Natulungan pa ako ng mga best friends ko. Naging matagumpay ang unang araw ng INSET namin. Masasabi kong kaya ko nang maging punong abala. So far, wala namang reklamo o aberya. Sana maging maayos pa ang apat na araw. Pinakiusapan naman ako ng isang parent na kilala si Ma'am Joann, na turuan ang apo niyang mag-declaim. Na-challenge ako, kaya tinanggap ko. Hindi nga lang natuloy ang unang practice dapat kanina dahil naiwan ang piece. Hindi ko pa naman mahanap sa google o youtube. Nang nasa dyip na ako, saka ko nakita. Challenge nga ang gagawin ko. First time kong magturo ng declamation. Hindi pa masyadong gasgas ang piyesa, kaya walang mapanggagayahan. Past 7 na ako dumating sa bahay. Medyo masakit ang ulo ko, pero ayos lang. Oktubre 24, 2017 Hindi ako ang pinakaunang dumating sa school. Nauna sa akin si Ms. Kris. Okay lang. Hindi naman kasi ako maa-award-an dahil ako ang co-chair. Sana ma-maintain niya till Friday para siya ang makatanggap ng price. Naging maayos naman ang 2nd day ng INSET namin. SRA Reading Laboratories aa umaga, workshop sa hapon. Naging active at productive naman ang lahat. After the training-workshop, may meeting pa kaming ELEVATE Reading Program Team with Ma'am Laarni. Dagdag trabaho na naman. Naisingit ko pa ang pagtuturo ng declamation. Hindi ko pa siya pinag-declaim. Itinuro ko lang ang mga dapat na gawin. Gusto ko munang makita kung paano niya i-interpret ang piece. Past 7 ako nakauwi. Pagod ako, pero masaya lalo na nang nakita ko ang mga tiles na ipinabili ko kay Emily para sa banyo namin. Late akong natulog dahil kinontak ako ng staff ng Brigada- GMA NewsTv. Recommended ni Sir Imma. Baka mai-feature ang VI-Topaz dahil naghahanap sila ng batang children's storywriter. Dahil naging bahagi ang "Walang Pamagat" noong sa unang storytelling event ng Basyang, nairekomenda ang section ko. Tuwang-tuwa ako nang maka-chat ko si Sharmaigne Salazar Ronsario dahil magkakaroon ako at ang mga pupils ko ng tv exposure. Makikilala kami sa writing world. Siyempre, isang malaking karangalan para sa school. Si Chealsey ang inirekomenda ko dahil siya ang may pinakamaraming akda. Nagustuhan din naman siya ng staff, kaya hiningi ang contact number niya. Wala pang final date or confirmation ng interview, pero alam kong magaganap iyon. Napuyat man ako, worth it naman. Kinontak uli ako ng Sulat Pilipinas dahil dito. Umigting rin ang pagplaplano ng pagbabalik ng grupo sa aksiyon. Oktubre 25, 2017 Ang bilis ng mga pangyayari. Kagabi lang, napuyat ako dahil sa eagerness ng researcher ng GMA NewsTV na ma-interview ako at ng pupil ko. Tapos, kaninang past 9:00 am, tinawagan ako't in-interview. Na-open up ko tuloy ang ilang sensitibong bahagi ng buhay ko. Ang galing kasi niyang magpalabas ng damdamin. Mahusay sa art of questioning. Hindi ko napahindian ang bawat tanong. Pero, natuwa ako dahil interesado pa siyang i-feature ang buhay ko, instead na ang story ni Chealsey. Part lang daw iyon ng interview dahil ako ang nag-refer. Nawala ako wisyo dahil sa event sana sa Friday. Nag-post ako upang imbitahan ang mga VI-Topaz students ko. Nagpaalam na rin ako kay Ma'am na magkakaroon ng event sa school. Then, after ng INSET, nanghingi ako ng payo at tulong sa kaguro ko. Nag-donate sila ng P2000 para sa food ng mga participants. Para tuloy kasadong-kasado na ang event. Kaya lang, nang pauwi na ako, nag-text ang researcher. Hindi raw nila maiko-cover ang event ng Basyang Project dahil may same project na silang ganoon. Nalungkot ako. At the same time, nahihiya ako. Paano ko ipapaliwanag sa GES at pupils iyon. Nagkaproblema yata sa paghingi ni Imma ng financial na tulong sa GMA para sa food man lang ng mga bata during the storytelling. Na-overwhelmed din yata ang Sulat Pilipinas sa opportunity, kaya na-overlook ang inquiry ng researcher. Aniya, naghahanap siya ng batang manunulat. It means, isa lang. Hindi niya sinabing marami. Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag kay Chealsey, na baka hindi na matuloy ang story niya sa Brigada. Ang hirap! Bago ako nakauwi, nakapagturo pa ako ng declamation. Binayaran ako ng P200. Dalawang beses lang na tutorial at pagbibigay ng pointers. Not bad. Kinausap rin ako ng principal about the event sa Friday. Isama ko raw sa Annual Plan Report, na ipinapagawa sa akin. Oktubre 26, 2017 Bago nagsimula ang talk ni Ma'am Deliarte, in-announce ko ang tungkol sa cancellation ng event sa school at coverage ng Gma NewsTV. Na-sad sila, pero mas sad ako. Mabuti na lang, matutuloy pa rin ang story ni Chealsey sa November 2. Naging masaya ang training-workshop kanina. Ang kukulit namin. Ibang-iba iyon kaysa sa mga naunang INSET. Masasabi kong naging effective chairman