Kaugaliang Pilipino
Isang
Sabado, dumating si Miguel sa bahay ng kaibigang niyang si Stephen.
Stephen: O, napasugod ka!
Miguel: Oo, magpapatulong sana ako sa iyo. May
takdang-aralin kami sa Araling Panlipunan. Tungkol ito sa mga kaugaliang
Pilipino.
Stephen: Mga kaugaliang Pilipino? Alam ko ang mga iyan!
Naalala ko pa iyan noong nasa elementarya ako.
Miguel: Talaga? Sige, patulong naman…
Stephen; Halika, tuloy ka!
Nasa sala na ang magkaibigan.
Nailabas na ni Miguel ang kaniyang kuwaderno at bolpen.
Miguel: Ano-ano ba ang kaugaliang Pilipino?
Stephen: Marami ang kaugaliang Pilipino, pero ang
pinakatanyag ay ang mga sumusunod.
Miguel: Isa-isa lang, ha, para maisulat ko.
Stephen: Sige! Una, bayanihan.
Miguel: Bayanihan! Alam ko iyan. Iyan ang pagtutulungan ng
magkakapitbahay o mga Pilipino sa oras kagipitan o pangagailangan, kahit kailan
o kahit saan.
Stephen: Tama! Nagsimula ito sa mga lalawigan noon, kung
saan, nagtutulungan ang magkakapitbahay sa pagbuhat o pagtayo ng bahay o kaya
sa pagsasaka. Sinasabayan pa nila ng pag-awit para hindi nila madama ang pagod.
Miguel: Wow! Ang galing naman ng mga Pilipino!
Stephen: Oo! Pangalawa, ang matinding pagkakabuklod-buklod
ng mag-anak, sa Ingles ay ‘closed family ties.’
Miguel: Closed family ties. Ayan! Naisulat ko na. Ano nga ba
ito?
Stephen: Ang mga Pilipino kasi ay kadalasang malalapit sa
kanilang mag-anak at iba pang kamag-anak. Kaya nga, maraming mga Pilipino ang
tumitira malapit sa kanilang mga kamag-anak, kahit pa sila ay may edad na o
kaya naman ay may sarili na ring mag-anak. Kadalasan ang isang bahay sa
Pilipinas ay binubuo ng mahigit sa dalawang mag-anak. Sa mga probinsiya,
kadalasang binubuo ng iisang angkan, at halos lahat ay magkakakilala.
Miguel: Oo nga! Ganiyan tayo. Kaya nga minsan, kasama natin
sa bahay ang mga tiyo, tiya, at pinsan natin.
Stephen: Korek! Sunod, ang pakikisama.
Miguel: Pakikisama. Okay! Noted na. Ano raw ito?
Stephen: Ito ay ang kaugaliang Pilipino na nagnanais
magkaroon ng maganda at mabuting pakikitungo sa iba.
Miguel: Magaling tayo sa pakikisama. Kaya nga, palakaibigan
tayong mga Pilipino. Sunod?
Stephen: Ang susunod ay ang kaugaliang hiya.
Miguel: Hiya? Bakit? Kaugalian pala ito ng mga Pinoy?
Stephen: Oo! Ang mga Pilipino kasi ay naniniwala na dapat na
kumilos sila kung ano ang mga tinatanggap na kaugalian ng lipunan.
Miguel: Naunawaan ko na. halimbawa, ang pagiging magarbo ng
paghahanda kahit na hindi dapat sapat ang kabuhayan niya. Ayaw kasi nating mapahiya
sa maraming tao. Nakararamdam tayo ng hiya at nawawalan ng lakas ng loob kapag
hindi tayo nakakasunod sa gusto o inaasahan ng iba.
Stephen: Tama ka! Maganda naman na ang bawat isa ay may
hiya. Ang susunod ay ang pagtanaw ng utang na loob.
Miguel: Naisulat ko na. Ano ang utang na loob?
Stephen: Okay! Ang utang na loob ay isang utang ng tao sa
taong tumulong sa kaniya sa mga pagsubok sa buhay niya. Halimbawa, nakahiram ka
ng malaking halaga sa kapitbahay o kamag-anak mo nang kailangan mo ng pera para
pambayad sa hospital. Nabayaran mo man, pero may utang na loob ka na sa kaniya.
Miguel: A, iyon pala iyon. So, dapat kong tanawin iyon?
Stephen: Yes! May mga kasabihan nga na: Ang hindi lumingon
sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.
Miguel: Sa ibang paraan, mababayaran din natin ang utang na
loob.
Stephen: Tama ka. Ang susunod ay ang amor propio.
Miguel: Amor propio? Parang ngayon ko lang ito narinig. Ano
ba ang ibig sabihin nito?
Stephen: Ang amor propio ay ang pagpapahalaga ng isang tao
sa kaniyang dignidad.
Miguel: A, may kinalaman ito sa moralidad ng tao. Ayaw
nating nakikitaan tayo o gumagawa tayo ng masama.
Stephen: Tumpak!
Miguel: Andami kong natutuhan ngayon.
Stephen: May dalawa pa.
Miguel: A, talaga? Ano-ano iyon?
Stephen: Ang delicadeza at palabra de honor. Ang salitang
Kastila.
Miguel: Ang delicadeza muna.
Stephen: Ang delicadeza ay isang ugali, na kailangang
kumilos nang tama at nasa lugar ang isang tao. Kailangang ang pagkilos ay
tanggap ng lipunan upang hindi marumihan ang dignidad ng mag-anak. Parang
katulad ito ng amor propio. Halimbawa, hindi naman ikaw ang dapat tanghaling
panalo, kaya tatanggihan moa ng premyo. Ibabalik mo.
Miguel: Gets ko na! Next, ang palabra de honor.
Stephen: Ang palabra de honor ay Tagalog ng "may isang
salita." Isa itong kaugalian ng mga Pilipino na kailangang tuparin ang mga
sinabi nitong mga salita o pangako. Ayaw nating nabibigo natin ang ating kapwa.
Miguel: Yehey! Tapos na ang takdang-aralin ko! Salamat,
kaibigan! Tatanawin kong utang na loob ito.
Stephen: Walang anuman! Maliit lang na bagay ito. Isipin mo
na lang na isa itong bayanihan.
Nagkatawanan
ang magkaibigan.
No comments:
Post a Comment