Followers

Wednesday, January 2, 2019

Hindi Ko Maintindihan si Ma'am

Sobrang bait at galing magturo ni Ma'am, pero madalas hindi ko siya maintindihan. 


"Ma'am, tulog na naman po si Dina," sumbong ko sa kaniya. 


"Hayaan mo na. Baka puyat lang siya."


"E, halos araw-araw po siyang ganiyan," hirit ko pa. 


"Sige, kakausapin ko siya mamaya paggising niya."


Hindi ko talaga siya maintindihan. Kung ibang guro iyon, baka ginising at pinagalitan na niya si Dina. 


Lalo na nang minsang nakitang kong ginagamot niya ang sugat ni Rigor sa tuhod. 


"Huwag kang matakot umiyak. Hindi kahinaan ang pag-iyak," sabi niya kay Rigor. "Sige ka, kapag hindi ka umiyak, mabibiyak ang eyeballs mo. Kailangan din kasing manatiling basa ang mga mata natin. Gusto mo ba iyon?"


Umiling-iling si Rigor. At kahit ayaw niyang umiyak, umiyak na lang siya. 


Hindi ko rin maintindihan nang minsang nagwala si Cassie dahil nawawala raw ang kaniyang gunting. Sigaw siya nang sigaw. Binabato niyang lahat ng mga gamit na mahawakan niya. Nabasag pa nga niya ang plorera ni Ma'am.


Pero, sa halip na pagalitan, niyakap pa siya ni Ma'am. 


"Hayaan mo na ang gunting mong iyon.  Luma na iyon. Mamaya ibibili kita. Gusto mo ba iyon?" malambing pang sabi ni Ma'am kay Cassie. 


"Opo, gusto ko po iyon!" Lumiwanag ang mukha ni Cassie. Tumigil siya sa pag-iyak. 


Bumilib naman ako kay Ma'am, pero hindi ko pa rin maintindihan. 


Si Maan naman ay madalas umiiyak. Mawala lang sa paningin niya ang kaniyang notebook, iiyak na. Kapag may hindi maganda kaming nasabi sa kaniya, papalahaw na siya ng iyak. Nakakainis siya. Ang arte na kasi minsan. 


Pero si Ma'am ay laging nakasaklolo. Siya ang nagpapatahan dito. Hindi niya ikinaiinis ang pagkamaiyakin ni Maan. 


"Mabait si Maan kaya huwag ninyo siyang paiiyakin, kung hindi kayo ang papaluin ko," madalas din niyang sabi sa aming magkakaklase. 


Hindi ko pa rin talaga maintindihan si Ma'am.


Noong nakaraang buwan, nakita ko si Miko kung paano niya kinakain ang kaniyang baon.  


"Ma'am, tingnan po ninyo si Miko. Para siyang baboy kapag kumain," pabulong kong sumbong. 


Pinagmasdan muna niya si Miko bago nagkomento. "Hayaan mo na. May bagay na gumugulo sa isipan niya."


Napahiya lang tuloy. 


Noong nakaraang Lunes, bago nagsimula ang talakayan, tinawag ni Ma'am si Luisa para sagutin ang isa sa mga tanong sa aming takdang-aralin


"Kailan binaril si Jose P.  Rizal sa Bagumbayan, Luneta ngayon?" muling tanong ni Ma'am kay Luisa. 


Nagtawanan nga kami kasi hindi halos marinig ang sagot ni Luisa dahil sa sobrang bilis niyang magsalita. 


"Tama ang sagot mo," tugon ni Ma'am. "Pero,  may itinatago kang sikreto sa akin.


"Wala po, Ma'am, wala po." Hindi makatingin si Luisa kay Ma'am. 


Hindi ko talaga maintindihan si Ma'am. 


Kanina habang nagtatalakayan, tawa nang tawa si Sandro. Kahit hindi naman masyadong nakakatawa ang sinasabi ni Ma'am o ng mga kaklase ko, hagikhik pa rin siya nang hagikhik. Nang pumiyok nga si Pamela, halos mamatay siya sa katatawa. 


Sa sobrang inis ko, sinaway ko siya. "Para kang baliw, Sandro. Tumigil ka nga! Wala namang nakakatawa, e!" Ipinarinig ko talaga iyon kay Ma'am para pagalitan siya. 


Nagulat ako nang pinandilatan pa ako ni Ma'am. "Hayaan mo na siya. Gusto niyang tumawa, e," sabi pa niya. 


"E, Ma'am, nakakasira po kasi sa pokus," tugon ko. 


"Unawain mo siya. Pasalamat ka na lang kasi masaya ka."


"Hindi ko po kayo maintindihan," sabi ko kahit napahiya na naman ako, sabay paalam sa kaniya. "Ma'am, may I go out?" Nakayuko ako kasi gusto kong maiyak.  


Matagal bago ako pinayagan ni Ma'am. At nang nasa may pintuan na ako, tinawag niya ako. 


"Pagbalik mo, Andrea, mag-usap tayo."


Hindi ko maintindihan kung bakit ako pa ang kakausapin niya. 


Uwian na nang bumalik ako sa silid-aralan. 


"Halika, mag-usap na tayo," mabait naman niyang tawag sa akin. Pero, pakiramdam ko, nakakasugat ang tingin sa akin ni Ma'am. 


Nakayuko akong lumapit. Saka ko lang siya tiningnan nang nasa harap na niya ako. 


"Gusto kitang makausap kasi sabi mo kanina, hindi mo ako maunawaan. Ano ang hindi mo maunawaan sa akin?" malumanay niyang tanong. 


Hindi ko na naman siya maintindihan. Galit ba siya o hindi? 


