Kabanata 2: Si Gela Langaw
Isang araw,
nagtataka si Calla Kalabaw kung bakit hindi siya dinalaw ng kaibigang langaw.
"Nakita mo ba
siya, Linda Linta? tanong ni Calla Kalabaw sa kararating pa lamang na linta, na
tila uhaw na uhaw sa dugo.
Hindi iyon narinig
ng namumutlang linta. Agad siyang dumikit kay Calla Kalabaw at sumipsip sa may
sugat niya.
Nang inulit ni Calla
Kalabaw ang kaniyang tanong, saka lamang sumagot si Linda Linta.
"Hindi ko siya
nakita. Wala akong pakialam sa kaniya," mataray na sagot ni Linda Linta.
Medyo naibsan na ang kaniyang uhaw at namula na rin ang kaniyang balat.
"Kailangan ko
pa naman siya ngayon," nanghihinayang niyang tugon, saka siya lumublob sa
tubig.
Hindi niya alam na
nakamasid sa malayo si Gela Langaw. Masama ang loob niya dahil nagseselos siya
kay Linda Linta. Madalas kasi niyang makitang magkasama at nagtatawanan ang
dalawa.
Ayaw niya kay Linda Linta
dahil bukod sa matakaw ito at mataray, masyado pa siyang abusado. Lahat ng
gusto niya, nakukuha niya at ibinibigay ni Calla Kalabaw.
"Simula nang
dumating siya, hindi na ako ang paborito ni Calla Kalabaw. Siya at ang mga
kaibigan na lang ni Linda Linta ang isinasama niya sa kaniyang lakad. Isama man
nila ako, para naman nila akong nilalayuan," pabulong na pagmamaktol ni Gela
Langaw.
"Gela Langaw, Gela
Langaw!" maingay na tawag ni Jack Tagak nang makita siyang nakadapo sa
likod ng damo.
"Ano'ng
ginagawa mo riyan?"
Napabalikwas si Calla
Kalabaw nang marinig ang pangalan ni Gela Langaw kay Jack Tagak.
Napilitan namang
sumama si Gela Langaw kay Jack Tagak palapit kay Calla Kalabaw.
"Gela Langaw,
saan ka ba nagsususuot? Halika, may iuutos ako sa 'yo," yaya ni Calla Kalabaw
sa nakasimangot na si Gela Langaw.
"May pupuntahan
ako, Calla Kalabaw. Kay Linda Linta mo na lang iutos." Agad na lumipad
palayo si Gela Langaw, pero nakita niyang tinaasan siya ng kilay ni Linda Linta.
"Naku, ikaw na
nga lang, Linda Linta, ang utusan ko," baling ni Calla Kalabaw sa lintang
busog na busog na sa kaniyang dugo.
Kaagad na kumalas si
Linda Linta sa sugat ni Calla Kalabaw. "Hindi ako puwede ngayon. May lakad
kami ng pamilya ko. Ayan si Jack Tagak ang utusan mo. Mataas naman ang lipad
niya. Mabilis siyang makakarating saan mo man siya utusan." Muling kumurba
ang mga kilay niya at humaba ang nguso, saka gumapang palayo sa kaniya.
Nagtinginan lang
sina Calla Kalabaw at Jack Tagak.
Nalungkot si Calla Kalabaw
sa inasal ng dalawa niyang kaibigan.’
"Jack Tagak,
bakit sila ganoon?" tanong ni Calla Kalabaw.
Tumawa muna si Jack Tagak
bago nagsalita. "Alam mo, Call Kalabaw, si Gela Langaw, kahit maingay at
may kayabangan, siya ang tunay mong maaasahan, laging nariyan para sa 'yo. Kaya
lang, napansin ko, simula nang makilala mo 'yang si Linda Linta, nagbago ang
trato mo sa kaniya. Ginagamit ka lang naman niyan. Sipsip siya nang
sipsip."
Napatingin si Calla Kalabaw
sa kaniyang mga sugat na gawa ni Linda Linta at ng kaniyang mga kamag-anak.
Napansin niyang lumalaki na ang mga iyon nang husto.
"Hayon, tingnan
mo! Lumayo na sa 'yo!" turo ni Jack Tagak kay Linda Linta. "Bundat
na. Nakuha na niya ang gusto niya sa 'yo. O, hayan, lumaki lalo ang sugat mo.
Nabawasan pa ang dugo mo."
Nalungkot lalo si Calla
Kalabaw.
"Paalam na, Calla
Kalabaw. Ingat ka sa mga maninipsip. Hindi ka naman talaga nila
natutulungan," sigaw pa ni Jack Tagak habang lumilipad palayo.
Nag-isip si Call Kalabaw
nang makalayo na si Jack Tagak.
"Tama si Jack Tagak,
manggagamit lang si Linda Linta. Inuubos niya lang ang dugo ko. Palaki siya
nang palaki. Dati-rati, mas malaki lang siya kay Gela Langaw, pero ngayon, kaya
na niyang kainin ang kaibigan," bulong niya sa sarili. Pagkatapos, umahon
siya sa ilog at tumungo sa pampang.
"Uunga!"
tawag niya kay Gela Langaw.
Tatlong malalakas at
mahahaba pang pag-unga ang ginawa ni Calla Kalabaw, pero walang langaw na
dumating.
Lumipas ang
maghapon.
Gumabi.
Unga nang unga si Calla
Kalabaw, ngunit walang dumating na langaw. Kaya, mapagod siya.
Kinabukasan,
nagkasakit si Calla Kalabaw. Hinang-hina siya. Noon niya lamang napagtanto ang
halaga ni Gela Langaw. Hinahanap-hanap niya ang ingay at pagpapatawa nito.
Nagtagal pa ang
sakit ni Calla Kalabaw. Ininda na rin niya ang kirot ng kaniyang mga sugat.
Nawalan siya ng ganang kumain ng damo, kaya tuluyan na siyang bumagsak.
Ilang araw ang
lumipas, naamoy ni Gela Langaw ang masangsang na amoy. Tuwang-tuwa niyang
hinanap ang kinaroroonan niyon.
"Calla Kalabaw?"
gulat na gulat na dumapo si Gela Langaw sa inuuod at nilalangaw na katawan ng dati
niyang kaibigan. "Dala ko na sana ang gamot para sa mga sugat mo."
Nalungkot si Gela Langaw.
Sinubukan niyang paalisin ang mga uod at langaw, ngunit hindi siya pinakinggan.
"Kain na tayo, Gela
Langaw," yaya ni Barack Uwak, na kararating lang.
Inisip niya ang kaniyang
sarili. Gutom na gutom na siya dahil sa ilang araw na paghahanap ng gamot.
Kailangan niyang kumain, kaya agad siyang nakisalo.
Nang busog na si Gela
Langaw, nagpahinga siya sa damo. Nakatulog siya.
Mayamaya, naramdaman
naman niyang nasa loob na siya ng madilim at madulas na kuweba.
"Kokak!" natutuwang sigaw ng
palaka.
No comments:
Post a Comment