Kabanata 3: Si Linda Linta
Natagpuan ni Linda Linta
sa lubluban ni Calla Kalabaw ang kaniyang dalawang kapatid.
"Mga kapatid,
bakit malungkot kayo?" tanong ni Linda Linta sa dalawang nakababatang
kapatid.
"Ate, gutom na
kami," sabi ng babaeng linta.
"Oo, Ate, sabi
nina Nanay at Tatay, patay na raw si Calla Kalabaw. Paano na tayo ngayon?"
tanong naman ng isa.
"Nasaan ba
sila?" tanong ni Linda Linta.
"Umalis sila.
May mga tao raw pong naghahanap sa atin." Hindi naitago ng pangalawang
linta ang kaniyang takot. Pinilit niyang paliitin ang sarili.
"Ha? Bakit
daw?" Kalmado pa rin si Linda Linta.
"Tayo raw kasi
ang gamot sa mga karamdaman nila. Ipasisipsip daw nila ang maruming dugo nila
para mawala ang kanilang sakit," paliwanag ng bunsong lalaki. "Kaya,
nandoon sila. Baka sakali raw na maibsan ang uhaw nila sa dugo."
Nalulungkot pa rin siya.
Inakbayan ni Linda Linta
ang mga kapatid. "Huwag kayong mag-alala. Makabubuti para sa kanila ang
kanilang ginawa."
Naramdaman ng
pangalawang kapatid ang pumipintog na tiyan ni Linda Linta. "Mabuti ka pa,
Ate, busog na. Kami, uhaw at gutom na."
"Halikayo."
Niyakag ni Linda Linta ang mga kapatid. Umahon sila sa lubluban.
"Kailangang makita tayo ng mga tao. Balita ko, masarap din daw ang dugo
nila. Gusto niyo rin bang matikman?"
Namilog ang mga mata
ng bunso. "Ako, Ate, gusto ko! Paano?"
Natawa si Linda
Linta. Napilitan rin siyang ngumiti. "Ganito..." Isa-isang binulungan
ni Linda Linta ang kanyang mga kapatid.
"Sige, Ate,
salamat sa payo mo!" masayang wika ng bunso.
"Ikaw, Ate,
saan ka?" tanong naman ng pangalawa.
"Babalik ako sa
lubluban. Magpapahinga muna. Mabigat na ang tiyan ko. Hindi ko na kayo
masasamahan," paliwanag ni Linda Linta habang hinihimas-himas ang tiyan.
"Okay lang,
Ate. Kapag busog na kami, babalik kami rito," sabi ng pangalawa.
"Hala, sige.
Alis na kayo. Enjoy kayo sa pagsipsip! Kita-kits!" masayang paalam ni Linda
Linta.
Sa sobrang kabusugan
ni Linda Linta, hindi na niya nakayanan ang antok. Isang mahimbing na pagtulog
ang nangyari. Hindi na nga niya namalayang may dumaang tatlong tao. Ang isa ay
may hawak na garapon. Ang isa, patpat ang hawak. Magnifying glass naman ang
dala-dala ng isa pa.
"Linda Linta, Linda
Linta!" malakas na sigaw ng inang linta, habang kinakalampag ang garapong
may malapot na tubig. "Ama, ang anak natin, hindi tayo marinig.
Nanganganib din ang buhay niya."
Tahimik na
pinagmasdan ng amang linta ang natutulog na anak. "Ligtas na siya,
Ina," kalmadong sabi ng ama nang makalayo na ang mga tao sa lubluban.
Nagulat si Linda Linta
sa tawanan ng mga tao, ngunit hindi niya iyon pinansin. Muli siyang natulog.
Mahaba-haba rin ang
pagkahimbing ni Linda Linta bago niya naisipang umahon sa lubluban at hanapin
ang pamilya. Palubog na noon ang araw.
Sa kaniyang
dinaraanan, nakita niya ang bulong-bulungan ng mga insekto. Hindi niya na
lamang iyon pinansin. Matagal na niyang alam na kinaiinggitan siya ng mga ito. Simula
kasi nang mapalapit siya kay Calla Kalabaw, kung ano-ano na inisip nila sa kaniya.
Pero, sa lahat ng mga narinig niyang puna, pasaring, at payo, ang kay Jack
Tagak ang nagustuhan niya.