"Una po, bakit hinahayaan mo pong matulog si Dina sa klase? Hindi mo po siya ginigising? lakas-loob kong tanong. 


Napangiti si Ma'am bago sumagot. "Malungkot ang buhay ni Dina. Tanging sa pagtulog niya lang nakakalimutan ang mga problema niya sa pamilya. Alam mo bang naghiwalay ang kaniyang mga magulang?"


Umiling ako. Labis akong nalungkot sa nalaman ko. Naunawaan ko na si Ma'am at si Dina. 


"May tanong ka pa?"


"Si Rigor po. Pinaiiyak mo po siya habang ginagamot mo ang sugat," tugon ko. 


Natawa si Ma'am bago sumagot. "Kahinaan kasi ang hindi pag-iyak. Akala natin, matapang ang taong hindi umiiyak. Maniwala ka sa hindi, nakatutulong sa atin ang pag-iyak."


Bumilog ang mga mata ko. "Talaga po?"


"Opo. Alam mo bang sanay si Rigor sa palo at parusa mula sa mga magulang? Kaya manhid na siya sa sugat o anumang kirot."


"Nakakaawa po pala siya. Kaya pala hindi siya umiiyak kahit nasasaktan na."


"At kailangan niyang umiyak para maging matapang siya."


Naunawaan ko na si Ma'am at si Rigor. 


"May tanong ka pa?"


Ako naman ang natawa bago nagtanong. "Tungkol po kay Cassie. Hindi mo po siya pinagagalitan kapag nagwawala at nakakasira ng mga gamit. Bakit po?"


"May espesyal na pangangailangan si Cassie, na hindi maibibigay ng kaniyang pamilya."


"Ano po iyon?" tanong ko. 


"Pagmamahal."


Nanlaki ang mga mata ko. Mayaman naman kasi ang pamilya ni Cassie. "Bakit po?"


"Kulang sa atensiyon, aruga, at pagmamahal si Cassie. Mayaman sila pero walang panahon sa kaniya ang mga magulang niya."


Naunawaan ko na sina Ma'am at Cassie. 


"Alam kong may tanong ka pa," hula ni Ma'am. 


"Opo! Tungkol naman po ito kay Maan. Napakaiyakin po niya kahit maliit na dahilan, pero hindi mo po siya pinagagalitan. Katulad din ba siya ni Cassie?"


Ngumiti muna si Ma'am. "Hindi sila magkatulad. Napakainosente niya lang talaga. Ang lambot ng puso niya. Mababaw rin ang luha. Siguro, hindi pa siya kagaya mo kung mag-isip."


"A, ganoon po pala." Nanunawaan ko na sina Ma'am at Maan. 


"May tanong ka pa, alam ko," natatawang sabi ni Ma'am. 


Tumango lang ako at nagtanong na. "Hindi po ba kayo naiinis kay Miko? Parang baboy po siya kung kumain."


"Hindi ko ikinaiinis iyon. Alam ko kasi na tensiyonado si Miko."


"Ano po ba ang tensiyonado?"


"Tensiyonado, natataranta lagi. Para siyang laging may hinahabol. Alam mo naman si Miko, 'di ba?"


"Opo, gusto niyang laging nauunang matapos, magpasa ng papel o proyekto."


"Tama ka. At ayaw niya ng napag-iiwanan o nauungusan."


Naunawaan ko na si Ma'am at si Miko. 


"May dalawa pa po akong tanong," agad kong sabi kay Ma'am. 


"Sige. Ano-ano iyon?"


"Noong nagsalita nang maiksi, pero mabilis si Luisa, sinabihan mo po siya na may sikreto siya. Bakit po?"


Tumawa muna si Ma'am bago sumagot. "Ang tao kapag hindi masalita, pero mabilis magsalita, siguradong may itinatago siyang lihim. Maaaring nagsisinungaling siya o kaya may pinagtatakpan."


Tumango-tango ako. "Ganoon po pala."


"Yes! At alam mo bang hindi siya nag-aaral sa bahay o nagbabasa man lang. Iyon ang sikreto niya."


Naunawaan ko na naman si Ma'am, gayundn si Luisa. 


"Ano ang panghuli mong tanong?" sabi ni Ma'am. 


"Tungkol po kay Sandro."


"A, ang pagtawa niya sa kaunting bagay o dahilan?"


"Opo!"


"Hindi ko dapat siya pagalitan dahil ang tao raw kapag tawa nang tawa kahit mababaw na dahilan ay malungkot."


"Po? Talaga po? Ibig sabihin, itinatago po ni Sandro ang kalungkutan niya sa pamamagitan ng pagtawa?"


"Tama! Hindi ba't kamamatay lang ng kaniyang ina?"


"Opo! At hindi pa siya tuluyang nakakalimot."


Ngumiti si Ma'am habang nilalapitan niya ako. Saka inihatid niya ako sa aking upuan. Kinuha niya ang bag ko at tinulungan akong maisukbit ko sa aking mga balikat. 


"Mapalad ka kasi hindi ka kagaya nina Dina, Rigor, Cassie, Maan, Miko, Luisa, at Sandro. Hindi mo nararanasan ang mga kakaiba," mabait na sabi ni Ma'am habang hinahatid niya ako palabas ng silid-aralan. 


"Opo, Ma'am! Salamat po! Naunawaan na po kita ngayon. Pero, magiging maayos pa po ba sila?"


"Yes! Kung patuloy natin silang uunawain at pakikitaan ng mabuti, magiging maayos sila."


"Yehey! Nauunawaan ko na po sila. Magiging maayos na po sila."


Napangiti si Ma'am. Sinuklian ko iyon ng matamis na ngiti 


"Paalam, Andrea. Ingat sa pag-uwi." Kumaway pa ang mabait kong guro. 




No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...