"Ramoooon!" sigaw ni Aling Chula sa natutulog na anak.
Hindi man lang nagulat si Ramon sa panggigising ng ina. Mabilis lang niyang idinilat ang mga mata at pinahiran ang laway sa kaniyang mga labi, saka muling pumikit at humilik.
Sa inis ni Aling Chula, hinila nito ang kumot sa anak. "Ano'ng oras ka na naman gigising!? Naghihintay na ang tatay mo!"
Hindi pa rin natinag si Ramon. Umingit lang siya at tumagilid.
"Bangon na!" Hinila ng ina ang paa ni Ramon, ngunit hindi man lang nito iyon naiangat.
Umingit uli si Ramon, habang nagpupumilit si Aling Chula na magising siya.
"Para ka nang bato," walwal ang dilang nabigkas ng ina. "Suko na ako sa `yo. Hindi ka na nga siguro magbabago." Malungkot na lumabas si Aling Chula sa kuwarto, pero sinulyapan muna nito si Ramon. "Suntok sa buwan na siguro... At kahit maging bato na ang mga luha ko, hindi ka na magbabago." Saka ito luhaang tumalikod.
Narinig lahat iyon ni Ramon. Nalungkot siya dahil noon niya lamang naringgan ng ganoon ang ina.
Tulad ng araw-araw na nangyayari, si Aling Chula ang sumasalo ng mga trabaho na dapat si Ramon ang gumagawa.
Ang ina ang nag-iigib sa balon. Pinupuno nito ang mga tapayan.
Ang ina ang nagpapakain ng mga alaga nilang manok, pato, itik, gansa, pabo, at aso. Dinadala rin nito sa parang ang kanilang mga baka, kalabaw, at kambing upang makasabsab ng damo.
Ang ina ang nangangahoy. Sinisibak rin nito ang mga malalaking kahoy na nakuha nito sa gubat.
Ang ina ang nagwawalis ng mga tuyong dahon ng mga puno sa kanilang bakuran. Dinidiligan rin nito ang mga tanim nilang gulay.
Ang ina ang nagluluto, naghuhugas, at naglalaba, habang ang kanilang haligi ng tahanan ay nasa bundok, gumagawa ng hagdan-hagdang palayan.
Isang araw, nagkasakit si Aling Chula. Ubo ito nang ubo, kaya hindi malaman ng mag-ama ang kanilang gagawin.
"Ikaw na lang ang gumawa sa bundok," panukala ni Mang Tonyo kay Ramon. "Aalagaan ko ang iyong ina."
"Ikaw na po. Hindi ko kaya ang iyong ginagawa," tanggi ni Ramon
"Hindi mo kaya kung hindi mo susubukan. Kaya nga sabi ko sa `yo... tumulong ka nang malaman mo. Ang laki ng katawan mo. Kayang-kaya mo sanang magbuhat ng bato mula sa talon hanggang sa ginagawa kong palayan."
"Ayaw ko nga po ng ginagawa ninyo. Napakaimposible ng pangarap ninyo. Paano magiging palayan ang bundok?" Natatawang tumalikod si Ramon.
"Walang imposible, Ramon!" pahabol na wika ni Mang Tonyo. Saka naman nito hinaplos-haplos ang naninikip nitong dibdib.
Umubo si Aling Chula. "Tonyo, hayaan mo na siya kung ano ang gusto. Darating ang araw, makakapag-isip-isip din siya."
"Kailan pa, Chula? Kailan pa? Matatanda na tayo at nagugupo na sa sakit."
"Sabi mo nga, walang imposible."
"Oo! Pero, parang huli na ang lahat para sa anak nating batugan."
Muling umubo ang ilaw ng tahanan, kaya kinuhaan ito ng tubig ni Mang Tonyo.
"Heto, uminom ka muna. Mamaya, magdidikdik ako ng dahon ng oregano para mawala ang ubo mo."
"Salamat, Tonyo!"
Saglit na natahimik ang mag-asawa. Parehong naaawa ang mga ito sa isa't isa, pero mas lamang ang pagkaawa nila kay Ramon.