"Lumayo ka kay Calla
Kalabaw. Huwag mo siyang gamitin para mabuhay ka. Maraming paraan para malamnan
mo ang iyong sikmura. Hindi mo ba nakikita at nararamdaman ang mga mapanuring
mata ng mga kahayupan at mga kainsektuhan dito sa parang?" litanya ni Jack
Tagak noong minsang nagkita sila.
"Hindi ko alam
na naiinggit sila sa akin," nakataas ang kilay na sagot ni Linda Linta.
"Hindi ka nila
kinaiinggitan. Kinaiinisan ka nila't kinakaawaan."
Kumurbang muli ang
mga kilay ni Linda Linta.
"Iyan ang dapat
mong alamin. Pakiramdaman mo sila. Makisama ka sa lahat, hindi lang sa iisa.
Kapag kay Calla Kalabaw ka lang kumakapit, wala nang ibang magtatanggol sa 'yo
kapag nawala siya."
Hindi man niya
pinahalagahan ang sinabi ng tagak, subalit naging malaki ang kurot niyon sa
puso niya.
Nagpatuloy sa
paggapang si Linda Linta. Medyo mabilis na siya dahil nabawasan na ang enerhiya
niya sa layo ng kaniyang narating.
Halos lumiit na ang
tiyan ni Linda Linta nang matanaw niya mga batang tila may hinanap.
Bago pa nakita at
narinig ni Linda Linta ang sigaw ng kaniyang kapatid, na nakatusok sa pinatulis
na patpat, gumapang siya sa posibleng dadaanan ng dalawang batang lalaki. Nais
niyang makapunta sa taong may sakit upang makatikim siya ng dugo ng tao.
"Carlo, ang
laking linta, o!" bulalas ng maitim na bata.
Agad na natuwa si Linda
Linta. Uminat-inat pa siya para lalong matuwa ang mga bata.
"Oo nga! Sige
na, hulihin mo na," utos ng batang mataba.
Pumikit pa si Linda Linta
upang namnamin ang unti-unti niyang pag-angat mula sa lupa. Alam niyang
napakasarap sa pakiramdam ang nakaangat at tinitingala.
"Huwag!"
magkapanabayang sigaw ng mga kapatid ni LindaLinta.
"Ate, Ate,
lumayo ka na!" sigaw pa ng bunso.
Pagdilat ni Linda Linta,
naramdaman niyang parang mahahati ang katawan niya. "Mga kapatid ko,
ano'ng nangyari?" tanong niya. Halos magkakadikit na sila. Kagaya niya,
tinusok din ang dalawa. Hindi makapagsalita ang magkapatid dahil puspos na sila
ng luha.
Kumawag-kawag si Linda
Linta, subalit walang nangyari. Pinilit niyang pakawalan ang dalawang kapatid,
pero balewala.
"Ano ang
mangyayari sa atin, Ate?" mangiyak-ngiyak na tanong ng bunso.
"Kasalanan mo
ang lahat, Ate! Kung hindi mo sinabing makabubuti sa amin ang pagsipsip ng dugo
ng tao, hindi sana kami mahuhuli!" bulyaw ng pangalawa.
"Patawad, mga kapatid... Hindi ko
alam." Lumuha na si Linda Linta.
Tuwang-tuwang
pinagmasdan ni Chrys Ahas ang mga kaibigan habang papalayo at habang
namimilipit sa sakit ng pagkakatusok sa kanilang katawan. "Ako pa rin ang
reyna ng parang!" hiyaw niya.
Halos lumawlaw ang
mga dila ng magkakapatid sa pagpupumilit nilang makaalpas. Nang mapagod,
niyakap na lang nila ang isa't isa.
Ilang minuto pa ang
lumipas, nagtawanan ang mga bata habang pinakakawalan ang magkakapatid sa lupa.
"Gapang, mga
kapatid!" utos ni Linda Linta.
Subalit bago sila
nakalayo, ibinuhos sa kanila ang likidong mabango ngunit masakit naman sa mata.
Kaya, lalo silang namilipit sa sakit. Sobrang hapdi.
Nagtawanan pa ang
mga bata.
"Mga kapatid
ko, lumaban kayo! Lumaban kayo!" ani LindaLinta. Subalit, nakita niyang
sumuko na ang mga kapatid niya, habang unti-unting lumalabo ang kanyang
panIngin.
Bago, tuluyang
mangitim ang paligid, narinig niya ang isang bata. "Ang galing! Sumayaw pa
ang pinakamalaking linta!"
No comments:
Post a Comment