Followers

Thursday, January 18, 2018

Ang Alamat ng Parang 1: Si Calla Kalabaw


Kabanata 1: Si Calla Kalabaw

Sa isang malawak na parang, tanging unga lamang ni Calla Kalabaw ang kinatatakutan. Sa tuwing umuunga at naglalakad siya, nagsisitago ang maliliit na hayop at mga insekto.
Isang araw, galing si Calla Kalabaw sa ilog, pagkatapos sumabsab ng damo. Gusto na niyang magpahinga. "Ungaaa!" mahabang sigaw niya habang binabagtas niya ang malilim na puno sa gitna ng parang.
Gaya ng dati, nagpulasan ang mga insekto, nagtakbuhan ang mga hayop, at nagliparan ang mga ibon.
Tawa siya nang tawa sa kaniyang nakikita. "Habang ako ang reyna ng parang, susundin at katatakutan ninyo ako," bulong niya bago nahiga sa ilalim ng puno.
Nang makatulog si Calla Kalabaw, nagbulong-bulungan ang mga insekto. Kinaiinisan nila ang pagiging palautos, tamad, at masamang ugali ni Calla Kalabaw.
"Jack Tagak, suplada si Calla Kalabaw, 'no? Hindi namamansin. Akala mo kung sino," nakangiwing sumbong ni Daniel Daga."
"Oo nga! Pero, sa akin, hindi siya makaastang ganiyan. Tutukain ko siya!" pagalit na biro ni Jack Tagak. Nagtawanan na lang ang mga hayop.
Samantala, matamang nakikinig sa kanila si Gela Langaw. Naisip niyang kaibiganin si Calla Kalabaw. Nais niyang maranasan maging kaibigan ang itinuturing na reyna ng parang. Patutunayan niyang nagkakamali sila sa akala kay Calla Kalabaw. Sa tingin niya, makakasundo niya ito.
Lumipad siya sa kinaroroonan ni Calla Kalabaw. Inikot-ikutan niya ito upang magising. Subalit, ni hindi niya ito natinag.
Mayamaya, natanaw ni Gela Langaw ang maliit na sugat sa likod ni Calla Kalabaw. Dumapo siya roon at agad na kinagat upang mapansin siya nito.
"Aray!" sigaw si Gela Langaw. Nahampas kasi siya ng buntot ni Calla Kalabaw.
Sa halip na matakot, inulit pa niya ang pagkagat sa sugat, pero naging mas maingat siya. Isang hampas uli ang ginawa ni Calla Kalabaw, ngunit agad na nakaiwas si Gela Langaw.
Sa ikatlong beses, dumilat na si Calla Kalabaw. Nakita agad niya si Gela Langaw, na nasa sa may ilong niya.
"Magandang tanghali, Calla Kalabaw!" masayang bati ni Gela Langaw.
"Umalis ka sa ilong ko! Nakikiliti ako," galit na umiling-iling si Calla Kalabaw upang umalis si Gela Langaw sa kaniyang ilong.
Lumipat si Gela Langaw sa sungay ni Calla Kalabaw. "Alam mo ba, Calla Kalabaw? Sabi nila, masungit ka raw. Masama raw ang ugali mo. Hindi ako naniniwala sa kanila."
"Kaya ka ba nangungulit?" Tumayo na si Calla Kalabaw.
"Oo. Naniniwala akong mabuti kang kaibigan." Lumipad si Gela Langaw. Dumaan siya sa mga mata ni Calla Kalabaw bago dumapo sa likod nito. Hindi siya makapaniwalang nakatuntong na siya roon nang hindi natatakot na mahampas ng buntot. Para siyang nasa langit.
"Hindi ka ba natatakot sa akin, gaya ng iba?" Tiningnan ni Calla Kalabaw si Gela Langaw, bago niya binugaw ng kaniyang buntot.
Bahagyang nagulat si Gela Langaw sa ginawa ni Calla Kalabaw. "H-hindi! Hindi ako natatakot sa 'yo kasi wala namang akong ginagawang masama sa 'yo. Ang totoo nga n'yan... " Lumipat siya sa sungay. "...kaya kong gawin anuman ang iyong ipagawa. Basta hayaan mo lang akong nakaapak sa likod mo."
"Talaga? Gagawin mo ang lahat para sa akin?"
"Oo! Sasabihin ko pa sa 'yo ang mga tsismis na ibinabato sa 'yo ng mga hayop at insekto."
Tumango-tango si Calla Kalabaw habang nag-iisip at nakatingin sa malayo.
Ilang sandali ang lumipas, nagsalita na si Calla Kalabaw. "Sige, sabihin mo sa akin kung sino-sino ang kumakalaban sa akin."
Kagyat na lumipad si Gela Langaw patungo sa tainga ni Calla Kalabaw. Binulungan niya ito.
Nang matapos si Gela Langaw sa pagbulong, animo'y nagbuga ng usok ang ilong ni Calla Kalabaw. "Sige, mamaya lang, pupuntahan ko sila isa-isa sa kanilang lungga."
Tuwang-tuwang dumapo si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw. "Natupad ko na ang pangarap ko. I'm on the top the world! Yahooo!" tahimik niyang pagbubunyi. "Tama ako! Uto-uto si Kalabaw. Kailangang makita ako ng mga kasamahan ko. Darating ang panahon, titingalain na nila ako. Hindi na nila ako masasaktan." Tumawa pa siya habang lumilipad palayo.
Hinanap ni Gela Langaw ang kaniyang mga kasamahan upang ibalita ang kaniyang tagumpay. Gusto niyang ipakitang hindi na siya natatakot umapak sa likod ni Calla Kalabaw.