"Kapag nakahanap ng dalagang magpapabago sa anak natin, saka lang siguro tayo liligaya," wika ni Aling Chula.
"Sana nga... Sana may dalaga pang tatanggap ng binatang tamad at walang kusa," malungkot na saad ni Mang Tonyo.
"Alam kong may mataas na pangarap ang anak natin. Hintayin lang natin."
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa, nakikinig si Ramon sa usapan ng mga magulang mula sa likuran ng bahay. Napaisip siya.
Lumipas ang mga araw, gumaling na ang ubo ni Aling Chula, ngunit ang katawan at dibdib naman ni Mang Tonyo ang sumakit. Hindi na nito maituloy ang hagdan-hagdang palayan.
"Ramoooon!" tawag ni Aling Chula. "Manananghalian na!"
Lumipas ang ilang minuto, hindi nagpakita si Ramon.
Hinanap ng mag-asawa ang anak.
Pinuntahan ni Aling Chula ang paboritong puno ni Ramon, kung saan siya madalas na nagduduyan. Wala siya roon.
Tinungo naman ni Mang Tonyo ang ilog kung saan paboritong magbabad ni Ramon. Wala siya roon.
Gabi na nang dumating si Ramon. Bagsak ang balikat nito.
"O, anak, bakit? Saan ka galing? Kanina ka pa namin hinahanap. May problema ka ba?" masuyong tanong ni Aling Chula.
Napangiwi naman si Mang Tonyo.
"Galing po ako sa kabilang bayan. Nakilala ko po roon si Mutya," malungkot na kuwento ni Ramon.
Nahulaan agad ni Aling Chula ang ipinagdaramdam ng anak. "Halika ka, kain ka muna. Umupo ka na. Ipaghahain kita."
Kumurba ang mga kilay at kumunot lalo ang noo ni Mang Tonyo. Iiling-iling itong tinalikuran ang mag-ina at saka pumanhik upang matulog na.
Habang naghahapunan si Ramon, kinausap siya ng ina. "Anak, natutuwa ako dahil may nakilala kang dalaga," simula ng ina.
"Hindi po niya ako gusto."
Habag na habag ang ina kay Ramon, ngunit binigyan nito ang anak ng isang matamis na ngiti. "Siyempre, bago pa lang kayong magkakilala. Pasasan ba't iibigin ka rin niya "
"Imposible po."
"Walang imposible."
"Kahit hinihingi niya po sa akin ang buwan?"
Napatda si Aling Chula. Naunawaan niya ang kalungkutan ng anak, lalo na't likas itong tamad.
"Paano ko po susungkitin ang buwan kong hindi ko nga magawang maging mabuting anak sa inyo?"
"Iyon ba ang gusto niyang gawin mo?"
Tumango si Ramon.
"Iniibig mo ba siya?"
Tumangong muli si Ramon.
"Kung gayon, pagsumikapan mo. Bata ka pa at malakas. Marami ka pang oras na maaaring gugulin para sa iyong pangarap. Kaya mo iyan, Ramon. Kaya mong makuha ang puso ni Mutya."
Nagtatanong ang isip ni Ramon, pero walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.
Kinabukasan, maagang gumising si Ramon.
"Aalis po ako," masaya niyang paalam sa ama at ina.
Nagtatakang tumango ang mag-asawa, pero masaya ang mga ito sa nakitang ngiti sa mga labi ng anak.
Hindi alam ng mag-asawa na sa ginagawang palayan ng ama siya tutungo. Doon, pinag-isipan niya kung tutulong siya sa ama o ipupursige ang panunuyo kay Mutya.
Iniisip pa lamang niya, parang imposibleng magawa ng ama ang hagdan-hagdang palayan. Pero, nang nilibot niya ang kabuuan ng natapos nito, napahanga siya. Hindi niya akalaing halos matapos na iyon ng ama sa loob ng sampung taon nitong pagtratrabaho rito. Nalungkot nga siya dahil ni minsan ay hindi man lamang niya natulungan ang ama.
Sa kagustuhang niyang magkaroon ng inspirasyon upang magawa niyang tapusin ang palayan, nag-isip pa siya ng paraan kung paano maibibigay ang kahilingan ni Mutya.