ako. Nakatulong ang pagiging good leader ng principal namin. Past 5:30 pm ako nakaalis sa school kasi tinapos pa namin ang groupwork. Isang makabuluhang reading material ang natapos namin. Past 8 na ako nakarating sa bahay. Pagod, pero masaya lalo na't nagustuhan ko ang nabiling Halloween costume ni Emily sa Lazada para kay Zillion. Royal costume ang napili niya. Parang prinsipe. Worth it ang P630. Oktubre 27, 2017 Maaga natapos ang INSET namin. Hindi naman kasi kinarer ang IPCRF. Okay lang naman iyon dahil naihanda ko ang pag-compute ng number of hours ng attendance. Ala-una kami nagsimula ng closing program. Panay ang tawanan namin. Nakakatuwa ang mga pangyayari. Lahat kami ay natuwa dahil naiba ang kultura sa INSET. Hindi na iyon tulad ng mga nakaraan. Masasarap ang pagkain, kaya produktibo ang mga guro. Maraming outputs ang nagawa. Pinasalamatan ko ang lahat dahil sa kanilang aktibong partisipasyon. Nagbigay rin ako ng tatlong books ko para sa mga punctual at most active. Pinag-talk ako bago matapos ang closing program. Sabi ko, "Nakita na natin ang resulta ng pagtutulungan. Gawin na natin itong kultura. Gawin nating positive ang negative. Huwag nating hilahin pababa ang bawat isa. Kung nagkamali, i-uplift." Sinabi ko rin na kapag tinap sila ng administrator na pamunuan ang isang programa o event, huwag nilang tatanggihan dahil bawat isa, senior man o junior o baguhan, ay pantay-pantay ang abilidad. Huwag tatanggi. Subukan muna ito dahil ang bawat gawain ay sumadali kapag nagtutulungan." Past 4, nag-bonding kaming 1000 group sa hideout-resto namin. Matahal kaming nagkuwentuhan, kahit tapos na kaming kumain. Enjoy! Past 7:30 na ako nakauwi. Pagod na pagod at antok na antok, pero masaya ako dahil sa mga nangyari sa maghapon. Oktubre 28, 2017 Medyo napuyat ako dahil sa hika ni Zillion. Magdamag na naman siyang inalagaan ng ina. Disturbed din ang tulog ko kahit hindi ako ang nagbantay. Before six ko na pinatulog si Emily. Ako naman ang nagbantay. Nakatulog naman ang bata, kaya nakagawa ako ng mga gawain ko, like narrative report. May ligaw na signal ng internet kaya nakapag-post ako sa . Panlima na ako sa ranking. Dalawang araw pa lang ang nakakalis nang nag-sign in ako. Hapon, after lunch, pinagbigyan ko ang sarili ko. Natulog talaga ako. Ilang gabi rin akong puyat, kaya parang nakabawi ako kahit paano. Kung hindi nga lang nagsisisgaw si Emily dahil akala niya ay sasama ako sa Halloween event na dadaluhan ni Zillion. Ayaw kong tatlo pa kami. Sayang ang oras. Gumawa na lang ako ng report ng INSET. Nagdilig din ako ng mga halaman. Oktubre 29, 2017 Nainis ako sa wifi ko, walang signal. Pinagbigyan lang ako kahapon. Andami ko pa namang ipo-post na pictures sa Inset. Hapon na nang nagkaroon. Sandali lang. Kahit paano nakapag-post ako sa . Rank 6 na lang ako. Kung malakas sana ang signal, baka maabot ko na ang second. Habang walang net, nakapag-gardening ako. Sinubukan ko ring mag-laptop para matapos ko na ang narrative report. Marami-rami rin akong natapos. After maligo, natulog ako. Past 4 na ako nagising. Kahit paano, nabawi ko na ang puyat ko. Oktubre 30, 2017 Ako yata ang pinakamaagang nakarating sa school. Ayos lang naman dahil marami akong naipost sa digitalworld.ph, although makipagkuwentuhan ako kina Ms. Kris. At 12, ready na sana kami ni Ma'am Joann para magpanotaryo ng entry namin sa Lampara Children's Storywriting Contest, kaya lang niyaya na ako ni Sir Erwin. Tuloy na raw ang kainan, na naudlot noong last, last Friday. Kinansela ko ang lakad namin. Since, wala pa naman akong printouts. Isa pa, balak naming magdalawa ng entry. Sa Manam, sa MOA kami kumain. Kasama naming 1000 si Kuya Allaan. Sobra ang pagkabusog ko. Inantok ako, hindi pa kami nakakaalis sa restaurant na iyon. Pagdating sa school, hindi naman ako nakatulog. Nag-post ako nang nag-post. Past 4:30, umalis na kami sa school. Past 7 ako nakauwi. Antok na antok ako. Hindi rin ako halos makakain nang gusto. Parang naumay kasi ako sa mga ulam namin kanina. Oktubre 31, 2017 Nakakainis ang wifi! Walang signal. Maghapon akong nag-abang. Hindi tuloy ako nakapag-update sa digitalworld. Siguradong naungasan na ako sa rank 4 ko. Haist! Gayunpaman, nakausad ako sa paggawa ko ng narrative report. Kahit paano, kapag hinanap sa akin, may maipapakita ako. Gabi. Nag-text ang researcher ng GMA-Brigada. Kino-confirm niya ang shoot sa November 2. Kailangan kong pumunta dahil iyon ang request ni Chealsey. Nadagdagan din ang task ko dahil binigyan ako ni Ma'am Laarni ng narrative report. Hindi pa naman ako maka-connect sa wifi. Paano ko kaya maida-download ang file na sinend niya sa akin?

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...