Pagbalik niya, kasama na niya ang kaniyang kapwa-langaw. Pero, hindi agad sila nakalapit dahil kausap ni Calla Kalabaw si Linda Linta. Pinaurong niya ang mga kasama at nagtago siya sa likod ng damo.
"Sa ibang lugar, hinuhuli kami ng mga tao upang manggamot. Kaya maniwala ka, kaya kong gamutin ang sugat mo," sabi ni Linda Linta. Gusto na niyang umakyat kay Calla Kalabaw.
"Teka!" Napaurong si Calla Kalabaw. "Naninipsip ka ng dugo? Paano ako maniniwala sa 'yo?"
"Subukan mo muna para malaman mo. Kapag hindi mo nagustuhan, hampasin mo ako ng buntot mo at apakan mo ako hanggang sa madurog ako."
Saglit na napaisip si Calla Kalabaw. Tiningnan niya rin si Linda Linta. "Sige, subukan ko." Humiga siya at hinayaang gumapang si Linda Linta.
Mayamaya pa, isang nakagiginhawang pakiramdam ang muling nagpaantok sa kanya.
Napangisi si Linta sa nakita niya.
"Hindi ba't tama ako?" sabi ni Linta, na agad na tumaba ang katawan.
"Oo! Ang sarap nga!" Halos mapapikit siya sa sarap at antok.
Kahit inis na inis si Gela Langaw sa kaniyang nakita, nakaisip siya ng ideya. Kaya, palihim niyang sinundan si Linda Linta.
Walang nakakita kay Gela Langaw nang makauwi si Linda Linta. Kitang-kita at dinig na dinig naman niya ang usapan ng magpapamilya.
Agad na nagdesisyong bumalik sa kinaroroonan ni Gela Langaw.
"Kailangang malaman ni Calla Kalabaw ang baho ni Linda Linta," bulong ni Gela Langaw habang siya ay mabilis na lumilipad.
Sa kaitaasan, tanaw niya rin sina Chayong Tipaklong at Amparo Paruparo na nakatulay sa bulaklak at damo.
Nahulaan agad niyang may pinag-uusapan ang dalawa, kaya bumalik siya at palihim siyang nagtago sa ilalim.
"Hmm, may isusumbong uli ako kay Calla Kalabaw. Matutuwa na siya akin," sabi ni Gela Langaw sa sarili habang palihim na lumayo sa dalawa.
"Calla Kalabaw, Calla Kalabaw!" maingay na tawag ni Gela Langaw sa sumasabsab na kalabaw.
"Bakit? May balita ka?"
"Opo!" Agad na tumuntong si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw. Nawala ang pagod niya dahil naroon siya sa tugatog ng tinitingalang hayop sa parang.
Napahinto si Calla Kalabaw sa pagngasab. Napangisi siya. "Ano ang ibabalita mo, Gela Langaw?"
"Sabi ni Chayong Tipaklong, inuubos mo raw ang damo sa parang. Wala na siyang makain. Ang siba mo raw," kuwento ni Gela Langaw.
Tumaas lang ang kilay ni Calla Kalabaw. "Ano pa?"
"Sabi naman ni Amparo Paruparo, wala ka raw silbi sa parang na ito. Puro ka kabig. Hindi ka naman ang nagpaparami ng puno at halaman," mabilis na sagot ni Gela Langaw.
Natawa lang si Calla Kalabaw. "Iyon lang?"
"Meron pa. Ito ang matindi." Lumipat si Gela Langaw sa may sungay ni Calla Kalabaw.
"Ano?" Napalunok si Calla Kalabaw. Ang totoo, nasasaktan na siya. Ayaw niya lang ipahalata kay Gela Langaw.
"Uto-uto ka raw. Hindi ka naman daw bagay maging reyna dahil naiisahan ka."
"A, ganoon ba? Okay!" Hindi niya pinaniwalaan ang tungkol kay Linda Linta. Inisip niyang naiinggit at nagseselos lang si Langaw.
Lumipat si Gela Langaw sa likod ni Calla Kalabaw, na sumabsab namang muli ng damo.
Natahimik silang pareho. Matagal.
"Utusan kita, Gela Langaw. Ihanap mo naman ako ng gamot sa sugat ko," ani Calla Kalabaw.
"Parang walang narinig na lumipad palayo si Gela Langaw. Masamang-masama ang loob niya.
Nalungkot naman si Calla Kalabaw nang hindi na marinig si Gela Langaw. "Tama sila. Tama sila," bulong niya. Pagkatapos, tiningnan niya ang kaniyang sugat. "Kailangang gumaling ito. Hindi nila dapat makitang nasusugatan ako at nasasaktan. Kailangan ko sina Linda Linta at Gela Langaw. Mag-away na sila, kung mag-away. Basta ako, makukuha ko ang gusto ko." Pagkatapos, isang malakas na unga ang pinakawalan niya. Inilibot niya ang paningin sa parang.
Walang ingay. Walang hayop o insektong natinag at natakot. Walang nagtago. Walang nagulat. Walang lumipad. Walang tumakbo.
Napahiga si Calla Kalabaw. Natatakot siya, na baka isang araw ay wala nang nagigimbal at rumespeto sa kaniya.
Tumulo ang mga luha niya.
Sa ‘di-kalayuan, tanaw ni Bella Palaka ang pagluha ni Calla Kalabaw. Para sa kaniya, isang kakaibang pangitain iyon.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...