Isang bato ang namataan ni Ramon. Naisip niyang espesyal iyon kaya hindi isinama ng ama sa isinalansan sa pilapil.
Korteng buwan iyon, kaya namilog ang kaniyang mga mata at bibig.
Maggagabi na nang umuwi si Ramon. Masaya siyang tumulong sa kaniyang ina sa paghahanda ng hapag.
Hindi naitago sa mag-asawa ang kasiyahan sa mukha ni Ramon. Nagtitinginan at nagngingitian na lamang ang mga ito nang palihim.
Araw-araw, maagang umaalis si Ramon. Bitbit niya ang mga gamit ng ama. Hapon na kapag umuuwi siya.
Isang hapon, pawis na pawis at hingal na hingal siyang dumating sa kanilang tahanan.
"O, anak, ano ba iyang pasan mo?" pansing bati ng kaniyang ina.
Agad ibinaba ni Ramon ang nililok niyang buwan mula sa bato. "Ireregalo ko po kay Mutya." Ngumiti siya nang napakatamis. Pakiwari niya'y matatanggap na siya ng dalaga.
"Ang galing mo, anak! Iyan ba ang bato roon sa kubo?" tanong ni Mang Tonyo.
"Opo! Pasensiya na po. Ito po ang pinagkaabalahan ko sa loob ng dalawang linggo."
Napalunok lang ang ama. Akala nito ay ipinagpatuloy ng anak ang pagtapos ng kanilang palayan.
"Bukas po, aakyat ako ng ligaw kay Mutya," ani Ramon.
"Alam kong magugustuhan niya iyan," sabi ng ina.
Tinalikuran lang sila ni Mang Tonyo.
Kinabukasan ng hapon, pinasan ni Ramon ang batong buwan patungo sa kabilang bayan. Tinawid niya ang limang ilog at tatlong bundok. Hindi niya alintana ang bigat at pagod. Halos makuba siya at lumawit ang dila. Tanging liwanag ng mga bituin at buwan ang tumatanglaw sa kaniyang dinaraanan.
Pagdating niya sa tahanan ng dalagang kaniyang iniirog, agad niyang binati ang mga magulang nito, na noon ay nasa balkonaheng kawayan. "Magandang gabi po! Gising pa po ba si Mutya?"
"Magandang gabi rin sa iyo, `iho! Mutya, may bisita ka," tawag ng ama.
"Hintayin mo lang saglit. Lalabas na iyon," payo naman ng ina.
Halos umabot sa tainga ang ngiti ni Ramon, habang hinihintay na sumungaw sa bintana si Mutya. Nabalewala ang hirap niya sa pagbubuhat dahil sa magandang pagtanggap sa kaniya ng mga magulang ng dalaga.
"Sino po ang bisita?" Agad niyang nakita si Ramon. "Ikaw pala."
"Magandang gabi, sa `yo, Mutya! May dala ako para sa `yo." Itinuro niya ang batong buwan. "Hindi ko man nasungkit, inukit ko na lang ang buwan."
Walang lumabas na salita sa bibig ng dalaga, ngunit halos malunod siya sa lungkot nang pinagsarhan lamang siya nito ng bintana.
"Pasensiya ka na sa anak namin, `iho," paumanhin ng ama.
"Sige na. Bumalik ka na lang... Kapag may tiyaga, may nilaga," dugtong ng ina.
Halos lumaylay ang balikat ni Ramon sa lupa habang buhat-buhat niya pabalik ang batong buwan.
Sa palayan tumuloy si Ramon. Doon niya na rin dinala ang inukitang bato. Sa pinakatuktok ng palayan niya iyon inilagay. Aniya, alaala iyon ng pagmamahal niya kay Mutya. Alam niyang imposible, pero abot-kamay niya lang ito.
Sa halip na magsisi, isinubsob ni Ramon ang sarili sa pagtapos ng palayan. Mula umaga hanggang hapon, naghahakot siya ng bato sa pinakamalapit na talon upang mapunan niya ang mga kulang sa pilapil.
Natutuwa naman sina Aling Chula at Mang Tonyo sa ipinamamalas niyang kasipagan. Sabi ng mga ito, wala ngang imposible. Natupad ang pangarap nilang pagbabago ng anak.
Lumipas pa ang ilang linggo at buwan, natapos na ni Ramon ang hagdan-hagdang palayan. Napadaluyan na rin niya ito ng tubig mula sa talon. Ngunit, tila hindi na niya kayang umuwi sa hapong iyon, kaya minabuti na lamang niyang matulog sa kubong naroon.
Inaapoy ng lagnat si Ramon nang gabing iyon. Pakiramdam niya'y babawiin na ng Panginoon ang kaniyang hininga. Noon niya lang naunawaan ang kaniyang mga magulang. Mahirap pala talaga ang ginagawa ng mga ito, parang imposible, pero possible.
Kinabukasan, nagdedeliryo si Ramon nang maabutan siya ng kaniyang ama.
"Anak, bubuhatin kita pababa. Iuuwi na kita sa bahay," natatarantang sabi ni Mang Tonyo.
"Mabigat po ako. Hindi ni'yo po ako kaya. Hayaan ni'yo na lang po ako rito. Gagaling ako kung gagaling. Mamamatay ako kung oras ko na."
"Huwag kang magsalita ng gan'yan! Bababa ako sa bayan. O kaya, babalik ako sa bahay, papupuntahin ko rito ang iyong ina."
"Huwag na po. Masaya na po ako kung sakaling maputol na ang hininga ko... Pakisabi po kay Mutya... mahal ko siya. Alay ko sa kaniya ang palayang ito."
"Gagaling ka, anak. Gagaling ka."
Mabilis na umalis ang ama upang humingi ng tulong.
Magtatanghali na nang may mga boses na narinig si Ramon. Pilit man niyang kilalanin, pero hindi niya magawa. Subalit nang isang pamilyar na tinig ang tumawag sa kaniyang pangalan, napadilat siya.
Nanginginig man at nanlalabo ang paningin, sinikap niyang bumangon. "Mutya?"
"Ramon, pagaling ka."
Halos mapuno ng ligaya ang puso ni Ramon sa kaniyang narinig. Parang lumakas siyang bigla. "Bakit ka naparito?"
"Naparito ako para alagaan ka... at para makita ko ang pinaghirapan mo."
"Talaga? Nagustuhan mo ba?"
"Oo. Napakasipag ninyong mag-ama. Humahanga ako sa kakayahan ninyo."
"Salamat!" Nabanaag na rin niya ang kaniyang mga magulang, gayundin ang mga magulang ni Mutya. "Bakit po maingay sa labas?"
"Narito kasi ang mga taong-bayan para makita ang ating hagdan-hagdang palayan," sagot ng ama.
"Hindi ka ba natutuwa?" tanong ng ina.
"Natutuwa po. Bigla nga po yatang akong gumaling, o." Hinipo-hipo pa niya ang kaniyang leeg at noo.
Nagtawanan naman ang dalawang pares na mag-asawa.
"Natutuwa ako dahil narito si Mutya," dugtong pa ni Ramon.
Namula ang mga pisngi ni Mutya.
"Pero nalungkot ako nang sobra dahil pinagsarhan mo ako ng bintana. Hindi ka man lang pumanaog para makita ang batong buwang inuukit ko," ani Ramon.
"Hindi naman kasi bato ang kailangan ko. Pero, dahil doon, nagawa mong tapusin ang palayang ito. Magiging maalwan na ang pamumuhay ninyo simula ngayon," paliwanag ng dalaga.
"Tama ka. Magiging maalwan na ang buhay natin... ang buhay ng pamilyang bubuuin natin."
Lalong namula ang mga pisngi ni Mutya. Nagpalakpakan naman ang mga magulang nila na tila nagsasabing itakda na ang kanilang pag-iisang dibdib.
Hindi nagtagal, naging kabiyak ni Ramon si Mutya. Kinalaunan, nabiyayaan sila ng isang sanggol na babae. Namuhay sila nang masagana sa tuktok ng hagdan-hagdang palayan, kung saan parang napakalapit nila sa buwan.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment